Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 11/8 p. 8-11
  • Mapahihinto ba ang AIDS? Kung Oo, Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapahihinto ba ang AIDS? Kung Oo, Paano?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsulong sa Medisina
  • Mga Hadlang sa Paggamot
  • Ang Pagkatalo ng AIDS
  • Mga Pagsulong sa Paglaban sa AIDS
    Gumising!—2004
  • Aids—Kung Paano Lalabanan Ito
    Gumising!—1998
  • Paano Ako Makakaalpas sa mga Droga?
    Gumising!—1986
  • Gamitin ang mga Gamot sa Matalinong Paraan
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 11/8 p. 8-11

Mapahihinto ba ang AIDS? Kung Oo, Paano?

IKINAKAILA ng maraming bansa sa Aprika sa loob ng ilang panahon ang tungkol sa epidemya ng AIDS. Isa itong paksa na ayaw pag-usapan ng ilang tao. Subalit, nitong nakalipas na mga taon, pinagsikapang maturuan lalo na ang mga kabataan at palakasin ang kanilang loob sa malayang talakayan. Limitado lamang ang naging tagumpay ng mga pagsisikap na ito. Malalim na ang pagkakaugat ng mga istilo ng pamumuhay at kaugalian ng mga tao, anupat napakahirap nang baguhin ito.

Pagsulong sa Medisina

Sa larangan ng medisina, maraming natutuhan ang mga siyentipiko tungkol sa HIV at nakagawa na ng mga gamot na nagpahaba sa buhay ng marami. Mabisang ginamit ang kombinasyon ng di-kukulanging tatlong gamot na antiretroviral, na tinutukoy na napakalakas at mabisang terapi na antiretroviral.

Bagaman hindi isang lunas, matagumpay na nabawasan ng mga gamot na ito ang dami ng namamatay sa mga pinahihirapan ng HIV, lalo na sa mayayamang bansa. Idiniin ng maraming tao ang kahalagahan ng pagtutustos ng mga gamot na ito sa mahihirap na bansa. Subalit, mahal ang mga gamot at hindi kaya ng karamihan ng mga tao sa mga bansang ito.

Nagbangon ito ng isyu: Mas mahalaga ba ang kikitaing salapi kaysa sa buhay ng tao? Ganito ang pag-amin ng direktor ng programa hinggil sa HIV/AIDS sa Brazil, si Dr. Paulo Teixeira: “Hindi natin hahayaang basta mamatay ang libu-libo katao dahil sa kakulangan ng mga gamot, dahil lamang sa tubo o pakinabang na mas malaki kaysa sa karaniwang kinikita.” Sabi pa niya: “Lubha akong nababahala na hindi dapat unahin ang komersiyal na mga kapakanan kaysa sa etikal at makataong mga konsiderasyon.”

Ang ilang bansa ay nagpasiyang waling-bahala ang ilang patente ng malalaking parmasiyutikong kompanya at gumawa o umangkat ng generic na mga uri ng ilang gamot sa mas mababang halaga.a Ayon sa isang pagsusuri, “ang pinakamababang presyo [ng mga gamot na generic] ay nasumpungang 82% mas mababa kaysa sa karaniwang mga presyo sa Estados Unidos,” ang ulat ng South African Medical Journal.

Mga Hadlang sa Paggamot

Nang maglaon, nagsimulang mag-alok ang malalaking parmasiyutikong kompanya ng mga gamot para sa AIDS sa mas mababang halaga sa mahihirap na bansang nangangailangan. Inaasahan na sa ganitong paraan ay mas maraming tao ang makagagamit sa mga gamot. Gayunman, may malalaking hadlang na dapat mapagtagumpayan upang ang mga gamot na iyon ay maging madaling makuha sa mahihirap na lupain. Isa pa rin sa mga ito ang halaga. Kahit lubha nang naibaba ang presyo, masyado pa ring mahal ang mga gamot para sa karamihan ng mga tao na nangangailangan nito.

Ang isa pang problema ay hindi madali ang paraan ng pag-inom ng gamot. Maraming pildoras ang kailangang inumin araw-araw, sa espesipikong mga panahon. Kapag hindi nainom nang wasto ang mga ito o kapag naputol ang rutin ng paggagamot, maaari itong humantong sa pagkakaroon ng mga uri ng HIV na hindi na tinatablan ng gamot. Mahirap matiyak na patuloy na iinumin ng pasyente ang tamang dosis dahil sa mga kalagayan sa Aprika, kung saan kaunti ang pagkain, at kaunti ang panustos ng malinis at maiinom na tubig, at iilan ang mga pasilidad sa paggamot.

