Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
“Bawat Tekstong Kaniyang Binasa ay Umantig sa Aking Puso”
“ANG salita ng Diyos ay buháy at mabisa ang lakas,” ang sabi ni apostol Pablo. (Hebreo 4:12) Ito’y naging totoo sa buhay ng isang babaing taga-Vietnam na lumaking isang Buddhista. Ganito ang kaniyang kuwento.
“Ang aking mga magulang, na nasa Vietnam pa rin, ay naturingang mga Buddhista, kaya ako’y lumaking isang Buddhista hanggang ako’y makapag-asawa sa edad na 22. Ang pamilya ng aking asawa ay sumubok na puwersahin ako na mabautismuhan sa Iglesiya Katolika. Kanilang sinabi na ang aking namatay na biyenang babae ay hinahadlangan na makapasok sa langit dahil sa ako ay isang Buddhista! Sa simula ay tumanggi akong gawin iyon, subalit nang malaunan ako ay nabautismuhan upang makalugod sa kanila. Gayumpaman, sa kaibuturan ng aking puso, aking naisip na ako’y katawa-tawa sapagkat kinamumuhian ko ang pagpapaimbabaw sa Iglesiya Katolika. Ito’y walang pagkakaiba sa relihiyong Buddhista. Ito’y kasangkot din sa digmaan at sa pulitika, at ang mga relihiyong iyan ay kapuwa nanghihimok na sumamba sa mga ninuno.
“Kung ako’y namalagi sa Vietnam, disin sana’y nagkaroon ako ng napakaliit na pagkakataong makaalam ng katotohanan. Ako’y lumaki sa panahon na laganap ang makapulitikang kaguluhan sa Timog Vietnam, at ako’y naninirahan sa isang bayan na malayo sa Saigon. Kaya isang pagpapala na ako’y nakatakas patungong Australia.
“Ako’y isa sa lalong mapalad na boat people. Samantalang kalong ko ang aking dalawang-buwang sanggol, ako’y kumarimot ng takbo sa kadiliman upang makatakas sa pulisya at makasakay sa munting bangka sa pangingisda. Pagkaraan ng pitong araw sa dagat, kami’y dumating sa Malaysia, na kung saan kami’y lumagi ng ilang buwan sa isang kampo ng mga takas bago tumungo sa Australia.
“Pagkaraan ng dalawa at kalahating taon sa Australia, ako’y natagpuan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagbabahay-bahay. Sa unang pagdalaw nila, ako’y pumayag na regular na aralan sa Bibliya sapagkat nakita ko na ito ay isang mabuting pagkakataon na matuto ng Ingles. Subalit ang ugali ng Saksing nakatagpo sa akin at ang katotohanan na kaniyang itinuturo ay hinangaan ko nang ganiyan na lamang. Bawat tekstong kaniyang binasa ay umantig ng aking puso, at wala akong nakitang pagpapaimbabaw sa organisasyon ni Jehova. Pagkatapos na mag-aral ng Bibliya nang may isa at kalahating taon, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at ako’y nabautismuhan.
“Masasabi ko na ang katotohanan ang bumago sa aking buong pangmalas sa buhay. Ang aking asawa ay di-sumasampalataya, subalit ako’y tinulungan at inalalayan ni Jehova, kasama na ang aking maliit na pamilya. Siya ang naging aking Dakilang Instruktor at kaniyang tinuruan ako na maging isang lalong mabuting asawang babae at ina. Patuloy na pinasasalamatan ko si Jehova sa kaniyang pagtulong sa akin upang makaahon sa espirituwal na kadiliman tungo sa liwanag ng katotohanan ng Bibliya.”
Oo, ang kinasihang Salita ng Diyos ay may mabisang lakas na umakay sa ikabubuti sa bagay na ito. Ang pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng natutuhan ay nagbibigay ng kabuluhan at layunin sa buhay at umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Gaya ni Moises na kinasihan ng Diyos na sabihin, “Ito’y hindi isang walang-kabuluhang salita para sa inyo, kundi ito’y nangangahulugan ng inyong buhay.”—Deuteronomio 32:47.