‘Wala Pa Akong Nababasang Katulad Nito’
ANG aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay nakatulong sa marami upang maunawaan nang lalong malinaw kung paano nagkaroon dito sa lupa ng buhay at kung saan patungo ito. Isang tao ang sumulat: “Ako’y 78 anyos at nagbabasa na ako sapol pa noong ako’y dos anyos. Ngunit wala pa akong nababasang katulad ng Life—How Did It Get Here? Tunay na kamangha-mangha ito. Ang impormasyon na narito ay di-maubos maisip.”
Buhat sa New Zealand isang tao ang sumulat na ang aklat ay “tiyak na isa sa pinakalitaw sa kasaysayan ng modernong paglalathala.” Isa pa, taga-Italya, ay nagsabi: “Ang aklat ay tunay na siyang pinakamagaling! Binasa ko ito nang walang hinto at hindi ako nahapo, gaya ng mararanasan sa pambihirang mga aklat.”
Isang negosyante sa Inglatera ang kumuha ng 25 kopya para sa kaniyang mga kasamahan sa negosyo. Dagling naubos ang kaniyang kinuhang mga kopyang iyon kaya kumuha siya ng 25 pa. At isang guro ng relihiyon sa Estados Unidos ang pumidido ng karagdagang 24 na kopya upang gamitin sa kaniyang mga klase.
“Tumpak na Siyensiya”
Isang estudyante sa Canada ang nagsabi: “Ang tawag ko rito ay aking aklat-aralan sa siyensiya, at masasabi ko sa inyo ang katotohanan na higit pang wastong siyensiya ang natutuhan ko sa aklat na ito kaysa natutuhan ko sa buong panahon ng aking pag-aaral.”
Sa bagay na ito, isang tao ang sumulat: “Nang ako’y nag-aaral para magkamit ng titulo sa unibersidad, ako’y nagbayad ng daan-daang dolyar para sa iba’t-ibang kurso na ang impormasyong taglay ay nadadaig ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Ang mga kursong ito ay sa matematika, biology, genetics, inorganic at organic chemistry, at anthropology. Ngayon ko napag-isip na nakatipid sana ako ng malaking pera kung ang binili ko lamang ay ang inyong aklat na nagkakahalaga ng ₱35.00. Gayundin, inyong pinagbukod ang ‘trigo at ipa.’”
Isang instruktor ng physiology sa kolehiyo ang nagpahayag ng kaniyang pasasalamat sa pagsasabi: “Itung-ito ang uri ng reperensiyang materyal na noo’y malimit na hinahangad ko. Lahat ng pananaliksik na malimit na hinihiling kong magkaroon sana ako ng sapat na panahon na gawin o ng hilig na gawin ay ginawa na para sa akin!” Gayundin, isa pang tao ang sumulat: “Talagang pinahahalagahan ko ang lahat ng detalyadong pananaliksik na ginamit sa aklat na ito. Aba, marahil ay mga buwan ang ginugol upang lubusang masaliksik ang bawat topiko!”
Pagpapalawak ng Pagpapahalaga sa Maylikha
Nang sumulat ang isang tao para ipabatid ang kaniyang “malaking paghanga” sa aklat, sinabi niya: “Ang aklat ay hindi lamang nangungumbinse, kundi ito’y nagbibigay din ng inspirasyon!” At iyan ang layunin nito—upang magbigay ng inspirasyon sa pagtitiwala sa isang maibiging Maylikha na may kamangha-manghang layunin para sa sangkatauhan.
Isang padre de-pamilya ang nagsabi sa sulat na ito’y “lalong nagpalaki ng aming pagpapahalaga sa ating kahanga-hangang Ama at nililiwanag, sa paraang hindi makakatulad ng anomang ibang gawang-taong publikasyon, ang talino ng ating Disenyador.” Isang babae naman ang nagsabi na sa lahat ng mga aklat na kaniyang nabasa “ito ang pinakamalaki ang nagawa para sa pakikipagkaibigan ko kay Jehova. Anong kagila-gilalas na Diyos!” At isang babaing taga-Canada ang sumulat: “Hindi ko mabibigyan ng katarungan ang aking mga emosyon. Ito ang pinakamalapit na nadama ko sa pag-unawa sa pagkalaki-laking pag-ibig ni Jehova. Ang aking kaloob-loobang bahagi ang nagpakilos sa akin hanggang sa pagluha sa pagkakita ng kapangyarihan ng aklat na ito.”
Para sa taimtim na mga tao na may alinlangan tungkol sa pag-iral ng isang Maylikha, ang sumusunod na liham na ang nagpapahayag na mainam ng epekto ng aklat: “Salamat po! Marami nang taon na nahihirapan akong maniwala sa isang Maylikha sapagkat ako’y naniniwala sa ebolusyon. Subalit nakabili ako ng inyong aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Ang pakiwari ko’y katulad ako ng isang taong bulag na ngayon lamang nakakita. Ako’y naghahanap ng isang matatag na batayan, at matinong pangangatuwiran upang magpaliwanag ng pinagmulan ng buhay sa lupa at sa wakas ay nasumpungan ko sa inyong aklat. Ito ang nagbigay sa akin ng lahat ng sagot na hinahanap ko sa lahat ng mga taóng ito. Hindi matapus-tapos ang aking pasasalamat! Magpatuloy kayo sa mabuting gawa!”
Ang aklat na ito ay nagpatunay na isang inspirasyon sa marami. Tiyak na ito’y magpapatuloy ng pag-akay sa mga iba pa para makilala ang Maylikha, ang Diyos na Jehova, upang sila’y makinabang ngayon at sa walang hanggan sa kaniyang bagong sistema ng mga bagay dito sa lupa.—2 Pedro 3:13.