Nakakatulong o Nakakasamâ?
Isang drayber ang nawalan ng kontrol sa manibela at bumangga sa isang poste. Malubhang nasugatan ang isang pasahero. Agad tumawag ang drayber sa kaniyang cellphone para humingi ng tulong. Pero bakit siya nawalan ng kontrol? Nalingat kasi siya nang sagutin niya ang kaniyang cellphone.
GAYA ng ipinakikita ng halimbawang ito, maaaring makatulong o kaya’y makasamâ ang mga produkto ng makabagong teknolohiya—depende sa paggamit natin dito. Gayunman, kahit maaari itong makasamâ, iilan lang ang gustong bumalik sa makalumang mga kagamitan. Kasi sa tulong ng computer at Internet, madali na ngayong mamilí at makipagtransaksiyon sa bangko. Puwede na rin ngayong makipag-ugnayan sa iba sa pamamagitan ng e-mail, voice mail, o video link.
Noon, kapag naghiwa-hiwalay ang mga miyembro ng pamilya sa umaga, sa gabi na uli sila magkakausap-usap. Pero ngayon, “70% ng mga mag-asawang may mga cellphone ang nagtatawagan araw-araw para lamang mangumusta, 64% ang nagtatawagan para ipaalam sa isa’t isa ang kanilang iskedyul, at 42% ng mga magulang ang tumatawag araw-araw sa kanilang mga anak,” ang ulat ng USA Today.
Huwag Hayaang Makasamâ
Nakakasamâ ba ang sobra at maling paggamit ng teknolohiya? Pansinin ang halimbawa ng isang mag-asawang bagong kasal sa isang bansa sa Kanluran. Ayon sa isang ulat, “lagi silang magkausap sa cellphone—sa kanilang kotse, sa gym, at sa loob mismo ng bahay nila.” May panahong umabot sa 4,000 minuto—mahigit 66 na oras—ang naubos nila sa pakikipag-usap sa cellphone sa isang buwan, at sinabi nila na hindi nila kayang mabuhay kung wala ang kanilang cellphone. Ayon kay Dr. Harris Stratyner, isang espesyalista sa isip, makikita sa kanila ang “karaniwang palatandaan ng isang adik. . . . Para bang nakadepende sa isang gadyet ang relasyon nila.”
Baka isipin mong sobra naman ang halimbawang iyan, pero ganiyan na talaga ang nangyayari. Para sa marami, hindi nila kayang mabuhay kahit isang oras lang, kung walang komunikasyon. “Kailangan naming laging i-check ang e-mail namin, mag-Internet, at makipag-chat sa mga kaibigan,” ang sabi ng isang babae na mahigit 20 anyos.
“Kung nauubos na ang panahon mo [sa elektronikong mga kagamitang ito] at dito na umiikot ang iyong buhay, anupat wala ka nang ibang gustong gawin, palatandaan iyan na may mali sa iyo,” ang sabi ni Dr. Brian Yeo sa The Business Times of Singapore. Ang mga taong puro na lang gadyet ang inaatupag ay karaniwan nang kulang sa ehersisyo, o hindi pa nga nag-eehersisyo. Dahil dito, posible silang magkaroon ng sakit sa puso, diyabetis, o iba pang malubhang sakit.
Puwede rin itong maging sanhi ng aksidente. Halimbawa, ipinakikita ng isang kamakailang pag-aaral na ang pagmamaneho habang nakikipag-usap sa cellphone, hawak man ito o hindi, ay walang ipinagkaiba sa pagmamaneho nang lasing! Nakakamatay rin ang pagtetext habang nagmamaneho, at ipinakikita ng surbey na mga 40 porsiyento ng mga drayber na edad 27 pababa ang nagtetext habang nagmamaneho. Bukod diyan, kung natutukso kang magtext o tumawag habang nagmamaneho, tandaan na kapag naaksidente ka, aalamin ng mga pulis at ng kompanya ng insurance kung gumamit ka ng cellphone bago ang aksidente. Ang isang tawag o isang text ay maaaring mangahulugan ng buhay o malaking gastos!a Sa isang aksidente ng tren na kumitil ng 25 buhay sa California, E.U.A., noong 2008, natuklasan ng mga imbestigador na nagtetext ang drayber nito bago ito bumangga. Hindi tuloy siya nakapagpreno.
Dahil nauuso na ang cellphone, computer, at mga portable media player sa mga bata, kailangang matuto silang maging responsable at matalino sa paggamit ng mga ito. Paano sila matutulungan? Pakisuyong basahin ang sumusunod na artikulo.
[Talababa]
a Lahat ng nagsisikap na sumunod sa turo ng Bibliya ay dapat mag-ingat na hindi maagaw ng anumang bagay ang kanilang pansin kapag nasa mga sitwasyong buhay ang nasasangkot.—Genesis 9:5, 6; Roma 13:1.
[Larawan sa pahina 5]
Nauubos ba ang panahon mo sa mga gadyet?