Kawalan ng Tirahan—Isang Pangglobong Problema
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
“NANGANGAMOY, nanlilimahid na mga lasenggo—walang ari-arian, walang pagkakakilanlan, walang-wala!” Nakagugulat na paglalarawan iyan, subalit ayon sa mga boluntaryong tumutulong sa mga walang tirahan sa Czestochowa, Poland, ganiyang-ganiyan ang kadalasang tingin ng mga tao sa mga walang tirahan.
Ayon sa ulat ng The Economist nitong nakalipas na mga taon lamang, marami sa libu-libong batang lansangan sa lunsod ang naninirahan sa ilalim ng mga kalsada sa Ulaanbaatar, Mongolia, sa umaalingasaw na mga lagusan patungo sa imburnal o sa sistema ng pagpapainit ng mga gusali sa lunsod. Bagaman nabigla ang mga taga-Mongolia nang mabalitaan ang tungkol sa mga batang ito na walang tirahan, iniisip nila na gayon ang situwasyon “dahil napakatamad ng mga tao anupat hindi nila maalagaan ang kanilang mga anak,” ang sabi ng magasin.
Sa kabilang panig ng daigdig, ang mga batang lansangan ay pinapatay ng mga death squad na nag-aangking tagapagpatupad ng batas bagaman wala silang awtorisasyon (vigilante). Bakit? Ganito ang paliwanag ng isang publikasyon ng United Nations: “Sa Latin Amerika, maraming tao sa hudikatura, pulisya, media, negosyo, at lipunan sa pangkalahatan ang naniniwalang banta sa moralidad ng isang sibilisadong lipunan ang mga batang lansangan.” Sinabi pa ng publikasyong iyon: “Katamtamang tatlong batang lansangan ang iniulat na pinapatay diumano araw-araw sa estado ng Rio de Janeiro.”
“Kinatatakutan natin [ang mga taong walang tirahan] at hindi mapanatag ang loob natin dahil sa kanila . . . , subalit mga tao rin sila na nakadarama ng hapdi ng gutom gaya natin. Marami sila, at talagang nagdarahop.” Ganiyan ang isinasaad sa isang Web page na ginawa ng mga boluntaryong tumutulong sa mga walang tirahan sa Czestochowa. Ganito pa ang sinabi sa reperensiyang iyon: “Umaasa kami na . . . may mga taong tutugon sa malaking pangangailangang ito.” Ano ba ang talagang pangangailangan, at gaano katindi ito?
[Larawan sa pahina 2, 3]
Isang grupo ng mga batang walang tirahan ang nakatira sa ilalim ng lagusang ito
[Credit Line]
Jacob Ehrbahn/Morgenavisen Jyllands-Posten