Ang “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon—Itung-ito ang Kailangan Natin!
“ANG mga puso ay narating na at naapektuhan ang mga saloobin.” “Si Jehova ay naglatag ng isang bangkete ng maraming kahanga-hangang mga pagkain.” “Ang mga pahayag ay tuwiran at espisipiko.” “Talagang ito ang kailangan natin NGAYON!” “Itung-ito ang kailangan natin!”
Ganiyan ang karaniwang mga pagpapahayag ng pagpapahalaga na narinig sa 1986 “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Lahat ng ganiyang kapahayagan ay nagpapakita na yaong mga nagsidalo ay nagpahalaga sa mainam na payo na ibinigay kapuwa ng chairman at ng pambungad na pahayag: “Makinig at Unawain Iyon.”
Yamang ang tema ng kapayapaan ay lubhang prominente sa Salita ng Diyos, at ang terminong iyan ay lumilitaw nang mahigit na 300 beses sa Bibliya, angkop na angkop na ito ang gawing tema ng ating 1986 pandistritong mga kombensiyon. Sa katunayan, 18 ng mga kinasihang liham buhat sa Mga taga-Roma hanggang sa Apocalipsis ay nagsisimula sa mga pangungusap na tulad baga ng, “Sumagana nawa sa inyo ang di-sana nararapat na awa at kapayapaan.” Pansinin na sa Kasulatang Hebreo ang salitang isinaling “kapayapaan” ay sha·lohmʹ, na ang ibig sabihin ay hindi lamang ang kalagayan na doo’y walang digmaan at alitan kundi ito ay nagpapahiwatig din ng kalusugan, kaunlaran, at kabutihan.—1 Pedro 1:2.
Ang kapayapaan ay patuloy na itinatampok sa buong programa. Gaya ng idiniin ng tagapagpahayag tungkol sa pinakatema, si Jehova “ang Diyos ng kapayapaan” at “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” Ang kaniyang Anak, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” ay nangako ng kapayapaan sa kaniyang mga tagasunod. (Filipos 4:9; Roma 16:20; Isaias 9:6; Juan 14:27; 16:33) Idiniin din ng nagpahayag na iyon na ang kapayapaan na tinatamasa nating mga Saksi ay natatangi dahilan sa hindi depende iyon sa mga panlabas na kalagayan. Iyon ay depende sa ating paggalang sa autoridad, na siyang dahilan kung bakit ang daigdig ay walang kapayapaan—ito’y walang paggalang sa pinakadakilang Autoridad, si Jehovang Diyos. Mainam ang pagkasabi ni Isaias: “Oh kung ikaw lamang ay talagang magbibigay ng pansin sa aking mga utos! Kung magkagayon ang iyong kapayapaan ay magiging katulad nga ng isang ilog.”—Isaias 48:18.
Kabilang sa nakatutulong na mga mungkahi na ibinigay upang tamasahin natin ang kapayapaan ng Diyos nang lalong higit ay na tayo’y magsikap na matuto buhat sa bawat pulong ng isang praktikal na punto ng payo na mapasusulong natin. Ang pahayag na ito ay nagpapakita na upang tayo’y maging mga manggagawa ng kapayapaan hindi sapat ang tayo’y maging mapayapa; kailangang gumawa tayo ukol sa kapayapaan, at handang sumuko alang-alang sa kapayapaan.
Mga Paa na Nakasuot ng Panyapak ng Mabuting Balita ng Kapayapaan
Mainam ang pagkasabi ng ating mensahe at tinatawag na “ang mabuting balita ng kapayapaan.” (Efeso 6:15) Tayo’y tumanggap ng maraming maiinam na payo tungkol sa paano dadalhin ang mabuting balitang ito ng kapayapaan sa iba. Ang tatlong-bahaging symposium sa ating ministeryo ay napakalaking tulong ukol sa bagay na ito. Ipinakita ng unang tagapagpahayag kung paanong ang ating ministeryo sa bahay-bahay ay naging isang tatak na ng mga Saksi ni Jehova. Yamang ang gawaing ito ay hindi madali, ating pinatutunayan ang ating pag-ibig sa Diyos at sa tao sa pamamagitan ng pagsasagawa nito. Upang tayo’y lubusang maging epektibo, magmasigasig tayo at maging mapamaraan, at mag-ingat ng wastong mga rekord at dumalaw sa iba’t ibang panahon upang marating natin ang lahat.
