Mga Gantimpala ng Pagtitiyaga
SIYA ay isang Griegong babae na naninirahan sa Fenicia noong taóng 32 C.E. Malubha ang sakit ng kaniyang anak na babae, at siya ay desididong makasumpong ng lunas. Palibhasa’y narinig na isang taong di-kilalá ang dumadalaw sa kaniyang rehiyon—isang taga-ibang lupain na sinasabing nagtataglay ng kapangyarihang magpagaling ng maysakit—determinado siya na matagpuan ang lalaking ito at magmakaawa para sa kaniyang tulong.
Nang matagpuan na niya ang lalaki, siya’y lumuhod, anupat nagmamakaawa: “Maawa ka sa akin, Panginoon, Anak ni David. Ang aking anak na babae ay malubhang inaalihan ng demonyo.” Sa ganoong paraan, ang Griegong babae ay nagmakaawa kay Jesus upang gamutin ang kaniyang anak na babae.
Maguguniguni mo ba ang lakas ng loob at kapakumbabaan na kinailangan niya upang gawin ito? Si Jesus ay isang taong may-awtoridad na nagtataglay ng kapangyarihan at karangalan, at patiuna na niyang ipinabatid na ayaw niyang malaman ng sinuman ang kaniyang kinaroroonan. Isinama niya ang kaniyang mga apostol sa Fenicia upang makapagpahinga naman, hindi upang gumawa sa gitna ng mga di-nananampalatayang Gentil. Isa pa, si Jesus ay isang Judio at ang babae ay isang Gentil, at tiyak na alam nito ang tungkol sa pag-iwas ng mga Judio sa pakikihalubilo sa mga hamak na mga tao ng mga bansa. Gayunpaman, siya’y matatag pa rin sa kaniyang pasiya na makakuha ng lunas para sa kaniyang anak.
Tinangka ni Jesus at ng kaniyang mga apostol na pahinain ang loob ng babae mula sa paghingi ng tulong sa panahong iyon. Sa simula, hindi umimik si Jesus sa kaniya. Pagkatapos, dahil sa kaniyang paulit-ulit, walang-lubay na mga hinaing, sa pagkayamot ay sinabi ng mga apostol kay Jesus: “Payaunin mo siya; sapagkat patuloy siyang sumisigaw sa likuran natin.”
Subalit hindi siya mananahimik hangga’t hindi niya nakuha ang kaniyang ibig. Sa halip, siya’y sumubsob sa paanan ni Jesus, anupat nagsasabi: “Panginoon, tulungan mo ako!”
Tinutukoy ang kaniyang pangunahing pananagutan sa mga anak ni Israel at, gayundin, sinusubok ang kaniyang pananampalataya at determinasyon, madamaying ipinaliwanag ni Jesus sa kaniya: “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak [ni Israel] at ihagis ito sa maliliit na aso [mga Gentil].”
Sa halip na masaktan sa negatibong parunggit sa kaniyang lahi, mapakumbaba siyang nagpumilit sa kaniyang mithiin sa pamamagitan ng ganitong pagtugon: “Oo, Panginoon; subalit tunay ngang ang maliliit na aso ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.”
Ginantimpalaan ni Jesus ang pagtitiyaga ng Griegong babae sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniyang pananampalataya at pagkilos na kaayon ng kaniyang mga pagsusumamo. Gunigunihin ang kaniyang kagalakan nang sa pag-uwi niya ay madatnan niyang magaling nang lubos ang kaniyang anak na babae!—Mateo 15:21-28; Marcos 7:24-30.
Katulad ng babaing iyon noong unang siglo, tayo ay kailangang maging matiyaga sa ating mga pagsisikap na mapalugdan si Jehova at makamtan ang kaniyang pagsang-ayon. Gaya sa halimbawa ng Griegong babae, tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang ating pagtitiyaga “sa paggawa ng kung ano ang mainam” ay walang-pagsalang gagantimpalaan.—Galacia 6:9.
Ano ang pagtitiyaga? Bakit kailangan ito? Anong mga salik ang magpapangyari sa atin na maiwala ang katangiang ito, anupat tumigil tayo o sumuko? Anong mga gantimpala ang maaasahan nating tatanggapin kung tayo’y matiyaga ngayon sa paglilingkod sa ating Maylikha at Ama, si Jehova?
Binigyang-kahulugan ng isang diksyunaryo ang pandiwang “magmatiyaga” bilang “panghahawakan ng mahigpit at may katatagan sa isang layunin, kalagayan, o gawain, sa kabila ng mga hadlang, babala, o mga sagwil. . . . upang patuloy na umiral; mamalagi.”
