Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 9/15 p. 28-31
  • Mapagtatagumpayan Mo ang Pagkabigo!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagtatagumpayan Mo ang Pagkabigo!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Ilang Paraan Upang Mapagtagumpayan ang Pagkabigo
  • Matatag sa Kabila ng mga Pagkabigo
  • Paglaya Buhat sa Kabiguan​—Kaylapit-lapit Na!
  • Bakit Dapat Maging Makatuwiran sa Ating mga Inaasahan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Mapagtatagumpayan Mo ang Kawalang-Katiyakan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kung Paano Makasusumpong ng Pag-asa sa Kabila ng Pagkasira ng Loob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Bakit Hindi na Ako Mahal ng Aking Magulang?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 9/15 p. 28-31

Mapagtatagumpayan Mo ang Pagkabigo!

ISAALANG-ALANG ang malungkot na katayuan ng isang 23-anyos na lalaki. Siya’y may kaunting pinag-aralan at sumasahod nang pinakamababang suweldo sa trabaho. Ang pag-iisip na mag-asawa at magkaroon ng kasiya-siyang pamumuhay ay waring hindi niya maubus-maisip. Hindi nga kataka-takang sabihin ng kaniyang ina: “Siya ay labis-labis na nalulungkot at bigo.” Ang kaso ng binatang ito ay karaniwan na sa angaw-angaw na mga iba pa. Sa ganoo’t ganitong dahilan, ang mga tao sa lahat ng baitang ng pamumuhay ay bigo.

Ang pagkabigo ay “isang matinding talamak na pagkadama o kalagayan ng kawalang kasiguruhan, pagkasira ng loob, at kawalang kasiyahan na bunga ng bigong mga hangarin, panloob na mga pakikipagpunyagi, o iba pang di-nalulutas na mga suliranin.” (Webster’s Third New International Dictionary) Tayo’y dumaranas ng pagkabigo pagka pinagsumikapan nating magawa ang isang bagay ngunit hindi nagtagumpay. Tayo’y nakadarama na nahahadlangan sa magkabi-kabila, na para bang ating inihahampas ang ulo natin sa pader, walang anumang pagkakataong magtagumpay. Alam nating lahat ang gayong damdamin.

Ang mga manggagawang waring di-kasiya-siya ang mga trabaho ay maaaring nag-iisip na sila’y walang-halaga. Kung sakaling ipinagwawalang-bahala, ang mga asawang babae o mga ina na nakikipagpunyagi sa araw-araw na mga kabalisahan at nakahahapong mga gawain ay maaaring makadama ng pagkabigo, hindi pinahahalagahan. Ang mga kabataang napapaharap sa mga pagsubok sa paaralan ay maaaring mag-isip na sila’y bigo sa pagsisikap na magtamo ng edukasyon. Ang mga kabilang sa maliliit na grupo ay maaaring naliligalig, sa paniniwala na sila’y mga biktima ng kaapihan. Ang mga mángangalakál na taimtim na nagsisikap na makapaglaan ng mahuhusay na produkto o paglilingkod ay baka malugi dahilan sa magdaraya at di-tapat na mga kakompetensiya. Ito at ang katulad na mga karanasan ay sanhi ng pagkabigo at marami ang nawawalan ng pag-asa.

Isang lalaking pantas na nabuhay daan-daan taon na ngayon ang nakapagbulalas ng kaniyang mga pagkabigo sa mga pananalitang maiintindihan natin. Ang haring si Solomon ng Israel ay nagsabi: “Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at hindi mapakikinabangan sa silong ng araw. Sapagkat ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang pagpapagal at sa nais ng kaniyang puso na kaniyang pinagpapagalan sa ilalim ng araw? Sapagkat lahat ng kaniyang kaarawan ay kapanglawan at pagkayamot at pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito rin ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 2:11, 22, 23) Sa mga salita ni Solomon ay nahahayag ang kawalang pag-asa na dinaranas ng marami sa pagsisikap na pagtagumpayan ang kabiguan na umaagaw sa kanila ng isang buhay na kapaki-pakinabang.

