Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 8/15 p. 25-29
  • Ang Pagtakas ng mga “Huguenot” Tungo sa Kalayaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagtakas ng mga “Huguenot” Tungo sa Kalayaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Salansang sa Simula Pa Lamang
  • Ang Paghihigpit
  • Bumalik sa Dati
  • Magtatago, Makikipaglaban, o Tatakas?
  • Isang Kanais-nais na Kanlungan
  • May mga Aral Bang Natutuhan?
  • Mga Digmaan ng Relihiyon sa Pransiya
    Gumising!—1997
  • Ang Kautusan ng Nantes—Isang Karta Para sa Pagpaparaya?
    Gumising!—1998
  • Ang Tore ng Crest
    Gumising!—2001
  • Ang Pagsabog ng Tubig ng mga Daluyong ng Repormasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 8/15 p. 25-29

Ang Pagtakas ng mga “Huguenot” Tungo sa Kalayaan

“Mula sa Hari at Reyna, . . . Inihahayag Namin, Na ang lahat ng Protestanteng Pranses na humahanap ng kanilang Kanlungan, at Maglilikas ng kanilang sarili rito sa Aming Kaharian, ay hindi lamang tatanggap ng Aming Maharlikang Proteksiyon . . . Kundi Amin ding gagawin ang Aming Pagsisikap sa lahat ng makatuwirang Paraan at Dahilan upang Suportahan, Saklolohan at Tulungan sila . . . upang ang kanilang pamumuhay at pagkanaririto sa Kahariang ito ay maging maginhawa at maalwan para sa kanila.”

GAYON ang mababasa sa deklarasyon noong 1689 nina William at Mary, ang hari at reyna ng Inglatera. Subalit bakit kinailangan ng mga Protestanteng Pranses, o mga Huguenot, gaya ng naging pagkakilala sa kanila, na humanap ng kanlungan at proteksiyon sa labas ng Pransiya? Bakit ang pagtakas nila mula sa Pransiya mga 300 taon na ang nakalipas ay dapat makainteres sa atin ngayon?

Noong ikalabing-anim na siglo, ang Europa ay pinahirapan ng digmaan at mga alitang kinasasangkutan ng relihiyon. Ang Pransiya, kung saan nagkaroon ng mga Digmaan ng Relihiyon (1562-​1598) sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante, ay hindi nakaiwas sa kaguluhang ito. Gayunman, noong 1598, nilagdaan ng Pranses na si Haring Henry IV ang isang kautusan ng pagpaparaya, ang Kautusan ng Nantes, na nagkakaloob ng ilang relihiyosong kalayaan sa mga Protestanteng Huguenot. Hindi pangkaraniwan sa Europa ang ganitong legal na pagkilala sa dalawang relihiyon. Pansamantalang tinapos nito ang relihiyosong mga kaguluhan na puminsala sa ikalabing-16 na siglong Pransiya sa mahigit nang 30 taon.

Bagaman nilayon ito na maging “panghabang-panahon at hindi mapawalang-bisa,” ang Kautusan ng Nantes ay pinawalang-bisa ng Kautusan ng Fontainebleau noong 1685. Nang maglaon ay inilarawan ng pilosopong Pranses na si Voltaire ang ganitong pagpapawalang-bisa bilang “isa sa malalaking trahedya ng Pransiya.” Hindi nagtagal, ito ang nagbunsod ng pagtakas ng halos 200,000 Huguenot tungo sa ibang bansa. Gayunman, higit pa ang ibinunga ng paglikas na ito. Subalit bakit ba pinawalang-bisa ang naunang kautusan na nagtataguyod ng relihiyosong pagpaparaya?

Salansang sa Simula Pa Lamang

Bagaman ang Kautusan ng Nantes ay opisyal na may-bisa sa loob ng halos 90 taon, isang mananalaysay ang nagsabi na ito ay “palaós na nang ito’y ipawalang-bisa noong 1685.” Tunay nga, ang kautusan ay walang matatag na mga pundasyon. Sa simula pa lamang, naging dahilan ito ng maglaon ay inilarawan na “cold war” sa pagitan ng klerong Katoliko at ng tinagurian nitong “R.P.R.” (Diumano’y Reformed Religion, o Bagong Relihiyon) Mula nang ipalabas ito noong 1598 hanggang noong mga 1630, ang pagtutol sa Kautusan ng Nantes ay sa mga debateng pampubliko sa pagitan ng mga Protestante at Katoliko at ng akdang pampanitikan. Subalit maraming anyo ang kawalan ng pagpaparaya.

