Ang mga Collegiant—Naiiba Sila Dahil sa Pag-aaral ng Bibliya
Narinig mo na ba ang tungkol sa mga “Collegiant”?
Ang maliit na relihiyosong grupong ito ng mga Olandes noong Ika-17 siglo ay naiiba sa nakatatag na mga simbahan noong panahong iyon. Paano, at ano ang matututuhan natin sa kanila? Upang malaman ito, balikan natin ang nagdaang panahon.
NOONG 1587, si Jacobus Arminius (o, Jacob Harmensen) ay dumating sa lunsod ng Amsterdam. Wala siyang problema sa paghanap ng trabaho, sapagkat kahanga-hanga ang kaniyang kuwalipikasyon. Sa edad na 21, nagtapos na siya sa Leiden University sa Holland. Pagkatapos noon, gumugol siya ng anim na taon sa Switzerland, anupat nag-aral ng teolohiya sa ilalim ni Théodore de Bèze, ang kahalili ng Protestanteng Repormador na si John Calvin. Hindi kataka-taka na nalugod ang mga Protestante sa Amsterdam na hirangin ang 27-anyos na si Arminius bilang isa sa kanilang mga pastor! Subalit pagkaraan ng ilang taon, pinagsisihan ng maraming miyembro ng simbahan ang kanilang naging pasiya. Bakit?
Ang Usapin Tungkol sa Predestinasyon
Di-nagtagal pagkaraang tumuntong sa pulpito si Arminius, bumangon ang tensiyon sa pagitan ng mga Protestante sa Amsterdam tungkol sa doktrina ng predestinasyon. Ang doktrinang ito ang bumuo sa saligan ng Calvinismo, subalit nadama ng ilang miyembro ng simbahan na malupit at di-makatarungan ang isang Diyos na nagtalaga ng kaligtasan para sa ilan at kaparusahan naman para sa iba. Inaasahan ng mga Calvinista na si Arminius, palibhasa’y estudyante ni Bèze, ang magtutuwid sa mga tumututol. Subalit sa halip ay pumanig si Arminius sa mga tumututol, na ikinagitla naman ng mga Calvinista. Pagsapit ng 1593, ang pagtatalo ay lalong uminit anupat hinati nito sa dalawang grupo ang mga Protestante sa lunsod—yaong mga sumusuporta sa doktrina at yaong mga tumatanggi rito, ang mga moderado.
Sa loob lamang ng ilang taon, pinagwatak-watak ng lokal na pagtatalong ito ang mga Protestante sa buong bansa. Sa wakas, noong Nobyembre 1618, gayon na lamang katindi ang situwasyon anupat ito ay humantong sa pagtutuos. Ipinatawag ng mga Calvinista, na sinusuportahan ng hukbo at ng opinyon ng publiko, ang mga tumututol (tinatawag noon na mga Remonstrantea) para sa isang pambansang konseho, ang Protestanteng Sinodo ng Dordrecht. Sa katapusan ng pulong, lahat ng ministrong Remonstrante ay pinapili: Lagdaan ang isang pangako na hindi na muling mangangaral kailanman, o lisanin ang bansa. Pinili ng nakararami ang pagkakatapon. Inokupahan ng mga istriktong Calvinista ang mga pulpito na iniwan ng mga ministrong Remonstrante. Nanagumpay ang Calvinismo—o gaya ng inaasahan ng sinodo.
Pasimula at Pagdami ng mga Collegiant
Tulad sa ibang lugar, ang kongregasyon ng mga Remonstrante sa nayon ng Warmond, malapit sa Leiden, ay nawalan ng pastor nito. Subalit di-tulad sa ibang dako, hindi tinanggap ng kongregasyon ang kahalili na inaprobahan ng sinodo. Bukod dito, nang isapanganib ng isang ministrong Remonstrante ang kaniyang buhay para makabalik sa Warmond noong 1620 upang pangalagaan ang kongregasyon, tinanggihan din siya ng ilang miyembro ng kongregasyon. Sinimulan ng mga miyembrong ito na palihim na idaos ang kanilang relihiyosong mga pagpupulong nang walang tulong ng sinumang klerigo. Nang maglaon, tinawag ang mga pulong na ito na mga college (kolehiyo) at yaong mga dumadalo naman ay mga Collegiant.
Bagaman ang mga Collegiant ay bumangon pangunahin na dahil sa pagkakataon at hindi dahil sa simulain, di-nagtagal ay nagbago ang situwasyon. Ikinatuwiran ng miyembro ng kongregasyon na si Gijsbert van der Kodde na sa pagpupulong nang walang klerigong nangangasiwa, ang grupo ay higit na nakasusunod sa Bibliya at sa paraan ng sinaunang mga Kristiyano kaysa sa nakatatag na mga simbahan. Ang mga uring klero, aniya, ay inimbento pagkamatay ng mga apostol upang makalikha ng trabaho para sa mga lalaking ayaw matutong maghanapbuhay.