Ang nabigong mga tao ay maaari pa ring mawalan ng pag-asa. Sa malulubhang kaso ay huminto na ang iba ng pakikipagpunyagi, umiiwas na sa lipunan at sumusunod sa kakatuwang istilo ng pamumuhay. Upang kamtin ang inaakala nilang may karapatan sila, ang iba ay napalulong na sa krimen at karahasan. Ang patuloy na kagipitan ay sumira sa mga mag-asawa at sa ugnayan ng mga pamilya.

Marami sa atin ang marahil kinakailangang gumawa ng malaking pagsisikap sa paghahanap ng mga paraan upang mapagtagumpayan ang pagkabigo. Sa kabila ng ginagawa natin, baka waring lumalala ang mga bagay. Ang sabi ng Kawikaan 13:12: “Ang pag-asang nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Baka nasa panganib ang ating pisikal at espirituwal na kalagayan. Wala na bang pag-asa ang ganiyang sitwasyon? Tayo ba’y kailangan na lamang mamuhay nang palaging bigo bilang kagantihan sa ating di-kasakdalan o mga pagkakamali? Maaari bang gumawa ng ilang praktikal na hakbang upang mapagtagumpayan ang pagkabigo para magtamasa ng isang lalong kasiya-siyang buhay? Tingnan natin.

Mga Ilang Paraan Upang Mapagtagumpayan ang Pagkabigo

Kung tayo’y may suliranin at nangangailangan ng payo, karaniwan nang tayo’y lumalapit sa isang taong may kaalaman at karanasan at ating mapagkakatiwalaan. Ang Kawikaan 3:5, 6 ay nagpapayo: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Praktikal na payo ang masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Isaalang-alang ang ilang halimbawa ng matalinong unawa na ibinibigay nito.

Ang pagkabigo ay maaaring may kinalaman sa pagkita ng ikabubuhay. Halimbawa, ang ating hanapbuhay ay maaaring kasiya-siya, ngunit ang mababang kita ay maaaring nagdudulot ng kalumbayan. Iniibig natin ang ating mga pamilya at nais natin ang pinakamagaling para sa kanila. Gayunman, waring walang katapusan ang pagkabalisa tungkol sa pananalaping magtatakip ng ating mga gastusin. Marahil ay nagtatrabaho tayo nang hanggang lampas sa oras at mayroon pa ring ikalawang trabaho. Makalipas ang kaunting panahon ang buhay ay para bang isang nakababagot na hali-haliling kalagayan ng pagkain, pagtulog, at pagtatrabaho. Sa kabila nito, dumarami ang pagkakautang, nararagdagan ang mga utang, at lumalalâ ang pagkabigo.

Ang pangunahing layunin ng paghahanapbuhay ay upang may maitustos sa ating pangangailangan. Subalit gaano ang ating kailangan? Si apostol Pablo ay sumulat: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, wala rin naman tayong mailalabas na anuman. Kaya, kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.” Sinisikap ba nating magkamit ng higit pa sa riyan at mapantayan ang mga bagay na mayroon ang iba o ang mga bagay na nagagawa nila? Kung gayon, baka tayo ay mag-aani ng mga resulta niyaon na pagkabigo. Si Pablo ay nagbabala: “Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasásamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay nahihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:7-10) Ang taimtim na pagsusuri ng ating materyal na mga pangangailangan ay maaaring magsiwalat ng ilang bagay na hindi naman lubhang kailangan. Ang ilang makatuwirang mga paraan ng pagtitipid at ang di-marangyang istilo ng pamumuhay ay makatutulong nang malaki upang mabawasan ang ating kabiguan.

Ang di-natutupad na katutubong mga hangarin ay naging sanhi ng malaking pagkabigo. Halimbawa, natural para sa isang dalaga na magkaroon ng matinding hangarin na mag-asawa at tamasahin ang kasiguruhan at mainit na pagmamahal na dulot ng buhay pampamilya. Baka siya ay gumugugol nang malaking panahon at nagpapagal upang siya’y maging lalong kaakit-akit sa pagsusuot ng pinakabagong uso o sa paggamit ng mga pampaganda at baka maging isang masigasig na mambabasa ng mga lathalain na nagbibigay ng payo sa mga taong uhaw sa pag-ibig. Ang dalaga ay baka dumadalo sa sunud-sunod na pagtitipong sosyal sa pag-asang matagpuan doon ang isang nababagay sa kaniya​— na pawang kabiguan lamang. Lumakad ang mga taon, at ang pagkabigo ay hindi na mabatá. Sa kawalang pag-asa ay baka matukso siya na mag-asawa sa isang di-karapatdapat. Ang masama pa roon, upang masapatan ang kaniyang paghahangad ng pagmamahal, baka siya ay mapasangkot sa imoralidad.

