Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/08 p. 3-4
  • Talaga Bang Lumalala Na ang Krimen?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga Bang Lumalala Na ang Krimen?
  • Gumising!—2008
  • Kaparehong Materyal
  • Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
    Gumising!—1998
  • Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?
    Gumising!—1986
  • Nagsisikap na Lutasin ang Krimen
    Gumising!—1996
  • Nasaan ang Bansang Walang Krimen?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2008
g 2/08 p. 3-4

Talaga Bang Lumalala Na ang Krimen?

◼ Pinagbabaril ng isang armadong kabataang may sakit sa isip ang kaniyang mga guro at kapuwa estudyante sa kanilang paaralan.

◼ Dinukot ang isang batang babae, anupat nagdulot ito ng di-mailarawang pagkabalisa sa kaniyang mga magulang.

◼ Inamin ng isang tin-edyer na pumatay siya ng isang tao para lang sa kasiyahan at na ipinakita niya ang bangkay sa kaniyang mga kaibigan, na inilihim naman ang krimen sa loob ng ilang linggo.

◼ Ginagamit ng isang pedopilya ang internet upang makipagpalitan ng mga tip sa ibang pedopilya kung paano aakitin ang mga bata.

ILAN lamang ang mga ito sa nakagigimbal na mga krimeng laman ng mga balita sa ngayon. Panatag ka bang lumabas ng bahay, lalo na sa gabi? Naranasan mo na ba o ng iyong pamilya na maging biktima ng isang krimen? Milyun-milyong tao sa buong daigdig​—maging sa mga bansang noo’y itinuturing na ligtas​—ang nagsasabing parati silang ginigiyagis ng takot sa krimen at karahasan. Pansinin ang sumusunod na mga ulat mula sa ilang bansa.

HAPON: Ganito ang ulat ng Asia Times: “Noon, isa ang Hapon sa pinakaligtas na mga bansa sa daigdig . . . Subalit ngayon, ang pakiramdam ng mga tao ay hindi na sila ligtas sa sarili nilang bansa, at napalitan na ng matinding pangamba sa krimen at pangglobong terorismo ang kapanatagan ng marami.”

LATIN AMERIKA: Sinasabi ng ilang prominenteng tao sa Brazil na lalala ang mga kaguluhang dulot ng mga gerilya sa lunsod ng São Paulo, ayon sa isang ulat noong 2006. Dahil ilang linggo nang may karahasan sa iba’t ibang lugar, kaagad na nagpadala ang presidente ng bansa ng mga sundalo para magbantay sa mga lansangan ng lunsod. Sa Sentral Amerika at Mexico, “nakaalerto ang mga awtoridad dahil may di-kukulangin sa 50,000 kabataan na miyembro ng mga gang,” ang sabi ng isang ulat sa pahayagang Tiempos del Mundo. “Noon lamang 2005,” dagdag ng pahayagan, “mga 15,000 katao ang napatay ng mga gang na binubuo ng mga kabataan sa El Salvador, Honduras, at Guatemala.”

CANADA: “Napansin ng mga . . . eksperto hinggil sa krimen ang nakababahalang pagdami ng mga gang,” ang sabi ng USA Today noong 2006. “Natukoy ng mga pulis na may 73 gang sa mga lansangan ng Toronto.” Sinabi rin ng ulat na iyon na inamin ng hepe ng pulisya sa Toronto na hindi madaling sugpuin ang lumalalang problema sa pagdami ng mga gang sa lunsod.

TIMOG APRIKA: Sinipi ng Financial Mail ang sinabi ni Patrick Burton, isang mananaliksik hinggil sa krimen: “Apektado ng pagkatakot sa krimen ang buhay ng mga kabataan sa Timog Aprika.” Ayon sa pahayagan, kasama sa mga kinatatakutan ng mga kabataan ang “mararahas na krimeng tulad ng armadong pagnanakaw, hijacking, at pagnanakaw sa mga bangko.”

PRANSIYA: Maraming nakatira sa mga pabahay ng pamahalaan ang araw-araw na natatakot sa tuwing “umaakyat sila sa mga hagdanang nasira dahil sa bandalismo, pumupunta sa mga paradahang naging mapanganib, at sumasakay sa pampublikong transportasyon na delikado nang sakyan pagkagat ng dilim.”​—Guardian Weekly.

ESTADOS UNIDOS: Lalo pang lumalago ang krimen dahil sa pagdami ng mga gang. Ayon sa isang ulat ng The New York Times, ipinakita ng surbey ng pulisya sa isang estado na halos 17,000 kabataang lalaki at babae ay miyembro ng isa sa mga 700 gang. Nangangahulugan ito na sa loob lamang ng apat na taon, mga 10,000 ang nadagdag na miyembro sa mga gang sa lugar na ito.

BRITANYA: May kinalaman sa isang report ng UNICEF hinggil sa epekto ng krimen sa mga bata, ganito ang sabi ng The Times ng London: “Parami nang paraming kabataan sa Britanya ang nababaril at namamatay. . . . Pabatá nang pabatá ang mga gumagamit ng baril sa paggawa ng krimen at ang mga nagiging biktima nito.” Biglang tumaas ang bilang ng mga nakakulong sa Inglatera at Wales at sa ngayon ay umabot na ito sa halos 80,000.

KENYA: Ayon sa isang balita, isang mag-ina na hindi agad nakalabas sa kanilang sasakyan ang binaril ng mga magnanakaw ng sasakyan sa isang abalang haywey. Naging kilala ang Nairobi, ang kabisera ng Kenya, sa lahat ng uri ng krimen, kasama na ang pagnanakaw ng sasakyan, panghoholdap, at marahas na panloloob sa mga tahanan.

Masusugpo pa kaya ang krimen? Ano ba ang pangunahing sanhi ng krimen? At may dahilan ba para umasa na balang-araw, makapamumuhay nang mapayapa at tiwasay ang mga tao? Susuriin ng susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share