Noong 1621, inilipat ni Van der Kodde at ng mga miyembrong may gayunding kaisipan ang kanilang mga pulong sa karatig na nayon ng Rijnsburg.b Pagkaraan ng ilang taon, nang ang relihiyosong pag-uusig ay nagbigay-daan sa pagpaparaya, ang reputasyon ng mga pulong ng mga Collegiant ay lumaganap sa buong bansa at nakaakit ng “mga ibong iba’t iba ang uri,” gaya ng pagkasabi rito ng istoryador na si Siegfried Zilverberg. May mga Remonstrante, mga Mennonita, mga Sociniano, at mga teologo pa nga. Ang ilan ay mga magsasaka. Ang iba naman ay mga makata, manlilimbag, doktor, at mga mangangalakal. Ang pilosopong si Spinoza (Benedictus de Spinoza) at ang maestrong si Johann Amos Comenius (o, Jan Komenský), gayundin ang bantog na pintor na si Rembrandt van Rijn, ay pumanig sa kilusan. Ang iba’t ibang ideya na taglay ng mga debotong ito ay nakaimpluwensiya sa pagbuo ng mga paniniwala ng mga Collegiant.
Pagkaraan ng 1640, ang masiglang grupong ito ay mabilis na lumago. Naglitawan ang mga college sa Rotterdam, Amsterdam, Leeuwarden, at sa iba pang lunsod. Sinabi ng propesor sa kasaysayan na si Andrew C. Fix na sa pagitan ng mga taóng 1650 at 1700, “ang mga Collegiant . . . ay lumago bilang isa sa pinakamahalaga at pinakamaimpluwensiyang relihiyosong puwersa sa ikalabimpitong-siglong Holland.”
Ang mga Paniniwala ng mga Collegiant
Yamang ang unawa, pagpaparaya, at malayang pananalita ang siyang tanda ng kilusang Collegiant, ang bawat Collegiant ay malayang manghawakan sa ibang mga paniniwala. Gayunman, nabubuklod pa rin sila sa ilang magkakaparehong paninindigan. Halimbawa, naunawaan ng lahat ng Collegiant ang kahalagahan ng personal na pag-aaral ng Bibliya. Ang bawat miyembro, ayon sa isinulat ng isang Collegiant, ay dapat “magsuri sa ganang sarili at hindi dapat makaalam ng tungkol sa Diyos mula sa iba.” Gayon ang ginawa nila. Ayon sa ika-19-na-siglong istoryador ng simbahan na si Jacobus C. van Slee, mas maraming kaalaman sa Bibliya ang nasumpungan sa mga Collegiant kaysa sa ibang relihiyosong grupo noong panahong iyon. Maging ang mga kaaway ay pumuri sa napakahusay na paggamit ng mga Collegiant sa Bibliya.
Subalit habang lalong pinag-aaralan ng mga Collegiant ang Bibliya, lalo naman silang nagkakaroon ng mga paninindigan na naiiba sa pinanghahawakan ng mga pangunahing simbahan. Ang mga pinagmumulan ng impormasyon na mula pa noong ika-17 hanggang ika-20 siglo ay naglalarawan sa ilan sa kanilang mga paniniwala:
Ang Unang Simbahan. Isinulat noong 1644 ng Collegiant at teologong si Adam Boreel na nang masangkot ang unang simbahan sa pulitika noong panahon ni Emperador Constantino, sinira nito ang pakikipagtipan kay Kristo at naiwala ang pagkasi ng banal na espiritu. Idinagdag niya na bilang resulta, dumami at nagpatuloy ang mga huwad na turo hanggang sa kasalukuyan.
Ang Repormasyon. Ang ika-16-na-siglong Repormasyon na pinangunahan ni Luther, Calvin, at ng iba pa ay hindi sapat ang nagawa sa pagrereporma sa simbahan. Sa halip, ayon sa nangungunang Collegiant at doktor na si Galenus Abrahamsz (1622-1706), pinalubha ng Repormasyon ang relihiyosong situwasyon sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa pagtatalo at pagkakapootan. Dapat baguhin ng tunay na reporma ang puso, na nabigong gawin ng Repormasyon.
Ang Simbahan at ang Klero. Ang tatag na mga simbahan ay tiwali, makasanlibutan, at salat sa bigay-Diyos na awtoridad. Sinumang seryosong magbibigay-pansin sa relihiyon ay mas makabubuting umalis sa simbahan na kinabibilangan niya upang huwag masangkot sa mga kasalanan nito. Ang katungkulan ng klerigo, sabi ng mga Collegiant, ay salungat sa Kasulatan at “nakapipinsala sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyong Kristiyano.”
Kaharian at Paraiso. Isinulat ng isa sa mga tagapagtatag ng college sa Amsterdam, si Daniel de Breen (1594-1664), na ang Kaharian ng Kristo ay hindi isang espirituwal na kaharian na nananahan sa puso ng isa. Sinabi ng gurong si Jacob Ostens, isang Collegiant sa Rotterdam, na “ang mga patriyarka ay umasa sa makalupang mga pangako.” Gayundin naman, inasam din ng mga Collegiant ang panahon na ang lupa ay babaguhin upang gawing isang paraiso.