Sa ganiyang kalagayan, kailangan ang pagtitiis at ang mabuting pagpapasiya. Ang pag-aasawa sa isang taong di-nababagay​—lalo na sa isang walang pananampalataya kay Jehova​—​ay isang malubhang pagkakamali. (1 Corinto 7:39; 2 Corinto 6:14, 15) Ang imoralidad sa tuwina ay humahantong lamang sa dalamhati at kawalang pag-asa. (Kawikaan 6:32, 33) Ang taimtim na pagsusuri sa sarili, lakip ang maingat na paraan ng pakikitungo, ay makatutulong. Ang isang “tahimik at mahinahong espiritu” ay maaaring makaakit ng tamang uri ng mapapangasawa higit pa kaysa magagawa ng usong mga damit o pambihirang mga pampaganda. (1 Pedro 3:3, 4) Sa halip na umasa sa kalimitan ng maikling pananaw o walang gaanong kabuluhang payo ng makasanlibutang mga eksperto, ang kailangan ay doon bumaling sa Tagapagtatag ng pag-aasawa upang matutuhan kung ano ang kailangan upang maging isang asawang babae na iniibig at pinakamamahal. (Kawikaan, kabanata 31) Ang mga binata at mga dalaga ay dapat na magsikap na magpakita ng mga katangian na ibig nilang makita sa magiging asawa. Anong laking karunungan na maghangad ng kaaya-ayang pakikihalubilo sa mga taong gumagalang sa mga simulain ng Bibliya. Kung ating ikakapit ito sa ating buhay, ang pag-asa natin na magkaroon ng maligayang pag-aasawa ay lalong higit na mapabubuti. Kahit na kung hindi kaagad matupad ang pag-asang makapag-asawa, ang pagkilos na kasuwato ng Kasulatan ay magdadala ng kagalakan at gagawin nito na totoong kapaki-pakinabang ang buhay ng isang walang-asawa.

Ang mabigat na pinapasang mga obligasyon ay maaaring magdulot sa atin ng pagkayamot. Baka may mga panggigipit buhat sa lahat ng panig. Tayo’y nababalisa tungkol sa mahahalagang pangangailangan ng ating pamilya, at ang ating pinagtatrabahuhang amo ay baka kailanman hindi nasisiyahan. Baka ang mga kamag-anak ay umaasa sa atin na sila’y tutulungan sa tuwing magkakaroon ng pangangailangan. Dahilan sa maraming kagipitan, ang isang mahabang listahan ng napabayaang personal na mga bagay-bagay ay mahigpit na nangangailangan ng ating atensiyon. Baka waring ang ating panahon at lakas ay kailangang paghati-hatiin tungo sa iba’t ibang dapat pag-ukulan. Ang pagkabigo ay maaaring mauwi sa kayamutan, at baka maisip natin na sumuko na. Kaya, ano ang dapat nating gawin?

Kailangang magpakadunong tayo upang mapag-isipan kung ano ang mga bagay na dapat nating unahin. Yamang limitado ang magagawa natin, imposible na pagbigyan natin ang lahat ng kahilingan ng iba. Kailangang unahin natin “ang lalong mahalagang mga bagay.” (Filipos 1:10) Sa papaano man, “ang buháy na aso ay maigi kaysa patay na leon.” (Eclesiastes 9:4) Ang ibang mga obligasyon ay maseselan at hindi maaaring ipagpaliban, samantalang yaong di-gaanong maseselan ay maaaring maghintay. Baka tayo ay kumuha ng buong pananagutan tungkol sa ilang tungkulin na dapat ding ipabalikat sa iba. Ang ibang pananagutan ay maaaring tuluyang alisin na kung hindi naman kailangan. Bagaman ito sa pasimula ay maaaring magdulot ng kahirapan o makasiphayo sa iba, kailangang ating pakundanganan ang ating pisikal at emosyonal na mga limitasyon.