Pagkatapos ng pakikipaglaban sa mga Protestante mula 1621 hanggang 1629, sinikap ng pamahalaang Pranses na pilitin silang isama sa Katolikong kawan sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga paghihigpit. Ang ganitong panliligalig ay tumindi noong panahon ni Louis XIV, ang “Haring Araw.” Ang kaniyang patakaran ng pag-uusig ay humantong sa pagpapawalang-bisa sa Kautusan ng Nantes.

Ang Paghihigpit

Bilang bahagi ng paghihigpit, unti-unting inalis ang mga karapatang sibil ng mga Protestante. Sa pagitan ng 1657 at 1685, halos 300 mga hatol, na madalas ay mungkahi ng klero, ang ginawa laban sa mga Huguenot. Sinikil ng gayong mga hatol ang bawat pitak ng kanilang buhay. Halimbawa, maraming propesyon, gaya ng medisina, abogasya, at kahit ang pagiging komadrona, ang ipinagbawal sa mga Huguenot. Tungkol sa pagiging komadrona, isang mananalaysay ang nangatuwiran: “Paano maipagkakatiwala ng isa ang kaniyang buhay sa isang erehe na ang layunin ay sirain ang umiiral na kaayusan?”

Ang paniniil ay lalo pang pinatindi noong 1677. Ang sinumang Huguenot na mahuling nagsisikap ikumberte ang isang Katoliko ay pinagmumulta ng isang libong pound ng Pranses. Ang mga pondo ng estado mula sa napakataas na mga buwis ay ginamit upang impluwensiyahan ang mga Huguenot na magpakumberte. Noong 1675 ang klerong Katoliko ay nagbigay ng 4.5 milyong pound ng Pranses kay Haring Louis XIV, na nagsasabing: “Ngayon ay dapat mong patunayan ang pagtanaw mo ng utang na loob sa pamamagitan ng paggamit ng iyong awtoridad upang lubos na lipulin ang mga erehe.” Ang ganitong paraan ng “pagbili” ng mga kumberte ay nagbunga ng halos 10,000 pagkakumberte sa Katolisismo sa loob ng tatlong taon.

Noong 1663 ang pagpapakumberte sa pagka-Protestante ay naging ilegal. Nagkaroon din ng mga paghihigpit may kinalaman sa kung saan maaaring tumira ang mga Huguenot. Isang halimbawa ng gayong labis-labis na paghihigpit ay ang bagay na maaaring maging Katoliko ang mga bata sa edad na pito nang labag sa kagustuhan ng kanilang mga magulang. Obligado ang mga magulang na Protestante na tustusan ang edukasyon ng kanilang mga anak sa ilalim ng mga Jesuita o iba pang Katolikong instruktor.

Ang isa pang sandata sa pagsugpo sa mga Huguenot ay ang Compagnie du Saint-Sacrement (Kompanya ng Banal na Sakramento). Ito ay isang organisasyong Katoliko na ayon sa mananalaysay na si Janine Garrisson ay naging isa sa “malawak na network” na sumasaklaw sa buong Pransiya. Yamang naimpluwensiyahan nito ang pinakamatataas na tao sa lipunan, hindi ito nawalan ng pananalapi ni ng mahahalagang impormasyon. Ipinaliwanag ni Garrisson na marami itong pamamaraan: “Mula sa panggigipit hanggang sa paghahadlang, manipulasyon hanggang sa pagtuligsa, ginawa ng Compagnie ang lahat ng paraan upang pahinain ang pamayanang Protestante.” Gayunpaman, karamihan ng Huguenot ay nanatili sa Pransiya sa panahong ito ng pag-uusig. Ganito ang puna ng mananalaysay na si Garrisson: “Mahirap maunawaan kung bakit karamihan ng mga Protestante ay hindi umalis sa Kaharian habang tumitindi ang poot sa kanila.” Subalit, ang pagtakas tungo sa kalayaan ay kinailangan sa dakong huli.