Paulit-ulit na masidhing pinapayuhan ng Bibliya ang mga lingkod ni Jehova na magmatiyaga sa paggawa ng kaniyang kalooban. Halimbawa, sinabihan tayo na “patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian,” na ‘manghawakang mahigpit sa kung ano ang mainam,’ na ‘magmatiyaga sa pananalangin,’ at huwag “manghihimagod” sa paggawa ng kung ano ang mainam.—Mateo 6:33; 1 Tesalonica 5:21; Roma 12:12; Galacia 6:9.
Sa araw-araw na pamumuhay, ang pagtitiyaga ay isang katangian na kailangang taglayin at linangin ng lahat sa atin upang makapanatiling buháy. Hindi natin matatamo ang anumang may tunay, nagtatagal na halaga kung wala ito. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang sanggol na nagsisikap na tumayo at tangkain ang unang gumigiwang na mga hakbang. Di-pangkaraniwan ang isang sanggol na matututong tumayo at madaling makalakad-lakad sa loob lamang ng isang araw. Bilang mga sanggol, marahil tayong lahat ay nagsikap at nabigo nang maraming beses bago natin natamo sa wakas ang isang sukat ng tagumpay sa paglalakad. Ano kaya ang mangyayari kung matapos matumba sa unang pagkakataon, ipinasiya na nating hindi na magsikap? Maaaring gumagapang-gapang pa rin tayo! Ang pagtitiyaga ay kailangan sa pag-abot sa kapaki-pakinabang na mga tunguhin at pagtatamo ng kaukulang mga pagsulong sa mga kasanayan at paggalang-sa-sarili. Gaya ng sinasabi ng isang kilaláng kasabihan, “Ang nagwawagi ay hindi umaayaw at ang umaayaw ay hindi nagwawagi.”
Natatanto ng matatagal nang payunir na ang tagumpay ay hindi ginagarantiyahan sa pamamagitan ng pantanging mga kakayahan o talino. Kailangang ito’y pangatawanan, anupat determinado na lubusang gawin ang kalooban ni Jehova, at maging matibay ang loob sa harap ng pansamantalang mga sagwil, kahit na panlulumo. Ang tunguhing walang-hanggang pakikibahagi sa mga pagpapala ni Jehova ay kailangang manatiling malinaw sa isipan.
Oo, tayong lahat na nagnanais na magtamo ng pagsang-ayon ni Jehova at nagnanais na magtagumpay sa takbuhan ng buhay ay nangangailangan ng pagtitiyaga, walang tigil na pagsisikap, at pagtitiis. Kung wala ang mga katangiang ito, malamang na maiwala natin ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova at ang gantimpala ng tunay na buhay.—Awit 18:20; Mateo 24:13; 1 Timoteo 6:18, 19.
Karaniwan nang mas mahirap para sa isang Kristiyano na magmatiyaga sa kaniyang espirituwal na mga gawain kaysa sa kaniyang ibang pananagutan. Ang isang lalaki ay maaaring patuloy na gumagawa nang puspusan sa kaniyang sekular na trabaho upang mapaglaanan ang pisikal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, subalit maaaring siya’y ‘totoong pagod na’ upang pangasiwaan pa ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya kasama ng kaniyang asawa at mga anak. Anong mga salik ang nagpapangyari na maging mahirap para sa marami ang magmatiyaga sa Kristiyanong mga gawain?
Isang salik ang pagkasira-ng-loob, na nagmumula sa ating sariling mga pagkukulang at mga kahinaan. Kung lagi nating pag-iisipan ang ating mga pagkakamali, maaaring masiphayo tayo at tumigil na, anupat nakadaramang hindi na tayo kailanman mapatatawad ni Jehova sa lahat ng ating mga kasalanan.
Ang isa pang salik ay ang makasanlibutang kapaligiran ng imoralidad, katiwalian, at pagkakapootan. (1 Juan 2:15, 16) Ang isa sa “kapaki-pakinabang na mga kinaugalian” na maaaring sirain o pinsalain ng makasanlibutang impluwensiya ay ang Kristiyanong pagtitiyaga.—1 Corinto 15:33.
