Mula sa Aming mga Mambabasa
Batang Nasira ang Hitsura Lubha akong naantig sa karanasan ni Mailyn. (“Isang Bagong Mukha Para kay Mailyn,” Mayo 22, 2004) Napatibay ako nang mabasa ko kung paano nilabanan ng 11-taóng-gulang na batang ito ang isang kahila-hilakbot na sakit ngunit ipinakikipag-usap pa rin sa iba ang kaniyang pag-asa na salig sa Bibliya.
M. B., Italya
Ang positibong pananaw ni Mailyn at ng kaniyang pamilya ay lubhang nakapagpatibay sa akin. Sa daigdig sa ngayon, labis-labis ang pagdiriin ng media sa personal na hitsura. Nakapagpapahina ito ng loob. Nais kong ipaalam kay Mailyn na kitang-kita ko ang kaniyang tunay na kagandahan. Umaasa ako na magkakaroon ako ng pagkakataong makigalak kasama niya kapag binigyan siya ni Jehova ng bagong mukha sa Kaniyang bagong sanlibutan. Pinalakas ako ng kaniyang pananampalataya.
M. S., Estados Unidos
Malapit na akong operahan upang alisin ang isang suso ko. Kapag lubhang naaapektuhan ang iyong hitsura dahil sa sakit, kailangan mo ng lakas ng loob at tapang upang hindi ka manlumo. Napatibay ako sa lakas ng loob at positibong saloobin ni Mailyn. Ito ang gusto kong sabihin kay Mailyn: Hangad ko ang pinakamabuti para sa iyo. Maganda ka sa aking paningin!
G. R., Pransiya
Isinilang akong bingot. Tinititigan ako ng ibang mga bata sa paaralan. Dinuduraan pa nga ako ng ilan. Naniniwala ako na ang tumulong sa akin na magkaroon ng lakas ng loob at kumpiyansa sa sarili ay ang tagubiling ibinigay sa akin ng aking ina mula sa Bibliya. Maging sa ngayon, sa edad na 31, masama pa rin ang loob ko sa aking hitsura. Kaya talagang naantig ako sa karanasan ni Mailyn. Alam ko na sa tulong ni Jehova, madaraig natin ang anumang hamon na mapapaharap pa sa atin.
T. S., Hapon
Pinatunayan sa akin ni Mailyn na hindi pisikal na hitsura ang nagbibigay ng kaligayahan at kasiyahan. Nagmumula lamang ito sa paglilingkod at pag-ibig natin sa ating Diyos. Nagsisilbing inspirasyon sa akin ang halimbawa ni Mailyn.
A. T., Pilipinas
Mapang-abusong Pagliligawan Nagpapasalamat ako sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kaya Napakasama ng Pagtrato Niya sa Akin?” (Mayo 22, 2004) Nasangkot ako sa isang mapang-abusong ugnayan. Kapag hindi maigi ang mga bagay-bagay, palaging sinasabi ng kasintahan ko na ako ang may kasalanan. Lumaki ako sa isang pamilya kung saan may karahasan at mapang-abusong pananalita, kaya waring normal sa akin ang kaniyang paggawi. Natutuwa ako na tapos na ang ugnayang iyon; ipinakita niyang hindi siya kuwalipikadong maging isang asawa.
Hindi ibinigay ang pangalan, Belize
Natulungan ako ng artikulo na ipahayag ang aking damdamin. Bago at sa panahon ng aking pag-aasawa, naranasan ko ang mga situwasyong binanggit ninyo. Dahil sa sikolohikal na karahasang naranasan ko, nawalan ako ng paggalang sa sarili. Umaasa ako na mapakikilos ng artikulo ang maraming tao na suriin ang kanilang ugnayan sa panahon ng ligawan. Kaytalino nga na kilalanin muna ang isa’t isa bago magpakasal upang maiwasan ang gayong mga problema.
M. M., Alemanya
Naglalakbay na mga Binhi Salamat sa paglalathala ng artikulong “Isang Binhi na Naglalayag sa Karagatan.” (Mayo 22, 2004) Mga ilang taon na ang nakalilipas, nakapulot ako ng isa sa gayong mga binhi sa dalampasigang malapit sa bahay ko, pero hindi ko inakala na binhi pala iyon. Nang mabasa ko ang artikulo, manghang-mangha ako sa pagkaalam na ang pinulot ko palang binhi ay maaaring naglakbay mula pa sa Sentral o Kanlurang Aprika! Maraming salamat sa paghahanda ng gayong kawili-wiling mga artikulo.
M. K., Hapon