Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 3/1 p. 29-31
  • Isang Matagumpay na Kampanya sa Kingdom News

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Matagumpay na Kampanya sa Kingdom News
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Masiglang Pagtataguyod sa Kampanya
  • Karaka-rakang mga Pagtugon
  • Tumulong ang Publiko sa Pamamahagi
  • Walang Nakaligtaan Kahit Isa
  • Pantanging Kampanya sa Tract—Oktubre 20–Nobyembre 16!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
  • Malawakang Ipamahagi ang Kingdom News Blg. 35
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1997
  • “Maraming Ginagawa sa Gawain ng Panginoon”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1995
  • Mayroon Tayong Bagong Kasangkapan Para sa Pagpapasimula ng mga Pag-aaral!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 3/1 p. 29-31

Isang Matagumpay na Kampanya sa Kingdom News

“BAKIT Kaya Punúng-punô ng Suliranin ang Buhay?​—Posible ba ang Isang Paraisong Walang Suliranin?” Ito ang pamagat ng Kingdom News Blg. 34, isang apat na pahinang tract na ipinamahagi sa buong daigdig sa 139 na wika noong Abril at Mayo ng nakaraang taon. Inilarawan ng mga Saksi sa Jamaica ang kampanyang ito sa paglilingkod na “isa sa mga tampok na pangyayari ng taon.” Tinawag naman ito ng mga Saksi sa Belgium na “isang malaking pinagmumulan ng kagalakan para sa mga kapatid.” Ito ang unang pagkakataon na nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa Republikang Czech sa pamamahagi ng Kingdom News. Ganito ang ulat ng sangay: “Ang kampanya ay nagdulot ng espiritu ng sigasig at kasiglahan.” Nakakatulad na kapahayagan ang narinig buhat sa maraming ibang lupain.

Ang Kingdom News Blg. 34 ay may pantanging mensahe para sa mga nagbubuntung-hininga at dumaraing dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa sa pangalan ng relihiyon. (Ezekiel 9:4) Nagdulot ito ng kaaliwan doon sa mga may suliranin sa buhay dahil sa “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na doo’y wala silang magawa. (2 Timoteo 3:1) Itinuturo ang Bibliya, ipinakita ng tract na malapit na malapit nang malutas ang mga suliranin sa buhay. Tiyak ang isang paraiso na malaya sa suliranin. (Lucas 23:43) Marami sa mga bumasa ng Kingdom News ang nahikayat sa pamamagitan ng mensahe nito. Isang lalaki sa Togo ang nagsabi sa isang Saksi: “Ang inyong sinabi ay hindi matututulan.”

Walang-duda, ang pamamahagi ng Kingdom News ay nakaakit ng di-pangkaraniwang pansin. Sa Denmark isang maybahay ang tumugon sa isang Saksing nag-aalok ng tract: “Kagagaling ko lamang sa Estados Unidos. Di pa natatagalan bago ako umalis, may nag-alok sa akin ng tract ninyo. Ngayon ay kararating ko lamang dito, at agad na iniaabot sa akin ang gayunding tract sa wikang Danes!”

Masiglang Pagtataguyod sa Kampanya

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay masiglang nakibahagi sa pamamahagi ng tract. Ang Austria, El Salvador, Haiti, Hungaria, Italya, New Caledonia, ay ilan lamang sa maraming bansa na nag-uulat ng pinakamataas na bilang ng mamamahayag noong mga buwan na ang Kingdom News ay ipinamamahagi.

Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Zambia ang nagsanay sa kaniyang tatlong-taóng-gulang na anak na babae, si Deborah, na mag-alok ng literatura sa bahay-bahay. Sa panahon ng kampanya sa Kingdom News Blg. 34, si Deborah ay nakapamahagi ng mahigit sa 45 kopya ng tract. Ang ina niya ay nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ilan sa mga tumanggap ng Kingdom News kay Deborah.

