USA, BABAING
[sa Heb., ʼai·ya·lahʹ; ʼai·yeʹleth; sa Ingles, hind].
Ang babaing usa ay kabilang sa pamilyang Cervidae. Ito’y isang balingkinitan at magandang hayop, matatakutin, matatag ang paa, at matulin. Kapag kagampan na, ang babaing usa ay pumupunta sa mga kubling dako ng kagubatan upang doon manganak. Pagkatapos ay nananatili itong nakabukod, anupat magiliw na inaalagaan at pinoprotektahan ang mumunting mga usa hanggang sa kaya na nilang pangalagaan ang kanilang sarili.—Job 39:1; Aw 29:9.
Ginamit ang maamo at magandang babaing usa sa matitingkad na paglalarawan ng Bibliya. (Kaw 5:18, 19; Sol 2:7; 3:5; tingnan ang GASELA.) Binanggit ang bilis at katatagan ng paa ng hayop na ito, anupat natatakasan nito ang kaniyang mga kaaway. (2Sa 22:1, 34; Aw 18:32, 33; Hab 3:19) Posibleng tinutukoy ni Jacob ang husay at bilis sa pakikipagdigma nang makahula niyang ilarawan ang tribo ni Neptali bilang “isang balingkinitang babaing usa.” (Gen 49:21) Nang ang salmista ay mawalan ng kalayaang makaparoon sa santuwaryo, inihambing niya ang kaniyang pananabik sa Diyos sa pananabik ng babaing usa para sa mga batis ng tubig. (Aw 42:1-4) Ipinakita ang kalubhaan ng mga tagtuyot sa Juda sa pamamagitan ng paglalarawan sa isang babaing usa na umiwan sa kaniyang bagong-silang na anak, na kabaligtaran ng bantog na pagkalinga nito sa kaniyang supling sa ilalim ng normal na mga kalagayan.—Jer 14:1, 2, 5.