Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ibig sabihin ng 2 Samuel 18:8, na nagsasabi: “Higit pa ang ginawa ng gubat na paglamon sa bayan kaysa ginawa ng tabak”?
Ang guwapong anak ni Haring David na si Absalom ang umagaw sa trono at pilit na ang kaniyang ama ay tumakas buhat sa Jerusalem. Pagkatapos, sa gubat ng Ephraim (marahil sa gawing silangan ng Ilog Jordan) nagkaroon ng pagbabaka ang mga kawal ni Absalom at yaong mga tapat sa pinahirang hari ni Jehova, si David. Ang ulat sa 2 Samuel 18:6, 7 ay naglalahad na sa mahigpit na pagbabaka ang mga kawal ni David ay pumatay ng 20,000 rebelde. Ang isang bahagi ng susunod na talata 2 Sam 18:8 ay nagsasabi pa: “At, higit pa ang ginawa ng gubat na paglamon sa bayan kaysa ginawa ng tabak na paglamon sa kanila sa araw na iyon.”
May mga nagsasabi na ito’y tumutukoy sa mga rebeldeng sundalo, na nilamon ng mababangis na hayop na nasa mga gubat. (1 Samuel 17:36; 2 Hari 2:24) Subalit ang gayong literal na paglamon ng mga hayop ay hindi siyang ibig tukuyin, gaya rin ng “tabak” na hindi literal na lumamon sa mga nangapatay sa labanan. Ang totoo, ang labanan ay “lumaganay psa buong lupain na nakikita.” Malamang na mas tama ang paliwanag na ang nagaping mga kawal ni Absalom, na nagkagulu-gulo na at nagsisitakas nang sila’y naroroon sa mabatong gubat, ay marahil nahulog sa mga hukay at nakakubling mga bangin, at sila’y napapulupot sa makakapal ang tubo na mga halaman. Kapuna-puna, ang ulat ay patuloy na nagsasabi na si Absalom mismo ay nasawi sa gubat. Marahil dahilan sa kaniyang malagong buhok, ang ulo niya ay napasabit sa isang malaking punungkahoy, at siya’y napahantad na walang magawa sa pag-atake ni Joab at ng kaniyang mga kawal at ito ang ikinamatay niya. Ang bangkay ni Absalom ay ‘inihagis sa malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng mga bato.’—2 Samuel 18:9-17.