Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/1 p. 30-31
  • Buong-Tapang na Nagpatotoo si Pablo sa mga Dignitaryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Buong-Tapang na Nagpatotoo si Pablo sa mga Dignitaryo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Buong-Tapang na Nagtanggol si Pablo
  • Aral Para sa Atin
  • Tulungan ang Iba na Tanggapin ang Mensahe ng Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • “Umaapela Ako kay Cesar!”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Festo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Herodes Agripa I
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/1 p. 30-31

Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova

Buong-Tapang na Nagpatotoo si Pablo sa mga Dignitaryo

KITANG-KITA ang pagkakaiba ng dalawang lalaki. Ang isa ay may korona at ang isa naman ay nakakadena. Ang isa ay hari; ang isa, bilanggo. Pagkaraan ng dalawang taon sa kulungan, si apostol Pablo ay nakatayo ngayon sa harap ng tagapamahala ng mga Judio, si Herodes Agripa II. Ang hari at ang kinakasama nito, si Bernice, ay dumating “na may labis na pagpaparangya at pumasok sa silid ng pagdinig kasama ang mga kumandante ng militar at gayundin ang mga bantog na lalaki sa lunsod.” (Gawa 25:23) Sabi ng isang reperensiya: “Malamang na ilang daang tao ang naroroon.”

Ang bagong hirang na gobernador, si Festo, ang siyang nagsaayos ng pulong. Ang gobernador na hinalinhan niya, si Felix, ay nakontento na lamang na pabayaan si Pablo na mabulok sa bilangguan. Ngunit pinagdudahan ni Festo ang saligan ng mga paratang kay Pablo. Aba, gayon na lamang ang pagpupumilit ni Pablo sa pagsasabing siya’y walang kasalanan anupat iginiit niya na iharap ang kaniyang kaso kay Cesar! Naging interesado si Haring Agripa sa kaso ni Pablo. “Ibig ko ring pakinggan mismo ang tao,” sabi niya. Agad na gumawa ng mga kaayusan si Festo, malamang na iniisip kung ano ang magiging palagay ng hari sa naiibang bilanggo na ito.​—Gawa 24:27–​25:22.

Kinabukasan, nakatayo na si Pablo sa harap ng maraming dignitaryo. “Ibinibilang kong maligaya ang aking sarili na sa harap mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito,” sabi niya kay Agripa, “lalo na yamang ikaw ay dalubhasa sa lahat ng mga kaugalian at gayundin sa mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio. Kaya nga nagsusumamo ako sa iyo na pakinggan ako nang may pagtitiyaga.”​—Gawa 26:2, 3.

Buong-Tapang na Nagtanggol si Pablo

Una, sinabi ni Pablo kay Agripa ang tungkol sa kaniyang nakaraan bilang isang mang-uusig sa mga Kristiyano. “Sinikap kong pilitin silang gumawa ng pagtatakwil,” sabi niya. “Pinag-usig ko sila maging hanggang sa mga lunsod na nasa labas.” Nagpatuloy si Pablo sa pamamagitan ng paglalahad kung paanong nakakita siya ng isang pambihirang pangitain na doo’y tinanong siya ng binuhay-muling si Jesus: “Bakit mo ako pinag-uusig? Ang patuloy na pagsipa sa mga tungkod na pantaboy ang nagpapahirap sa iyo.”a​—Gawa 26:4-​14.

Pagkatapos ay inatasan ni Jesus si Saulo na magpatotoo sa mga tao sa lahat ng bansa “kapuwa ng mga bagay na nakita mo na at ng mga bagay na ipakikita ko sa iyo may kinalaman sa akin.” Inilahad ni Pablo na sinikap niyang tuparin ang kaniyang atas. Subalit, “dahil sa mga bagay na ito,” sabi niya kay Agripa, “ay sinunggaban ako ng mga Judio sa templo at tinangka akong patayin.” Bilang paghikayat sa interes ni Agripa sa Judaismo, idiniin ni Pablo na ang kaniyang pagpapatotoo ay “walang anumang sinasabi maliban sa mga bagay na ipinahayag ng mga Propeta at gayundin ni Moises na magaganap” hinggil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ng Mesiyas.​—Gawa 26:15-23.

