Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 1/15 p. 5-9
  • Nagtipon ang mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagtipon ang mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kahali-halina ang . . . Isa na Naghahayag ng Kapayapaan”
  • ‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’
  • “Tuparin ang Pagiging-Isa . . . sa Nagbubuklod na Bigkis ng Kapayapaan”
  • Hindi Mo Nanaising Makaligtaan Iyon!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ang “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon—Itung-ito ang Kailangan Natin!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • ‘Sinagot ang Lahat ng Tanong’
    Gumising!—1996
  • May-Kagalakang Nagtipon ang “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 1/15 p. 5-9

Nagtipon ang mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan

“KAMI’Y napatitibay ng bawat pandistritong kombensiyon na aming dinadaluhan,” sabi ng isang Kristiyanong matanda mula sa Estados Unidos. “Gayunman, talagang di-mailarawan ang taóng ito. Umuuwi kami araw-araw na taglay ang pananabik na malaman kung paano pa nito mahihigitan ang aming inaasahan sa susunod na araw, at hindi kami nabigo!”

Kung nakadalo ka na sa isa sa “mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na mga Pandistritong Kombensiyon, walang-alinlangang sasang-ayunan mo ang masiglang delegadong ito. Bawat araw ng kombensiyon ay nagtutok ng pansin sa naiibang pitak ng atas na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova bilang mga mensahero ng Diyos. Repasuhin natin ang tatlong-araw na programa.

“Kahali-halina ang . . . Isa na Naghahayag ng Kapayapaan”

Ito ang tema ng kombensiyon sa unang araw. Ito’y batay sa Isaias 52:7. Sa mapanganib na panahong ito, marami ang naglilingkod kay Jehova sa ilalim ng mga mapanghamong kalagayan. Sa pahayag na “Pakikinig sa Masisigasig na Tagapaghayag ng Kapayapaan” ay inilakip ang pakikipanayam sa ilan sa matatapat na ito. Tunay na nakapagpapatibay-loob na marinig ang kanila mismong paghahayag ng damdamin, at sa gayo’y tiniyak sa mga dumalo sa kombensiyon na sila man ay maaaring mapalakas ni Jehova, anupat tinutustusan pa nga ng “lakas na higit sa karaniwan” upang tulungan silang makapagbata.​—2 Corinto 4:7.

Hindi mabigat ang mga kahilingan ni Jehova. (1 Juan 5:3) Ito’y niliwanag sa huling pahayag ng programa sa umaga, na ang pinakasukdulan ay ang paglalabas ng 32-pahinang brosyur na pinamagatang Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ang bagong pantulong na ito sa pag-aaral na may magagandang larawan ay walang-alinlangang gaganap ng isang mahalagang papel sa pagtulong sa marami pa na matutuhan ang mga layunin ng Diyos. Ang mga komento sa paggamit ng bagong publikasyong ito ay masusumpungan sa huling araling artikulo sa magasing ito at sa pahina 16 at 17.

Idiniin sa pahayag na “Pagbabata sa Gawang Mabuti” na alam na alam ni Jehova ang mga pagsubok sa atin. Ang magbata ay nangangahulugang manindigan at huwag mawalan ng pag-asa. Ibinigay ni Jehova sa atin ang kaniyang Salita, ang kaniyang espiritu, at ang kaniyang organisasyon upang tulungan tayo. Kailangan ang pagbabata upang makapangaral, gayunman ang pangangaral ay tumutulong sa atin upang makapagbata, sapagkat pinananatili nitong buháy ang ating pananampalataya. Yamang napakalapit na natin sa dulo ng karera, hindi natin dapat hayaang patamlayin pa ng sariling mga suliranin ang ating sigasig, sapagkat siya lamang na nakapagbata hanggang sa wakas ang maliligtas.​—Mateo 24:13.

Ang pinakatemang pahayag na, “Ang Ating Papel Bilang mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan,” ay tumawag-pansin sa pagpapalaya sa mga Judiong tapon mula sa Babilonya at sa pagsasauli ng dalisay na pagsamba sa Jerusalem noong 537 B.C.E. Ang pangyayaring ito, paliwanag ng tagapagsalita, ay patikim lamang sa napipintong gagawin ng Kaharian ng Diyos sa isang pandaigdig na lawak. (Awit 72:7; Isaias 9:7) Ang ating kasalukuyang atas ay ang ipangaral ang mabuting balita ng Kahariang ito at mamuhay kasuwato ng mensaheng iyan. Ang pag-ibig sa Diyos at sa tao ay dapat magtulak sa atin na magpatuloy sa gawaing ito nang walang humpay.​—Gawa 5:42.