Ang ikalawang tagapagpahayag ay nagpaliwanag na upang tayo’y makagawa ng mga alagad patuloy na dumalaw tayo sa mga taong interesado, taglay ang positibong saloobin. Kailangang mayroon tayong personal na interes sa mga taong dinadalaw natin, at itinatala kung saan interesado ang maybahay sa una pa lamang pagdalaw natin. Tiyakin na sa bawat pagdalaw ay may natutuhang bago ang maybahay.
Binanggit ng ikatlong tagapagpahayag na ang ating mga inaaralan ng Bibliya ay matutulungan na maging mga Saksi kung maaabot natin ang kanilang mga puso ng mga tanong na pampunto-de-vista. Ibig nating magpakita ng tunay na interes sa kanila sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila tungo sa organisasyon ng Diyos, na tinutulungan sila upang makadalo sa mga pulong, dinadalaw sila sa mga ibang panahon, at iniimbitahan pa man din sila sa ating mga tahanan. Noong nakalipas na 35 taon, makasampung suson ang isinulong ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Pagkatapos ng symposium na ito, idiin na kailangang magpakita tayo ng pananabik na ang mabuting balita ng kapayapaan ay maibahagi sa iba saan man posibleng gawin ito at sa ilalim ng lahat ng mga kalagayan. Ang edad ay hindi isang hadlang. Ang mga bata at silang nasa edad 90 pataas ay patuloy na nangangaral. Ang iba ay mga payunir, o buong-panahong mga mangangarál, bagama’t sila’y ganap na bulag. Ang mga iba’y nagpapayunir bagama’t bingi, ang mga iba naman ay nakapirme na sa mga silyang de gulong. Isang mag-asawang payunir ang may anim na mga anak na kabataan na kasa-kasama nila sa paglilingkod sa larangan.
Angkop na angkop ang payo na “Gawin ang Inyong Buong Kaya sa Pamamagitan ng Pakikibahagi sa Buong-Panahong Ministeryo.” Ang buong-panahong paglilingkuran ang pinakamasaya sa lahat, ang nagbibigay ng pinakamalaking ganti, na paraan ng pamumuhay. Ngayong sila’y nagsimula na, ang mga payunir ay pinayuhan na gawin ang lahat ng makakaya nila upang makapanatili sa buong-panahong paglilingkod.
Tulad din sa nakaraang mga kombensiyon, ang matatagal nang mga tagapagpahayag ng mabuting balita ay naglahad ng kanilang mga karanasan, ang iba sa kanila ay naglingkod nang buhat sa 30 hanggang 70 taon. Inilahad nila ang kanilang kagalakan sa pangangaral ng mabuting balita. Tunay na nakapagpapatibay-loob na mapakinggan kung paanong nadaig nila ang mga balakid upang makapagpatuloy sa ministeryo. Halimbawa, isang kapatid na lalaki ang hindi man lamang nakapalya kahit isang buwan sa 43 taon ng paglilingkod.
Payo Para sa mga Miyembro ng Pamilya
Ang mainam na payo para sa mga miyembro ng pamilya ay totoong kailangan dahilan sa panganib na ibinibigay sa pamilyang Kristiyano ng balakyot na sistema ng mga bagay. Ang mga kabataan ay tinanong, “Kayo ba Ay Sumusulong sa Espirituwal?” Sa ngayon marami ang naglilingkod nang buong-panahon bilang mga payunir at sa mga tahanang Bethel. Ngunit higit pa kaya ang makagagawa nito? Upang sumulong sa espirituwal kailangang unahin natin sa ating buhay ang kalooban ng Diyos. Kailangan din ang mabuting mga kaugalian sa pag-aaral at pakikibahaging palagian sa mga gawain sa kongregasyon at sa paglilingkod sa larangan at pagkakaroon din naman ng mabuting relasyon sa mga nakatatanda. At kailangan na hindi kalulugdan ang anuman na ipinagbabawal ng Salita ng Diyos.
