Nagdadalamhati ang Iglesya sa Latin Amerika—Bakit Angaw-angaw ang Nag-aalisan?
BUHAT sa hilagang hangganan ng Mexico hanggang sa timugang dulo ng Chile, halos walang isang lunsod o bayan sa Latin Amerika na hindi makapagmamalaki ng isang simbahang Romano Katoliko sa pambayang liwasan nito. Datapuwat, “isang malaking pagbabago ang nagaganap sa Latin Amerika,” inaamin ni Joseph E. Davis, ang direktor ng programa ng isang institusyon na nagtataguyod ng mga gawaing Katoliko. Kaniya ring inamin na ang Latin Amerika, isang rehiyon na mahigit nang tatlong siglo na nasasailalim ng impluwensiya ng Iglesya Katolika Romana, ay nasa bingit ngayon ng isang malaking pagbabago.
Hindi maikakaila na ang kapangyarihan ng Iglesya Katolika ay mabilis na humihina. Kamakailan, ang bilang ng aktibong mga Katoliko ay tinaya na mayroon lamang 15 porsiyento ng kabuuang populasyon sa Latin Amerika. Ang 1991 Britannica Book of the Year ay nag-ulat: “Ang Romano Katolikong mga Obispo at ang papa mismo ay nagpahayag ng pangamba na ang makasaysayang Katolikong Latin Amerika ay nanganganib na tumalikod sa dating pananampalataya.” Bakit ito nangyayari? Bakit napakarami ang nag-aalisan sa pagka-Katoliko? Ano ang nangyari sa mga nangaligaw?
Ang Paghanap ng Paliwanag
Ang kanilang mga suliranin ay isinisi ng mga lider Katoliko sa pagdami ng “mga sekta.” Isang paring taga-Europa na naglilingkod sa Bolivia ang nagreklamo: “Ang simbahan ay mistulang isang punungkahoy na ang lakas ay sinisipsip ng tulad-dawag na mga sekta.”
Sa Argentina, iniulat na may 140 bagong relihiyon sa bawat taon, na maaaring dahilan ng pag-urong ng dami ng mga miyembro ng Iglesya Katolika mula sa 90 porsiyento hanggang sa 60 o 70 porsiyento buhat nang kalagitnaan ng dekada ng 1970. Sa Tijuana, Mexico, 10 porsiyento ng dalawang milyong mamamayan doon ang nagsilipat sa 327 na mga relihiyong di-Katoliko. Nag-ulat ang magasing Time: “Nakapagtataka, tiyak na may halos mas maraming Protestante sa Brazil na nagsisimba kung Linggo kaysa mga Katoliko.” Hindi nga kataka-taka na, gaya ng sinabi ng isang pahayagan, nang “ang mga kardinal sa Latin Amerika ay nakipagpulong sa papa sa Vatican City upang talakayin ang dalawang paksang may pangunahing kahalagahan para sa simbahan ngayon,” isa na roon ay “ang suliranin ng mga sekta.”
Sa isang pulong ng mga obispo ng Mexico, sinabi ng papa na ang tagumpay ng maraming bagong relihiyon “ay dahilan sa pagkamalahininga at pagwawalang-bahala ng mga anak ng simbahan na hindi gumagawa ng kanilang misyong ebangheliko.” Bakit ba “ang mga anak ng simbahan” ay nagwawalang-bahala kung tungkol sa paglalaan sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga taga-Latin Amerika gayong napakarami sa mga ito ang gumagalang sa Bibliya? Isang editoryal sa Última Hora, ng La Paz, Bolivia, ang nagpapaliwanag: “Ganiyan na lamang kalubha ang panghihimasok ng simbahan sa sanlibutan kung kaya bawat araw ay lumilitaw na ito’y patuloy na umaalis sa kaniyang sariling lugar. Hindi dapat pagtakhan na matuklasan natin, na talaga namang nangyayari, na ang mga pari ay mas kilalá bilang mga sosyologo, ekonomista, peryodista, o mga pulitiko kaysa bilang mga klerigo.”
Mas Nakikilala ba Bilang mga Pulitiko Kaysa mga Mangangaral?