Ang isang tampok ng programa sa Biyernes ay ang simposyum na “Mag-ingat sa mga Nakatagong Patibong ng Libangan.” Ang mga musika, pelikula, mga video, palabas sa telebisyon, mga laro sa video, aklat, magasin, at komiks sa ngayon ay madalas na nagpapaaninag ng makademonyong pag-iisip. Samakatuwid, kailangan nating “kamuhian ang balakyot” at “kumapit sa mabuti.” (Roma 12:9) Oo, dapat nating kamuhian ang bulok na libangan at iwasan iyon, habang palagi nating isinasaisip ang mga bagay na malinis, may kagalingan at kapuri-puri. (Filipos 4:8) Ang mga publikasyon at mga kagamitan sa pananaliksik na inilalaan ng organisasyon ni Jehova ay pumupukaw sa ating isip ng nakapagpapatibay na ideya at sumasanay sa atin upang makilala ang tama sa mali. (Hebreo 5:14) Dapat tayong mangunyapit sa mga paglalaang ito na gaya ng pagkapit natin sa isang balsa sa maalong dagat.

Pagkatapos ay ang pahayag na “Salansangin ang Diyablo​—Huwag Hayaang Magkaroon ng Kaagaw.” Nang malapit na silang pumasok sa Lupang Pangako, libu-libong Israelita ang nasilo ng imoralidad. Hindi hinayaan ni Pinehas na magkaroon ng kaagaw ang tunay na pagsamba. Gumawa siya ng tiyak na pasiya laban sa mga manggagawa ng masama, at nakalugod kay Jehova ang kaniyang bukod-tanging debosyon. (Bilang 25:1-13) Tunguhin ni Satanas na bawat isa sa atin ay hindi maging karapat-dapat na makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. Gaya ni Pinehas, dapat kung gayon na salansangin natin ang pagsisikap ng Diyablo na tayo’y marungisan. May asawa man o wala, dapat tayong “tumakas mula sa pakikiapid.”​—1 Corinto 6:18.

Ang huling pahayag sa unang araw ng kombensiyon ay “Buong-Katapatang Ipagtanggol ang Integridad ng Salita ng Diyos.” Maraming tagapagsalin ang bumago o nag-alis ng mga bahagi ng Kasulatan. Halimbawa, upang mapaglubag ang loob ng mga tagapagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan, ang mga tagapagsalin ng The New Testament and Psalms: An Inclusive Version ay tumutukoy sa Diyos, hindi bilang ang Ama, kundi ang Ama-Ina at kay Jesus bilang “ang Isa na Tao” sa halip na ang “Anak [na Lalaki] ng tao.” Sa kabaligtaran naman, matatag na naninindigan ang Bagong Sanlibutang Salin sa salitang mula sa orihinal na wika anupat naging dahilan ito upang maliwanagan ang ating pag-iisip sa maraming bagay mula sa Kasulatan. Halimbawa, sabi ng tagapagsalita: “Ang tumpak na pagkakasalin sa Bagong Sanlibutang Salin ang naglaan ng saligan sa ating muling-pag-oorganisa ng mga kongregasyon sa pamamagitan ng pag-aatas ng mga lupon ng matatanda, bilang mas malapit na pagkakatulad sa parisang inilagay ng Kristiyanong kongregasyon noong unang siglo.” Ipinamamalas natin ang ating katapatan sa Salita ng Diyos sa pagbasa nito araw-araw at sa pagkakapit ng mga payo nito. Sinabi rin ng tagapagsalita: “Ipinakikita nating tayo’y mga tapat na tagapagtaguyod ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral nito sa iba at sa maingat na paggamit nito sa ating pagtuturo sa iba, anupat hindi natin ito kailanman tinatangkang iayon sa ating mga ideya sa pamamagitan ng pagpilipit o pagpapalabis sa mga sinasabi nito.”

‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’

Ang temang ito, batay sa Filipos 4:7, ang bumuo ng pinakadiwa para sa ikalawang araw ng kombensiyon. Karamihan sa mga impormasyong iniharap ay tungkol sa angkop na pangmalas sa ministeryo ng isa, sa pamilya, pag-aalay, at sa iba pang pitak ng pang-araw-araw na buhay.

