Pananaig sa Krimen sa Isang Magulong Daigdig
IKAW ba ay natatakot na lumabas kung gabi? Kailangan mo ba ang dalawa o tatlong kandado sa iyong mga pinto at mga bintana? Ikaw ba ay nanakawan na ng kotse o ng bisikleta? Ang iyo bang kotse ay nadistrungka na upang nakawin doon ang iyong radyo? Nadarama mo ba na pinagbabantaan ang iyong buhay sa ganoo’t ganitong mga pook?
Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na ito, kung gayo’y sinisikap mong madaig ang krimen sa isang magulong daigdig. Ano ba ang magagawa mo tungkol diyan? Matutulungan ka kaya ng Bibliya na manaig?
Ang Kaisipang Kriminal at ang Katarungan
Sa sandaigdigan ng krimen, may tatlong pangunahing elemento: ang kriminal, ang pulisya, at ang biktima. Ano ang kinakailangan upang ikaw, ang posibleng maging biktima, ay makapanaig sa krimen? Maiimpluwensiyahan mo ba ang alinman sa tatlong elementong ito? Halimbawa, mababago mo ba ang mga kriminal?
Bueno, ang krimen ang ginawang karera ng maraming kriminal. Ito ang kanilang pinili bilang isang madaling paraan ng pamumuhay. ‘Bakit pa magtatrabaho kung maaari ka namang mabuhay sa kita ng iba?’ ang waring pilosopya nila. Batid ng masasamang-loob na ibibigay ng karaniwang biktima ang kaniyang salapi nang hindi nanlalaban. At yamang malamáng na hindi sila mahuli at mabilanggo, para sa kanila ang krimen ay sulit.
Isa pa, ang mga patakaran sa korte ay masalimuot at nangangailangan ng malaking panahon. Sa maraming bansa, kakaunti-kaunti ang mga hukuman, mga hukom, at mga bilangguan. Hindi kayang gampanan ng sistema na litisin ang napakaraming kasong kriminal. Napakabagal ang pag-andar ng mga hukuman ng hustisya na anupa’t ang situwasyon ay gaya ng sinasabi ng Bibliya mahigit na tatlong libong taon na ngayon: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan.” Gaya ng ipinakikita ng simulaing ito ng Bibliya, may bahagyang pag-asa na malutas ito sa pamamagitan ng pagpapaunti sa bilang ng mga kriminal o ng pagrereporma sa kanila.—Eclesiastes 8:11.
Kumusta naman ang ikalawang elemento, ang pulisya? Mayroon bang pag-asa na ang situwasyon ay makontrol ng pulisya? Sila mismo ang sasagot: Palibhasa ang mga batas ay kadalasan nang pumapabor sa mga karapatan ng kriminal, ang walang prinsipyong mga abogado na pinagbabali-baligtad ang batas upang makalibre ang isang taong nakagawa ng krimen, ang mga komunidad naman ay tumatangging bumalikat sa pagkalaki-laking gastos ng parami nang parami at palaki nang palaking mga bilangguan, at samantalang kulang ng mga tauhan ang kagawaran ng pulisya, sila’y walang gaanong magagawa laban sa dumaragsang daluyong ng krimen.
Ang natitira’y ang ikatlong elemento, ang posibleng maging mga biktima: tayo, ang madla. Mayroon ba tayong magagawang anuman upang tulungan ang ating sarili na madaig ang ganitong pagkagulu-gulong kalagayan?
Ang Praktikal na Karunungan at ang Sentido Komun
Ang aklat ng Kawikaan sa Bibliya ay nagsasabi: “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang umisip, at sa gayo’y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa at biyaya sa iyong leeg. Kung magkagayo’y lalakad ka nang tiwasay sa iyong lakad, at ang iyong paa man ay hindi matitisod.” Ang payong ito ay maikakapit sa mga kalagayan na malamang na maging sanhi ng krimen para sa isang biktima. Ano ang ilang paraan upang ang praktikal na karunungan ay makatulong sa atin sa larangang ito?—Kawikaan 3:21-23.
