Pagka may Tumatawag, Sumasagot Ka Ba?
INILAHAD NI SHINICHI TOHARA
SA UNANG bahagi ng aking buhay, ako’y hindi tumatawag sa Diyos, ni humihingi man ng patnubay sa kaniya. Ang aking mga nuno ay mga nandayuhan sa Hawaii buhat sa Hapón, at ang aking mga magulang ay Buddhista. Sila ay hindi lubhang aktibo sa kanilang pananampalataya, kaya naman hindi ako gaanong palaisip tungkol sa Diyos habang ako’y lumalaki.
Pagkatapos ay may natutuhan ako tungkol sa ebolusyon at napag-isip ko na isang malaking kahangalan ang maniwala sa Diyos. Gayunman, habang ang aking pormal na edukasyon ay sumusulong, mga klase sa siyensiya ang nagpakilala sa akin sa astronomiya, physics, at biyolohiya. Kung gabi ako ay tumatanaw sa kalangitan at ginuguniguni ko kung papaano napapunta roon ang lahat ng mga bituin. Isang marahang tinig sa loob ko ang nagsimulang magtanong: ‘Mayroon nga kayang isang Diyos na sumusupil sa lahat ng mga bagay na ito?’ Nadama ko na mayroon ngang Isa na nariyan sa di-nakikitang kalawakan. Ang aking puso ay nagsimulang mag-usisa, ‘Sino ba ang Diyos na ito?’
Pagkatapos ko sa high school, ako’y napatali sa aking trabaho bilang isang mekaniko sa isang pagawaan ng sake, at wala akong panahon na magbulay-bulay tungkol sa Diyos. Hindi nagtagal at nakilala ko si Masako, na naging maybahay ko noong 1937, at sa wakas kami ay pinagkalooban ng tatlong anak. Isang tapat na kasama at masipag na ina si Masako!
Ngayon na mayroon na akong pamilya, matamang pinag-isipan ko ang tungkol sa aming kinabukasan. Ako’y muling lumabas at tumanaw sa mga bituin. Ako’y nakumbinsi na may isang Diyos. Hindi ko kilala kung sino ang Diyos na iyon, pero gayumpaman ay nagsimula akong manawagan sa kaniya. Paulit-ulit na ipinamanhik ko: “Kung ikaw man ay naririyan, pakisuyong tulungan ang aking pamilya na makasumpong ng daan upang lakaran tungo sa kaligayahan.’
Ang Aking Panalangin ay Sinagot Din sa Wakas
Kami ay nakapisan sa aking mga magulang mula’t sapol na kami’y ikasal, ngunit noong 1941 nagsimula kaming mamuhay nang sa aming sarili sa Hilo, Hawaii. Pagkatapos na pagkatapos na makalipat kami sa aming bagong tahanan, inatake ng Hapones ang Pearl Harbor, noong Disyembre 7, 1941. Iyon ay isang panahon na maigting, at ang balana ay naliligalig tungkol sa hinaharap.
Isang buwan pagkaraan ng pag-atake sa Pearl Harbor, pinupunasan ko ang aking kotse nang isang lalaki ang lumapit at inalok ako ng isang aklat na pinamagatang Children. Siya ay nagpakilala bilang si Ralph Garoutte, isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Hindi ko maintindihan ang kaniyang sinasabi, ngunit ako’y interesado sa Diyos, kaya tinanggap ko ang aklat. Nang sumunod na linggo, si Ralph ay bumalik at inalukan ako ng isang pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. Bagaman may nababalitaan na ako tungkol sa Bibliya, ito ang unang pagkakataon na aktuwal na nakakita ako ng isa. Tinanggap ko ang pag-aaral sa Bibliya, at ang aking maybahay at ang kaniyang nakababatang kapatid na babae ay sumali rin.
Ang katotohanan na ang Bibliya’y Salita ng Diyos ay tunay na hinangaan ko. (2 Timoteo 3:16, 17) Na si Jehova ay may layunin ay lalo pa ngang kagila-gilalas. Siya pala ang Maylikha na sa tuwina ay hinahanap ko noon! (Isaias 45:18) Kami ay tuwang-tuwa na malaman na ang orihinal na Paraisong nawala ay ibabalik dito mismo sa lupa, at kami ay maaaring maging isang bahagi niyaon. (Apocalipsis 21:1-4) Narito ang sagot sa aking pananawagan sa Diyos!