Isang tin-edyer sa Timog Aprika ang nag-alok ng tract sa isang kamag-aral na nagngangalang Cashia. Binasa ni Cashia ang tract at sinabi: “Ito’y totoong kamangha-mangha​—ang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa! Bakit walang nakapagsabi sa akin tungkol dito noon?” Isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan. Sa loob ng isang linggo ay nakatanggap si Cashia ng isa pang tract. Ang ikalawa ay galing sa kaniyang Romano Katolikong kásulatán na naninirahan sa Cyprus. Ang kásulatán niya ay nagpaliwanag kay Cashia kung bakit huwad ang mga turo ng Simbahang Romano Katoliko at sinabi sa kaniya na balak niyang mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Sabihin pa, lalo pa nitong pinatibay ang determinasyon ni Cashia na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

Isang sampung-taóng-gulang na batang lalaki sa Switzerland ang sumama sa kaniyang ina sa pamamahagi ng tract. Iniabot niya ang isang kopya sa isang kabataang babae at pinasigla niya siya na basahin iyon nang mabuti. Tinanong ng kabataang babae ang bata kung talagang pinaniniwalaan niya ang inilalarawan ng tanawin na nasa pabalat​—walang katapusang buhay sa lupa. Ang sagot ng bata? “Aba, oo, siguradong-sigurado ako.” Pagkatapos noon ay isiniwalat ng babae na kaniyang hinahanap ang tunay na pananampalataya dahil sa may maraming mga di-pagkakasuwato sa kaniyang sariling relihiyon. Sa isang pagdalaw-muli, isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.

Karaka-rakang mga Pagtugon

Kung minsan ang Kingdom News ay lumilikha ng karaka-rakang pagtugon mula sa mga bumabasa nito. Pagkatapos basahin ang tract, isang 11-taóng-gulang na batang babae sa Belgium ang nagtapat sa isa sa mga Saksi ni Jehova na siya ay nagnanakaw ng mga paninda. Ang ina ng batang babae ay gustong manahimik na lamang tungkol sa bagay na iyon, subalit ang budhi ng batang babae ay naantig sa kaniyang nabasa, at ipinilit niyang pumaroon upang makipagkita sa manedyer ng shopping center. Sa wakas ay pinayagan ng ina ang kaniyang anak na babae na bumalik sa shopping center kasama ng Saksi. Nagulat ang manedyer sa kaniyang pagtatapat. Nang malaman niya na ang Kingdom News ang nagpakilos sa bata na kumilos ng gayon, siya mismo ay kumuha ng isang kopya upang makita kung ano ang nilalaman nito na gayon na lamang ang epekto. Ang batang babae ay masulong ngayon sa pag-aaral ng Bibliya.

Isang saksi sa Cameroon ang nag-iwan ng isang kopya ng Kingdom News sa isang lalaki at naglahad: “Nang kami’y bumalik, nalaman namin na naguhitan na niya ito at mayroon siyang maraming tanong. Pagkatapos na masiyahan sa mga sagot, sinabi niya: ‘Totoong-totoo na ang relihiyon ay naging isang sanhi ng kawalang-kasiyahan ng sangkatauhan. Tinulungan ako ng inyong tract na maunawaan ang maraming bagay, subalit ibig kong matuto pang higit.’ ” Siya ngayon ay regular na nag-aaral ng Bibliya.

Isang Saksi na nagbabahay-bahay sa Uruguay ang nakapag-iwan ng tract sa isang lalaki. Ipinagpatuloy ng Saksi ang kaniyang pangangaral sa bahay-bahay at gumawa sa palibot ng bloke hanggang sa makarating siya sa pinto ng likuran ng tahanan ng lalaki. Nagulat siya na masumpungang naghihintay sa kaniya ang lalaki, hawak-hawak ang tract. Nabasa na niya ito at nagnanais pa ng higit na impormasyon. Isang pag-aaral ang pinasimulan kaagad.

Tumulong ang Publiko sa Pamamahagi

Isang kabataang Saksi sa Hapón ang lumapit sa isang lalaki na nasa gulang na mga 50 at ipinaliwanag ang tract sa kaniya. Nagtanong ang lalaki: “Ano ang ginagawa ninyo sa pulyetong iyan kapag nakatagpo kayo ng mga tao na hindi nakakakita?” Inamin ng Saksi na hindi niya alam. Sinabi sa kaniya ng lalaki na maghintay sandali at pumasok ito sa loob ng kaniyang bahay. Nagbalik siya na taglay ang isang kopya ng Kingdom News at nagsabi: “Nakatanggap na ako ng ganiyang pulyeto. Sa palagay ko ay naglalaman ito ng lubhang kawili-wili at mahalagang impormasyon, kaya isinalin ko ito sa Braille. Pakisuyong gamitin ito sa mga taong bulag.” Gumugol ng maraming oras ang lalaki sa pagsasalin ng Kingdom News sa Braille upang mapakinabangan ng mga bulag ang nilalaman nito.