Ang isa pang tatlong-bahaging symposium ay nagsimula sa pamamagitan ng sumasaliksik na tanong na, “Ang Inyo bang Tahanan ay Isang Dako ng Kapahingahan at Kapayapaan?” Ang saligan nito ay pagpili ng isang kabiyak na isang saksi ni Jehova na ang inuuna’y mga kapakanan ng Kaharian at makikitaan ng bunga ng espiritu ng Diyos. Upang ang isang tahanan ay maging dako ng kapahingahan at kapayapaan, ang asawang lalaki ay kailangang manguna sa espirituwal na mga bagay, at dapat na ibigin niya ang kaniyang kabiyak bilang kaniyang sariling katawan. Ang babae naman ay dapat makipagtulungan at magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawa. Mahalaga rin na manalanging magkasama at huwag bigyang-dako ang Diyablo. Ang mga anak ay maaaring magkaroon ng bahagi upang ang tahanan ay maging isang dako ng kapayapaan at kapahingahan sa pamamagitan ng pagpapasakop at pakikipagtulungan. Ang mga ugnayang pampamilya ay napatitibay pagka ang mga pamilya’y nag-aaral na sama-sama sa Bibliya at sa mga literatura sa Bibliya.—Awit 34:11.
Malaki ang pangangailangan sa kasunod na pahayag: “Ang Paghihiwalay ba ang Paraan para Magkaroon ng Kapayapaan ang Mag-asawa?” Ang sagot? Marahil para sa mga makasanlibutan ngunit hindi para sa mga Saksi! Para sa kanila, ang paghihiwalay ay hindi siyang madaling paraan upang makaalpas sa isang pag-aasawa na maraming pagsubok. Ang buong diwa ng payo ng Diyos sa pag-aasawa ay na dapat manatiling nagsasama ang mag-asawa. Ang paghihiwalay ay sa tuwina may pinsalang naidudulot sa mga anak, at mayroon pang mga ibang masasamang bunga. Sa tahasang pagsasalita, ang paghihiwalay ay isang pag-amin na ang sinuman sa mag-asawa o kapuwa sila ay hindi nagpapakita ng bunga ng espiritu sa kanilang buhay.—Galacia 5:22, 23.
Mainam na payo ang ibinigay sa mga Kristiyanong walang asawa sa pahayag na “Dapat bang Madama ng Isang Walang Asawa na Siya’y Di-Kompleto?” Hinding-hindi! Yamang ang ministeryo ang pinakasentro ng ating buhay, tayo’y maaaring maging kompleto tayo man ay walang asawa o tayo man ay may asawa. Sa katunayan, gaya ng ipinakikita ni Pablo, ang mga Kristiyanong walang asawa ay mayroong mga bentaha. Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pagiging kontento, maikagagalak nila ang regalong pagkawalang-asawa at magagamit nila ito sa pinakamagaling na paraan.—1 Corinto 7:32-34.
Kinakailangang Payo Tungkol sa Malinis na Pamumuhay
Ang resulta ng patuloy na lumalalang pagguho ng moral ng sanlibutang ito ay na mayroong mga Saksing sumasailalim ng pagsaway o dili kaya’y natitiwalag pa dahilan sa imoralidad. Kaya angkop na angkop nga ang tahasang payo na ibinibigay kung tungkol sa asal! Upang tamasahin ang kayapayaan ng Diyos, kailangang mag-ingat tayo sa ating paggawi sa lahat ng panahon. Ito’y niliwanag, halimbawa, sa pahayag na: “Iwasan ang mga Silo ng Sosyal na Libangan.” Ang mga parties ay sagana sa kasayahan, subalit kung tayo’y hindi mag-iingat, ang mga ito ay madaling makakasagabal sa mga teokratikong aktibidades at hahantong sa imoralidad. Ang di-sakdal na puso ng tao ay magdaraya at ito’y handang samantalahin ang anumang pagkakataon na gawing biru-biro ang imoralidad. Ang malalaking parties lalung-lalo na ang may kasamang malalaking panganib, at gayundin ang nakapipinsalang musika.—1 Corinto 15:33.
