Ang Pagsisilang ng Buhay—Gawa ng Ebolusyon o Galing sa Diyos?
“KAHIMA-HIMALA at masalimuot.” Ganiyan ang pagkasabi ng lathalaing Science News tungkol sa sangkap ng isang babae sa pag-aanak. Subalit ang isang itlog buhat sa obaryo ng isang babae ay hindi makapagsisilang ng buhay sa ganang sarili. Upang magawa iyon, isang pinaka-binhing selula buhat sa sangkap ng lalaki sa pag-aanak ang kailangang mapasama sa nukleo ng itlog. Ngunit ano ba ang nangyayari sa pinaka-binhi upang ang itlog ay umunlad? Ang tanong na iyan ay isang palaisipan pa rin sa mga siyentipiko.
Dahil sa paniwala sa ebolusyon ay bumabangon ang isa pang tanong: Kung ang mga sangkap sa pag-aanak ng lalaki at ng babae ay resulta ng ebolusyon, papaano nga nagkakaroon ng buhay bago pa nagkaroon ng kapuwa nito?
Mayroon pang ibang mga kababalaghan ang pagsilang ng buhay. Ang henetikong materyal sa isang pertilisadong itlog ay maaari lamang makita sa tulong ng isang mikroskopyo. Gayunman ay taglay nito ang “pagkalawak-lawak na mga kalipunan ng impormasyon,” gaya ng pagkasabi nina Propesor Frair at Davis sa kanilang aklat na A Case for Creation. “Wala nang iba pang halimbawa ng pagkaliit-liit na maihahambing man lamang dito,” isinusog pa nila. Ang pagkaliit-liit na aklatang ito ang nagdidirekta sa pag-unlad ng lahat ng parte ng katawan, kasali na ang mga detalye na gaya ng kulay ng mga mata at ng buhok.
Pagkatapos ng pertilisasyon, hindi nagtatagal at ang selula ay nahahati at nagiging dalawa, ang dalawa ay nagiging apat, at patu-patuloy, hanggang sa may napakarami nang selula. Ang paghahati-hati ng selula ay kinabibilangan ng paggawa ng pare-parehong mga molecula at pagsasaayos ng angaw-angaw ng mga ito. Ito’y nakakatulad ng isang pabrika na kusang nahahati sa dalawang magkabukod na mga pabrika na may nagkakapare-parehong mga makina at gumagawa ng parehong produkto, at ang ganitong pagdami ay inuulit-ulit. Pagkatapos ay isa pang kagila-gilalas na bagay ang nangyayari.
Iba’t-iba ang korteng mga selula ang nagsisimulang maporma—mga selula ng nerbiyos, mga selula ng kalamnan, mga selula ng balat ng katawan, at lahat ng iba pang mga selula na bumubuo sa katawan ng tao. Isang hiwaga ang pagkakaiba-iba ng selula. Gayundin naman ang pagtutumpuk-tumpok ng nagtitipong mga selula. “Walang sinomang nakakaalam nang tiyakan,” ang sabi ng Science Digest, “kung bakit ang isang tumpok ng mga selula ay nagpoporma ng isang kidney samantalang ang iba ay nagpoporma ng isang atay, at mga iba pa.” Sa wakas, ang katawan ng tao ay sumasapit sa lubusang paglaki, at ito’y binubuo ng humigit kumulang 100,000,000,000,000 selula.
Sang-ayon sa teorya ng ebolusyon, ang buhay ng tao ay umunlad na unti-unti buhat sa pagkaliit-liit na mga microorganismo. Subalit, di tulad ng mga tao, karamihan ng mga microorganismo ay nanggaling sa iisa lamang pinaka-magulang. Ang mga ito ay nag-aanak sa ganang kanilang sarili. Paano ngang ang ganitong uri ng pagsilang ng buhay ay magiging resulta ng ebolusyon buhat sa lalong masalimuot na anyo na nangangailangan ng dalawang pinaka-magulang? Nahihirapan ang mga ebolusyonista na sagutin ito, gaya ng ipinakikita ng nauunang pahina.
Ang malaking agwat na ito ay tinutukoy na “ang imbensiyon ng seksuwal na reproduksiyon.” Subalit ang mga ibang siyentipiko ay may lakas ng loob na tumutol. Sang-ayon kay Propesor Jaap Kies, ng University of Western Cape, Timog Aprika, ito ay “pangahas na haka-haka.”
Iisa lamang ang kasiya-siyang paliwanag tungkol sa pagsilang ng buhay. Ito ay isang regalo ng sakdal-dunong na Maylikha, si Jehovang Diyos. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay nanggagaling sa itaas.”—Santiago 1:17.
[Kahon sa pahina 3]
Ang Inaamin ng mga Ebolusyonista Tungkol sa Pag-aanak
“Bahagya man ay wala tayong alam kung bakit may sekso; kung bakit mga bagong nilikha ang nagiging resulta ng pagsasama ng dalawang nilikhang may sekso, sa halip na pagiging resulta iyon ng parthenogenesis [pag-aanak ng isa lamang pinaka-magulang] . . . Ang buong paksa ay nakakubli pa sa kadiliman.”—Charles Darwin, 1862.
Tungkol sa kuru-kuro ni Darwin, isinusog ng Science News, Setyembre 8, 1984: “Baka ang isinusulat niya ay ngayon.”
“Ang aklat na ito,” ang sabi ni Propesor George C. Williams sa introduksiyon sa Sex and Evolution, “ay isinulat sa paniniwala na ang pag-iral ng seksuwal na reproduksiyon sa matataas na uri ng halaman at mga hayop ay di-katugma ng kasalukuyang teoriya ng ebolusyon.”
Sa kaniyang aklat na The Evolution of Sex, si Propesor John Maynard Smith ay naghaharap ng “isang panukala para sa pinagmulan ng sekso,” at binanggit niya ito na “ang pinakamagaling na panukala na maihahandog ko.” Kaniyang sinabi bilang konklusyon: “Hindi ako makapagkukunwari sa pagkakaroon ng malaking pagtitiwala sa paliwanag na ito.”
“Ang sekso ang pinaka-sentro ng mga problema sa evolutionary biology. . . . Wari nga na ang ilan sa pinakapangunahing mga tanong sa evolutionary biology ay bahagyang-bahagya lamang nabanggit . . . Ang pinakamalawak at di-maipagwawalang-bahala at pinakamabigat na mga tanong na ito ay, bakit may sekso?”—The Masterpiece of Nature, ni Propesor Graham Bell.