“Pagsulong ng Kaharian” na mga Kombensiyon—Anong Saganang mga Espirituwal na Piging!
SI Jehova ay nangako na ‘ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging isang malakas na bansa.’ Siya mismo ang ‘magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.’ (Isaias 60:22) At sa mga ilang bansa sapol noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga tagapangaral ng Kaharian ay dumami nang makalibo. Sa mismong araw na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay dumaranas ng kamangha-manghang mga pagsulong sa Brazil, Italya, Hapon, Mexico, oo, sa palibot ng buong mundo. Anong pagkaangkup-angkop, kung gayon, na ang mga asambleang idinaos kamakailan ay tawaging “Pagsulong ng Kaharian’’ na mga Kombensiyong Pandistrito!
Higit na mahalaga kaysa pagdami nila sa bilang, mangyari pa, ay ang saganang espirituwal na mga pagpapala na ating tinatamasa bilang mga Saksi ni Jehova. At anong pagkarami-rami ang ating tinamasa sa kombensiyong ito! Ang pagrerepaso sa mga tampok na bahagi ng programa ay dapat magpanariwa ng mga pagpapalang ito sa ating mga kaisipan, pagalakin ang ating mga puso, at palakasin ang ating determinasyon na ikapit ang maiinam na payo.
Ang Pangkalahatang Naibunga
Sa Estados Unidos lamang, 117 kombensiyon ang ginanap. Lahat-lahat ay mayroong 1,159,898 ang dumalo (35,828 ang kahigitan kaysa noong nakaraang taon), at 10,625 ang nabautismuhan. Ang apat na araw ay punô ng espirituwal na piging at pagsasaya, at ang programa ay tulad sa isang trumpeta na tumutunog at nagpapahatid ng mga patalastas—mga payo buhat sa Kasulatan upang palakasin ang puso at budhi.
“Ang mga pahayag ay nakatuon sa lahat ng pitak ng buhay,’’ sabi ng isang kombensiyonista. Narinig din doon ang mga komento na gaya nito: ‘Nang kami’y nasa tahanan na, higit pa ang dapat kong pag-isipan kaysa aking pinag-isipan noong mga nakaraang kombensiyon.’ “Sa tuwina’y waring ang kombensiyon sa taóng ito ay lalong magaling kaysa noong nakaraang taon, ngunit ang kombensiyon sa taóng ito ang pinakamagaling!’’ Oo, ang programa ay tunay na pambihira.
Ang mga kombensiyong ito ay nag-anunsiyo rin ng pangalan at Kaharian ni Jehova. Halimbawa, ito’y naisagawa nang maraming mga tagapagbalita ng Kaharian ang makibahagi sa paglilingkod sa larangan noong hapon ng Biyernes. At ang media ay hindi rin nagkulang ng pagbabalita ng kombensiyon. Ang mga pahayagan, radyo, at mga balita sa telebisyon ay nakatuon sa mga aktibidades ng kombensiyon at sa mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova.
“Ang Munti ay Magiging Isang Libo’’
Batay sa Isaias 60:22, ito ang tema ng unang araw. Ang pahayag na “Makinig at Magpakatalino sa Iyong Kinabukasan’’ ay nagpayo sa mga kombensiyonista na makinig sa payo na lalo nang kapit sa kanila at ikapit ang mga punto pagka sila’y nakauwi na. (Kawikaan 19:20) At dumating ang pahayag ng tserman na “Sama-samang Ipagbunyi Natin ang Pangalan ng Diyos,’’ na doo’y tinalakay ang Awit 34. Ang pagbubunyi sa pangalan ni Jehova ay nangangahulugan ng pagpupuri doon sa gitna ng lahat ng kalagayan at pagpapakita ng paggalang sa lahat ng mga paglalaang espirituwal ng Maylikha. At anong laking pasasalamat natin sa napakainam na espirituwal na paglalaan na ibinibigay sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon!
Nakagagalak-puso ang bahagi na “Pagpapahayag sa mga Gawa ni Jehova sa Susunod na Lahi.’’ Sa loob ng maraming mga taon, ang mga nakatatandang kapatid natin ay nakaranas ng kabutihan ng Diyos at samakatuwid marami silang masasabi sa mga nakababata. Ang matatandang mga Saksi ay hindi rumiritiro. Aba, lahat ng miyembro ng Lupong Tagapamahala ay patuloy na totoong masigasig bagamat ang kanilang mga edad ay mula sa 59 hanggang 91 mga taon! Bukod pa riyan, ang mga halimbawa buhat sa Kasulatan at sa modernong panahon ay nagpapatunay na angkop na angkop para sa mga nasa kabataan pang lahi na gumalang at makipagtulungan sa nakatatandang mga lingkod ni Jehova.
Ang kahalagahan ng kabanalan ay idiniin sa pahayag na “Pananatiling Walang Dungis, Walang Kapintasan at Nasa Kapayapaan.’’ (2 Pedro 3:14) Upang manatiling walang dungis, kailangang iwasan natin ang imoralidad at kasakiman ng sanlibutan. Ang pananatili ng pakikipagpayapaan sa iba ay nangangailangan na ipagparaya natin ang ating mga kagustuhan at tayo ay kumilos gaya ng nakabababang mga lingkod.
Pagkatapos, ang mga kombensiyonista ay pinayuhan na “Magsalita Tungkol sa Kaluwalhatian ng Kaniyang Kaharian.’’ Halimbawa, tayo ay maaaring magpatotoo sa impormal na paraan kung tayo’y may dalang mga tracts at iba pang literatura, at samantalahin natin ang ating mga pagkakataon at magkaroon tayo ng positibong kaisipan. Ang bahaging pinamagatang “Patuloy ang Pagsulong’’ ay nagpatunay na marami ang tumutugon sa mabuting balita. Aba, sa loob ng 40 taon ang mga Saksi ni Jehova ay dumami mula sa bilang na 126,000 tungo sa mahigit na 2,842,500 at mahigit na 7,416,900 ang dumalo sa Memoryal! Nakapagpapalakas-loob na mga kapahayagan ang narinig sa iba na nakibahagi sa dakilang pagsulong na ito.
Nang unang araw ang palatuntunan ay nagtapos sa pahayag na “Mga Nakaligtas sa Bagong Lupa’’ at noon inilabas ang bagong aklat na pinamagatang Survival Into a New Earth. Nagtuon ito ng pansin sa 47 mga hulang dula at mga paglalarawan tungkol sa mga tao na makakaligtas sa katapusan ng sistemang ito at magmamana ng makalupang teritoryo ng Kaharian ng Diyos. At tunay ngang ang publikasyong ito ay tinanggap nang buong kasiglahan.
“Pangangaral ng Kaharian’’
Ang ikalawang araw ng kombensiyon ay may ganiyang tema, at idiniin ng palatuntunan ang ating pribilehiyo na mangaral ng pabalita ng Kaharian. Ang mga payunir na kinapanayam nang ipahayag ang “Kayo ba’y Papasok sa Malaking Pintong Bukás?’’ ay naglahad ng mga pagsasakripisyong ginawa nila upang maging buong-panahong mga ministro ngunit nagsabi rin sila na ang pagpasok sa malaking pintong ito ay nagbunga ng matinding kasiyahan at ng maraming pagpapala na talagang nagpayaman sa kanila. (Kawikaan 10:22) Yaong hindi pa nagpapayunir ay nabigyan ng dahilan na matamang pag-isipan ang bagay na iyan nang itanong ng tagapagpahayag: “Ang atin bang mga kalagayan ay nagpapahintulot sa atin na tayo’y magpayunir?’’
Gaya ng ipinakita sa sumunod na pahayag, ang apostol Pablo ay “Masigasig na Nangaral ng Mabuting Balita ng Kaharian.’’ (Gawa 18:5) Yamang ang pangangaral ng mabuting balita ay isa sa mga pangunahing dahilan sa pag-iral ng kongregasyong Kristiyano, lahat ng mga saksi ni Jehova ngayon ay maaaring magtanong sa sarili: “Ako ba’y isang masigasig na tagapangaral ng Kaharian? Mayroon bang ano mang dahilan kung bakit hindi ako maaaring makabahagi nang regular linggu-linggo sa ano mang pitak ng pangangaral ng Kaharian?’’
Ang pahayag na “Nakatuon ba sa maka-Diyos na Debosyon ang Iyong Pagsasanay?’’ ang nagpakita na ang gayong debosyon ay nangangahulugan ng personal na kaugnayan kay Jehova. Bagamat kailangan ang kaunting pansanlibutang edukasyon, marahil ay dapat nating itanong: Ano ba ang aking tunguhin, isang karera ba sa sanlibutan, o ang pagsisikap na makalugod kay Jehova?
Ang sekular na edukasyon ay napasangkot din sa modernong dramang Banal na Edukasyon ang Nagpapasulong ng Bunga ng Kaharian. Dito’y itinampok ang mga panganib na napapaharap pagka ang isa ay nag-aaral sa kolehiyo at ipinakita ang kagantihan ng buong-panahong paglilingkuran. Ang mga kabataan ay nagpahalaga sa payo na iniharap niyaon, at isang binata ang nagsabi: “Hindi isang kalabisan ang dramang iyan.’’
Ang isang surpresa ng umagang iyon ay ang pagpapalabas ng Kingdom Melodies No. 5. At napakarami ang nagpasalamat dahilan sa mga bagong awitin na ginamit sa programa.
Ang programa sa hapon ay nagsimula sa pamamagitan ng tampok na pahayag na “Ang mga Bunga ng Kaharian ay Lumalago sa Buong Daigdig.’’ Dito’y talata-por-talata na tinalakay ang Isaias kabanata 60 at iniagapay dito ang pagrerepaso tungkol sa paglago ng Kaharian sapol noong 1919, kasali na ang mga mahalagang punto tulad halimbawa ng pagtanggap ng pangalang mga Saksi ni Jehova noong 1931 at ang wastong pagpapakilala sa “lubhang karamihan’’ noong 1935. (Isaias 43:10-12; Apocalipsis 7:9) Itinawag-pansin din ang mga pagsulong noong Digmaang Pandaigdig II at patuloy magmula noon, na katuparan ng Isaias 60:22.
Lahat na ito ay angkop na angkop at nauna sa pahayag na “Isang Nagagalak na Bayan—Bakit?’’ Ano bang mga dahilan mayroon tayo upang magalak? Ang Diyos ay isang maligayang Diyos, at ang kagalakan ay bunga ng kaniyang espiritu. Tinatamasa natin ang liwanag ng katotohanan, ang pagsasanggalang sa atin ng moralidad na naaayon sa pamantayan ng Bibliya, ang pinakamagagaling na mga kasama, at ang pribilehiyo ng pagpapagalak sa puso ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniya at pangangaral ng mabuting balita. Oo, maraming kombensiyonista ang may kagalakang nakibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian nang hapon na iyon, pagkatapos ng isang pahayag na gumising ng pagpapahalaga sa napakaraming mga nilimbag na mga babasahín na malaking tulong sa atin sa ating ministeryo.
“Pagkakapit ng mga Bagay na Natutuhan Natin’’
Ang ikatatlong araw ay nagsimula sa pagtalakay ng dalawang hinirang na matatanda ng teksto para sa araw na iyon, at itinuon ang atensiyon sa temang kinauukulan. Pagkatapos ay nagkaroon ng isang symposium na pinamagatang “Pag-abot sa mga Kahilingan Bilang Pamilyang Kristiyano.’’ Ang unang isinaalang-alang ay ang pananagutan ng asawang lalaking Kristiyano, na kailangang sumagot sa mga tanong na tulad halimbawa nito: Maingat ka ba na ang iyong pagkaulo ay huwag gamitin sa mapag-imbot na layunin? Ikaw ba ay nagpapakita ng ulirang halimbawa sa pamamagitan ng paglalagay sa nararapat na dako ng materyal na mga bagay samantalang tinuturuan ang iyong mga anak na unahin sa kanilang buhay ang Kaharian? Ang mga dulo ba ng sanlinggo ay ginagamit sa paglilibang o unang-unang ginagamit ito sa pakikibahagi sa banal na paglilingkod?
Ang susunod na pahayag, “Isang Asawa na Nagpapakita ng Matinding Paggalang,’’ ay bumanggit na ang bahagi ng asawang babae ayon sa Kasulatan ay nagmula sa isang matalino, makatarungan at maibiging Diyos na nakababatid kung ano ang pinakamagaling para sa lahat. Mangyari pa, ang isang asawang babae ay dapat ding igalang. Baka hindi laging madali para sa isang babae na magpakita ng matinding paggalang sa kaniyang asawa, dahilan sa ito ay hindi naman sakdal. Subalit ang pagpapakita ng gayong paggalang ay kinalulugdan ni Jehova, nagbubunga ng pagkakasundo sa loob ng pamilya, at magdudulot ng kaligayahan sa isang babae.
Ang mga kabataan lalo na ang nakinabang na pahayag na “Mga Anak na Gumagalang sa Kanilang mga Magulang.’’ Ang paggalang sa mga magulang ay nangangahulugan ng buong-pusong pagtalima sa kanila at paglayo sa mga maling hilig. Kayat ang isang kabataang Kristiyano ay maaaring magtanong: Ang akin bang ginagawa ay nagbibigay ng karangalan sa Diyos, sa aking mga magulang, at sa akin?
Higit pang payo para sa mga kabataan ang iniharap ng pahayag na “Mga Kabataan, Huwag Kayong Padaya.’’ Dito’y may mga kinapanayam at idiniin ang pangangailangan na labanan ang pagtatangka ng Diyablo na dayain tayo. Ito’y sinundan ng pahayag na “Mga Anak na Nagpapagalak sa Puso ni Jehova,’’ na nagpakita na si Jesus, si David, at ang mga iba pa ay nagpagalak sa puso ni Jehova sa kanilang kabataan. Gayundin, sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay at masigasig na paglilingkod, maraming kabataan sa atin ngayon ang nagpapagalak sa puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Anong laking pribilehiyo!
Ang pahayag sa bautismo na “Pagpapasakop sa Makapangyarihang Kamay ni Jehova,’’ ay nagdiin ng bagay na ang isang tao ay maaaring tapat sa organisasyon ng Diyos o dili kaya’y kay Satanas. Ang pag-aalay at bautismo ay nangangailangan ng mga pagbabago sa paraan ng ating pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos at nangangailangan ng palagiang pagdalo sa mga pulong at ng lubusang pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano.
Tatlong mga pangunahing pananagutan ng mga tagapangasiwa ang idiniin sa pahayag sa hapon na “Mga Hinirang na Matatanda, Tularan ang Dakilang Pastol.’’ (1) Ang matatanda ay dapat dibdibang mag-asikaso ng pagpapakain sa kawan ng Diyos, at iwasan ang mga paghahanda sa huling sandali. (2) Sa pamamagitan ng halimbawa at pagkilos ay kailangang bigyan nila ng proteksiyon ang kawan buhat sa mga panganib na gaya ng kawalang disiplina, labis-labis na mga kalayawan, imoral na sekso, at apostasya. (3) Ang matatanda ay kailangan palagiang makibahagi sa gawaing pagpapastol.
Isang pag-uusap ng isang matanda at isang ministeryal na lingkod ang sumunod na nagbigay-linaw sa “Ang Kahulugan ng Pagpapasakop sa Kapamahalaan ng Kaharian.’’ Ang sanhi ng hindi pagpasakop sa tamang autoridad ay kaimbutan, na nagsimula sa Diyablo. Ang pagpapasakop sa autoridad ng Kaharian ay nangangahulugan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya at pagpapasakop sa mga hinirang upang manguna sa atin.
Subalit ano kung ang isang matalik na kaibigan natin ay nagtapat sa atin na siya’y nakagawa ng isang malubhang pagkakasala ngunit gusto niyang mailihim iyon? Ang pahayag na “Huwag Makibahagi sa mga Kasalanan ng Iba’’ ang nagdiin ng pangangailangan ng pagiging tapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Kung hindi natin mahikayat ang ating kaibigan na ipagtapat sa matatanda ang kaniyang nagawang pagkakasala, tayo ang pumunta sa mga ito at makipag-usap tungkol sa bagay na iyon. Sa aktuwal, ito ay sa ikabubuti sa espirituwal ng nagkasala, at ang mga report ay nagpapatunay na maraming mga indibiduwal ang kumilos na kasuwato ng payong ito.
Ang isang pahayag na nag-udyok sa marami na magkomento na may pagsang-ayon ay yaong pinamagatang “Sa Aling Mesa Kayo Kumakain?’’ Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng simulain ng payo ni apostol Pablo sa 1 Corinto 10:14-22, ating natatalos na ang pagkain sa mesa ni Jehova ay nangangahulugan ng pagbibigay sa Diyos ng pagsamba na nauukol sa kaniya at pagsunod natin sa kaniyang mga katotohanan. Kailangang iwasan natin “ang mesa ng mga demonyo’’ sa pamamagitan ng paglayo sa mga bagay na gaya ng imoral na sekso, materyalismo, di-nararapat na libangan, at mga pilosopya na pumipintas sa Salita ng Diyos. Kung tayo’y sa mesa ni Jehova kumakain ang ibinubunga ay kagalakan, pagkakontento, at isang tiyak na pag-asa.
Nang ikatlong araw ang katapusang pahayag ay pinamagatang “Pinasusulong ng Banal na Kasulatan ang Ating Tumpak na Kaalaman sa Diyos.’’ Pagkatapos na talakayin ang kasaysayan ng Watch Tower Society sa pag-iimprenta ng sarisaring Bibliya, inilabas ng nagpahayag ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References. Ito’y mayroong mahigit na 125,000 cross-references, mga talababa na malaki ang maitutulong, at isang mahalagang apendise. Anong laking pagpapala sa mga estudyante ng Bibliya!
“Walang Katapusan ang Kasaganaan ng Pamamahala ng Kaharian’’
Ito ang tema ng kombensiyon noong ikaapat at katapusang araw. Ang unang pahayag ay tungkol sa tanong na “Kinapopootan Mo ba ang Masama?’’ Kailangan natin ang karunungan upang masabi natin kung ano ang masama at aktuwal na kapootan, o kamuhian, ang kasamaan, sapagkat ang pagsunod sa maling landasin ay hindi sinasang-ayunan ni Jehova at maaaring puminsala sa atin at sa iba. (Roma 12:9) Isa pa, kailangang matalos natin na pagka sinabi ni Jehova na ang isang bagay ay masama, talagang masama iyon at dapat na iwasan.
Pagkatapos, idiniin na “Ang Pagsulong ng Kaharian ay Nagdadala ng Pananagutan sa Atin.’’ Oo, ang malaking pagsulong ay nagbibigay ng obligasyon sa lahat sa atin na mas matatagal na sa katotohanan. Kailangang asikasuhin nila ang espirituwal na mga kapakanan ng mga baguhan. Bukod sa iba pang mga bagay, ito’y maaaring gawin sa pamamagitan ng pagiging mapagpatuloy at ng pagpapakita ng magandang halimbawa sa lahat ng bahagi ng banal na paglilingkod.
Mag-ingat Laban sa Nakahihiyang Kahangalan ang pamagat ng ikalawang drama. Ipinakita roon ang masasamang ibinunga ng kasakiman ni Achan. (Josue, kabanata 7) Ipinakita rin ng drama kung papaanong ang nahahawig na kahangalan ay maaaring humadlang sa malayang pag-agos ng banal na espiritu ng Diyos sa isang kongregasyon. At ito’y nagdiin ng pangangailangan na panatilihin nating malinis ang organisasyon samantalang iniiwasan natin ang gayong tukso!
Ang hapon ay nagsimula sa pahayag pangmadla na “Isang Pamahalaan na Gumagawa ng Hindi Magagawa ng Tao.’’ Mababasa ninyo ang impormasyon tungkol dito sa pahina 10-20 ng labas na ito ng Ang Bantayan.
Ang sumunod ay ang pahayag na “Ang Karangalan ng Pagdadala ng Pangalan ni Jehova.’’ Ito’y salig sa brochure na The Divine Name That Will Endure Forever na inilabas bago magtanghali. Binanggit ng tagapagpahayag na ang pinakamahalagang katotohanan ng Bibliya ay hindi ang pantubos o ang pag-asa ng buhay sa Paraiso kundi ang katotohanan na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Bilang mga tagapagdala ng pangalan ni Jehova, kailangang kilalanin natin na siya ang Dakilang Tagapagpanukala, ibigin natin ang kaniyang mga katangian, at gawin ang ating buong kaya upang tularan siya, samantalang ipinakikilala ang kaniyang pangalan sa lahat ng pagkakataon.
Sa katapusang pahayag, na “Organisasyon ng Kaharian Isinaayos para sa Higit pang Pagsulong,” idiniin ng tagapagpahayag ang ating dakilang pribilehiyo na mabuhay sa panahong ito ng pagsulong. Subalit, kailangang panatilihin natin ang mataas na kaurian ng ating pagsamba, at lahat tayo ay patuloy na umabante. Sinabi ng isang tagapagpahayag bilang pagtatapos: “Habang tayo’y binibigyan ni Jehova at ng kaniyang Anak ng pagtangkilik, tayo ay sumulong bilang isang organisasyong pang-Kaharian na pinalakas para sa higit pang pagsulong. Mayroon tayong lahat ng dahilan na dakilaing sama-sama ang pangalan ng Diyos, ngayon at magpakailanman.”
Samakatuwid sa “Pagsulong ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon idiniin ang positibo at nakapagpapasiglang tema. Mula sa pasimula hanggang sa katapusan, ang mga ito ay tunay na nagbigay ng saganang mga pagpapala.
[Larawan sa pahina 24]
Sa pagkakapit ngayon ng mga simulain sa Bibliya ay lalong nagiging mabisa ang mga drama sa kombensiyon
[Larawan sa pahina 25]
Ang libu-libong nabautismuhan ay napasakop sa makapangyarihang kamay ni Jehova
[Larawan sa pahina 26]
Galak na galak ang mga kombensiyonista nang ilabas ang malaking reperensiyang edisyon ng New World Translation
[Larawan sa pahina 27]
Idiniin ng isang nakapupukaw na drama sa Bibliya na kailangang mag-ingat laban sa nakahihiyang kahangalan