Ang panghihimasok ng simbahan sa pulitika noong mga dekada ng 1970 at 1980 ang walang alinlangan na may bahagi sa pagkasuklam sa Katolisismo ng maraming taga-Latin Amerika. Isang pag-aaral na napalathala noong 1985 ay may ganitong puna tungkol sa Maryknoll, ang Catholic Foreign Mission Society of America, at sa maraming misyon nito sa Latin Amerika: “Nagtagumpay ang Maryknoll upang ang Marxista-Leninistang mensahe ng marahas na rebolusyon ay tanggapin ng publiko dahilan sa ito’y pinayagang kumilos bilang isang bisig ng Iglesya Katolika. Ang mensahe nito ay nakarating hindi lamang sa karaniwang nagsisimba, kundi pati na rin sa pangunahing mga gumagawa ng patakarang Amerikano.”
Isaalang-alang din ang tinatawag na maruming digmaan na kung saan, kataka-taka man, mula sa 10,000 hanggang 30,000 taga-Argentina ang dinukot at pinatay nang walang paglilitis noong may katapusan ng dekada ng 1970. Isang editoryal sa National Catholic Reporter, sa ilalim ng paulong-balitang “Dugo ang Mantsa ng Iglesya sa Argentina,” ang nagsabi: “Ang karanasan ng Argentina ay lubhang nahahawig sa ikinilos ng Iglesya Katolika sa Nazi Alemanya, muli na namang ibinabangon ang tanong na kung ang kapangyarihan ay higit na mahalaga sa simbahan kaysa iniuutos ng Ebanghelyo na maging isang saksi sa katotohanan.”
Ang paghahangad ng simbahan ng kapangyarihan sa mga pamahalaan sa daigdig ay malinaw na nagpapatotoo na ito’y hindi kaibigan ng Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Hindi baga ninyo natatalos na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Sinuman na ang pinipili’y maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4, Katolikong Jerusalem Bible) Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na marami ang hindi na umaasa sa Iglesya Katolika para sa espirituwal na patnubay. Subalit ano ba ang nangyari sa mga taong nag-alisan sa pagka-Katoliko?
Mga Tupa na Walang Pastol
Sila’y nakakatulad ng mga tao na hindi inalagaan ng espirituwal na mga lider ng Judaismo noong unang siglo. Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay “nahabag sa kanila sapagkat sila’y naliligalig at nangalulumbay, tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36, JB) Marami ang umalis sa Iglesya Katolika upang pumasok sa tinatawag na maka-ebanghelyong mga relihiyon. Pinangalagaan ba nito nang mas mainam ang nangaligaw na mga tupa? Ang mga Protestante ba ay naging gaya ng sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan”?—Juan 17:14.
Maraming relihiyong di-Katoliko ang nagsisikap na ipakilalang sila’y masunurin sa Bibliya imbes na maging mga tagasunod ng tradisyong relihiyoso. Kadalasan ito’y isa lamang pang-ibabaw. Ang saligang mga doktrina ng mga organisasyong Protestante ay hawig na hawig sa mga turo ng Iglesya Katolika kung kaya maraming nagmamasid ang dagling gumagamit ng kasabihan ng mga taga-Andes: “Es la misma cholita con otra pollera” (Iyon din ang munting babaing Indiyan na may ibang saya).
Halimbawa, halos lahat ng grupong Protestante ay nagtuturo na ang Diyos ay isang Trinidad, subalit hindi ito isang turo ng Bibliya. Inaamin ng The Encyclopedia of Religion: “Ang mga exegete at mga teologo sa ngayon ay nagkakaisa na ang Bibliyang Hebreo ay walang doktrina ng Trinidad . . . Ang Bagong Tipan ay wala ring malinaw na doktrina ng Trinidad.”a
Ang mga Protestante ay maliwanag na may kaugnayan sa sanlibutang ito at sa pulitika nito gaya rin ng mga Katoliko. Ang Encyclopedia of Latin America ay nagsasabi: “Ang Protestantismo sa Latin Amerika ay nakibagay rin sa . . . pulitika ng karaniwang mga mamamayan. Ang lokal na mga pastor ay kalimitan nagiging kliyente ng mga pulitiko at naglalaan ng mga boto kapalit ng mga pabor ng gobyerno sa kanilang mga iglesya.” Ang Latin American Research Review ay nagsasabi: “Ang Protestantismo ay ikinasal sa pulitika sa Guatemala mula’t sapol na ito’y dumating sa bansa,” isinusog pa na ito “ay naging isang kasangkapan para sa pagpapalaganap ng makapulitika at panlipunang mga paggawi bilang isang anyo ng relihiyon.”