Ang ating pagtitiyaga sa gawaing pangangaral ay maaaring pahinain sa pamamagitan ng pagsalansang ng publiko o pagwawalang-bahala sa ating sagradong paglilingkuran. Dahil sa pagkasiphayo, maaaring ipalagay natin na ang katotohanan ay talagang hindi nais ng mga tao sa ating teritoryo. Ito’y mag-uudyok sa atin na itanong, ‘Para ano pa?’ at sa gayo’y talikuran ang ating pantanging pribilehiyo ng paglilingkuran sa ministeryo.
Maaari rin tayong maimpluwensiyahan ng makasanlibutang espiritu ng pagpapalugod-sa-sarili. Bakit tayo magpupunyagi at labis na magsasakripisyo gayong ang iba naman ay waring nagkakasayahan o kampante lamang?—Ihambing ang Mateo 16:23, 24.
Upang makapanatiling gumagawa ng kalooban ng Diyos, kailangang isuot natin ang Kristiyanong personalidad at mamuhay ayon sa espiritu, hindi ayon sa laman. (Roma 8:4-8; Colosas 3:10, 12, 14) Ang pagkakaroon ng pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay ay tutulong sa atin na makapagpatuloy sa ating mahalagang espirituwal na mga gawain.—1 Corinto 16:13.
Mga Halimbawa ng Pagtitiyaga
Pinaglaanan tayo ni Jehova ng maraming nakapagpapasiglang halimbawa ng mga lingkod na nanatiling taimtim at tapat sa kaniya sa kabila ng maraming matitinding pagsubok. Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kanila, ating nakikita kung papaano natin malilinang at maipamamalas ang Kristiyanong pagtitiyaga at kung bakit totoong mahalaga ito.
Ang pinakadakilang halimbawa ay si Jesus, na labis na nagdusa upang luwalhatiin ang pangalan ni Jehova. Pinasisigla tayo ng Bibliya na matamang pag-aralan ang kaniyang mga gawa ng may-pagtitiyagang debosyon: “Kung gayon nga, sapagkat napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. Isaalang-alang nga ninyo nang maingat ang isa na nagbata ng gayong salungat na salita ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling mga kapakanan, upang hindi kayo manghimagod at manghina sa inyong mga kaluluwa.”—Hebreo 12:1-3.
Ang takbuhan ukol sa buhay ay may-kahabaan, hindi isang matuling pagtakbo sa isang malapitang distansiya. Kaya naman kailangan natin ang tulad-Kristong pagtitiyaga. Ang tunguhin, ang finish line, ay maaaring hindi natatanaw sa kalakhang bahagi ng takbuhan. Ang tunguhin ay kailangang malinaw sa mata ng ating isipan nang sa gayo’y iisipin nating abutin ito hanggang sa matapos ang totoong mahigpit na takbuhan. Si Jesus ay may gayong larawan sa kaniyang isipan, alalaong baga, ang “kagalakang inilagay sa harapan niya.”
Ano ang kabilang sa kagalakang ito para sa mga Kristiyano sa ngayon? Una, ang gantimpalang walang-kamatayang buhay sa langit para sa ilan at walang-hanggang buhay sa lupa naman para sa marami. Gayundin, ito ay ang pagkadama ng kasiyahan na nagmumula sa pagkaalam na ang isa ay nagdulot ng kagalakan sa puso ni Jehova at nagkaroon ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos.—Kawikaan 27:11; Juan 17:4.
Kabilang sa kagalakang ito ang malapit, kalugud-lugod na kaugnayan kay Jehova. (Awit 40:8; Juan 4:34) Ang gayong kaugnayan ay nakapagpapasigla at nagbibigay-buhay, nagkakaloob sa isa ng lakas upang takbuhin ang takbuhan taglay ang pagtitiis at hindi sumusuko. Isa pa, pinagpapala ni Jehova ang gayong kaugnayan sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kaniyang banal na espiritu sa kaniyang mga lingkod, anupat nagbubunga ng karagdagang kagalakan at kasiya-siyang gawain.—Roma 12:11; Galacia 5:22.
Ang pagsasaalang-alang sa halimbawa ni Job ng may-pagtitiyagang pananampalataya ay kapaki-pakinabang. Siya ay di-sakdal at mayroong limitadong kabatiran sa kaniyang kalagayan. Kaya naman kung minsan, siya’y nahuhulog sa pagmamatuwid sa sarili at pagkasiphayo. Gayunman, patuloy niyang ipinakita ang matatag na determinasyong mapanatili ang kaniyang katapatan kay Jehova at hindi tumalikod kailanman sa Kaniya. (Job 1:20-22; 2:9, 10; 27:2-6) Ginantimpalaan ni Jehova si Job sa kaniyang may-pagtitiyagang debosyon, anupat binigyan siya ng espirituwal at materyal na mga pagpapala at ng pag-asang buhay na walang-hanggan. (Job 42:10-17; Santiago 5:10, 11) Gaya ni Job, maaari tayong labis na magdusa at mawalan ng mga tinataglay sa ating buhay ngayon, subalit makatitiyak din tayo ng pagpapala ni Jehova sa ating tapat na pagtitiis.—Hebreo 6:10-12.