Bumalik sa Dati

Pinalaya ng Kapayapaan ng Nymegen (1678) at ng Kasunduan ng Pansamantalang Kapayapaan ng Ratisbon (1684) si Haring Louis XIV mula sa pakikipagdigma sa labas ng bansa. Sa kabilang ibayo ng Channel sa Inglatera, isang Katoliko ang naging hari noong Pebrero 1685. Maaari nang samantalahin ni Louis XIV ang bagong kalagayang ito. Ilang taon bago nito, inilabas ng klerong Katoliko sa Pransiya ang Apat na Artikulong Gallican, na naghigpit sa kapangyarihan ng papa. Sa gayon, “itinuring [ni Papa Innocent XI] ang Simbahang Pranses na halos nababahagi.” Kaya naman, sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa sa Kautusan ng Nantes, maaari nang pagandahin ni Louis XIV ang kaniyang nadungisang reputasyon at ibalik ang normal na pakikipag-ugnayan sa papa.

Ang patakaran ng hari laban sa mga Protestante ay nahayag na. Maliwanag na nabigo ang malumanay na pamamaraan (panghihikayat at pagtatakda ng mga batas). Sa kabilang banda, matagumpay naman ang isinagawang mga dragonnade.a Kaya noong 1685, nilagdaan ni Louis XIV ang Kautusan ng Fontainebleau, na nagpawalang-bisa sa Kautusan ng Nantes. Ang marahas na pag-uusig kaugnay ng pagpapawalang-bisang ito ay naglagay sa mga Huguenot sa isang kalagayang mas malala pa kaysa noong wala pa ang Kautusan ng Nantes. Ano ngayon ang gagawin nila?

Magtatago, Makikipaglaban, o Tatakas?

Pinili ng ilang Huguenot na sumamba nang palihim. Yamang winasak ang kanilang hayag na mga dako ng pagtitipon at ipinagbawal ang kanilang pagsamba, sila’y bumaling sa ‘Simbahan sa Disyerto,’ o palihim na pagsamba. Ginawa nila ito sa kabila ng bagay na ang mga taong nagdaraos ng gayong mga pagpupulong ay nanganganib na maparusahan ng kamatayan, ayon sa batas na ipinatupad noong Hulyo 1686. Itinakwil ng ilang Huguenot ang kanilang pananampalataya, na inaakalang posible na maging Huguenot ulit. Ang gayong mga nakumberte ay nagsagawa ng paimbabaw na Katolisismo na tinularan ng sumunod na mga henerasyon.

Sinikap ng pamahalaan na patatagin ang mga pangungumberte. Para magkatrabaho, ang mga bagong nakumberte ay kailangang magpakita ng sertipiko ng pagiging Katoliko na nilagdaan ng kura paroko na sumubaybay sa kanilang pagdalo sa simbahan. Kung ang mga anak ay hindi pabibinyagan at palalakihin bilang mga Katoliko, maaari silang kunin mula sa kanilang mga magulang. Kailangang itaguyod ng mga paaralan ang edukasyong Katoliko. Ginawa ang mga pagsisikap upang maglabas ng mga relihiyosong akdang maka-Katoliko para sa “mga tao ng Aklat [ang Bibliya],” gaya ng tawag sa mga Protestante. Nag-imprenta ang pamahalaan ng mahigit sa isang milyong aklat at ipinadala ang mga iyon sa mga lugar kung saan maraming nakumberte. Napakahigpit ng mga batas anupat kung ang isang maysakit ay tumanggi sa pahesus ng Katoliko subalit gumaling, siya’y hahatulang mabilanggo o gawing alipin sa mga galera nang habang-buhay. At kung siya’y mamatay sa dakong huli, ang kaniyang bangkay ay itatapon na parang basura lamang, at kukumpiskahin ang kaniyang mga ari-arian.

Ang ilang Huguenot ay lumaban sa pamamagitan ng armas. Sa rehiyon ng Cévennes, na kilala sa relihiyosong kasigasigan, ang militanteng mga Huguenot na tinatawag na mga Camisard ay naghimagsik noong 1702. Bilang tugon sa mga pagtambang at pagsalakay sa gabi ng mga Camisard, sinunog ng mga sundalo ng pamahalaan ang mga nayon. Bagaman ang pabugsu-bugsong pagsalakay ng mga Huguenot ay nagpatuloy ng mga ilang panahon, noong 1710 ang mga Camisard ay nilupig ng makapangyarihang hukbo ni Haring Louis.

Ang isa pang naging pagtugon ng mga Huguenot ay takasan ang Pransiya. Ang paglikas na ito ay tinawag na isang totoong pandarayuhan. Karamihan ng mga Huguenot ay dukhang-dukha nang sila’y lumisan sapagkat kinumpiska ng estado ang kanilang mga pag-aari, na ang bahagi ng kayamanan ay napunta sa Simbahang Katoliko. Kaya hindi naging madali ang pagtakas. Mabilis na kumilos ang pamahalaang Pranses sa mga nangyayari, anupat sinusubaybayan ang mga ruta ng paglabas at sinisiyasat ang mga barko. Nilooban ng mga pirata ang mga barkong umaalis sa Pransiya, sapagkat may premyo ang paghuli sa mga takas. Ang mga Huguenot na mahuling tumatakas ay parurusahan nang napakatindi. Mas masaklap pa, sinikap ng mga espiya na nagtatrabaho sa pamayanan na alamin ang mga pangalan at ruta niyaong nagbabalak tumakas. Naging pangkaraniwan ang panghaharang ng mga sulat, palsipikasyon, at mga lihim na pakana noong panahong iyon.

Isang Kanais-nais na Kanlungan

Ang pagtakas ng mga Huguenot mula sa Pransiya at ang pagtanggap sa kanila ng mga nagpatulóy na bansa ay nakilala bilang ang Kanlungan. Ang mga Huguenot ay tumakas patungong Holland, Switzerland, Alemanya, at Inglatera. Nang maglaon, ang ilan ay nagtungo sa Scandinavia, Amerika, Irlandya, West Indies, Timog Aprika, at Russia.

Ang ilang bansa sa Europa ay nagpalabas ng mga batas na humihimok sa mga Huguenot na mandayuhan. Ang ilan sa mga kapakinabangang inialok ay ang libreng naturalisasyon, eksemsiyon sa buwis, at ang libreng pagsapi sa isang grupong pangkalakalan. Ayon sa mananalaysay na si Elisabeth Labrousse, karamihan ng mga Huguenot ay “mga kabataang lalaki . . . mga mamamayan na mahuhusay sa trabaho at masisigla na may pambihirang kaasalan.” Sa gayon, ang Pransiya, sa rurok ng kapangyarihan nito, ay nawalan ng mga manggagawang may kasanayan sa maraming negosyo. Oo, ang “mga pag-aari, kayamanan at pamamaraan” ay napasaibayong-dagat. May papel ding ginampanan ang mga relihiyoso at pulitikal na mga salik sa pag-aalok ng kanlungan para sa mga Huguenot. Subalit, ano naman ang pangmatagalang ibinunga ng paglikas na ito?

Ang pagpapawalang-bisa sa Kautusan ng Nantes at ang kaakibat na pag-uusig ay pumukaw ng negatibong reaksiyon mula sa ibang bansa. Sinamantala ni William of Orange ang damdamin ng paglaban sa mga Pranses upang siya’y maging pinuno ng Netherlands. Sa tulong ng mga opisyal na Huguenot, naging hari rin siya ng Gran Britanya, anupat hinalinhan ang Katolikong si James II. Ipinaliwanag ng mananalaysay na si Philippe Joutard na “ang patakaran ni Louis XIV laban sa mga Protestante ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbagsak ni James II [at] ng pagkakabuo ng liga ng Augsburg. . . . Ang [ganitong] mga pangyayari ay naging mahalagang panahon sa kasaysayan ng Europa, na umakay sa paghalili ng panunupil ng Pransiya tungo sa panunupil ng Inglatera.”

Ang mga Huguenot ay nagkaroon ng mahalagang papel sa kultura ng Europa. Ginamit nila ang kanilang bagong-tatag na kalayaan upang gumawa ng mga babasahin na nakatulong sa paghubog ng pilosopiya ng Kaliwanagan at ng mga ideya ng pagpaparaya. Halimbawa, isinalin ng isang Protestanteng Pranses ang mga akda ng pilosopong Ingles na si John Locke, na pinalalaganap ang ideya ng likas na mga karapatan. Idiniin ng ibang manunulat na Protestante ang kahalagahan ng kalayaan ng budhi. Nabuo ang ideya na ang pagsunod sa mga pinuno ay may pasubali at maipagwawalang-bahala kung ang mga pinuno ay lumabag sa kasunduan sa pagitan nila at ng bayan. Kaya nga, gaya ng paliwanag ng mananalaysay na si Charles Read, ang pagpapawalang-bisa sa Kautusan ng Nantes ang isa sa “mga litaw na sanhi ng Himagsikang Pranses.”

May mga Aral Bang Natutuhan?

Dahil sa mga negatibong kinalabasan ng pag-uusig at ng pagkaubos ng mahahalagang tao sa estado, hinimok ng Marquis de Vauban, tagapayong militar ni Haring Louis XIV, ang hari na ibalik ang Kautusan ng Nantes, na sinasabi: “Ang pagkumberte ng mga puso ay nauukol lamang sa Diyos.” Kaya bakit hindi natuto ng aral ang Estadong Pranses at binago ang pasiya nito? Ang isang tiyak na dahilan ay sapagkat natakot ang hari na maaaring manghina ang estado. Bukod diyan, kapaki-pakinabang na makiayon sa pagpapanumbalik ng Katolisismo at sa di-pagpaparaya sa relihiyon na umiiral sa Pransiya noong ika-17 siglo.

Ang mga pangyayaring kaugnay ng pagpapawalang-bisa ay nag-udyok sa marami na magtanong, “Gaano karaming relihiyon o grupo ang maipahihintulot at mapagpaparayaan ng lipunan?” Oo, gaya ng napuna ng mga mananalaysay, ang pagsasaalang-alang sa kasaysayan ng mga Huguenot ay likas lamang na aakay sa isa na isipin “ang mga pamamaraan ng kapangyarihan at ang mga kasamaan nito.” Sa mga lipunan ngayon na binubuo ng iba’t ibang lahi at sari-saring relihiyon, ang pagtakas ng mga Huguenot tungo sa kalayaan ay isang matinding paalaala ng mangyayari kapag napangibabawan ng pulitikang nasulsulan ng simbahan ang pinakamainam na kapakanan ng bayan.

[Talababa]

a Tingnan ang kahon sa pahina 28.

[Kahon sa pahina 28]

Ang mga Dragonnade

Mabalasik na Pangungumberte Itinuring ng iba noon ang mga dragoon bilang “napakahusay na mga misyonero.” Subalit para sa mga Huguenot, ang mga ito’y pumupukaw ng takot, at sa ilang kalagayan ang buong nayon ay nagpapakumberte sa Katolisismo sa sandaling malaman ang kanilang pagdating. Subalit sino ang mga dragoon na ito?

Ang mga dragoon ay nasasandatahang mga sundalo na nanguwartel sa bahay ng mga Huguenot upang takutin ang mga nakatira roon. Ang ganitong paggamit ng mga dragoon ay tinawag na mga dragonnade. Upang higit na pahirapan ang mga pamilya, ang bilang ng mga sundalong ipinadadala sa isang bahay ay hindi katimbang ng kabuhayan ng pamilya. Binigyang-karapatan ang mga dragoon na pagmalupitan ang mga sambahayan, pahirapan sila sa pamamagitan ng hindi pagpapatulog sa kanila, at sirain ang kanilang mga ari-arian. Kung itatakwil ng mga naninirahan ang pananampalatayang Protestante, lilisan ang mga dragoon.

Ginamit ang mga dragonnade para mangumberte noong 1681 sa Poitou, Kanlurang Pransiya, isang lugar kung saan napakaraming Huguenot. Sa loob lamang ng ilang buwan, mula 30,000 hanggang 35,000 ang nakumberte. Ganitong pamamaraan din ang ginamit noong 1685 sa iba pang lugar ng mga Huguenot. Sa loob lamang ng ilang buwan, mula 300,000 hanggang 400,000 ang nagtakwil ng pagka-Protestante. Ayon sa mananalaysay na si Jean Quéniart, ang tagumpay ng mga dragonnade ay “nagpangyaring hindi maiwasan ang Pagpapawalang-bisa [ng mapagparayang Kautusan ng Nantes], sapagkat ngayo’y waring posible nang gawin ito.”

[Credit Line]

© Cliché Bibliothèque Nationale de France, Paris

[Larawan sa pahina 25]

Ang deklarasyong ito noong 1689 ay nag-alok ng kanlungan sa mga Protestanteng Pranses na humahanap ng ginhawa mula sa relihiyosong paniniil

[Credit Line]

Sa pahintulot ng The Huguenot Library, Huguenot Society of Great Britain and Ireland, London

[Larawan sa pahina 26]

Pagpapawalang-bisa sa Kautusan ng Nantes, 1685 (Ipinakita ang unang pahina ng pagpapawalang-bisa)

[Credit Line]

Documents conservés au Centre Historique des Archives nationales à Paris

[Larawan sa pahina 26]

Maraming templo ng Protestante ang winasak

[Credit Line]

© Cliché Bibliothèque Nationale de France, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share