Kami ay nakipag-usap sa sinuman at sa lahat tungkol sa bagong katutuklas na mga katotohanang ito. Akala ng aming mga magulang ay nababaliw na kami, pero iyan ay hindi nakasira ng aming kalooban. Pagkaraan ng tatlong buwan ng puspusang pag-aaral ng Bibliya, noong Abril 19, 1942, kaming mag-asawa ay nabautismuhan bilang sagisag ng aming pag-aalay sa aming Diyos, si Jehova. Ang bunsong kapatid na babae ni Masako na si Yoshi at ang kaniyang asawa, si Jerry, na noon ay nakisali na sa aming pag-aaral ng Bibiya ay nabautismuhang kasabay namin. Limitado lamang ang aming kaalaman sa Banal na Kasulatan, ngunit sapat na iyon upang magpakilos sa amin na magnais na maglingkod sa Diyos
Dahil sa nagaganap pa ang ikalawang digmaang pandaigdig, inakala ko na ang wakas ng sistemang ito ay kaylapit-lapit na, at kami ng aking maybahay ay nakadama ng pangangailangan na magbabala sa mga tao hinggil dito. Ang mga Garoutte ang aming halimbawa sa bagay na ito. Si Ralph at ang kaniyang asawa ay naglilingkod bilang mga payunir, buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang aming katayuan ay inihambing ko sa katayuan ni Ralph. Siya ay may asawa at apat na anak. Ako naman ay may asawa at tatatlo lamang ang mga anak ko. Kung nagagawa niya iyon, magagawa ko rin. Kaya nang sumunod na buwan pagkatapos ng aming bautismo, kami ay humingi ng aplikasyon para sa paglilingkurang payunir.
Kahit na bago tanggapin bilang isang payunir, inalis ko sa akin ang lahat ng mga bagay na hindi naman kailangan, kasali na ang aking gitarang metal, saxophone, at biyolin. Ako’y totoong mahilig sa musika, ngunit lahat ay inialis ko na maliban sa aking munting silindro. Gayundin, ang aking trabaho sa gawaan ng sake ay waring hindi na kaakit-akit. (Filipos 3:8) Gumawa ako ng isang trailer at naghintay ako upang alamin kung sasagutin ni Jehova ang aking mga pagsusumamo na gamitin kami. Hindi na kinailangang maghintay pa ako nang matagal. Kami’y tinanggap bilang mga payunir mula noong Hunyo 1, 1942. Kami’y tuluy-tuloy na naglingkod kay Jehova nang buong panahon at kailanman ay hindi namin pinagsisihan ang desisyong iyan.
Pagpapayunir sa Hawaii
Kasama ng mga Garoutte, aming ginawa ang Hawaii, ang Big Island, kasali na ang Kona, ang tanyag na pinag-aanihan ng kape, at Kau. Noong mga kaarawang iyon kami ay gumagawa sa tulong ng ponograpo. Iyon ay may kabigatan, ngunit kami ay mga bata pa at malalakas. Kaya naman, hawak ang ponograpo sa isang kamay at isang bag ng mga aklat sa kabilang kamay, tinalunton namin ang anumang landas sa mga taniman ng kape, plantasyon, at sa lahat ng iba pang dako na maaaring umakay sa amin sa mga taong makikinig. Pagkatapos na magawa namin ang buong isla, kami ngayon ay idinestino sa Kohala sa Big Island. Ang Kohala ay isang maliit na plantasyon ng tubo, ang populasyon ay mga Caucasiano, Pilipino, Intsik, Hawaiiano, Hapones, at Portuges. Bawat grupo ay may sariling kaugalian, idea, panlasa, at relihiyon.
Minsang nagsimula ako ng pagpapayunir, hindi na ako kumuhang muli ng sekular na trabaho. Sandaling ang aming ginastos ay ang aking natipong pera, at saka kung kinakailangan, ako’y nangingisda sa tulong ng sibat. Nakapagtataka naman, lagi akong nakapag-uuwi ng isda. Kami ay nanguha ng mga gulay na ligaw at mga gugulayin na tumutubo sa tabi ng daan, at ang mga ito ay kinakain namin kung hapunan. Ako’y gumawa ng isang hurno na yari sa galbanisadong yero, at si Masako ay natutong maghurno ng tinapay. Iyon ang pinakamasarap na tinapay na nakain ko.
