Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pagpapasikat ng Kanilang Liwanag sa India
ANG mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa India ng 11,524 na may kagalakang mga Saksi. (Mateo 24:14) Ang 1,066 na nabautismuhan sa loob ng 1991 taon ng paglilingkod ay mga tagapagbalita ng Kaharian, na pinasisikat sa iba ang kanilang liwanag. Anong ligaya ng lahat nang makita nila na 28,866 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo!
◻ Marami ang unang nakabalita tungkol sa pag-asa sa Kaharian sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Halimbawa, isang Saksi ang nagbalita ng Kaharian sa kaniyang mga kamanggagawa, na mga anluwagi rin. Isang kamanggagawa ang tumugon at nagsimulang magpasikat ng kaniyang liwanag sa kaniyang pamilya at mga kaibigan. Ang mga ito naman ay may kagalakang nagbalita sa iba ng kahanga-hangang mensaheng ito ng Kaharian. Sang-ayon sa mga pag-uulat, sa loob lamang ng mga ilang taon, ‘mahigit na 30 katao ang tumanggap sa katotohanan.’ Siya’y pinagpala ni Jehova pati ang bagong espirituwal na mga kapatid dahil sa pagpapasikat ng kanilang liwanag.
◻ Isang kabataang brother sa isa pang kongregasyon ang nagpasikat ng kaniyang liwanag sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo sa mga kamag-aral. Ang ilan sa kanila ay interesado sa pag-asa sa Kaharian, at malimit na siya’y nagpapaliwanag sa kanila ng Bibliya hanggang sa hating-gabi. Ang isa, na isang Katoliko, ay nanindigang matatag sa katotohanan bagaman binantaan ng pari na hahantong iyon sa masama kung siya’y magpapatuloy ng pakikisama sa Saksi. Gayunman, kumbinsido ang mag-aarál na katotohanan ng Bibliya ang natututuhan niya buhat sa mga Saksi, at siya’y nagpatuloy ng pagkuha ng kaalaman. Nang sumapit ang takdang panahon ay nabautismuhan siya at ngayon ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Siya’y nagagalak sa pag-asa na dumarating sa pamamagitan ng kahanga-hangang liwanag ng katotohanan!—Roma 12:12.
◻ Ang isa pang nakinig sa kabataang Saksing ito ay isang kilalang estudyante, isang ateyista, na nanlilibak sa mga nag-aangking naniniwala sa Diyos, subalit isang araw siya’y nakisali sa talakayan at nagharap ng maraming tanong. Siya’y nagtaka nang tumanggap siya ng makatuwirang mga sagot sa lahat ng kaniyang mga katanungan at sumapit sa konklusyon na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Siya’y umunlad sa kaalaman ng Bibliya at sa wakas ay nagpabautismo. Ang kaniyang ama na Hindu ay sumalansang sa kaniya hanggang sa sukdulang palayasin siya sa kaniyang bahay. Gayunman, ang matatag na paninindigan ng binatang ito sa panig ng katotohanan ay ginantimpalaan nang dalawa sa kaniyang kapatid sa laman at dalawa sa kaniyang mga kaibigan ay tumanggap ng katotohanan at nabautismuhan. Isa sa kaniyang mga kapatid ang naglilingkod ngayon sa tanggapang pansangay sa India.
◻ Isang organisador ng mga estudyante ang nakisali rin sa pakikipagtalakayan sa kabataang Saksi. Siya’y isang pusakal na maninigarilyo at malakas uminom. Minsan, ninais niya na bugbugin ang dalawang kapuwa estudyante na natuto ng katotohanan buhat sa Saksi. Dahilan sa pagtanggap sa katotohanan, sila’y tumangging sumali sa isang welga sa kolehiyo at ayaw rin nilang mag-abuloy ng dugo sa panahon ng isang kampanya ng pangungulekta ng dugo na pinangunahan ng organisador na estudyante. Ang binatang ito ay maligaya ngayon bilang isang tagapagdala ng liwanag na Saksi ni Jehova.
◻ Sa lahat, ang estudyante na unang nagpasikat ng kaniyang liwanag ang naging kasangkapan sa pagtulong sa 15 sa kaniyang mga kasamahan upang mag-alay at magpabautismo sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo sa kanila.
Isang kagalakan na makitang marami sa malawak na bansang iyan ang tumatanggap sa pag-asang ibinibigay ng Bibliya tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos at sumasali sa pandaigdig na kapatiran na tinitipon ng Diyos na Jehova upang mabuhay magpakailanman sa ilalim ng kaniyang Kaharian.