Ang mga kriminal ay mistulang maninilang mababangis na hayop. Ang kanilang hinahanap ay ang pinakamadadaling mabiktima. Ayaw na nilang humarap pa sa panganib at sa posibleng pagkahuli sa kanila kung ang kapareho ring bagay ang makukuha nila sa isang madaling mabiktima. Kaya’t ang kanilang binibiktima ay ang matatanda, ang maysakit, ang natataranta, at ang mga taong marahil ay walang malay na sila’y nasa panganib. Ang masasamang-loob ang pumipili sa oras at lugar na pinakamagaling para sa kanila na umatake. Dito makagagamit ng praktikal na karunungan ang mga taong posibleng mabiktima.
Gaya ng pagkalarawan sa kanila ng Bibliya, ang laganap na kadiliman ay malimit na sinasamantala ng mga masasamang-loob sa paggawa ng kanilang kasamaan. (Roma 13:12; Efeso 5:11, 12) Totoo naman ngayon na maraming krimen laban sa mga mamamayan at mga ari-arian ang sa gabi ginagawa. (Ihambing ang Job 24:14; 1 Tesalonica 5:2.) Samakatuwid, kung saan posible ay iiwasan ng taong pantas na siya’y pumaroon sa mapanganib na mga lugar kung gabi. Sa siyudad ng New York na laganap ang krimen, ang araw-araw na rekord ng pulisya ay nagsisiwalat na maraming tao ang pinagsasamantalahan pagkalubog ng araw at lalo na pagkatapos ng alas diyes, kadalasan samantalang sila’y pabalik sa kani-kanilang apartment. Ang mga mandarambong ay nasa mga lansangang walang katau-tao at naghahanap ng mabibiktima. Kung gayon, kung ikaw ay pipili sa kung maghihintay ka ng bus o ng taksi o maglalakad na lamang upang dumaan sa isang mapanganib na lugar, ikaw ay magtiyaga at maghintay. Kung hindi, baka masaklap na karanasan ang danasin mo.
Isang Kristiyano ang ginulpi nang matindi at ninakawan nang sa halip na maghintay ng bus nang mga alas diyes ng gabi, siya’y naglakad-lakad nang kaunti sa bahagyang kadiliman. May mga ibang tao sa lansangan, ngunit tatlong butangero ang naglagay ng patibong para sa mga walang kamalay-malay. Isa sa kanila ang sumisenyas sa iba pagka ang isang malamang na mabiktima ay malayu-layo na ang nalalakad sa lansangan. Walang gaputok mang salita, kanilang sinasalakay ang biktima at pagkatapos ay ninanakawan siya. Iyon ay pagkabilis-bilis nilang nagagawa na anupa’t kahit na ang isang kalapít ay walang panahon na makialam. Nang bandang huli ay inamin ng biktima: “Sa susunod ay maghihintay na ako ng bus.”
Ang Sanáy na si Dodger, isang batang mandurukot sa nobela ni Dickens na Oliver Twist, ay isang may kabaitang tipo kung ihahambing sa modernong kahalintulad niyang mga batang delingkuwente sa kalye. Di-tulad ng Sanáy na si Dodger, ang kasalukuyang mga mágnanákaw at mga masasamang-loob, anuman ang kanilang edad, ay malamang na may dalang baril o isang balisong, at kanilang gagamitin iyan. Ang walang-malay na mga turista, mga bisita, at di-sinasadyang mga namamasyal sa isang siksikang lunsod ay madaling mabiktima ng gayong masasamang-loob. Sila’y magnanakaw ng anumang mananakaw na mas mabilis kaysa kurap ng mata! Ano ang maaaring lubhang magpabilis sa pulso ng isang mágnanákaw? Isang kuwintas na ginto o iba pang mamahaling alahas na lantarang suot ng isa. O isang kamera na nakabitin sa leeg ng isang turista. Ito’y mistulang pagsusuot ng isang karatulang nagsasabi, “Halika at nakawan mo ako!” Kaya, kailangan ang pag-iingat. Itago ang anumang alahas, at huwag gaanong ilantad ang kamera na dala-dala mo, maaaring dalhin ito na nakatago sa isang shopping bag. Ito ay praktikal na karunungan.
