Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ang Nakapaglilinis na Kapangyarihan ng Salita ng Diyos
INIULAT na karamihan sa mga sugapa sa droga ay nagbabalik sa kanilang bisyo pagkatapos lumaya buhat sa mga rehabilitation center. Subalit nagagawa ng Salita ng Diyos ang malimit na nabibigong gawin ng mga klinika. (Hebreo 4:12) Marami ang natulungan ng Salita at espiritu ng Diyos na mapanagumpayan ang pagkasugapa sa droga at maikapit ang payo: “Linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.”—2 Corinto 7:1.
Ito ay ipinakita ng isang karanasan buhat sa Myanmar. Ganito ang inilahad ng isang lalaki na nakipagpunyagi nang maraming taon sa pagkasugapa sa droga: “Ako ay naging sugapa sa droga nang ako ay tin-edyer pa. Maraming beses na sinubukan kong umalpas, subalit hindi ko magawa. Upang matustusan ang aking bisyo sa droga, nagnakaw ako. Bilang resulta, noong 1988, ibinilanggo ako nang isang taon.
“Pagkaraang makalaya sa bilangguan, muli akong nakisama sa dati kong mga kaibigan. Di-nagluwat ay muli akong nalulong sa droga. Ang nakapipinsala-sa-sarili na landasing ito ay umakay sa mga miyembro ng pamilya na putulin ang lahat ng kaugnayan sa akin. Karagdagan pa, dahil sa aking rebelyosong asal ay natakot sa akin ang marami sa komunidad, at sila man ay nagsimulang umiwas sa akin.
“At isang araw ay naganap ang di-maiiwasan—nasobrahan ang dosis ko sa droga. Ako ay muling ibinilanggo, sa pagkakataong ito ay sa loob ng tatlong taon. Bagaman napakahirap ng buhay sa bilangguan, kahit paano ay nakatagal ako.
“Pagkaraang makauwi buhat sa bilangguan, humiling ako ng tawad sa aking pamilya para sa nakaraang mga pagkakamali. May-kabaitang tinanggap nila ako, subalit minsan pa, hinikayat ako ng mga kaibigan na balikan ang aking dating gawa.
“Sa wakas, inirekomenda ng aking lola sa isang pastor sa lugar namin na papag-aralin ako sa isang paaralan tungkol sa Bibliya. Sumang-ayon ang pastor. Gayunpaman, bago ako magsimulang mag-aral, sinabi ng aking tiya, na isang Saksi ni Jehova, na kung talagang gusto kong matutuhan ang Bibliya, dapat akong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova.
“Nagpunta ako sa Kingdom Hall at ipinakilala sa isang lalaki na pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa akin. Marami sa mga dumalo ang magiliw na bumati sa akin at nagpadama na ako ay malugod na tinatanggap.
“Pagkatapos kong simulan ang pag-aaral ng Bibliya at ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano, ang paghahangad sa droga ay napalitan ng isang hangaring mapalapit sa Diyos. Pagkaraan ng isang taon ay sumulong ako hanggang sa punto na inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova, at sinagisagan ko ang pag-aalay na iyon sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
“Kamakailan, samantalang nagbabahay-bahay, natagpuan ko ang isang dati kong kasamang nagdodroga. Hindi niya maintindihan ang malaking pagbabago sa akin. Nagbukas ito ng pagkakataon para makapagpatotoo, at nasabi ko sa kaniya ang tungkol sa pag-asa ng Kaharian.
“Sa wakas ay nasumpungan ko ang tunay na layunin at kahulugan ng buhay. Salamat sa tulong ng Diyos at sa payo na mula sa kaniyang Salita, nagagawa ko ngayong tulungan ang iba na maiwaksi ang nakasisirang-moral na bisyong pag-aabuso sa droga.”