Upang manatili ang ating kapayapaan sa Diyos, kailangan natin na “Iwasan ang Nakamamatay na ‘Hangin’ ng Sanlibutang Ito.” Tulad ng hangin na ating nilalanghap, ang mapag-imbot at masuwaying espiritung ito ng sanlibutan ay nakapalibot sa atin. Ang pahayag ay tumalakay sa siyam na pagkakakilanlan sa hanging ito na nagdadala ng kamatayan, at kabilang dito ang paggawang biro sa imoralidad, pagsunod sa sobrang istilo sa pananamit at pag-aayos, pagmamalabis sa pagkain at pag-inom, labis na pagkahilig sa sports, at pagmamalaki ng lahi. Patuloy na langhapin ang hangin na ito at ito ang papatay sa inyong espirituwalidad.
Ang bagay na ito ay higit pang idiniin ng pahayag na “Kayo ba ay Nananatiling Malinis sa Lahat ng Bagay?” Dahilan sa kapabayaan tayo ay nagkakasala ng pagpapaimbabaw. Upang magkaroon ng isang mabuting budhi, ay kailangang manatiling malinis sa pisikal, sa pag-iisip, sa moral, at sa espirituwal. Kaya naman kailangang ating “kapootan ang masama,” “kamuhian ang balakyot.” Kasali na rito ang pagkamuhi natin sa apostatang propaganda.—Awit 97:10; Roma 12:9.
Ang napakainam na pahayag na “Ang Disiplinang Nagmumula kay Jehova ay Nagbubunga ng Kapayapaan” ay tinalakay dito. Si Jehova ang Dakilang Disiplinarian, at tayo’y kaniyang dinidisiplina dahilan sa mahal niya tayo. Wala sa atin ang hindi nangangailangan ng disiplina. Maging ang Anak man ng Diyos ay nangangailangan din nito! (Hebreo 5:8) Oo, ang saligang kahulugan ng disiplina ay pagsasanay, hindi laging pagpaparusa, at upang tayo’y makinabang sa maraming paraan na ginagamit ng Diyos sa pagdisiplina, kailangan ang taimtim na pakikitungo natin sa ating sarili—at tayo’y manatiling mapagpakumbaba!
Ang pahayag na “Patuloy na Magpatibayan sa Isa’t Isa” ay nagbigay ng mainam na payo kung tungkol sa ating pagsasalita. Anong laking pinsala ang magagawa natin dahilan sa walang kawawaang pamimintas, o pagrereklamo! Tunay, ang dila ay mahirap na supilin. Angkop naman, tayo ay pinaalalahanan na dapat na “tumigil na tayo ng pagsasalita laban sa isa’t isa.” (Santiago 4:11) Dahilan sa pag-ibig sa kapatid ay mag-iingat tayo. At bago tayo magsalita ng anuman, tanungin natin ang sarili: “Talaga nga kayang totoo iyon?” “Dapat ko bang banggitin iyon?” “Iyon kaya ay makapagpapatibay?”
Kinuha sa mga Hula
Ang mga pahayag ay kinuha sa kinasihang mga hula bilang mga paalaala at payo. Kaya naman, sa pahayag na “Ang mga Kahatulan ng Diyos—Di-Popular sa Sanlibutan,” idiniin ng tagapagpahayag na tayo’y hindi lamang may mabuting balita na ipinangangaral tungkol sa isang paraiso kundi rin naman, tulad ni Jeremias, may mga proklamasyon na ibinibigay tungkol sa dumarating na mga paghatol ng Diyos. (Jeremias, kabanata 6 at 7) Tulad ni Jeremias na buong tapang na ibinilad ang mga bulaang turo at likong mga gawain ng mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan, tayo man ay pinapayuhan na gumawa ng gayon.
