Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Mabuting Balita ng Kaharian Buhat sa Gawing Timog
TULAD din sa 211 iba pang mga lupain, ang mabuting balita ng Kaharian ay inihahayag nang buong sigasig ng mga Saksi ni Jehova sa lupain sa timog, ang Australia. Ang mahigit na 49,000 mga Saksi roon ay nagtatamasa ng mayamang pagpapala. Maraming tao na may iba’t ibang pinagmulang bansa ang nandayuhan doon sa lumipas na mga taon, kung kaya’t ngayon 58 mga kongregasyong kinauugnayan ng mga nagbuhat sa iba’t ibang bansa ang nag-uulat ng paglilingkod sa larangan. Nakapagpapatibay-loob na mga karanasan ang inilalahad ng tanggapang sangay ng Watch Tower Society.
Isang Tumakas na Vietnamese
Isang tumakas na Vietnamese, na namumuhay ngayon sa Australia, ang lumaki na ang sinasamba’y ang kaniyang mga ninuno, si Confucio, at si Buddha, lakip na ang pilosopya sa Silangan at sa Kanluran. Magpahanggang noong 1975 siya’y isang kawal sa hukbo ng Timog Vietnam. Noong 1979 ang kaniyang kaliwang bisig ay pinutol dahil sa nagkaroon ng tumor sa kaniyang pulsuhan. Palibhasa’y nagnanasa siya ng kalayaan, siya’y tumakas sa Vietnam noong 1983, kasama ang 24 na mga iba pa, sa isang munting bangka. Pagkatapos ng isang kakila-kilabot na pakikipagsagupaan sa mga pirata, ang bangkang ito ay ipinadpad nang walang tiyak na patutunguhan sa Karagatan ng Timog Tsina sa loob ng anim na araw ng di-kawasang kainitan, hanggang sa sila’y nakarating din sa Malaysia. Pagkatapos gumugol ng limang buwan sa isang kampo ng mga takas, siya’y pinayagang pumasok sa Australia. Tatlong buwan ang nakalipas nang siya’y nakatagpo ng katotohanan. Ang mga salita ni Jesus sa Juan 8:32 ang kasagutan sa kaniyang matinding pagnanasa sa kalayaan: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Siya’y pinagpakitaan ng mga kapatid ng malaking pag-ibig. Sa ngayon siya ay isang Saksi ni Jehova at nakatutulong sa maraming iba pang mga Vietnamese upang matuto ng katotohanang nagpapalaya.
Isang Katutubo ang Tumugon sa Katotohanan
Sa hilagang-kanlurang Australia isang kabataang lalaking payunir at ang kaniyang kasama ang dumalaw sa isang Katutubong babae sa isang lugar ng mga tribo na tinatawag na woolshed. Pagkatapos mapakinggan kung bakit sila nagpunta roon, kinuha ng babae ang isang susi na nakasabit sa kaniyang leeg at binuksan ang isang nakasusing malaking kabang bakal. Sa laki ng kanilang pagtataka, nakita nila sa loob kasama ng mga ilang gamit ng babae ang dalawang brosyur ng Watch Tower at isang lumang Bibliya. Sila’y naupo sa lupa, at nakapagsimula sila ng isang pag-aaral na ginagamit ang isa sa mga brosyur. Bagaman ang babae ay hindi nakababasa ni nakasusulat man, kaniyang pinahalagahan ang mga brosyur na nakuha niya noon pa. Isang regular na pag-aaral ang idinaraos ngayon, sa laki ng kaniyang katuwaan.
Di-sinasadyang Pagka-dial ng Telepono
Sa siyudad ng Sydney, na may populasyon na tatlong milyon, isang tatlong-taóng-gulang na batang babae ang naglalaro sa telepono at duma-dial ng kung anumang numero ang maisip. Nagkataong ang numerong na-dial ay sa isang Saksi. Ang sister ay sumagot, at ang akala niya noong una ay kaniyang apo ang tumawag. Pagkatapos ay narinig niya ang isang boses ng taong may-edad na. Iyon pala ay yaong ina ng munting batang iyon, na humingi ng paumanhin dahil sa ginawa ng kaniyang anak. Nagbigay-daan iyon sa isang usapan, na sinamantala ng ating sister upang siya’y makapagpatotoo. Ang babae ay bumulalas: “Gusto ko sanang may pumunta uli ritong mga Saksi. Ibig kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova!” At nagpatuloy na sinabi niyang dalawang buwan lamang ang nakalilipas, siya’y dumalaw sa Peru at natuwa siya nang kaniyang malaman na ang kaniyang tiya at ang pamilya ay mga Saksi ni Jehova na ngayon. Sinabi niya: “Ang mga anak ng aking mga kamag-anak ay mga mumunting diyablo, pero ngayon sila ay mga mumunting anghel!” Nagsaayos ng isang pag-aaral sa Bibliya, at ang babaing interesado ay patuloy na may mabuting pagsulong—pawang dahilan sa isang di-sinasadyang pagtawag sa telepono ng kaniyang munting anak.