Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Paanong si Jesus ay “isang Diyos” na nilalang ni Jehova, gayong sa Isaias 43:10 ay sinasabi: “Walang Diyos na inanyuan na una sa akin, at wala rin na sumunod pagkatapos ko”?
Kilalang-kilala na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova buhat sa Bibliya na si Jesus ang nilalang na Anak ng Diyos at nakabababa sa kaniyang Ama. (Juan 14:28; 1 Corinto 11:3) Gayunman, bilang Isang makapangyarihan na naglilingkod bilang Tagapagsalita ng Diyos, o Logos, siya’y maaaring tawaging “isang diyos.” Ang mga ilang salin ng Bibliya sa Juan 1:1 ay nagsasabi na ang Logos ay “isang diyos.” Halimbawa, sa Das Evangelium nach Johannes (1979) ni Jürgen Becker ay mababasa: “ . . . und der Logos war bei dem Gott, und ein Gott war der Logos.” (Salin sa Tagalog: “ . . . at ang Logos ay kasama ng Diyos, at isang diyos ang Logos.”)a
Gaya ng ipinakikita ng nagtanong, baka ito’y tila salungat sa sinasabi ng Isaias 43:10, 11: “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga’y aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at sumampalataya kayo sa akin, at upang inyong maunawaan na ako rin ang Isang iyon. Bago sa akin ay walang Diyos na inanyuan, at pagkatapos ko ay wala na rin. Ako—ako’y si Jehova, at maliban sa akin ay walang tagapagligtas.’”
Ang isang taimtim na estudyante ng Bibliya ay natutulungan sa pamamagitan ng maingat na pagpansin sa konteksto ng mga salitang iyan. Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na si Jehova ay bumabanggit ng pagkakaiba niya sa gawang-taong mga idolo sa mga bansa na nakapalibot sa Israel. Si Jehova’y nagtatanong: “Kanino ba ninyo itutulad ang Diyos, at anong wangis ang inyong maiaagapay sa kaniya?” Tunay na hindi ang isang imahen na gawa ng isang panday o hinubog buhat sa isang punungkahoy. (Isaias 40:18-20; 41:7) Ang gayong “mga diyos” ay hindi ‘makapaglaladlad ng langit na gaya ng isang tabing,’ gaya ng ginawa ni Jehova. (Isaias 40:21-26) Isa pa, alam ni Jehova kung ano ang mangyayari sa hinaharap; tiyak na ang mga idolo ng mga bansa ay hindi ‘nakapagsasabi ng mga bagay na darating pagkatapos upang ating maalaman na sila ay mga diyos.’ (Isaias 41:23) Ang ganitong diwa ay inuulit sa Isaias 43:9, na kung saan sinasabi ni Jehova: “Mapisan ang lahat ng bansa. Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito? O makapagpaparinig sa amin ng kahit na mga bagay noong una? Iharap nila ang kanilang mga saksi.” Matuwid naman na sabihin ng Makapangyarihan-sa-lahat: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.”—Isaias 42:8.
Kaya ipinakikita ng konteksto na hinahamon ng Makapangyarihan-sa-lahat ang umano’y mga diyos ng mga bansa. Palibhasa’y mga idolo lamang na walang makalangit na kapangyarihan, tunay na sila’y hindi mga diyos na dapat sambahin; sila’y talagang walang kabuluhan. Si Jehova’y nagpapatuloy pa: “May Diyos pa ba maliban sa akin? Wala, wala nang malaking Bato. Ako’y walang nakikilalang iba. Ang mga tagapag-anyo ng nililok na imahen ay pawang di-tunay, at ang kanilang mga minamahal [hinubog sa metal o nililok sa kahoy] ay hindi mapapakinabangan.” (Isaias 44:8-17) Kung gayon, ipinakikitang malinaw ng konteksto ng Isaias 43:10 na hindi kasali rito si Jesus; ang “mga diyos” na tinutukoy rito ay ang walang kabuluhang mga idolo ng mga bansa.
Ang salitang “Diyos” o “diyos” ay karaniwang ginagamit tungkol sa isang superyor na taong sinasamba. Samakatuwid, sa isip ng maraming tao, ang “diyos” ay nangangahulugan na (1) ang Kataas-taasang Maykapal, ang Makapangyarihan-sa-lahat, o (2) isang diyus-diyusan, tulad halimbawa ng isang idolo. Gayunman, sa Bibliya ay mayroon pang mga ibang gamit ito. Makikita natin ito buhat sa Awit 82:1, 2. Dito ang Banal na Isa [si Jehovang Diyos] ay ipinakikita ang pagkakaiba sa mga taong hukom na tinutukoy ng salmista na “mga diyos.” Nang malaunan ay tinukoy ni Jesus mismo ang talatang ito. Dahil sa kaniyang tinukoy si Jehovang Diyos bilang kaniyang Ama, ibig ng ilang mga Judio na batuhin siya. Sa kanilang paratang na kaniyang ‘ginagawang isang diyos ang kaniyang sarili,’ si Jesus ay tumugon: “Hindi baga nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko: “Kayo’y mga diyos”’? Kung [ang mga taong hukom na iyon] ay tinawag niyang “mga diyos” . . . ano’t sinasabi ninyo sa akin na isang ginawang banal ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay namumusong,’ sapagkat sinabi ko, Ako’y Anak ng Diyos?”—Juan 10:31-36.
Tiyak na mayroong iisa lamang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Sapagkat bagaman may tinatawag na mga ‘diyos,’ maging sa langit o maging sa lupa, kung paanong maraming mga ‘diyos’ at maraming mga ‘panginoon,’ sa ganang atin naman ay may iisa lamang Diyos, at Ama, na sa kaniya nanggagaling ang lahat ng bagay, . . . at may isang Panginoon, si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng bagay, at tayo’y sa pamamagitan niya.” (1 Corinto 8:5, 6) Ang Panginoong Jesu-Kristo ay hindi isang huwad na diyos, hindi isang demonyong diyos, hindi isang hamak na idolo. Siya ‘ang larawan ng kaluwalhatian ng Diyos na Jehova.’ (Hebreo 1:3) Kaya naman angkop na sa Juan 1:1 ay tinutukoy si Jesus na “isang diyos,” o “tulad-diyos” (Johannes Schneider).
[Talababa]
a “Ang titulong ho theos [ang Diyos, o Diyos], na tumutukoy ngayon sa Ama bilang isang personal na katunayan, ay hindi ikinakapit ng B[agong] T[ipan] kay Jesus Mismo; si Jesus ang Anak ng Diyos (ng ho theos). . . . Ang Jn 1:1 ay dapat istriktong isalin na ‘ang salita ay kasama ng Diyos [= ang Ama], at ang salita ay dibino.’”—Dictionary of the Bible (1965), ni John L. McKenzie, S.J.