Ang pahayag na “Isang Panahon ng Pagsubok at Pagbistay” ay nagpakita ng modernong katuparan ng Malakias 3:1-3. Ang bayan ni Jehova ay nilinis mula sa huwad na mga turo at gawain ng Babilonya. Ang pagkatatag ng kaayusang teokratiko at ang pagkaalam na ang ministeryo na pagbabahay-bahay ay may pangunahing kahalagahan ang kabilang sa mga positibong punto na binanggit ng tagapagpahayag.
Tayo’y nakarinig din ng isang mainam na pahayag na tumalakay sa kabanata 11 at 12 ng Daniel. Pinamagatan iyon na “Banal na mga Lihim na Nahayag ay Nagbunga ng Isang Tiyak na Pag-asa Ukol sa Kapayapaan.” Dahilan sa magkaribal na hari ng hilaga at hari ng timog ay patuloy na nagugulo ang daigdig. Buhat sa hula ni Daniel ating nakita na hindi kailanman tatapusin ng mga haring ito ang kanilang mga alitan. Tanging si Miguel ang makapagdadala ng walang hanggang kapayapaan.
Ang isa pang pahayag na kinuha sa kinasihang mga hula ay ang “Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng ‘Prinsipe ng Kapayapaan.’ ” Tungkol ito sa Isaias 9:6, 7 at ang konteksto ng mga talatang ito ay nagpapakita kung paanong ang hula ay angkop na kumakapit kay Jesu-Kristo. Sinabi ng tagapagpahayag sa kaniyang konklusyon na si Miguel ay “magtatagumpay sa kaniyang maningning na karera sa pagwawagi sa Armagedon na hindi kukupas kailanman sa panahong walang hanggan . . . Kung gayon, sumulong tungo sa lalong higit pang katanyagan sa daigdig, lahat kayong mga Saksi ni Jehova, taglay ang lubos na pagtitiwala sa inyong Diyos at sa kaniyang nagpupunong Hari, ang ‘Prinsipe ng Kapayapaan.’ Magpakita kayo ng tahasang kawalang-takot sa kasalukuyang sabuwatan ng sanlibutan . . . Lahat kayo ay magsilbing mga tanda at mga himala sa ikararangal ni Jehova!” Tunay na ito ay isa sa mga lubhang nakapupukaw na pahayag ng kombensiyon.
Pahalagahan Yaong mga Nangunguna
Isang dalawang-bahaging symposium na pinamagatang “Mga Tagapangasiwa na Naglilingkod sa mga Kapakanan ng Kapayapaan” ang tunay na tumulong sa atin na pahalagahan yaong mga nagsisipanguna. Ang unang tagapagpahayag ay tumalakay sa bahagi ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at kaniyang ipinakita na sila ay karapat-dapat nga sa ibayong karangalan dahilan sa kanilang maraming mga ginagampanang tungkulin. Kasali na rito ang pagbibigay ng mga pahayag, pagtulong sa mga may problema, pagsasanay sa mga kapatid sa pagpapatotoo, at pagdalaw sa mga maysakit sa pisikal o sa espirituwal. Oo, lahat ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ay karapat-dapat sa ating lubos na pakikipagtulungan at tulad-Lydia na kagandahang-loob.—Gawa 16:15.
Ang ikalawang tagapagsalita ay nagpahayag tungkol sa mga tungkulin ng hinirang na matatanda at sa kanilang bahagi sa pagtataguyod ng kapayapaan sa kongregasyon. Ito’y magagawa nila sa pamamagitan ng paghahanda para sa mga pulong at pagkukundukta ng mga ito, paggawa ng mga pagdalaw bilang mga pastol, paghawak ng mga kaso na dapat hatulan, pangunguna sa paglilingkod sa larangan, at pagpapakita ng mainam na halimbawa sa asal at sa buhay pampamilya. Tunay, lahat tayo ay dapat maghangad na magpakita ng pagpapahalaga sa hinirang na matatanda sa pamamagitan ng pagiging masunurin at mapagpasakop, gaya ng ipinapayo ng Hebreo 13:17.
