Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/08 p. 16-18
  • Komportable sa Niyebe

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Komportable sa Niyebe
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Buhay sa Ilalim ng Niyebe
  • Bumubulusok sa Niyebe!
  • Pagsusuot ng Kanilang Pangginaw
  • Niyebe
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Pumasok Ka Ba sa Tipunan ng Niyebe?”
    Gumising!—1985
  • Isang Kumot ng Taglamig
    Gumising!—1996
  • Kilalanin ang Mahiwagang Snow Leopard
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2008
g 2/08 p. 16-18

Komportable sa Niyebe

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND

KUNG walang angkop na pananamit at sapatos, ang mga tao ay mahihirapan nang husto at maaaring mamatay pa nga sa napakalamig na klima kapag nagyeyelo sa dulong hilaga ng lupa. Pero anuman ang panahon, tuloy pa rin ang buhay para sa maraming hayop. Dahil sa komportable at makakapal na balahibo ng mga hayop, napoprotektahan sila mula sa malamig na hangin. Pero nakakatulong din sa kanila ang kahanga-hangang disenyo ng niyebe upang makayanan nila ang matinding lamig.

Ang niyebe ay singaw ng tubig na namuo at naging mga yelong kristal. Kapag natunaw ito, ang 25 sentimetro ng niyebe ay katumbas ng 2.5 sentimetro ng tubig. Ito ay dahil maraming hangin ang naipon sa pagitan ng mga yelong kristal. Ang kahanga-hangang disenyong ito ng niyebe ang dahilan kung bakit mainam itong proteksiyon laban sa matinding lamig anupat naiingatan ang mga binhi at halaman hanggang sa sumapit ang tagsibol. Sa panahong iyon, unti-unting natutunaw ang makapal na niyebeng tumatakip sa lupa. Dinidilig nito ang lupa at umaagos sa mga batis.

Buhay sa Ilalim ng Niyebe

Sari-saring maliliit at mabalahibong mga hayop ang nagtatakbuhan araw-araw sa pasikut-sikot na mga lagusan sa ilalim ng niyebe, kadalasan nang para maghagilap ng pagkain. Kasama rito ang mga lemming, vole, at shrew​—maliliit na hayop na kumakain ng insekto at karaniwan nang aktibo sa gabi. Madalas namang nakikitang nagtatakbuhan ang mga daga sa ibabaw ng niyebe para maghanap ng mga beri, nuwes, buto ng halaman, at malalambot na balat ng punungkahoy.

Paano napananatili ng maliliit na hayop na ito ang tamang temperatura ng kanilang katawan? Bukod sa makakapal na balahibo, karamihan sa mga ito ay may mabilis na metabolismo na siyang dahilan kung bakit mainit ang kanilang katawan. Dahil dito, kailangan nilang kumain ng marami. Halimbawa, halos kasimbigat ng shrew ang dami ng kinakain niyang insekto at uod araw-araw. Sa katunayan, mas malakas pa ngang kumain ang pinakamaliit na uri nito​—ang pygmy shrew​—dahil mas mabigat pa sa kaniya ang dami ng kinakain niya! Kaya kapag gising sila, wala silang ginagawa kundi maghanap ng pagkain.

Ang maliliit na hayop na ito ay paborito namang kainin ng mga maninila, kasali na rito ang mga kuwago at ang dalawang uri ng weasel​—ang ermine at least weasel. Palibhasa’y mahaba at maliksi ang mga weasel, kayang-kaya nilang lumusot sa pasikut-sikot na mga lagusan sa ilalim ng niyebe para maghanap ng makakain. Hinuhuli nila kahit ang mga kuneho na mas malalaki sa kanila.

Ang mga kuwago ay naghahanap din ng masisila. Napakatalas ng pandinig ng great gray owl, isang uri ng kuwago, anupat kaya nitong marinig ang isang vole na gumagalaw sa ilalim ng niyebe​—basta hindi masyadong makapal ang niyebe. Minsang matunton ng kuwago ang kaniyang sisilain, bubulusok ito sa niyebe. Mabilis nitong susunggaban at tatangayin ang walang-kalaban-labang biktima gamit ang kaniyang tulad-plais na paa. Gayunman, kapag makapal ang niyebe, magugutom at maaari pa ngang mamatay ang maraming maninila, samantalang masyado namang darami ang maliit na mga hayop na kinakain nila.

Kaya para hindi magutom sa panahon ng taglamig, maraming hayop ang kain nang kain at nagpapataba sa mga buwan na wala pang niyebe. Gayunman, may makukuha pa rin namang pagkain. Halimbawa, kinakain ng mga moose ang murang sanga ng mga punungkahoy, lalo na ang sanga ng pino. Kinakain naman ng mga squirrel ang kanilang nakaimbak na masusustansiyang buto, at nginangatngat naman ng mga kuneho ang malambot na balat, sanga, at supang ng mga puno. May ilang uri ng ibon na kumakain ng mga beri at maliliit na sanga ng pino na tumigas dahil sa lamig.

