Ang Pangarap na Pandaigdig na Kapayapaan—Isang Pangitaing May Depekto
ANG pag-asang magkakaroon ng pandaigdig na kapayapaan ay laganap. Sa kaniyang tudling sa The Toronto Star, si Carol Goar ay sumulat: “Ang mga kasunduan sa kapayapaan ay dumarami mula sa Afghanistan hanggang sa Angola. Ang panrehiyong mga alitan na waring di-masupil mga ilang buwan ang nakalipas ay nagpapakita ng palatandaan ng paghupa. At ang Nagkakaisang mga Bansa ay dumaraan sa isang nakapagpapalakas-loob na muling pagbangon.” Ito, ang sabi ni Goar, ang nagbigay-daan sa isang “pangglobong salot ng pag-asa.” Isang editoryal sa USA Today ang nagpahayag ng nahahawig na pananalita: “Ang kapayapaan ay nagbubukang-liwayway sa buong daigdig.”
Ang isang lalo nang kapuna-puna kamakailan ay ang binanggit ng UN Chronicle bilang “ang nagpapatuloy na pagkakasundo sa pagitan ng Unyong Sobyet at ng Estados Unidos.” Pag-atras ng tropa, nakapagtatakang mga pangyayari sa Silangang Europa, mga usap-usapan ng pagbabawas ng tropa at ng mga armas—ang mga pangyayaring ito ay gumising ng pag-asa na ang mga superpower ay marahil sa wakas hihinto na ng pagpapaligsahan sa armas. Sa isang sanlibutan na kung saan ang ginagastos sa hukbong militar ay iniuulat na kumakaltas sa ekonomiya nang mahigit na 850 libong milyong dolyar isang taon, ito ay isang lubhang katanggap-tanggap na pag-asa.
Gayunman, gaano bang kalaki ang posibilidad na ang pinapangarap ng taong pandaigdig na kapayapaan ay matutupad? Kahit na ang pinakapalaasang mga tagapagmasid ay umaamin na isang napakalaking hakbang ang kailangang gawin mula sa pagbabawas ng armas tungo sa pag-aalis na tuluyan ng armas. Ang nuklear na disarmamento ay mangangailangan ng wala pang kahalintulad na antas ng pagtitiwala sa isa’t isa. Ngunit, nakalulungkot sabihin na ang mga superpower ay may mahabang kasaysayan ng di-pagtitiwala sa isa’t isa. Gaya ng inihula ng Bibliya, ito’y isang panahon na ang mga tao’y “hindi bukás sa anumang kasunduan [“maninira ng kasunduan,” King James Version].”—2 Timoteo 3:3.
Isa pa, hindi lahat ay kumbinsido na ang pag-aalis ng mga armas nuklear ay magdadala ng kapayapaan. Kahit na kung ang mga bansa ay mahikayat na alisin na ang kanilang mga tala-talaksang armas nuklear, ang kombensiyonal na mga armas naman ay marami pa ring mapapatay. Ang Digmaang Pandaigdig I at II ay nagbibigay ng malagim na patotoo tungkol sa bagay na ito. Isa pa, ang teknolohiya na kailangan upang muling-lumikha ng mga armas nuklear ay umiiral pa rin—handa at naghihintay ng unang tanda ng pulitikal na kaigtingan. Ang iba, tulad ng pulitikal na siyentipikong si Richard Ned Lebow, ay nangatuwiran pa man din: “Marahil ang pag-iingat ng mga ilang armas nuklear ay makaaakay sa mga tao upang manatiling mapagbantay.”
Ngunit habang umiiral ang mga armas nuklear, ang anino ng kawasakang idudulot ng mga armas nuklear ay aakay lamang sa inaangking pagkatamo ng kapayapaan bilang isang katatawanan lamang; gayundin magpapatuloy ang mga suliranin na walang kinalaman sa militar ngunit angaw-angaw ang ninanakawan nito ng kapayapaan sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang UN secretary-general na si Javier Pérez de Cuéllar ay bumanggit ng tungkol sa “angaw-angaw ng ating mga kababayan na walang tahanan o namumuhay sa isang lubusang miserableng mga kalagayan ng tirahan. Ang suliranin ay mabilis na lumulubha.” Ang UN Chronicle ay nag-uulat pa rin na miserableng kabuhayan ang dinaranas ng “dalawang-katlo ng sangkatauhan, sa mga ilang kaso ang antas ng karalitaan at kaabahan ay hindi makikita ang pagkakaiba sa pagdurusang likha ng digmaan.” At kumusta naman ang kalagayan ng daigdig tungkol sa tinatayang 12 milyong mga takas buhat sa kanilang mga bansa? Ang pagbabawas ba ng armas o kahit na ang lubos na disarmamento ay makapagdadala ng kapayapaan sa kanilang buhay?
Maliwanag, ang pangarap ng tao na pandaigdig na kapayapaan ay isang pangitaing may depekto—maikling pananaw, makitid, limitado. Mayroon bang isang lalong mainam na pag-asa para sa kapayapaan? Tunay na mayroon. Sa naunang labas ng magasing ito, nakita natin na ang Bibliya ay nagbibigay ng isang tiyak na pag-asa ukol sa kapayapaan.a Hindi magtatagal at si Jesu-Kristo, bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, ay magdadala ng kapayapaan na lalong higit kaysa inaasahan ng sinumang tao. Ngunit ano ba ang talagang kahulugan nito para sa sangkatuhan? Ang susunod na artikulo ang tatalakay rito.
[Talababa]