Ang isang sakit na nagdudulot ng patuloy na panghihina ay maaaring may dalang pagkasakit-sakit na kabiguan, sapagkat maaaring mapahiga tayo sa banig ng karamdaman sa loob ng maraming araw o mga linggo. Dahil sa matinding kirot ay magiging kahabag-habag tayo. Sa paghahanap ng lunas, baka tayo ay kumonsulta sa sunud-sunod na mga doktor o uminom ng maraming gamot o mga bitamina sa pag-asang ang mga ito’y makabubuti sa atin. Sa kabila nito, baka tayo ay patuloy na dumanas ng kahirapan at magsimulang mag-isip kung ang buhay ay sulit na paghirapan.

Ito’y isang suliranin na maaaring malunasan lamang sa bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13; ihambing ang Isaias 33:24.) Yamang ang mga tao ay di-sakdal, limitado ang magagawa ng mga doktor at ng mga gamot. Balang araw ay baka kailangang tanggapin natin na ang ating pagdurusa ay bahagi na ng buhay. Si apostol Pablo ay may “tinik sa laman,” marahil may diperensiya ang kaniyang mga mata o ibang bahagi ng kaniyang katawan, na napakasakit kung kaya paulit-ulit na idinalangin niyang iyon sana ay gumaling. (2 Corinto 12:7-10) Subalit hindi pinagaling ng Diyos si Pablo, at baka pinagtiisan ng apostol ang diperensiyang iyon hanggang sa kamatayan. Tiniis niya ang sakit na iyon, hindi niya hiniling na siya’y kaawaan, at hindi naiwala ang kaniyang kagalakan. (2 Corinto 7:4) Bagaman ang matuwid na taong si Job ay dumanas ng malaking hirap, siya’y nanatili sa kaniyang pananampalataya kay Jehova, at ito’y nagdulot ng mayamang gantimpala. (Job 42:12, 13) Kung tayo’y mga lingkod ng Diyos, tayo’y magkakaroon ng lakas na magpatuloy sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga halimbawang ito at pananalangin kay Jehova na tulungan tayo.​—Awit 41:1-3.

Matatag sa Kabila ng mga Pagkabigo

Ang bayan ni Jehova ay maaaring maging matatag sa espirituwal sa kabila ng anumang mga pagkabigo. Halimbawa, bagaman kailanganin na ating pagtiisan ang sakit, tayo ay makapananatiling “malusog sa pananampalataya” kung lubusang sasamantalahin natin ang espirituwal na paglalaan ng Diyos. (Tito 2:1, 2) Bagaman tayo’y maaaring dukha sa materyal, maaari namang tayo ay maging mayaman sa espirituwal.

Kung tayo’y aasa sa karunungan at lakas ng Diyos, mapagtatagumpayan natin ang mga pagkabigo na maaaring lumitaw sa mga kalagayan sa tahanan. Halimbawa, nariyan si Abigail, ang asawa ni Nabal. Siya ay “mabagsik at masama ang kaniyang mga gawain,” at ang kaniya mismong pangalan ay nangangahulugang “Walang-kabuluhan; Hangal.” Anong laking kabiguan na makipamuhay sa gayong tao! Gayunman, si Abigail ay nanatiling “mahusay magpasiya” at hindi nawalan ng pag-asa. Oo, siya’y nagpakaingat sa kaniyang pananalita at gawa samantalang dumaraan sa isang kagipitan kung kaya kaniyang nakumbinsi si David na huwag gantihan ang mga pag-insulto at kawalang utang na loob ni Nabal sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo at hindi pagtitiwala kay Jehova.​—1 Samuel 25:2-38.