Ang pagiging listo ay isa pang paraan upang madaig ang krimen. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mga mata ng pantas ay nasa kaniyang ulo; ngunit ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman.” (Eclesiastes 2:14) Ang pagkakapit ng babalang ito sa suliranin ng krimen ay aakay sa isang tao na matiyagan ang mga taong kahina-hinalang naglalakuwatsa na hindi mo makitaan ng anumang layunin. Maging listo sa mga magnanakaw na maaaring nasa likuran mo at agawin na lamang bigla ang iyong bag habang lumalakad ka sa bangketa. Yamang ang iba’y nakasakay sa mga bisikleta at bigla na lamang aagawin ang anumang dala ng isang tao sa kanilang pagdaraan, huwag ka roon maglalakad sa gilid ng bangketa, lalo na kung may dala kang anumang klase ng portfolio o handbag. Huwag kang sasakay sa mga sasakyan sa subway na halos walang sakay. Mas ligtas ka kung nasa karamihan sa lugar na maraming ilaw. Ayaw ng mga mandarambong na sila’y pinagmamasdan at nakikilala.
Ang panloloob ay isa pang karaniwang krimen na malimit na maiiwasan kung ang mga tao ay higit na palaisip tungkol sa krimen. Tama naman ang paggamit ng Bibliya ng paghahambing: “Sila’y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw.” (Joel 2:9) Kung ikaw ay may praktikal na karunungan ang mga pinto o mga bintana ay ikakandado mo kapag ikaw ay umaalis. Sa tuwina’y totoo na ang pag-iingat ay mas mabuti kaysa paglalapat ng lunas. Ang karagdagang gastos upang maingatan ang iyong tahanan ay tunay na isang kasiguruhan laban sa pagnanakaw at kapinsalaan ng katawan.
Ano Kung Ikaw ay Inatake ng Masamang-Loob?
Oo, ano kung, sa kabila ng lahat ng pag-iingat, ikaw ay pinahinto ng isang masamang-loob? Sikapin na huwag masindak o gumawa ng anumang pagkilos na padalus-dalos. Tandaan na ang manloloob ay baka ninenerbiyos din at bigyan niya ng maling pangangahulugan ang iyong mga kilos. Subukin na kausapin ang taong iyon at mangatuwiran sa kaniya kung ipahihintulot ng lalaking iyon o ng babaing iyon. (Oo, maaaring isang babae ang ibig bumiktima sa iyo.) Kung minsan ang mga masasamang-loob ay lumalambot sa pagkaalam na ang kanilang inaatake ay isang taimtim at tunay na Kristiyano. Anuman ang epekto, huwag manlaban kung ang nais lamang nila ay ang iyong salapi o mga pag-aari. Ibigay sa kaniya ang anumang hingin niya. Itinuturo ng Bibliya na ang buhay ng isang tao ay lalong higit na mahalaga kaysa anumang pag-aari niya.—Ihambing ang Marcos 8:36.
Samantalang hindi mo ipinahahalata na gumagawa ka ng masusing pagmamasid, sikaping matandaan ang anumang namumukod na katangian na makikita sa masamang-loob, maging sa pananamit man o sa kaniyang pisikal na hitsura. Ano ba ang kaniyang puntó sa pagsasalita? Lahat ng detalyeng ito ay marahil magagamit pagka ang krimen ay inireport mo na sa pulisya, yamang karamihan ng kriminal ay regular na gumagamit ng kani-kanilang modus operandi at sa gayo’y maaaring lalong madaling makilala.
Kumusta naman ang pagdadala ng isang armas para sa pagdidepensa sa sarili? Tunay na hindi isang katalinuhan na ang isang Kristiyano’y magdala ng mga armas. Kung ang isang masamang-loob ay may akala na umaabot ka ng isang armas, siya’y hindi na mag-iisip bahagya man tungkol sa pananakit o pagpatay sa iyo. Isa pa, papaano mo masusunod ang simulain sa Bibliya na “makipagpayapaan sa lahat ng tao” kung ikaw ay armado para sa marahas na pag-atake kung ikaw ay inaatake?—Roma 12:18.
Anuman ang pag-iingat na gawin mo, walang garantiya na hindi ka kailanman magiging isang biktima balang araw. Sa mga siyudad na kung saan palasak ang krimen, kailangan lamang na ikaw ay nasa maling lugar sa maling panahon. Sa New York hindi pa gaanong nagtatagal, isang abogado ang umalis sa kaniyang tanggapan upang bumili ng isang tasa ng kape. Samantalang siya’y papasók sa tindahan, may mga kabataan na sádarating at namaril sa lugar na iyon. Ang abogado ay nasawi dahil sa isang punlo na bumaon sa ulo. Dahilan sa “panahon at di-inaasahang pangyayari,” siya’y nasawi. Kaylaking trahedya! Mayroon bang anumang pag-asa ng isang permanenteng solusyon sa kasalukuyang pagdagsa ng krimen na laganap sa daigdig?—Eclesiastes 9:11.
Kung Kailan Hihinto ang Krimen
Halos dalawang libong taon na ngayon, inihula ni Jesus na isang salinlahi ang darating na makakakita ng lalong kakila-kilabot na mga pangyayari kaysa nakalipas na salinlahi. Sa telebisyon at sa pagkabilis-bilis na komunikasyon, milyun-milyon, hindi, kundi libu-libong milyon ang nakapapanood sa kanilang lokal na mga channel ng balita ng mga katampalasanan samantalang aktuwal na nagaganap. Ang daigdig ay naging isang bayan-bayanan na lamang, at ang pandaigdig na balita ay agad-agad nagiging lokal na balita. Kaya naman, sa araw-araw ay dumarating sa mga tahanan ang mga bagay na talagang nangyayari, at gaya ng inihula ni Jesus, maraming tao ang “nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:26.
Nakinikinita ni Jesus ang mga pangyayari na naganap sapol noong 1914, mga pangyayari na nauuna sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3-14) Ngunit kaniyang sinabi rin: “Kung makita na ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:31) Iyan ay nangangahulugan na ang matuwid na paghahari ng Diyos ay malapit nang magdulot ng dramatikong pagbabago sa lupa.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:1-4.
Sa ilalim ng paghaharing iyan, tanging ang maaamo, ang mapagpayapa, at yaong mga masunurin sa Diyos ang makababahagi sa mga kalagayan sa lupang Paraiso. Ano na ang mangyayari sa mga kriminal at sa mga manggagawa ng kasamaan? “Sila’y madaling malalanta na gaya ng damo, at gaya ng sariwang luntiang damo sila’y matutuyo. Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang magmamana ng lupa.” Sa ilalim ng matuwid na makalangit na pamahalaang iyon, hindi magkakaroon ng kaguluhan ni ng krimen man.—Awit 37:2, 9.
Kung nais mong makaalam pa ng higit tungkol sa salig-Bibliyang pag-asang ito ng isang mapagpayapa at namamalaging pamahalaang pansanlibutan, makipag-alam ka sa mga Saksi ni Jehova sa inyong pamayanan o sa kanilang lokal na Kingdom Hall. Sila’y malugod na tutulong sa iyo na maunawaan ang Bibliya, na walang bayad.
[Blurb sa pahina 6]
“Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang magmamana ng lupa”
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang mandurukot ni Charles Dickens, ang Sanáy na si Dodger, ay isang bagito kung ihahambing sa mga mandurukot sa ngayon
[Credit Line]
Graphic Works of GEORGE CRUIKSHANK, ni Richard A. Vogler, Dover Publications, Inc.