Pagkatapos talakayin ang teksto sa araw na iyon, isang simposyum ang iniharap na pinamagatang “Mga Mensaherong Nagdadala ng Mabuting Balita ng Kapayapaan.” Ang ating mensahe ay tungkol sa kapayapaan, at ito’y dapat bigkasin sa isang mapayapang paraan. (Efeso 6:15) Ang ating layunin ay ang magwagi sa puso, hindi sa argumento. Ang pagsasanay at mga publikasyong tinatanggap natin mula sa organisasyon ni Jehova ang tumutulong sa atin na iyan nga ang gawin. Huwag nating hayaang masiraan tayo ng loob dahil sa kanilang pagwawalang-bahala o kawalan ng interes. Sa halip, dapat nating patuloy na ‘gawin ang ating sukdulang makakaya,’ na may nakapagpapalusog na rutin ng personal na pag-aaral, pagdalo sa pulong, at pakikibahagi sa gawaing pangangaral. (2 Timoteo 2:15) Hindi dapat kaligtaan ang paggawa ng mabuti sa iba, lalo na yaong mga kaugnay natin sa pananampalataya. (Galacia 6:10) Mangyari pa, ang ating sukdulang makakaya ay hindi naman nangangahulugang sasagarin na natin ang ating sarili. Ang magagawa ng bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan at kalagayan ay kaayaaya kay Jehova.

Ibinibigay ng bayan ng Diyos ang kanilang panahon, lakas, at tinatangkilik sa pagpapasulong sa kapakanan ng Kaharian. Ang pahayag na “Maligayang Pagbibigay sa Loob ng Organisasyon ni Jehova” ay bumanggit na habang higit pang tulad-tupang mga tao ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian, mangangailangan pa kung gayon ng karagdagang kagamitan, dakong pulungan, at mga pasilidad ng sangay. Dahil sa ating mga kontribusyon ang organisasyon ay may nagagamit para sa anumang pangangailangan upang ganapin ang pandaigdig na gawaing pangangaral. Ang bukas-palad na pagbibigay ay nagpaparangal din kay Jehova at nagdudulot ng kagalakan sa nagbibigay. Samakatuwid, bilang mga Kristiyano, hindi natin dapat kaligtaan ang mahalagang pitak na ito ng ating pagsamba.​—2 Corinto 8:1-7.

Tinapos ang pang-umagang sesyon sa pamamagitan ng pahayag sa bautismo​—na sa tuwina’y itinatampok sa malalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova. Kaylaking kagalakang makita ang mga nag-alay na baguhang ito na sumunod sa mga yapak ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig! (Mateo 3:13-17) Lahat ng kumuha ng hakbang na ito ay tinuruan mula sa bukal ng pinakadakilang karunungan​—ang Bibliya. Bukod dito, nasumpungan nila ang tunay na layunin ng buhay, at sila’y biniyayaan ng kapayapaan sa pagkaalam na ang ginagawa nila’y tama.​—Eclesiastes 12:13.

Ang nauukol na payo ay ibinigay sa pahayag na “Mangyaring Ipagsanggalang Kayo ng Kaunawaan.” Napakahalaga ng kaunawaan kung tungkol sa pakikipagnegosyo. Hindi tayo dapat magnegosyo sa loob ng Kingdom Hall, ni magsamantala sa ating kapuwa mga Kristiyano para sa pakinabang na salapi. (Ihambing ang Juan 2:15, 16.) Kailangan din ang kaunawaan kapag namumuhunan sa negosyo o kapag nangungutang o nagpapautang ng pera. “Ang pagkabigo ng mga Kristiyano sa pakikipagsapalaran sa negosyo ay umakay sa pagkasiphayo at maging sa paglalaho ng espirituwalidad para sa ilan na nagmadaling pumasok sa mga peligrosong panukala sa paggawa ng pera,” sabi ng tagapagsalita. Bagaman hindi naman mali para sa mga Kristiyano na makipagnegosyo sa isa’t isa, matalino pa rin na mag-ingat. At kapag gumawa ng kasunduan sa negosyo ang magkabilang panig, dapat na laging igawa ng kasulatan ang mga kondisyon.