Isa pa, dapat subaybayan yaong mga umiinom ng gamot. Kung hindi tumatalab ang gamot, dapat baguhin ang kombinasyon ng mga gamot. Kailangan dito ang makaranasang mga tauhan sa paggamot, at magastos ang mga pagsusuri. Ang mga gamot ay mayroon ding masasamang epekto, at nagkakaroon ng mga uri ng virus na hindi na tinatablan ng gamot.

Noong Hunyo 2001 sa pantanging miting tungkol sa AIDS ng UN General Assembly, iminungkahi ang Global Health Fund upang tulungan ang mahihirap na bansa. Tinatayang kakailanganin ang halaga sa pagitan ng $7 bilyon at $10 bilyon. Hindi naabot ang itinakdang tunguhin ng kabuuang halaga ng salapi na ipinangakong iaabuloy para sa pondong ito.

Ang mga siyentipiko ay umaasa nang lubusan na makasumpong ng isang bakuna, at sari-saring bakuna ang sinusubok sa iba’t ibang bansa. Kahit na matagumpay ang mga pagsisikap na ito, mangangailangan pa ng ilang taon bago makagawa, masubok, at mapatunayang ligtas gamitin ang isang bakuna.

Nagkaroon ng kapansin-pansing tagumpay sa mga programa sa paggamot ang ilang bansa, gaya ng Brazil, Thailand, at Uganda. Nabawasan nang kalahati ang dami ng namamatay dahil sa AIDS sa Brazil sa pamamagitan ng paggamit ng mga gamot na ginawa roon. Ang maliit na bansa ng Botswana, na may kakayahan sa pananalapi, ay nagsisikap na mabigyan ng mga gamot na antiretroviral ang lahat ng nangangailangan sa bansa at nagsisikap na maglaan ng mahahalagang pasilidad sa pangangalaga sa kalusugan.

Ang Pagkatalo ng AIDS

Naiiba ang AIDS sa ibang mga epidemya sa isang mahalagang bagay: Ito ay maiiwasan. Kung handang sundin ng mga indibiduwal ang mahahalagang simulain ng Bibliya, sa maraming kaso, kung hindi man sa lahat, maiiwasan nilang mahawa.

Maliwanag ang mga pamantayang moral ng Bibliya. Hindi dapat makipagtalik ang mga walang asawa. (1 Corinto 6:18) Dapat maging tapat sa kanilang kabiyak ang mga may-asawa at huwag mangangalunya. (Hebreo 13:4) Ang pagsunod sa payo ng Bibliya na umiwas mula sa dugo ay tumutulong din na mapangalagaan ang isa.​—Gawa 15:28, 29.

Yaong mga nahawa na ay makasusumpong ng malaking kagalakan at kaaliwan sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa daigdig na wala nang sakit na ipinangako ng Diyos sa malapit na hinaharap at pagkatapos ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos.

Tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa dakong huli, magwawakas ang lahat ng mga kaabahan ng tao, pati na ang sakit. Ipinangako ito sa aklat ng Apocalipsis: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Ang katiyakang iyan ay hindi lamang para sa mga makabibili ng mamahaling gamot. Ang makahulang pangako ng Apocalipsis kabanata 21 ay pinatutunayan sa Isaias 33:24: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” Sa panahong iyon, ang lahat ng mabubuhay sa lupa ay susunod sa mga kautusan ng Diyos at magtatamasa ng sakdal na kalusugan. Sa gayon, ang mabilis na paglaganap ng AIDS​—at ng lahat ng iba pang mga sakit​—ay mapahihinto na magpakailanman.

[Talababa]

a Ang mga gamot na generic ay mga katulad na gamot na pinapatente ng ibang kompanya ng gamot. Legal na mapapawalang-bisa ng mga miyembrong bansa ng World Trade Organization ang mga patente ng gamot sa gipit na mga kalagayan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9, 10]

ITO ANG TALAGANG LUNAS NA HINAHANAP KO

Nakatira ako sa gawing timog ng Aprika, at ako’y 23 taóng gulang. Naaalaala ko ang araw na natuklasan kong positibo ako sa HIV.

Kasama ko ang aking nanay sa loob ng silid nang ibalita ito ng doktor. Ito ang pinakamalungkot na balitang kailanma’y narinig ko sa aking buhay. Gulung-gulo ang isip ko. Hindi ako makapaniwala. Naisip ko na baka nagkamali lamang ang laboratoryo. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin o gagawin. Gusto kong umiyak, subalit hindi ako maluha. Ipinakipag-usap ng doktor sa nanay ko ang tungkol sa mga gamot na antiretroviral at iba pang bagay, subalit sindak na sindak ako at wala akong maunawaang anumang bagay.

Natanto ko na maaaring nahawahan ako sa unibersidad kung saan ako nag-aaral. Gustung-gusto kong may makausap na makauunawa sa aking kalagayan, subalit wala akong maisip. Nakadama ako ng kawalang-halaga at kabiguan. Bagaman inalalayan ako ng aking pamilya, nawalan ako ng pag-asa at natakot. Gaya ng sinumang kabataan, napakarami kong pangarap. Dalawang taon na lamang at matatapos ko na ang aking bachelor of science degree, subalit nawasak ang pag-asang iyon.

Nagsimula akong uminom ng iniresetang mga gamot na antiretroviral at kumonsulta rin ako sa mga tagapayo tungkol sa AIDS, subalit nanlulumo pa rin ako. Nanalangin ako sa Diyos na ipakita sa akin ang tunay na Kristiyanismo bago ako mamatay. Dati akong miyembro ng isa sa mga relihiyon ng Pentecostal, subalit walang isa man mula sa simbahan ang dumalaw sa akin. Gusto kong malaman ang katotohanan hinggil sa kung saan ako magtutungo pagkamatay ko.

Isang umaga noong mga unang araw ng Agosto 1999, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa aking pinto. Mahinang-mahina ako noong araw na iyon, subalit nagawa kong maupo sa sala. Nagpakilala ang dalawang babae at sinabi nilang tumutulong sila sa mga tao upang mag-aral ng Bibliya. Kaylaking ginhawa na sa wakas ay sinagot ang aking mga panalangin. Subalit nang panahong iyon ay napakahina ko anupat hindi ako makabasa o makapagtuon ng isip nang matagal.

Gayunpaman, sinabi ko sa kanila na gusto kong mag-aral ng Bibliya, at nag-usap kami kung kailan sila babalik. Nakalulungkot nga lang, bago dumating ang panahon ng aming usapan, ako’y dinala sa isang ospital para sa mga may sakit sa isip dahil sa aking panlulumo. Pagkaraan ng tatlong linggo ay pinalabas na ako at natutuwa akong malaman na hindi ako nakalimutan ng mga Saksi. Naaalaala ko na patuloy na kinukumusta ng isa sa kanila kung ano na ang aking kalagayan. Sa pisikal na paraan, medyo gumaling na ako, at nagsimula akong mag-aral ng Bibliya sa pagtatapos ng taon. Gayunman, hindi ito madali para sa akin sapagkat pabagu-bago ang aking kalagayan. Subalit maunawain at matiyaga ang taong nagtuturo sa akin.

Naantig ako nang mapag-aralan ko sa Bibliya ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga katangian, gayundin kung ano talaga ang kahulugan ng makilala siya at asamin ang buhay na walang hanggan. Sa kauna-unahang pagkakataon, naunawaan ko rin ang dahilan ng paghihirap ng tao. Nagdulot sa akin ng malaking kagalakan na malaman ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, na malapit nang humalili sa lahat ng pamahalaan ng tao. Naudyukan ako nitong lubusang baguhin ang aking paraan ng pamumuhay.

Ito ang talagang lunas na hinahanap ko. Kaylaking kaaliwan na matanto na nagmamahal at nagmamalasakit pa rin si Jehova sa akin! Noong una, akala ko ay napopoot sa akin ang Diyos at ito ang dahilan kung bakit ako nahawahan ng sakit na ito. Subalit nalaman ko na si Jehova ay maibiging naglaan para sa kapatawaran ng kasalanan salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Pagkatapos ay nalaman ko na nagmamalasakit ang Diyos, gaya ng sinasabi sa 1 Pedro 5:7: “Ihagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”

Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya araw-araw at pagdalo sa mga pagpupulong sa Kingdom Hall, talagang nagsisikap akong maging malapít kay Jehova hangga’t maaari. Bagaman hindi ito laging madali, ibinubuhos ko ang aking mga kabalisahan kay Jehova sa panalangin at humihingi ako sa kaniya ng lakas at kaaliwan. Handa ring umalalay sa akin ang mga miyembro ng kongregasyon, kaya maligaya ako.

Regular akong nakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo kasama ng lokal na kongregasyon. Gusto kong tulungan ang iba sa espirituwal na paraan, lalo na yaong mga nasa kalagayang katulad ng sa akin. Ako’y nabautismuhan noong Disyembre 2001.

[Larawan]

Nagdulot sa akin ng malaking kagalakan na malaman ang tungkol sa Kaharian ng Diyos

[Larawan sa pahina 8]

Pangkat na nagpapayo hinggil sa AIDS sa Botswana

[Larawan sa pahina 10]

Sa Paraisong lupa, tatamasahin ng lahat ang sakdal na kalusugan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share