Dumalo sa “Maka-Diyos na Takot” na Pandistritong Kombensiyon!
Nakagawa ka na ba ng mga plano upang makadalo sa 1994 “Maka-Diyos na Takot” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova? Tiyak na makikinabang ka kung naroroon ka sa loob ng tatlong araw! Sa mahigit na 42 kombensiyon na nakaiskedyul sa Pilipinas lamang, malamang na may isang kombensiyong gaganapin malapit sa iyong tinitirhan.
May isang uri ng pagkatakot na nagpapahina ng loob at sumisira ng pag-asa; gayunman, ipaliliwanag ng pinaka-temang pahayag sa Biyernes ng umaga ang maka-Diyos na takot at ilalarawan ang maraming pakinabang nito. Sa katunayan, itatampok sa kabuuan ng kombensiyon ang mga pakinabang na ito.
Sa Biyernes ng hapon ay maririnig mo kung papaano patitibayin ng maka-Diyos na takot ang pag-aasawa at buhay-pampamilya, gayundin kung papaano nito matutulungan ang mga kabataan na manatiling matatag sa kanilang katapatan sa Diyos. Tatapusin ang sesyon sa hapon sa pamamagitan ng nakaaantig-pusong paghaharap ng “Kaaliwan Para sa Nangungulila.” Pahahalagahan mo ang praktikal na mga impormasyong inihanda sa pahayag na iyan upang tulungan yaong mga namatayan na ng mga mahal sa buhay.
Ipakikita ng programa sa Sabado kung papaano mapatitibay ng maka-Diyos na takot ang ating panghahawakan sa mga tagubilin ni Jehova may kinalaman sa kongregasyon at sa ating ministeryo. Sa pahayag na “Basahin ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, Araw-Araw,” makatatanggap ang mga delegado ng praktikal na mga mungkahi para sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Tatapusin ang programa sa Sabado sa pamamagitan ng pahayag sa nakapupukaw-interes na paksang “Malapit Na ang Kakila-kilabot na Araw ni Jehova.”
Ang isang tampok sa programa sa Linggo ay ang pahayag na “Magkakaroon ng Pagkabuhay-Muli ng mga Matuwid.” Sa sumunod na pahayag na “Iniligtas na Buháy sa Panahon ng Malaking Kapighatian,” isang pagpapaliwanag ang ilalaan tungkol sa kagila-gilalas na pangako ni Jesus hinggil doon sa mga hindi na kailanman mamamatay.—Juan 11:26.
Tatapusin ang sesyon sa Linggo ng umaga sa pamamagitan ng nakapupukaw-ng-isip na 40-minutong drama na pinamagatang Ang mga Pagpapasiyang Napapaharap sa Inyo. Ibabalik ang mga manonood sa panahon ni Josue at makikita nila ang pagsasalarawan ng kaniyang matatag na pasiyang paglingkuran si Jehova. Ang pagsubok sa apoy noong panahon ni Elias ay ipakikita rin, at may matatamong aral mula sa dalawang pangyayaring ito na tutulong sa mga delegadong magpamalas ng maka-Diyos na takot sa ngayon. Sa hapon, ang pahayag pangmadlang, “Bakit Katatakutan ang Tunay na Diyos Ngayon,” ay siyang magiging pinakatampok ng kombensiyon.
Gumawa na ngayon ng mga plano na makadalo. Upang malaman ang pinakamalapit na lugar sa inyong tahanan, makipag-alam sa Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses sa inyong lugar o kaya’y sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Itatala rin ang mga direksiyon ng lahat ng lugar ng kombensiyon sa Pilipinas sa isyu ng Disyembre 8 ng Gumising!