1. Maging Matalino sa Pamimili
MALIBANG ikaw ang nagtatanim ng kinakain mo, ang pagkain mo ay malamang na galing sa palengke o supermarket. Kapag namimili ka, paano ka makakapili at makakabili ng nakapagpapalusog na pagkain?
● Planuhin kung kailan bibilhin ang pagkain.
“Unahing bilhin ang mga pagkaing hindi nasisira,” ang payo ng Food Safety Information Council ng Australia. “Huling bilhin ang mga pagkaing nakalagay sa refrigerator at freezer.” Kung gusto mo naman ng lutong pagkain, bilhin ito kapag pauwi ka na.
● Tiyaking sariwa ang bibilhin.
Kung posible, sariwang pagkain ang bilhin.a Si Ruth, isang inang taga-Nigeria at may dalawang anak, ay nagsabi: “Madalas, namimili ako sa palengke sa madaling-araw, kasi mas sariwa ang paninda.” Si Elizabeth, na taga-Mexico, ay sa palengke rin namimili. “Doon kasi, sariwa ang nabibili kong prutas at gulay, at nakakapili pa ako,” ang sabi niya. “Palaging bagong-katay na karne ang binibili ko. At inilalagay ko sa freezer ang hindi ko pa lulutuin.”
● Inspeksiyunin ang pagkain.
Tanungin ang sarili: ‘Maayos ba ang balat ng gulay o prutas? Wala bang kakaibang amoy ang karne?’ Kung naka-pack na ang pagkain, inspeksiyunin ang lalagyan. Kapag may sira kasi ito, puwedeng mapasok ng baktirya ang pagkain.
Si Chung Fai, na sa isang supermarket sa Hong Kong namimili ng pagkain, ay nagsabi: “Mahalaga ring tingnan ang expiration date sa lalagyan.” Bakit? Nagbabala ang mga eksperto na kahit maayos pa ang hitsura, amoy, at lasa ng “expired” na pagkain, puwede pa rin itong magdulot sa iyo ng sakit.
● Ibalot nang maayos.
Kung ang gamit mo ay reusable na shopping bag o kaya’y basket na plastik, hugasan ito nang madalas sa mainit na tubig na may sabon. Ihiwalay ng lalagyan ang karne at isda para hindi nito marumhan ang ibang pagkain.
Sina Enrico at Loredana, mag-asawang taga-Italya, ay namimili lang sa malapit. “Gano’n ang ginagawa namin para hindi na ibibiyahe nang malayo ang pagkain at hindi ito masira,” ang paliwanag nila. Kung higit sa 30 minuto bago ka makarating ng bahay, ilagay ang pinalamig o frozen na pagkain sa isang bag o lalagyan na may insulasyon para manatili itong malamig.
Sa susunod na artikulo, alamin kung paano mo naman mapananatiling ligtas ang mga pagkaing nabili mo pagdating sa bahay.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Tip #1—Kumain Nang Tama,” sa Gumising! ng Marso 2011.
[Kahon sa pahina 4]
SANAYIN ANG MGA ANAK: “Tinuturuan ko ang mga anak ko na tingnan ang expiration date ng mga naka-pack na pagkain, gaya ng pangmeryenda, bago nila bilhin iyon.”—Ruth, Nigeria