Sa modernong panahon, ang mga Saksi ni Jehova sa kabuuan ay nagpamalas ng Kristiyanong pagtitiyaga sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Halimbawa, ang kanilang pagtitiyaga sa gawaing pagbabahay-bahay at iba pang pangmadlang pangangaral ang dahilan kung kaya sila at ang kanilang mensahe ay napansin sa buong daigdig. Madalas banggitin sa media ang tungkol sa kanilang sigasig at determinasyon na ipangaral ang mabuting balita sa kabila ng pagsalansang at mga pagsubok. Isa sa mga ito ay nagtampok pa nga ng isang pangungusap na “Walang sinuman ang nakakaligtaan ng mga Saksi ni Jehova!”—Mateo 5:16.
Pinagpala ni Jehova ng isang mabungang ministeryo ang matiyagang pagsisikap ng kaniyang mga Saksi. Pansinin ang karanasan ng ilang mapamaraang mga Saksi sa Italya noong mga taon ng 1960 nang may mga 10,000 Saksi na nangangaral sa isang bansa na may 53,000,000 mamamayan. Wala isa mang saksi sa isang bayan na may 6,000 naninirahan. Ikinagalit ng mga tao roon ang pangangaral ng mga kapatid.
Tuwing magtutungo roon ang mga kapatid upang mangaral, titipunin ng karamihan sa mga kababaihan, at maging ng mga kalalakihan, sa bayan ang mga batang lalaki at hihimukin silang sundan ang mga Saksi, anupat pinapasuwitan sila at lumilikha ng labis na ingay. Pagkalipas ng ilang saglit na ganito ang nangyayari, ang mga kapatid ay napipilitang umalis at magtungo sa isa pang bayan. Sa pagsisikap na makapagbigay man lamang ng kahit isang kumpletong patotoo sa lahat ng mga naninirahan sa bayang ito, ipinasiya ng mga kapatid na mangaral doon tangi lamang kapag matindi ang tag-ulan, sa pag-asang hindi sila aabalahin ng mga kabataan doon. Napansin nila na hindi nanaisin ng mga taong-bayan na sila’y mabasâ para lamang guluhin ang mga mamamahayag. Sa ganitong paraan ay naibigay ang isang mainam na patotoo. Ang mga interesadong tao ay nasumpungan. Nakapagpasimula ng bagong mga pag-aaral sa Bibliya. Bilang resulta, hindi lamang naitatag ang isang sumusulong na kongregasyon sa maliit na bayang iyon kundi nakapangangaral na rin maging kung tag-araw. Patuloy na pinagpapala ni Jehova ang pagtitiyaga ng kaniyang mga Saksi sa lugar na iyon at sa buong Italya. Mayroon na ngayong mahigit sa 200,000 Saksi ni Jehova sa bansang iyon.
Ang mga gantimpala ng pagtitiyaga sa paggawa ng kung ano ang tama ay napakarami. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos, nagawa ng mga Saksi ni Jehova ang isang bagay na kailanman ay hindi pa naisagawa sa buong kasaysayan ng tao, iyon ay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, sa mga pintuan o sa iba pang paraan, sa milyun-milyong tao. (Zacarias 4:6) May kagalakan nilang nasaksihan na natupad ang hula ng Bibliya sa kamangha-manghang pagsulong at kasiglahan ng makalupang organisasyon ni Jehova. (Isaias 54:2; 60:22) Taglay nila ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos, at sila’y nagagalak sa pag-asang buhay na walang-hanggan. Higit sa lahat, nasisiyahan sila sa matalik na pakikipag-ugnayan sa Maylikha, ang Diyos na Jehova.—Awit 11:7.
[Mga larawan sa pahina 25]
Ginantimpalaan ni Jesus ang mapakumbabang pagtitiyaga ng Griegong babaing ito
[Larawan sa pahina 26]
Ang buhay sa Paraiso ay kabilang sa kagalakang nakalaan sa mga Kristiyano sa ngayon