Kahit na kung ang isang kalagayan na kinasasangkutan ng isang kaugnay sa kongregasyong Kristiyano ay nagdudulot sa atin ng pagkabigo, tayo’y makapagtitiis sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay ni Jehova. Ito’y ipinakikita ng bagay na ang hindi mabuting iginawi ni Diotrephes ay hindi nakapigil sa maka-Diyos na taong si Gayo sa paggawa ng mabuti at sa gayo’y nagdulot ng kaligayahan at mayamang espirituwal na kagantihan.​—Gawa 20:35, 3 Juan 1-10.

Pagkabigo ang maaaring maging resulta kung hangarin nating maglingkod sa ating mga kapananampalataya sa kongregasyon ngunit nilalampasan pagka iba ang hinihirang na matatanda o ministeryal na mga lingkod. Gayunman, imbes na payagang tayo’y masiphayo, sikapin natin na mapatibay ang ating sarili sa espirituwal at hayaan na ang espiritu ng Diyos ay magsibol sa atin ng maiinam na bunga nito nang lalong malawakan. (Galacia 5:22, 23) Sa 40 taon na ginugol ni Moises sa Midian, pinaunlad sa kaniya ng Diyos nang lalong malawakan ang kaamuan, pagtitiyaga, at iba pang mga katangian na kailangan upang mapagtagumpayan ang mga kahirapan at mga kabiguan na kaniyang haharapin bilang tagapanguna sa mga Israelita. Gayundin, marahil ay inihahanda tayo ni Jehova para sa hinaharap na mga pribilehiyo sa paglilingkod na mapapaharap sa atin kung tayo’y magpapakatibay sa espirituwal at hindi padaraig sa kabiguan.

Paglaya Buhat sa Kabiguan​—Kaylapit-lapit Na!

Kung anumang uri ang ating mga kabiguan, matatapos ba ang mga ito? Para sa atin, ang ating kalagayan ay baka wala nang pag-asa sa tingin natin ngunit sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, ay hindi gayon. Siya’y hindi nabibigo. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, sinabi ng Diyos: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Ito’y hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.” (Isaias 55:11) Yamang si Jehova ay may walang-hanggang kapangyarihan at kapamahalaan, walang imposible sa kaniya. (Marcos 10:27) Ang kaniyang mga pangako na magdala ng walang-hanggang mga pagpapala sa kaniyang bayan ay tiyak na matutupad.​—Josue 21:45.

Ang pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan ay pangunahing mga sangkap ng kabiguan. Gayunman, bilang kabaligtaran, “ang pananampalataya ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay.” (Hebreo 11:1) Ang pananampalataya sa Diyos ay nagbibigay ng garantiya na lahat ng ating pag-asang salig sa Bibliya ay lubusang matutupad. Ang pangkalahatang tema ng Bibliya ay nagtatampok sa pangako ni Jehova ng pamamahala ng Kaharian, na sa ilalim niyaon ang lupa ay magiging isang sakdal na paraiso na maligayang tatahanan magpakailanman ng matuwid na mga tao. (Awit 37:11, 29) Lahat ng masasama​—kasali na ang pagkabigo​—​ay mawawala na, sapagkat ‘sasapatan [ng Diyos] ang hangarin ng bawat bagay na may buhay.’​—Awit 145:16.

Hanggang sa matupad ang mga pagpapalang iyon, lahat tayo ay magkakaroon ng kabiguan. Subalit ang pag-asa sa Kasulatan ay makapagbibigay sa atin ng tibay ng loob at lakas upang magtiyaga. Ang mainam na payo na ating masusumpungan sa Bibliya ay makapagpapakita sa atin kung papaano gagamit ng mainam na pagpapasiya at pagkamakatuwiran sa paraan na magbibigay ng katatagan sa ating buhay at kapayapaan sa ating puso. Sa kabila ng ating mga pagkasiphayo, ating mararanasan “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.” (Filipos 4:6, 7) Kaya ang pakikipagbaka sa kabiguan ay may pag-asa. Sa tulong ni Jehova ay mapagtatagumpayan natin ito ngayon at masusupil ito sa hinaharap.

[Blurb sa pahina 31]

Matutulungan ka ng Diyos upang mapagtagumpayan mo ang kabiguan, gaya ng kung papaano niya tinulungan sina Job, Moises, Abigail, at Pablo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share