Sa Slovakia lubhang nagustuhan ng isang lalaki ang tract anupat nagpagawa siya ng 20 kopya, at siya mismo ang namahagi sa kulay itim at puting mga kopyang ito. Isang mamamahayag sa Switzerland ang nag-iwan ng Kingdom News sa isang pamilya at patuloy na gumawa sa mga palapag sa itaas ng gusali na tinitirahan ng pamilya. Nang pababa na, sinalubong siya ng isang batang lalaki buhat sa pamilya, na humingi ng 19 pang kopya ng tract. Sa paaralan ng bata, ang mga estudyante ay inatasang sumulat tungkol sa mga suliranin at sa paghahanap ng mga kalutasan. Nais niya ng mga kopya ng Kingdom News para sa bawat kamag-aral niya.

Walang Nakaligtaan Kahit Isa

Yaong mga nakibahagi sa kampanya ay lubos na nagsikap upang matiyak na walang nalaktawan. Dalawang Saksi sa New Caledonia ang naglalakbay sa teritoryo ng isang malayong tribo upang makapamahagi ng Kingdom News. Habang naglalakbay, napansin nila ang isang landas na waring hindi na dinaraanan, gayunpama’y ipinasiya nilang tingnan kung may nakatira sa dulo niyaon. Yamang iniwan ang kotse, tinahak nila ang landas, anupat bumabagtas sa mga sapa hanggang sa wakas ay makasumpong sila ng isang bahay. Nakatira roon ang isang mag-asawa na hindi pa nakarinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at sila’y tumanggap ng isang kopya ng Kingdom News. Pagkaraan ay dumalaw muli ang mga mamamahayag at sila’y nabigla na masumpungang inayos ng mag-asawa ang daan at ang maraming maiikling tulay upang magamit ng mga Saksi ang kanilang kotse sa paglalakbay hanggang sa bahay. Napasimulan ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya.

Sa Poland isang Saksi ang kinailangang dumaan sa isang lugar ng konstruksiyon upang maialok ang isang sipi ng Kingdom News sa isang maybahay. Ang mga manggagawa ay nakatingin nang siya’y pauwing dumaan sa lugar ng konstruksiyon. Sa wakas, isa sa mga manggagawa ang tumawag sa kaniya, anupat hiniling sa kaniya na huwag silang kaligtaan. Nang lapitan niya sila, tumigil sila at matamang nakinig sa paghaharap ng tract. Tumanggap sila ng mga kopya ng Kingdom News gayundin ng mga magasin at pagkatapos, sa isang pagdalaw-muli, ng mga aklat.

Daan-daang milyong Kingdom News Blg. 34 ang naipamahagi sa maraming wika. Ang mensahe nito ay nagkaroon na ng mabisang resulta. Marami ang nakaalam na posible ang isang paraiso na walang suliranin. Idinadalangin natin na patuloy sanang tumugon ang mga taong may matuwid na puso at sa wakas ay maging kabilang sa “maaamo” na “magmamana ng lupa, at . . . makasusumpong ng matinding kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11.

[Kahon sa pahina 31]

Patuloy na Mamahagi ng mga Magasin!

Naganap noong Abril at Mayo 1995 ang isang totoong matagumpay na kampanya sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 34. Sa dalawang buwang iyon, namumukod-tangi rin ang pamamahagi ng mga magasing Bantayan at Gumising! Halimbawa, isang kapatid na lalaki sa Republikang Czech ang nag-ulat na noong Abril ay nakapagpasakamay siya ng 250 kopya ng Kingdom News at 750 magasin. Sa Guadeloupe, napili ang Sabado, Abril 15, bilang isang pantanging araw ng magasin. Halos bawat mamamahayag sa bansa ay nakibahagi sa ministeryo noong araw na iyon! Ang Slovakia ay nagkaroon ng pinakamataas na bilang ng naipamahaging magasin noong Abril. Gayunding ulat ang dumating buhat sa maraming iba pang bansa.

Kaya bakit hindi gawing namumukod-tanging mga buwan ang Abril at Mayo 1996 sa pamamahagi ng magasin? Maaaring mag-organisa ang mga kongregasyon ng pantanging mga araw ng magasin. Maaaring makibahagi ang mga indibiduwal sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer. Sa ganito at iba pang paraan, mapasisigla ang pamamahagi ng magasin, at ang mahalagang mensahe na inihayag sa Kingdom News Blg. 34 ay patuloy na lalaganap. Kung magkagayon, gaya nang nangyari sa nakaraang taon, tiyak na pagpapalain ni Jehova ang masigasig na espiritu na ating ipinakikita.​—2 Timoteo 4:22.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share