Bumubulusok sa Niyebe!

May ilang ibon na nakikinabang sa proteksiyong naidudulot ng niyebe laban sa lamig habang nagpapahinga sila sa araw o natutulog sa gabi. Kasali rito ang hazel hen, black grouse, at ptarmigan, pati na ang maliliit na ibong gaya ng maya, linnet, at bullfinch. Kapag makapal at buhaghag ang niyebe, ang ilang ibon ay basta na lamang bubulusok dito gaya ng ginagawa ng mga ibong-dagat sa tubig. Kaya naman, walang naiiwang bakas ng kanilang mga paa na makikita o maaamoy ng mga maninila.

Kapag nasa loob na ng bunton ng niyebe ang mga ibon, nagkakahig ang mga ito upang makagawa ng pahalang na lungga na halos isang metro ang haba. Ang lunggang ito ay tinatawag na kieppi sa wikang Pinlandes. Kinabukasan, dahil sa hangin, natabunan na ang anumang bakas ng mga hayop na nagtatago sa ilalim. Kapag napalapit ang mga taong dumaraan sa pinagtataguan ng mga ibong iyon, naaalarma ang mga ibon dahil sa ingay na likha ng pagtapak ng mga tao sa niyebe. Siguradong magugulat ang walang kamalay-malay na dumaraan kapag sumambulat ang niyebe dahil sa biglang paglipad ng nabulabog na mga ibon!

Pagsusuot ng Kanilang Pangginaw

Habang nagbabago ang klima, nagbabago rin at kumakapal ang balahibo ng ilang hayop sa artiko. Nagiging kakulay ito ng niyebe at nagsisilbing pangginaw nila sa taglamig. Sa Finland, kumakapal at nagiging puti o mamuti-muti ang balahibo ng arctic fox, blue hare, at ilang uri ng weasel sa panahon ng taglagas.

Gayundin, ang batik-batik na balahibo ng ptarmigan kapag tag-araw ay nagiging makinang na puti sa panahon ng taglamig. Kumakapal at dumarami rin ang balahibo nila sa paa na nagsisilbing “sapatos na pangniyebe.” Kapag nagpapalit ng balahibo, ang ilang hayop ay naiingatan mula sa mga maninila dahil sa nagbabago rin ang kanilang kulay at nagiging kakulay sila ng lupa na bahagyang natatakpan ng niyebe.

Napag-isip-isip mo na ba kung bakit maraming ibon ang nakalalakad sa niyebe o yelo nang hindi giniginaw o nahihirapan kahit walang anumang proteksiyon sa paa? Ang kanilang mga paa ay likas na dinisenyo na manatiling mainit. Dahil sa kahanga-hangang disenyong ito, dumadaloy ang mainit na dugo mula sa puso patungo sa kanilang mga paa upang palitan ang malamig na dugo nito.

Oo, hindi lamang basta nakakayanan ng mga nilalang ang temperatura sa pinakamalamig na mga dako ng lupa hanggang sa pinakamainit na mga lupain kundi dumarami pa nga sila. Ang mga lalaki’t babae na nakakatuklas at nakakakuha ng litrato ng gayong mga nilalang ay karaniwan nang pinararangalan sa kanilang pagsisikap​—at angkop lamang ito! Di-hamak na lalo nating dapat papurihan ang Maylalang ng kamangha-manghang mga nilalang na ito! Ganito ang sinasabi ng Apocalipsis 4:11: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

Kristiyano sa Lahat ng Panahon!

Sa panahon ng taglamig, ang mga Saksi ni Jehova sa Finland ay nagsusuot ng pangginaw para maipagpatuloy ang kanilang gawain sa kongregasyon at sa ministeryo. Masayang nagbibiyahe sa malalayong lugar ang ilang Saksi upang makadalo sa kanilang mga Kristiyanong pagpupulong. Sa katunayan, hindi bumababa ang bilang ng dumadalo sa mga pagpupulong na ito sa mga lalawigan kahit sa mahabang panahon ng taglamig. Abala rin ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pangangaral. Oo, itinuturing nilang isang pribilehiyo ang magpatotoo hinggil sa Maylalang, ang Diyos na Jehova, anupat handa silang lumabas sa kanilang mga komportableng tahanan upang makibahagi sa paghahayag ng kaniyang Kaharian.​—Mateo 24:14.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mga “petrel” sa loob ng lungga

[Credit Line]

By courtesy of John R. Peiniger

[Larawan sa pahina 16, 17]

“Ermine”

[Credit Line]

Mikko Pöllänen/Kuvaliiteri

[Larawan sa pahina 17]

Mga swan

[Larawan sa pahina 17]

Kuneho

[Larawan sa pahina 17]

“Arctic fox”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share