Ang pakikibahagi ng mga Protestante sa pulitika ay kalimitang umakay tungo sa pakikibahagi ng mga Protestante sa digmaan. Ang yumaong si Harry Emerson Fosdick, itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensiyang klerigong Protestante sa kasaysayan ng Amerika, ay umamin ng ganito: “Ang ating kasaysayang Kanluran ay tungkol sa sunud-sunod na digmaan. Nag-alaga tayo ng mga tao para sa digmaan, nagsanay ng mga tao para sa digmaan; ating niluwalhati ang digmaan; ang mga mandirigma ay ginawa nating ating mga bayani at kahit na sa ating mga simbahan ay inilagay natin ang mga bandilang pandigma . . . Sa isang sulok ng ating bibig ay pinuri natin ang Prinsipe ng Kapayapaan at sa kabila naman ay niluwalhati natin ang digmaan.”
Ano ang Dapat Mong Gawin?
Pagkatapos ilarawan ang huwad na relihiyon bilang isang makasagisag na patutot na nakikiapid sa mga pamahalaan ng lupa, ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nagsasabi: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang kayo’y huwag maparamay sa kaniyang mga kasalanan at dapuan ng ganoon ding mga salot.”—Apocalipsis 18:4, JB.
Marami ang nakatatalos na maraming katiwalian sa simbahan, gayunman ay nag-aatubili silang lisanin ito sapagkat ang Iglesya Romana ay may isang napakatandang kasaysayan. Datapuwat, tandaan na ang Judiong sistema ng pagsamba ay napakatanda na; gayunma’y tinanggihan ng Diyos ang mga Judio bilang kaniyang piniling bayan nang sila’y naging apostata buhat sa kaniyang tunay na mga turo. Ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nagsialis sa Judaismo nang kanilang matanto na ang ginagamit na ngayon ng Diyos ay ang kongregasyong Kristiyano. Papaano mo makikilala ang tunay na kongregasyong Kristiyano sa ngayon?
Halos isang milyong taga-Latin Amerika ang naging Saksi ni Jehova noong nakaraang dalawampung taon. Bakit sila gumawa ng pagbabagong ito? Isang pahayagan sa Martínez de la Torre, Veracruz, Mexico, ang sumuri sa tanong na ito. Sinabi nito: “Ang mga Estudyante ng Bibliya na ito ay binubuo ng halos 100 porsiyento ng dating mga aktibista buhat sa iba’t ibang relihiyon, mga Katoliko ang karamihan, na nakapansin na ang relihiyon ay napatatangay sa pulitika at sa pagtanggap at pagsang-ayon nito sa mga gawaing labag sa Bibliya na gaya ng interfaith (pakikipagkaisa sa huwad na relihiyon), imoralidad, at karahasan. Sila’y may kasiyahan na umayon sa mga simulain ng asal sa Kasulatan na hindi sumusunod sa idolatriya o mga tradisyon na may malabong pinagmulan. Ito’y nagbibigay sa kanila ng kapuri-puring pagkakaisa ng pananampalataya na waring nagpapakitang sila’y naiiba saanman sila matagpuan.”
Isa pang pahayagan sa Latin Amerika ang ganito ang sabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay masisipag, tapat, may takot sa Diyos na mga tao. Sila ay konserbatibo at maibigin sa tradisyon at ang kanilang relihiyon ay nakasalig sa mga turo ng Bibliya.” Inaanyayahan ka namin na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova saan ka man nakatira. Malalaman mo na ang kanilang pag-asa at ang kanilang buong paraan ng pamumuhay ay nakasalig sa Bibliya. Oo, malalaman mo kung papaano sasambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23, 24.
[Talababa]
a Tingnan ang pulyetong Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Chart sa pahina 21]
MGA SAKSI NI JEHOVA SA ILANG BANSA SA LATIN AMERIKA
1971 1992
Bansa Mamamahayag Mamamahayag
Argentina 20,750 96,780
Bolivia 1,276 8,868
Brazil 72,269 335,039
Chile 8,231 44,067
Colombia 8,275 55,215
Costa Rica 3,271 14,018
Dominican Republic 4,106 15,418
Ecuador 3,323 22,763
El Salvador 2,181 20,374
Guadeloupe 1,705 6,830
Guatemala 2,604 13,479
Honduras 1,432 6,583
Mexico 54,384 354,023
Panama 2,013 7,732
Paraguay 901 4,115
Peru 5,384 43,429
Puerto Rico 8,511 25,315
Uruguay 3,370 8,683
Venezuela 8,170 60,444
KABUUAN 212,156 1,143,175