Sinasagot ba ng Diyos ang Inyong mga Panalangin?
“KAILANMAN ay hindi ko nadama na sinagot ang aking mga panalangin,” ang sabi ng isang babaing nakatira sa Hokkaido, Hapón. Sa bagay na ito siya ay hindi nag-iisa. Maraming mga tao ang naniniwala na ang kanilang mga panalangin ay hindi sinasagot. Sa katunayan, baka ikaw ay nag-iisip din kung sinasagot nga ba ang iyong mga panalangin.
Milyun-milyon ang nagsisipanalangin nang napakarami sa di-mabilang na mga diyos. Bakit nga ba waring napakaraming mga panalangin ang hindi sinasagot? Upang maalaman iyan, suriin muna natin ang inihahandog na mga uri ng panalangin.
Ano ba ang Ipinapanalangin ng Iba?
Sa panahon ng Bagong Taon, dalawang-katlo ng populasyon ng Hapón, o mga 80 milyong katao, ang nananalangin sa mga sambahang Shinto o mga templong Buddhista. Sila’y naghahandog ng mga barya at nananalangin para sa mabuting kapalaran at kaligtasan ng pamilya.
Noong Enero at Pebrero—sa bisperas ng may kahirapang mga eksamen sa pagpasok sa tanyag na mga kolehiyo—ang mga mag-aarál ay humuhugos sa mga sambahan tulad nitong nasa Tokyo na kilala sa diyos nito ng edukasyon. Kanilang isinusulat ang kanilang mga naisin sa kahoy na mga plake sa panalangin at ibinibitin ang mga ito sa mga baras na kahoy sa mga patyo ng mga sambahan. Di-kukulangin sa 100,000 ng mga plakeng ito ang nagsilbing dekorasyon sa loob ng isang kilalang sambahan sa Tokyo noong panahon ng eksamen noong 1990.
Maraming panalangin ang tungkol sa kalusugan. Sa isang sambahan sa Kawasaki, Hapón, ang mga tao ay nananalangin para sila’y maligtas sa AIDS. “Ang kahulugan ng pananalangin laban sa AIDS,” ang paliwanag ng isang pari sa sambahan, “ay na papag-iingatin nito ang mga tao sa kanilang paggawi.” Ngunit iyan ba lamang ang kahulugan ng panalangin?
Sa isa pang templo, isang babaing may edad na ang nanalangin na datnan sana siya ng “biglang kamatayan.” Bakit? Sapagkat ibig niyang maiwasan ang paghihirap dahil sa isang matagal nang karamdaman at hindi niya ibig na maging pasanin sa kaniyang pamilya.
Sa isang tinatawag na bansang Kristiyano, ang kapitan ng isang koponan sa football ay nanalangin sa ikapagtatagumpay ng kaniyang koponan at ng proteksiyon buhat sa kapinsalaan. Ang mga Katoliko sa Polandiya ay nananalangin para sa kanilang personal na ikapapanuto at ginagayakan ng alahas ang kanilang Madonna pagka sila’y naniniwala na sinagot ang kanilang mga panalangin. Maraming tao ang humuhugos sa mga simbahan tulad halimbawa ng tanyag na Guadalupe sa Mexico City, at Lourdes, Pransiya, na sumasamo na sila’y pagalingin sa makahimalang paraan.
Sa Silangan o sa Kanluran, ang mga tao ay naghahandog ng mga panalangin ukol sa marami at sari-saring personal na mga dahilan. Maliwanag, ibig nilang ang kanilang mga panalangin ay marinig at sagutin. Gayunman, makatotohanan bang asahan na lahat ng panalangin ay sasagutin nang ayon sa gusto ng humihingi? Kumusta naman ang ating sariling mga panalangin? Ang mga ito ba’y sinasagot? Sa katunayan, sinasagot nga ba ng Diyos ang mga panalangin?