Ang pamantayan ng Diyos para sa mga lalaki at babae ay tinalakay sa pahayag na “Nilalang Niya Silang Lalaki at Babae.” Noon pa man sa kasaysayan ay napilipit na ang papel ng lalaki at babae. “May-kamaliang iniuugnay ng marami ang pagiging lalaki sa pagiging mabagsik na hari-harian, matigas ang loob, at mayabang,” sabi ng tagapagsalita. “Sa ilang kultura ay bihira, kahiya-hiya pa nga, para sa isang lalaki na umiyak sa harap ng publiko o sa sarilinan man. Ngunit, binabanggit sa Juan 11:35 na habang kapiling ng karamihan sa labas ng libingan ni Lazaro, ‘si Jesus ay lumuha.’ ” Kumusta naman ang mga babae? Ang pagiging babae ay madalas na iniuugnay sa pagiging kaakit-akit sa pisikal. Ngunit itinanong ng tagapagsalita: “Kung maganda nga ang isang babae ngunit walang katuwiran at mahilig makipagtalo, mapanuya, o arogante, siya ba’y talagang maganda ayon sa tunay na diwa ng salita, anupat babaing-babae?” (Ihambing ang Kawikaan 11:22; 31:26.) Sa kanilang pananalita, paggawi, at pananamit, ang mga Kristiyanong lalaki at babae ay nagsisikap na makasunod sa mga pamantayan ng Bibliya. Sabi ng tagapagsalita: “Ang isang lalaking nagpapamalas ng bunga ng espiritu ay madaling igalang, at ang isang babaing gumagawa nito ay madaling mahalin.”​—Galacia 5:22, 23.

Sumunod ang simposyum na “Nagmamalasakit sa Iyo ang Diyos ng Kapayapaan.” Maraming Kristiyano ang nababalisa sa pinansiyal. Gayunman, nangangako si Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Sa kabila ng kagipitan sa pananalapi, ang ilan ay nagpakita ng pananalig sa pangakong ito sa pamamagitan ng pagpasok sa paglilingkuran bilang auxiliary o regular pioneer. Inuuna ng iba na hindi pa makapagpayunir sa ngayon ang kapakanan ng Kaharian sa pamamagitan ng pagsasamantala sa bawat pagkakataon na magpatotoo. (Mateo 6:33) Ang lahat ng gayong pagsisikap ay talagang kapuri-puri! Ang organisasyon ni Jehova ay naglalaan ng napakaraming publikasyon upang suportahan tayo sa ating ministeryo at matulungan tayong harapin ang ating mga suliranin. Kung pinahahalagahan natin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova, bibiyayaan niya tayo ng kapayapaan kahit sa magulong panahong ito sa ekonomiya.​—Awit 29:11.

Sa pagtatapos ng huling pahayag sa araw na iyon na, “Itaguyod ang Maka-Diyos na Kapayapaan sa Buhay-Pampamilya,” tuwang-tuwa ang mga dumalo sa kombensiyon nang tanggapin nila ang bagong aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. “Maingat na pag-aralan ang aklat na ito nang personal at bilang mga grupo ng pamilya,” himok ng tagapagsalita. “Marubdob na pagsikapang ikapit ang salig-Bibliyang payo nito, at makatitiyak kang mag-iibayo ang kapayapaan at kaligayahan ng iyong pamilya.”

“Tuparin ang Pagiging-Isa . . . sa Nagbubuklod na Bigkis ng Kapayapaan”

Salig sa Efeso 4:3, ito’y isang angkop na tema para sa huling araw ng kombensiyon. Ang mga Saksi ni Jehova, na mula sa lahat ng bansa sa daigdig, ay tinuruan ng Diyos. Kung gayon, mahal nila ang kapayapaan. Sinusunod nila ang halimbawa ni Jesus at nagsisikap na “tuparin ang pagiging-isa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.”

Ang kapayapaang umiiral sa organisasyon ng Diyos ay itinampok sa simposyum na “Pagkilala sa Tamang Uri ng mga Mensahero.” Umiral noon sa sinaunang Israel ang mga bulaang propeta. Magkagayunman, ang tunay na mga mensahero ng Diyos​—gaya ng mga propetang sina Isaias, Ezekiel, at Jeremias​—ay tumpak na humula ng pagbagsak ng Jerusalem, ng panahon ng pagkakatapon, at ng pagpapalaya sa bayan ng Diyos sa wakas. Ganiyan din ang kalagayan sa ngayon. Napakaraming bulaang mensahero sa daigdig ng pulitika at huwad na relihiyon. Gayunman, nagbangon si Jehova ng kaniyang mga Saksi upang ipahayag ang kaniyang layunin may kinalaman sa sistemang ito ng mga bagay. Lalo na sapol noong 1919, ginagamit na ang mga lingkod ni Jehova upang ipahayag ang mensahe ng Diyos. Ibang-iba sila sa mga bulaang mensahero ng Sangkakristiyanuhan! Buong-sikap nawa nating gampanan ang ating bahagi sa gawaing ito hanggang sa sabihin ni Jehova na ito’y tapos na.