“Ang Pag-abot at Pagkakamit ng Isang Mainam na Katayuan” ay isang pahayag na tumalakay sa pangangailangan ng higit pang kuwalipikadong matatanda dahilan sa pagsulong ng bilang ng mga Saksi. Ipinakita nito sa lahat ng nag-alay na mga kapatid na lalaki na hindi pa mga nahihirang na matatanda kung paano sila makapagsisikap na magkaroon ng lalong malalaking pribilehiyo. Lalung-lalo nang hinimok ng pahayag na iyon yaong mga kuwalipikado ngunit hindi nakakakita ng pangangailangan na palawakin ang kanilang paglilingkod na tanungin ang kanilang sarili: Bakit ba ako nag-aatubili?
Iba Pang mga Espesyal na Pagkaing Espirituwal
Higit pang pagpapahalaga ang ibinigay sa pahayag na “Kayo ba ay Nasisiyahan sa mga Paglalaan ni Jehova?” Narinig natin ang mga halimbawa sa Bibliya niyaong mga nagpahalaga sa mga espirituwal na mga paglalaan ng Diyos at yaon namang mga hindi nagpahalaga. Kung tayo’y palaisip sa ating espirituwal na pangangailangan, tayo’y masisiyahan na sa mga paglalaan ni Jehova at ipakikita iyon. Sa paano? Sa pamamagitan ng pagbili ng ating panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya at pagdisiplina ng ating sarili pagka tayo’y nasa mga pulong upang lubusan nating pakinabangan ang pagiging naroroon natin.
Ang masasabi na nagbibigay ng isa pang hamon sa ating espirituwalidad ay binanggit sa pahayag na “Gaano bang Kamakabuluhan ang Inyong mga Panalangin?” Iminungkahi na tanungin natin ang ating sarili: Pinayagan ko ba na ang aking mga panalangin ay maging paulit-ulit, parang de-makina, o dalas-dalas, na para bagang totoo akong magawain upang magbigay ng panahon sa aking pakikipag-usap sa Diyos? Sa panalangin, tayo’y lumalapit sa pinakadakilang Persona sa sansinukob. Upang ang ating mga panalangin ay maging makabuluhan, ang Diyos ay kailangang maging tunay na tunay sa atin. Ang panalangin ay kailangang manggaling sa puso at maging espisipiko, at kailangang pag-isipan natin.
Ang isa pang espesyal na bahagi ay ang pahayag sa bautismo na, “Pakikipagpayapaan sa Diyos sa Pamamagitan ng Pag-aalay at Bautismo.” Ipinakita ng tagapagpahayag na ang ating bautismo ang pinakaseryoso at siya ring pinakamasayang okasyon. Sa pamamagitan nito ating nakakamit ang pakikipagpayapaan sa Diyos at tayo ay nagiging ordinadong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. At ang ating pag-aalay ay hindi lamang basta isang pamamanata, sapagkat tayo’y maaaring magkaroon at mag-asikaso ng maraming mga pangako bilang pamamanata. Bagkus, ang ating pag-aalay ay nangangahulugan na tayo’y ‘bukod tanging nakatalaga sa Banal na Isa,’ si Jehovang Diyos.
Ang dalawang drama sa Bibliya ang kabilang sa pinakapopular na mga bahagi ng palatuntunan ng kombensiyon. Pagliligtas ng Buhay sa Panahon ng Taggutom ang drama na tungkol sa nakapupukaw-damdaming istorya ni Jose at ng kanyang mga kapatid, na nagpaluha sa marami. Ang pagiging magandang-loob at mapagpatawad ni Jose ay isang magandang halimbawa para sa ating lahat na tularan. Ang salaysay ay mayroon ding makahulang kahulugan. Ang ikalawang drama, Hanapin ang Katuwiran ng Diyos para Makaligtas, ay nagbigay ng mariin at dramatikong payo tungkol sa mga suliranin ng ating mga kabataan. Idiniin nito ang pangangailangan na mag-ingat sa ating asal, unahin ang mga kapakanan ng Kaharian, at huwag pakabilis ng paghatol sa motibo ng iba.
