Kayo ay Inaanyayahan sa “Banal na Kapayapaan” na mga Kombensiyon
SABIK na sabik ang bawat Kristiyanong Saksi ni Jehova sa pagsapit ng taunang pandistritong mga kombensiyon! Tiyak na ito ang tampok ng bawat taon. Ang maiinam na mga pahayag, ang mga drama sa Bibliya, ang mga inilalabas na mga bagong lathalain, ang asosasyon—at kung minsan pati ang malalaking bilang ng mga nagsisidalo—ay pawang nagsasama-sama upang gawing natatangi ang mga pagtitipong ito.
Halimbawa, nariyan ang ilan sa mga “Nag-iingat ng Katapatan” na mga Kombensiyon na ginanap noong nakalipas na taon. Ang dalawa sa São Paulo at Rio de Janeiro, Brazil, ay dinaluhan ng sukdulang bilang na kabuuang 249,351, at 2,645 ang nagpabautismo sa tubig bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova. Ang kombensiyon sa Montreal, Canada, na dinaluhan ng 78,804, ay namumukod-tangi dahilan sa mayroon itong trailer park at ito’y ginanap sa 11 iba’t ibang mga wika. Ang mga nagsidalo sa kombensiyon sa Zurich, Switzerland, ay nag-ulat na sa tanang buhay nila ngayon lamang sila nakaranas doon ng pambihirang kasiglahan at kagalakan. Ang mga delegadong nagsidalo sa isa o higit pa sa mga kombensiyon na ginanap sa Poland ay ganoon din ang inihayag na mga damdamin.
Ang isang di pa kompletong pambuong-daigdig na report ay nagpapakita na mayroong dumalong 5,653,689 sa 754 “Nag-iingat ng Katapatan” na mga Kombensiyon, at 75,202 na mga bagong Saksi ang nabautismuhan. Kagila-gilalas nga ang pagpapala ni Jehova sa mga pagtitipong ito ng kaniyang bayan!
Kabaligtaran ng popular na kasabihan, para sa mga dumalo sa mga kombensiyong ito mas pa kaysa inaasahan ang naging resulta. Halos walang pagbabago ang paniwala ng karamihan na ang pinakahuli ang pinakamagaling hanggang sa panahong iyon. Kaya’t lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nananabik ng paghihintay sa taóng ito sa “Banal na Kapayapaan” na mga Pandistritong Kombensiyon, na gaganapin sa buong daigdig—130 ang para sa Estados Unidos.
Anong inam na tema para sa ating pandistritong kombensiyon: “Banal na Kapayapaan”! Sa ngayon ang lipunan ng tao ay may napakaraming alitan. Hindi lamang literal na mga digmaan ang kasalukuyang nagaganap sa buong lupa kundi mayroon din namang mga ibang uri ng paglalaban-laban: pangkabuhayang labanan at pag-aalitan ng mga mag-asawa, pati na rin ng mga magulang at mga anak. Subalit kabaligtaran nito, nariyan ang kapayapaan sa gitna na nag-alay na bayan ni Jehova. Ito’y isang banal na kapayapaan, na nagmumula sa Isang Banal, si Jehovang Diyos, ang Diyos ng kapayapaan na nagbibigay ng kapayapaan. Sila’y may pakikipagpayapaan sa kaniya bilang resulta ng pananampalataya at mga gawa, kaya naman sila may pakikipagpayapaan sa isa’t isa, sa kongregasyon at sa loob ng sambahayan.—Filipos 4:7; Roma 16:20.
Pansinin din na ang banal na kapayapaang ito ay hindi lamang ang kawalan ng alitan. Ang salitang kapayapaan sa Hebreo ay sha·lohmʹ, at ito’y nangangahulugan hindi lamang ng pagkamapayapa kundi tumutukoy din sa kabutihan at kaunlaran. Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng kaunlaran at gayundin ng kawalan ng alitan dahilan sa sila’y nasa isang espirituwal na paraiso. Sa pamamagitan ng kombensiyong ito lahat ng makakadalo ay magiging lalong palaisip sa kapayapaan at sa kapakanan ng kapayapaan, hanggang kanilang magagawa.—Roma 12:18.
Gaya rin noong nakalipas na mga taon, ang mga kombensiyong ito ay magsisimula sa Huwebes ng hapon sa ganap na ika-1:30. Araw-araw ay may tema ito na tungkol sa kapayapaan, at sa unang araw iyon ay “Pagpapalain ng Diyos ang Kaniyang Bayan ng Kapayapaan,” salig sa Awit 29:11. Tatalakayin doon ang makabuluhang panalangin, at ang sesyon ay tatampukan ng pahayag ng kung papaano kumikilos si Jehova upang gawing bago ang lahat ng bagay.
Sa Biyernes ang pinakatampok na pahayag, “Ang Banal na Kapayapaan para sa mga Tinuruan ni Jehova,” ay magdiriin sa pinagmumulan ng ating kapayapaan. Kabilang sa mga iba pang bahagi ng programa ay isang kasiya-siyang drama sa Bibliya na iniuugnay ang sinaunang panahon sa ating kaarawan.
Bukod sa pahayag sa bautismo, ang programa sa Sabado ng umaga ay magdiriin sa ating mga obligasyong Kristiyano sa isa’t isa at sa pangangailangan na laging sumulong bilang Kristiyanong mga saksi ni Jehova. Sa hapon, magkakaroon ng mainam na payo para sa mga miyembro ng pamilya at hinirang na mga tagapangasiwa.
Isang tahasan at epektibong makabagong-panahong drama ang itatanghal sa Linggo ng umaga. Sa hapon, ang mahalagang pahayag pangmadla na “Kapayapaan sa Wakas!—Pagka Nagsasalita ang Diyos” ang magiging isa sa mga tampok ng kombensiyon. Tiyak na lahat ng dadalo sa kombensiyon ay uuwi na taglay ang damdamin na sila’y lubusang sinangkapan ng Diyos ng kapayapaan upang gawin ang kaniyang kalooban.
Kung gayon, dumalo kayo ng apat na araw taglay ang mahusay na gana sa espirituwal, na lubusang palaisip sa inyong espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Isaayos ang inyong gawain upang naroon na kayo para sa pambungad na awit at panalangin sa bawat araw. Dumalo kayo na nasasangkapan upang kumuha ng mga nota, para maisulat ninyo ang mga mahahalagang punto upang tulungan kayo na magpako ng atensiyon sa sinasabi ng tagapagpahayag. Isa pa, ang mga kaisipan na ipahahayag doon ay lalong matibay na mapapakintal sa inyong puso at isip.
Ngunit huwag nating kaliligtaan na ang dalisay na pagsamba sa Diyos na Jehova ay hindi lamang pulos pagtanggap. Ito’y nangangailangan din na ibigay. Ibig nating isaisip ang simulain ng Bibliya: “Siyang naghahasik nang sagana ay aani rin nang sagana.” (2 Corinto 9:6) Bukod diyan, yamang sinabi ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap,” tamasahin sana natin ang pinakamalaking kagalakan sa kombensiyon sa pamamagitan ng pagbibigay hangga’t magagawa natin ito, na malayang ipinagkukusang-loob ang ating paglilingkod. (Gawa 20:35) Oo, huwag na sanang kailanganin pa na manawagan para sa mga tutulong na boluntaryo.
Isa pa, pakadibdibin natin ang paglalaan ng pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan sa Biyernes ng hapon. At sana’y maging listo tayo sa loob ng apat na araw na samantalahin ang mga pagkakataon na magbigay ng impormal na pagpapatotoo. Ito’y nagpapaalaala sa atin ng isa pang simulain ng Bibliya: Ang mapagbigay na kaluluwa ay sasagana, at siyang nagdidilig ay didiligin din. (Kawikaan 11:25) Oo, anyayahan natin ang lahat na maaari nating maanyayahan upang alamin para sa kanilang sarili kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na naliligayahan sa banal na kapayapaan.