Idiniin ng pahayag na “Pakinggan at Sundin ang Salita ng Diyos” na ang Kasulatan ang pinakadakilang bukal ng patnubay, kaaliwan, at pag-asa. (Isaias 30:20, 21; Roma 15:4) Ang sanlibutan sa ngayon ay paluwag nang paluwag. Higit kailanman, kailangan nating makinig ngayon sa payong nagmumula sa Salita at organisasyon ng Diyos. Alam ni Jehova ang ating mga kahinaan, at sa kaniyang Salita ay malinaw na binalangkas niya ang landasing pakikinabangan natin. Dahil sa alam nating tayo’y sinusuportahan ni Jehova kung kaya may tiwala tayo sa paggawa ng anumang bagay na hinihiling niya sa atin.

Ito ang nagpasigla upang bigyang-pansin ang kumpletong-kostiyum na drama na siyang sumunod. Pinamagatan itong “Bakit Dapat Igalang ang mga Kaayusang Teokratiko?” Sa paggamit ng ulat sa Bibliya tungkol kay Gideon bilang saligan, mariing idiniin ng presentasyong ito ang isang matinding aral​—dapat nating sundin ang mga tagubilin ng Diyos at huwag ihalili ang ating sariling pag-iisip o tangkaing lumihis sa teokratikong payo.

Ang pahayag pangmadla ay tungkol sa paksang “Tunay na Kapayapaan sa Wakas!​—Saan Magmumula?” Ang kapayapaang ipinangako ng Diyos ay higit pa sa anumang maguguniguni ng sanlibutang ito. “Ang tunay na kapayapaan ay nangangahulugang kapayapaan araw-araw,” sabi ng tagapagsalita. “Ang kapayapaan ng Diyos ay nangangahulugan ng isang sanlibutang walang sakit, kirot, hapis, at kamatayan.” Sinasabi sa atin ng Bibliya na “pinapaglilikat [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Awit 46:9) Paano niya ito gagawin? Sa pamamagitan ng pag-aalis sa manunulsol ng digmaan, si Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 20:1-3) Ito ang magbubukas ng daan para sa maaamo upang ‘magmay-ari sa lupa, at makasumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.’​—Awit 37:11.

Kasunod ng sumaryo ng araling artikulo sa Bantayan para sa linggong iyon, iniharap ang huling pahayag sa kombensiyon. May pamagat na “Sumusulong Bilang mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan,” idiniin ng nakapagpapasiglang pahayag na ito na ang ating gawaing pangangaral ay kapuwa namumukod-tangi at apurahan. Hindi na ito panahon para magrelaks, magpatumpik-tumpik, o bumalik pa sa mga maling ideya. Tayo’y nasasangkapan ng mga bagay na kailangan natin​—ang mensahe ng Diyos, ang kaniyang banal na espiritu, at ang napakaraming paglalaang nagmumula sa kaniyang maibiging teokratikong organisasyon. Kung gayon, bilang mga lingkod ni Jehova, patuloy nawa tayong humayo bilang mga mensahero ng maka-Diyos na kapayapaan!

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 9]

Maibiging Paglalaan Para Sa Mga Pamilya

Gayon na lamang ang katuwaan ng mga dumalo sa ikalawang araw ng “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon nang tanggapin nila ang bagong publikasyon na pinamagatang Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Ang aklat na ito’y naglalaman ng mga impormasyon mula sa Kasulatan na pakikinabangan ng lahat ng pamilyang umiibig sa Diyos.

Isang matanda mula sa Connecticut, U.S.A., ang nagkomento: “Noong Hunyo 15, tinanggap namin ang aming aklat na Kaligayahan sa Pamilya. Noong Hunyo 16, nasa kalahatian na ako sa pagbabasa nito. Noong ika-17, sinimulan namin ang pampamilyang pag-aaral dito, at kami’y talagang napatibay-loob! Nang araw ring iyon, natapos ko ang pagbabasa sa aklat. Ang mainam na publikasyong ito ay tiyak na napamahal sa lahat ng kumuha nito. Ang pagiging prangka at pagkakaroon ng napapanahong impormasyon ng aklat ay nagdulot ng higit pang patunay na ‘ang tapat at maingat na alipin’ ay tunay ngang nagbibigay ng ‘pagkain sa tamang panahon’ at talagang nakababatid ng ating pangangailangan sa mapanganib na panahong ito.”​—Mateo 24:45-47.

[Larawan sa pahina 7]

Kapuwa bata at matanda ay nagnanais makaalam kung ano ang hinihiling ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share