Kasuwato ng tema ng kombensiyon ang pahayag pangmadla na “Kapayapaan sa Wakas!—Pagka Nagsasalita na ang Diyos.” Una, ating narinig na ibinilad ang kamangmangan ng lahat ng paghahanda ng mga armas nuklear at ng kawalan ng pag-asa sa situwasyon ng sanlibutan kung titingnan sa punto-de-vista ng tao. Tanging ang Kaharian ng Diyos ang naghahandog ng tunay na pag-asa. Ano ba ang ibig sabihin ng pakikinig pagka nagsasalita ang Diyos? Ang ibig sabihin ay na tayo’y hindi lamang nakikinig nang maingat at ating nauunawaan ang sinasabi ng Diyos kundi kumikilos din naman tayo tungkol sa kaniyang sinasabi. Kung magkagayon ay hindi tayo madadaya ng magdarayang sigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!”
Sa pantapos na pahayag, “Sinangkapan ng Diyos ng Kapayapaan Upang Gawin ang Kaniyang Kalooban,” lahat ng nakapakinig na mga kombensiyonista ay nakadama ng kasiyahan ng puso sa kanilang pag-uwi dahilan sa lahat ng espirituwal na pagkain na kanilang tinamasa sa loob ng apat na araw. Higit kailanman, tayo’y sinangkapan nga ng kombensiyon para sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Kaya “humayo tayo na lubusang magpasiya na gawin ang ano? Ang patuloy na sumulong sa dakilang gawain na pangangaral ng Kaharian, na pinahahalagahang tunay ang ating kapayapaan na nagmumula sa Diyos at lahat ng kahulugan nito sa atin!”
Sa Estados Unidos, nagkaroon ng 135 mga kombensiyon na ginanap sa 65 mga iba’t ibang lugar at sa 11 mga wika. Ang pinakamaraming bilang ng mga dumalo ay 1,276,578, at 12,603 ang nabautismuhan . Ang tatlong kombensiyon sa Yankee Stadium sa New York City ay may pinakamataas na bilang ng mga dumalo na 95,091, at 1,110 ang nabautismuhan.
[Kahon sa pahina 30]
Mga Inilabas sa “Banal na Kapayapaan” na Kombensiyon
Ang unang inilabas ay isang rebisadong sipi ng pulyetong “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay,” sa katapusan ng isang pahayag sa paksang iyan. Ito ngayon ay isang apat-na-kulay na brochure, nilimbag sa malalaking letra at may karagdagang impormasyon pa. Ito ay napakainam na gamitin para sa pagpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig, isa ring apat-na-kulay na brochure na kasinlaki ng magasin, at ito ang ikalawang inilabas. Isang napakahusay na instrumento ito na ipaalam sa iba ang lahat ng ating sari-saring aktibidades at nagbibigay din ng malaking impormasyon tungkol sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova.
Ang ikatlong inilabas ay isang 192-pahinang aklat aralan sa Bibliya para unang-unang gamitin sa ating mga Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon. Ito’y pinamagatang Worldwide Security Under the “Prince of Peace.”
Kingdom Melodies No. 7 ang ikaapat na ipinalabas, at nasiyahan ang lahat ng kombensiyonista nang magpatugtog ng isang tugtugin na kinuha roon.
Sa pakikinig sa mga panghuling bahagi, lahat ay lubhang nagalak nang marinig nila na ang Watch Tower Publications Index para sa 1930-1985 ay maaari nang mapidido pagsapit ng Setyembre 1. Anong laking pagpapala sa lahat ng masigasig na mga estudyante ng Bibliya!
[Mga larawan sa pahina 31]
1. Si Jose ay ipinagbili ng kaniyang mga kapatid sa drama sa isang kombensiyon ng mga Saksing Koreano sa Estados Unidos.
2. Ang presidente ng Watch Tower Society, na si F. W. Franz, ay nagpapahayag sa isang kombensiyon.
3. Isang bahagi ng matamang mga tagapakinig sa Yankee Stadium, New York City.
4. Libu-libo ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova.