Pantanging Kampanya sa Tract—Oktubre 20–Nobyembre 16!
1 Pasimula sa Lunes, Oktubre 20, at magpapatuloy sa loob ng apat na linggo, ipamamahagi natin ang bagong tract na pinamagatang Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? Inaasahan na dahil sa pantanging kampanyang ito sa buong daigdig, mas maraming tao ang magiging interesado sa tanging pinagmumulan ng katotohanan.—Juan 17:17.
2 Inihaharap ng tract sa maikli ang sagot ng Bibliya sa anim na mahahalagang tanong: “Talaga bang nagmamalasakit sa atin ang Diyos?” “Matatapos pa kaya ang digmaan at pagdurusa?” “Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay?” “May pag-asa ba ang mga patay?” “Anong panalangin ang pinakikinggan ng Diyos?” at “Paano kaya magiging maligaya ang buhay ko?” Hindi nakapaglaan ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong na ito ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Itinatanong din ito maging ng mga di-Kristiyano, pero baka hindi nila alam na ang mga sagot ay matatagpuan sa Bibliya. Kaya inaasahan natin na magugustuhan ng mga tao ang mensahe ng tract na ito.
3 Kubrehan ang Inyong Teritoryo: Hangga’t maaari, sikaping makubrehan ang inyong teritoryo. Kung malaki ang inyong teritoryo, maaaring magbigay ng tagubilin ang mga elder na mag-iwan kayo ng isang kopya ng tract sa mga bahay na walang tao sa unang pagdalaw. Tiyakin na mabibigyan ng kopya ang inyong mga kapitbahay, kamag-anak, katrabaho o kaeskuwela, at iba pang mga tao na madalas ninyong makausap. Baka puwede kang mag-auxiliary pioneer sa Oktubre o Nobyembre. Mayroon ka bang anak o estudyante sa Bibliya na sumusulong sa katotohanan at maaaring maging kuwalipikado na sumama sa ating kampanya bilang di-bautisadong mamamahayag? Kung gayon, ipagbigay-alam ito sa matatanda.
4 Kung Ano ang Sasabihin: Para mas maraming tao ang mapaabutan ng mensahe, makabubuti kung gagawin ninyong maikli ang inyong presentasyon. Tanungin lamang ang maybahay ng isa sa anim na tanong na nasa unang pahina ng tract at ipakita sa kaniya ang sagot. Sa gayon, maibabagay ng lahat ng mamamahayag ang kanilang presentasyon ayon sa pangangailangan ng teritoryo. Kung may magpakita ng interes, itala ito at dalawin siyang muli. Kapag Sabado at Linggo, maaaring ialok ang bagong mga magasin kasama ang tract. Pagkatapos ng kampanya sa Nobyembre 16, iaalok natin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Ang matitirang mga kopya ng tract ay ipamamahagi gaya ng iba pang mga tract.
5 Magpasimula ng Pag-aaral sa Bibliya: Ang tract na ito ay espesipikong dinisenyo para tulungan tayong makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kapag dumadalaw-muli sa isang nagpakita ng interes, maaari siyang tanungin kung anong katotohanan sa Bibliya ang nagdulot sa kaniya ng kaaliwan o ginhawa. Ipakita sa kaniya ang huling pahina ng tract kung saan ipinaliliwanag ang ating kaayusan sa pag-aaral sa Bibliya, at bigyan siya ng kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Kung posible, talakayin sa maikli ang isa o dalawang parapo ng kabanata na naglalaman ng higit pang paliwanag sa paksa na interesado siya.
6 Hinahanap ni Jehova ang mga taong sasamba sa kaniya sa “espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Makibahagi nawa tayong lahat sa pantanging kampanyang ito para matulungan ang iba na malaman ang katotohanan!