Nang kami ay pumaroon sa Honolulu para dumalo sa isang kombensiyong Kristiyano noong 1943, si Donald Haslett, na noon ay tagapangasiwa ng sangay sa Hawaii, ay nag-anyaya sa amin na lumipat kami roon at manirahan sa isang munting apartment na itinayo sa garahe ng Watch Tower Society. Ako ay naatasan na janitor para sa pag-aari ng sangay at nasiyahan sa sumunod na limang taon ng pagpapayunir doon.
Isang Tawag na Di-Inaasahan
Noong 1943 nabalitaan namin na ang Samahan ay nagsimula ng isang paaralan upang magsanay ng mga misyonero para sa paglilingkuran sa ibang bansa. Anong laki ng aming pagnanasang makadalo! Subalit, ang mga pamilyang may maliliit na anak ay hindi inanyayahan, kaya hindi namin ipinagpatuloy na isipin iyon. Gayunman, noong 1947, sinabi sa amin ni Brother Haslett na ibig daw maalaman ng Samahan kung may mga Hawaiiano na handang tumanggap ng banyagang paglilingkuran sa Hapón. Kami’y tinanong kung ano ba ang aming iniisip, at tulad ni Isaias, sinabi ko: “Suguin ako.” (Isaias 6:8) Ganoon din ang damdamin ng aking maybahay. Wala kaming bahagya mang pag-aatubili sa pagsagot sa panawagan ni Jehova.
Kaya kami ay inanyayahan na dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead upang magsanay bilang mga misyonero. Kasali sa inanyayahan ang aking tatlong kabataang mga anak. Lima pa, sina Donald at Mabel Haslett, Jerry at Yoshi Toma, at Elsie Tanigawa, ay inanyayahan din, at kaming lahat na sama-sama ay nagbiyahe patungong New York noong taglamig ng 1948.
Kami ay tumawid sa kontinente sakay ng bus. Makalipas ang tatlong araw sa bus, lahat kami ay pagód, at iminungkahi ni Brother Haslett na kami ay huminto muna at magpalipas ng gabi sa isang otel. Nang kami ay bumaba sa bus, isang lalaki ang lumapit sa amin at sumigaw: “Japs! Uuwi ako para kunin ang aking baril upang barilin sila!”
“Sila’y hindi mga Hapones,” ang sabi ni Brother Haslett. “Sila’y mga Hawaiiano. Hindi mo ba makilala ang pagkakaiba?” Kami’y iniligtas ng kaniyang nakatatawang sinabi.
Talaga bang kami’y bahagi ng ika-11 klase ng Gilead? Tila iyon ay isang kahanga-hangang panaginip. Gayunman, iyon ang katotohanan. Sa aming klase, 25 estudyante ang napili ng noo’y pangulo ng Watch Tower Society, si Nathan H. Knorr, upang sanayin para sa posibleng paglilingkurang misyonero sa Hapón. Yamang ako’y may mga nunong Hapones at nagsasalita nang kaunting Hapones, naatasan akong magturo ng wika sa grupong ito ng mga estudyante. Yamang hindi naman ako magaling sa wikang iyon, ito ay hindi madali; subalit sa papaano man kami ay nakaraos na lahat!
Noon ang aming anak na lalaki, si Loy, ay sampung taóng gulang, at ang aming mga babaing anak, sina Thelma at Sally, ay walo at anim. Samantalang kami ay nag-aaral, ano ang nangyari sa kanila? Sila ay nag-aral din! Sila’y sinundo ng bus sa umaga at inihatid sa tahanan pagdating ng hapon. Pagkauwi ng mga bata buhat sa paaralan, si Loy ay nagtatrabahong kasama ng mga kapatid sa taniman ng Samahan, at sina Thema at Sally ay nagtatrabaho naman sa laundry sa pagtitiklop ng mga panyolito.
Pagkukundisyon ng Isip sa Di Pa Alam na Destino
Nang kami’y magtapos sa Gilead noong Agosto 1, 1948, kami’y sabik na makarating na sa aming destino. Si Brother Haslett ay nagpauna sa amin upang humanap ng lugar na matitirhan ng mga misyonero. Sa wakas, nakatagpo siya ng isang dalawang-palapag na bahay sa Tokyo, at noong Agosto 20, 1949, ang aming pamilya ay tumulak patungo sa magiging tahanan namin.
Bago pa dumating sa Hapón, malimit na pinag-iisipan ko ang tungkol sa lupaing ito sa Oriente. Aking binubulay-bulay ang katapatan ng mga Hapones sa kanilang mga panginoong tao at sa emperador. Maraming Hapones ang nagbuwis ng buhay para sa mga pinunong taong ito. Noong pangalawang digmaang pandaigdig, ang mga pilotong kamikaze ay nagpakamatay alang-alang sa emperador sa pamamagitan ng pagpupuntirya ng kanilang eruplano sa matataas na tsiminea ng mga kaaway na boke de gera. Natatandaan ko pa na pinag-iisipan ko noon na kung ang mga Hapones ay labis ang katapatan sa mga panginoong tao, ano na ang gagawin nila kung sakaling matagpuan nila ang tunay na Panginoon, si Jehova?
Nang kami’y dumating sa Hapón, mayroon lamang pitong misyonero at ilang mamamahayag sa buong bansa. Lahat kami ay nagsimulang gumawa, at sinikap kong mapasulong ang aking kaalaman sa wika roon at nakapagpasimula ako ng mga pag-aaral sa Bibliya sa maraming tumatawag sa Diyos sa kanilang mga puso. Marami sa mga unang estudyanteng iyon ng Bibliya ang nagpatuloy na tapat magpahanggang sa araw na ito.
Ang Paglilingkurang Misyonero Kasama ang Aming mga Anak
Papaano nga kami makapagpapatuloy sa pagmimisyonero na may tatlong maliliit na anak na aasikasuhin? Buweno, si Jehova ang lakas na nasa likod ng lahat ng ito. Kami’y tumanggap ng isang maliit na halaga buhat sa Samahan bilang kapalit ng aming nagasta, at si Masako ay gumawa ng mga damit para sa mga bata. Bukod dito kami ay tumanggap ng kaunting tulong buhat sa aking mga magulang.
Pagkatapos ng junior high school, si Loy ay sandaling naglingkod sa sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Hapón. Gayunman, dahilan sa mga suliranin sa kalusugan, kaniyang ipinasiya na bumalik sa Hawaii para magpagamot. Sila ng kaniyang maybahay ay tapat na naglilingkuran ngayon kay Jehova sa California. Ang kaniyang pag-aasawa ay nagbunga ng pagpapala at nagbigay sa amin ng apat na mga apong tapat. Lahat sila ay nabautismuhan, at ang isa, kasama ang kaniyang maybahay, ay naglilingkod sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova.
Ang aking mga anak na babae, sina Thelma at Sally, ay pormal na inatasang mga misyonera nang sila’y magsilaki na. Si Thelma ay kasalukuyang naglilingkod bilang misyonera sa siyudad ng Toyama. Si Sally ay nakapag-asawa ng isang kapatid na misyonero, si Ron Trost, at sila ay naglilingkod sa Hapón bilang misyonerong naglalakbay na mga tagapangasiwa sa loob ng mahigit na 25 taon.
Mula sa Hilaga Hanggang Timog
Pagkatapos na gumugol ng dalawang taon sa Tokyo, kami ay idinestino sa Osaka nang may dalawang taon. Ang sumunod na atas sa amin ay naghatid sa amin sa gawing hilaga sa Sendai, na kung saan naglingkod kami nang mga anim na taon. Sa mga taóng iyon sa Sendai ay inihanda kami para sa mga atas sa pinakahilagang isla ng Hapón, ang Hokkaido. Doon sa Hokkaido tumanggap ng pormalang atas ang aming mga anak na babae bilang mga misyonera. Doon din kinailangang masanay kami sa kaginawan ng temperatura kung tagyelo na kung minsan ay bumababa pa sa zero. Pagkatapos sa Hawaii na tropikal ang klima ang pagbabago ay totoong malaki!
Pagkatapos, isang araw ako ay nakarinig na naman ng isang panibagong tawag na nasa anyo ng isang liham na galing sa Samahan. Hinihiling niyaon sa akin na magbukas ako ng isang tanggapang sangay sa Okinawa, na nasa ilalim pa ng pamamahala ng E.U. Ang paglipat mula sa maginaw na hilagang dulo ng Hapón tungo sa ngayon ay naging ang pinakatimog na prepektura ng Hapón ay magdudulot ng isang malaking hamon. Ano ang dapat kong gawin? Bagaman nakadarama ng kakulangan, dumating ako sa Okinawa noong Nobyembre 1965, na laging kasama ang aking tapat na maybahay. Ang buhay kaya sa Okinawa ay magiging katulad din sa Hapón? Kumusta naman ang kultura? Ang mga tao kaya ay tutugon sa pabalita ni Jehova ng kaligtasan?
Nang kami’y dumating, mayroon lamang kulang-kulang na 200 mamamahayag sa Okinawa. Ngayon ay may mahigit na 2,000. Noong naunang mga araw, ako’y isang part-time na tagapangasiwa ng sirkito at part-time na tagapangasiwa ng sangay. Ang paglalakbay sa buong kapuluan ay tumulong sa akin na magtatag ng matalik na mga pakikipag-ugnayan sa mga kapatid doon, at itinuturing kong isang pribilehiyo na maglingkod sa kanila.
Libre ba sa mga Problema?
Ang aming karera bilang misyonero ay hindi masasabing libre sa mga suliranin. Samantalang nagbabakasyon kami sa Estados Unidos noong 1968, si Masako ay nagkasakit at kinailangan na operahin. Isang tumor ang inalis sa kaniyang bituka at saka lamang mabilis na gumaling. Wala kaming seguro sa pagpapagamot at kami ay nag-alala na baka hindi na kami makabalik sa aming teritoryo. Subalit, sa laki ng aming pagtataka ay ang mga kaibigan namin sa pananampalataya ang nag-asikaso ng lahat.
Tungkol sa aking sarili, ako’y namumuhay taglay ang mga suliraning karaniwan sa mga diabetiko. Bagaman hindi bulag, ang aking paningin ay malabong-malabo. Subalit dahil sa maibiging awa ni Jehova, ako’y palagiang tumatanggap ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pakikinig sa tape ng Ang Bantayan at Gumising! Ang mga kapatid sa pananampalataya ay tumutulong din sa pamamagitan ng pagbabasa sa akin ng sari-saring materyal.
Papaano ako nakapagpapatuloy na makapagpahayag sa madla gayong malabo ang aking paningin? Noong una ay itineyp ko ang aking mga pahayag at pinatutugtog habang sinasabayan ko ng buka ng bibig. Subalit, sa mungkahi ng aking mga anak na babae, pinasulong ko pa ito, ngayon ay itineteyp ko ang aking mga pahayag sa isang munting tape recorder at ang mga ito’y binibigkas ko habang nakikinig sa aking sariling pahayag na naka-record na antimano sa pamamagitan ng mga earphone.
Kailanma’t kami’y napaharap sa totohanang mga suliranin, hindi kami lumiliban ng pagtawag kay Jehova. Sa wakas, ang mga pagpapala na bunga ng paglutas ni Jehova ng mga suliranin ay laging waring lalong marami kaysa mga suliranin mismo sa tingin namin. Ang patuloy na paglilingkod sa kaniya ang tanging paraan upang ipakita ang aming pasasalamat.
Pagkalipas ng 23 taon sa Okinawa, kami ay muling napadestino sa dating lugar na aming pinaglingkuran noong unang dumating kami sa Hapón. Ang malaking tanggapan ng Samahan at ang pinakamalaking tahanang misyonerong ito ay nasa unang-unang lugar ng dalawang-palapag na gusaling iyon sa Tokyo, na binili ni Brother Haslett maraming taon na ngayon ang lumipas.
Bukod sa amin ni Masako, 11 ng aming mga kamag-anak ay naglilingkod ngayon bilang mga misyonero sa Hapón. Kung tutuusin ay isang malaking pribilehiyo na masaksihan ang paglago na pinapangyari ni Jehova sa bansang ito ng pangunahing kulturang Buddhista at Shinto. Ang gawain sa Hapón ay may maliliit na pasimula, subalit pinanday ng lakas ni Jehova ang isang “bansa” ng mahigit na 167,000 mamamahayag ng mabuting balita.—Isaias 60:22.
Nang ako’y tumawag sa Diyos, sinagot niya ako. Nang ako’y anyayahan niya, sumagot ako nang oo. Inaakala naming mag-asawa na ginawa lamang namin ang nararapat na gawin namin. Kumusta ka naman? Pagka tumatawag ang iyong Manlilikha, sumasagot ka ba?
[Larawan sa pahina 28]
Ang mga Tohara kasama ang ilan sa kanilang grupo ng mga payunir sa Hawaii, 1942
[Larawan sa pahina 29]
Ang mga batang Tohara sa Gilead noong 1948
[Larawan sa pahina 31]
Maligaya sa kanilang pagkatugon sa panawagan, si Shinichi at Masako Tohara ay nakatapos ng 43 taon sa pagmimisyonero