Sumabad si Festo. “Itinutulak ka ng malaking kaalaman sa kabaliwan!” ang bulalas niya. Sumagot si Pablo: “Hindi ako nababaliw, Inyong Kamahalang Festo, kundi nagsasalita ako ng mga pananalita ng katotohanan at ng katinuan.” Pagkatapos ay sinabi ni Pablo tungkol kay Agripa: “Ang hari na sa kaniya ay nagsasalita ako nang may kalayaan sa pagsasalita ay lubos na nakaaalam tungkol sa mga bagay na ito; sapagkat nahihikayat ako na walang isa man sa mga bagay na ito ang nakalalampas sa kaniyang pansin, sapagkat ang bagay na ito ay hindi ginawa sa isang sulok.”​—Gawa 26:24-26.

Sumunod ay tuwirang nagsalita si Pablo kay Agripa. “Ikaw ba, Haring Agripa, ay naniniwala sa mga Propeta?” Tiyak na naasiwa si Agripa sa tanong na ito. Lalo na, mayroon siyang reputasyon na kailangang ingatan, at ang pagsang-ayon kay Pablo ay nangangahulugang pagpanig sa sinasabi ni Festo na “kabaliwan.” Marahil nahalata ang pag-aatubili ni Agripa, sinagot ni Pablo ang sarili niyang tanong. “Alam kong naniniwala ka,” sabi niya. Nagsalita ngayon si Agripa, ngunit hindi tiyak ang kaniyang mga sinabi. “Sa maikling panahon,” sabi niya kay Pablo, “ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.”​—Gawa 26:27, 28.

Buong-husay na ginamit ni Pablo ang di-tiyak na pananalita ni Agripa upang makagawa ng isang mabisang argumento. “Hinihiling ko sa Diyos,” sabi niya, “na kahit sa maikling panahon man o sa mahabang panahon hindi lamang ikaw kundi gayundin ang lahat niyaong mga nakikinig sa akin ngayon ay maging mga taong gaya ko rin naman, maliban sa mga gapos na ito.”​—Gawa 26:29.

Walang makitang dahilan sina Agripa at Festo para ipapatay o ipabilanggo si Pablo. Gayunman, ang kaniyang kahilingan na maiharap kay Cesar ang kaniyang kaso ay hindi maaaring tanggihan. Kaya naman sinabi ni Agripa kay Festo: “Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.”​—Gawa 26:30-32.

Aral Para sa Atin

Napatunayang isang mahusay na halimbawa para sa atin ang paraan ng pagpapatotoo ni Pablo sa harap ng mga dignitaryo. Sa pakikipag-usap kay Haring Agripa, naging maingat si Pablo. Tiyak na alam niya ang iskandalo tungkol kina Agripa at Bernice. Sila’y nagkakasala ng insesto sa kanilang pagsasama, sapagkat sa totoo, si Bernice ay kapatid ni Agripa. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi minabuti ni Pablo na magsermon tungkol sa moralidad. Sa halip, idiniin niya ang mga punto na pinagkakasunduan nila ni Agripa. Isa pa, bagaman si Pablo ay naturuan ng marunong na Fariseong si Gamaliel, kinilala niya na si Agripa ay isang dalubhasa sa mga kaugalian ng mga Judio. (Gawa 22:3) Sa kabila ng moralidad ni Agripa, kinausap siya ni Pablo nang may paggalang sapagkat may awtoridad si Agripa.​—Roma 13:7.

Bagaman buong-tapang na nagpapatotoo tayo tungkol sa ating mga paniniwala, hindi natin tunguhin na ilantad o hatulan ang maruruming gawain ng ating mga tagapakinig. Sa halip, upang maging mas madali sa kanila na tanggapin ang katotohanan, dapat nating idiin ang positibong mga bahagi ng mabuting balita, na itinatampok ang pag-asang taglay nating lahat. Kapag nakikipag-usap sa mga nakatatanda o may awtoridad, dapat nating kilalanin ang kanilang katayuan. (Levitico 19:32) Sa ganito, matutularan natin si Pablo, na nagsabi: “Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.”​—1 Corinto 9:22.

[Talababa]

a Ang pananalitang “pagsipa sa mga tungkod na pantaboy” ay naglalarawan sa isang toro na sinasaktan ang sarili habang sinisipa ang matulis na tungkod na dinisenyo para itaboy at akayin ang hayop. Sa katulad na paraan, sa pag-uusig sa mga Kristiyano, pinipinsala lamang ni Saulo ang kaniyang sarili, yamang nilalabanan niya ang isang bayan na inaalalayan ng Diyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share