“Mababago Pa Kaya ang mga Bilanggo?”
Iyan ang tanong na iniharap sa pabalat ng Mayo 8, 2001, isyu ng “Gumising!” Maraming mambabasa ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa seryeng ito ng mga artikulo, na may kalakip na ulat hinggil sa salig-Bibliyang programa ng pagtuturo na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa pambansang bilangguan sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Ang mga sumusunod ay hinalaw sa maraming liham na natanggap.
◼ “Sa walong taon kong pagkabilanggo, nakita ko na talagang matagumpay ang gawaing pagtuturo ng Bibliya na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa mga bilangguan. Noong ako ay nakabilanggo pa sa Atlanta, nagkapribilehiyo akong makatrabaho ang lima sa mga binanggit ninyo sa inyong artikulo. Lubos kong pinahahalagahan ang kanilang pag-ibig at suporta. Pinasasalamatan ko ang ganiyang uri ng mga kapatid, na nagpapakita ng pag-ibig sa mga tulad namin na nagkamali ngunit nagsisikap na ituwid ito at maging mas mabubuting tao.”—R. J.
◼ “Kasalukuyan akong nasa isang bilangguan, at nakapagsaayos dito ng kahanga-hangang programa ng pagtuturo ang mga kapatid mula sa lokal na Kingdom Hall. Bilang resulta, isang kapuwa bilanggo ang nabautismuhan, at ako naman, bagaman natiwalag sa kongregasyong Kristiyano, ay nakabalik na ngayon. Marami pang ibang bilanggo ang nakikipag-aral ng Bibliya. Nakapagpapasiglang malaman na bahagi kami ng isang pangglobong gawain sa pagtuturo. Kayganda ngang maglingkod kay Jehova, saanman tayo naroroon!”—J. M.
◼ “Noong 1970, nabilanggo ako dahil sa krimeng hindi ko ginawa. Labing-apat na taon akong nagdusa sa bilangguan. Samantalang nakabilanggo, nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga ako sa kanilang katapatan at pagmamalasakit. Nang makalaya ako, nagpatuloy ako sa pag-aaral at di-nagtagal ay nabautismuhan. Kung minsan, nasisiphayo pa rin ako at nagagalit sa kawalang-katarungang tiniis ko. Ngunit pinaaalalahanan ko ang aking sarili na sa malapit na hinaharap, wawakasan na ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungan at pagdurusa. Mababago pa ang mga bilanggo kung ikakapit nila ang mga tagubilin na masusumpungan sa Bibliya. Mapahahalagahan din nila ang mga pagsisikap ng ating masisipag na kapatid na gumugugol ng panahon upang tulungan sila. Pinahahalagahan ko ito!”—R. S.
◼ “Naninigarilyo ako, gumagamit ng droga, nagmumura, at walang paggalang sa awtoridad nang ako ay mabilanggo. Miyembro rin ako ng isang gang. Bukod sa lahat ng iyan, natiwalag ako sa kongregasyong Kristiyano. Nakapanumbalik na ako ngayon, at mahusay ang pagsulong ko. Dahil sa katotohanan, nadama kong malaya na ako!”—I. G.