Trinidad. Ang ilang nangungunang Collegiant, na naimpluwensiyahan ng mga paniniwalang Sociniano, ay tumanggi sa Trinidad.c Halimbawa, isinulat ni Daniel Zwicker (1621-78) na ang anumang doktrinang salungat sa katuwiran, gaya ng Trinidad, ay “imposible at huwad.” Noong 1694 ay inilathala ang isang bersiyon ng Bibliya na isinalin ng Collegiant na si Reijnier Rooleeuw. Ganito ang pagkasalin nito sa huling bahagi ng Juan 1:1: “At ang salita ay isang diyos” sa halip na ang ortodoksong salin na: “At ang salita ay Diyos.”d
Lingguhang Pagpupulong
Bagaman ang mga Collegiant ay hindi nagkakaisa sa lahat ng paniniwala, malaki ang pagkakahawig ng pagkilos ng kanilang mga college sa iba’t ibang lunsod. Iniuulat ng istoryador na si Van Slee na noong unang mga araw ng kilusang Collegiant, ang mga pagpupulong ay halos walang patiunang paghahanda. Nadama ng mga Collegiant na salig sa mga salita ni apostol Pablo tungkol sa pangangailangan ukol sa ‘paghula,’ lahat ng mga miyembrong lalaki ay malayang makapagsasalita sa college. (1 Corinto 14:1, 3, 26) Bilang resulta, ang mga pulong ay kadalasang umaabot hanggang gabi at ang ilan sa dumadalo ay “nakakatulog nang mahimbing.”
Nang maglaon, naging mas organisado ang mga pulong. Ang mga Collegiant ay hindi lamang nagtitipon tuwing Linggo kundi maging sa gabi ng mga simpleng araw. Upang ang tagapagsalita at ang kongregasyon ay patiunang makapaghanda para sa lahat ng pulong sa taóng iyon, nakatala sa isang nakalimbag na programa ang mga talata sa Bibliya na isasaalang-alang at ang mga inisyal ng mga tagapagsalita. Pagkatapos simulan ang pulong sa awit at panalangin, isang tagapagsalita ang magpapaliwanag sa mga talata sa Bibliya. Kapag natapos na, hihilingin niya ang mga lalaki na magkomento sa paksang katatalakay lamang. Pagkatapos ay ipakikita naman ng ikalawang tagapagsalita ang pagkakapit sa mga talata ring iyon. Ang pulong ay tatapusin sa awit at panalangin.
Ang mga Collegiant sa bayan ng Harlingen, sa lalawigan ng Friesland, ay may kakaibang paraan upang panatilihing nasa iskedyul ang kanilang mga pulong. Ang isang tagapagsalita na nagpahayag nang labis sa takdang oras ay magbabayad ng maliit na multa.
Pambansang mga Asamblea
Nadama rin ng mga Collegiant ang pangangailangan ukol sa mas malalaking pagtitipon. Kaya, simula noong 1640, ang mga Collegiant mula sa palibot ng bansa ay naglalakbay nang dalawang beses sa isang taon (sa tagsibol at tag-araw) sa Rijnsburg. Ang mga pagtitipong ito, ang sulat ng istoryador na si Fix, ay nagpapahintulot sa kanila na “malaman ang ideya, damdamin, paniniwala, at mga gawain ng kanilang mga kapatid mula sa lahat ng dako.”
Ang ilan sa mga dumadalaw na Collegiant ay umupa ng mga kuwarto sa mga taganayon samantalang ang iba ay nanuluyan sa Groote Huis, o Malaking Bahay, isang mansiyon na may 30 silid at pag-aari ng mga Collegiant. Ang sama-samang pagkain para sa 60 hanggang 70 tao ay inihahain doon. Pagkatapos ng kainan, ang mga bisita ay maaaring lumibot sa malaki-laking halamanan ng mansiyon upang masiyahan sa ‘mga gawa ng Diyos, isang tahimik na pag-uusap, o isang sandali ng pagmumuni-muni.’
Bagaman hindi lahat ng mga Collegiant ay nakadama na kailangan ang pagpapabautismo, marami ang gumawa ng gayon. Kaya naman ang bautismo ay naging isang bahagi ng malaking pagtitipon. Sinabi ng istoryador na si Van Slee na ang seremonya ay karaniwang nagaganap tuwing Sabado ng umaga. Ang awit at panalangin ay sinusundan ng isang pahayag hinggil sa pangangailangang magpabautismo. Pagkatapos ay aanyayahan ng tagapagsalita yaong mga nasa hustong gulang na nagnanais magpabautismo na magpahayag ng pananampalataya, gaya ng, “Naniniwala ako na si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos na buháy.” Pagkaraang tapusin ang pahayag sa pamamagitan ng panalangin, ang lahat ng naroroon ay lalakad patungo sa pagbabautismuhan at sasaksihan ang mga lalaki at mga babae sa pagluhod sa pinagbabautismuhan, upang ang tubig ay umabot sa kanilang balikat. Pagkatapos ay dahan-dahang ilulubog ng tagapagbautismo ang ulo ng bagong mananampalataya sa tubig. Pagkaraan ng seremonya, ang lahat ay babalik sa kanilang mga upuan para sa isa pang pahayag.
Sa Sabado ng hapon sa ika-5:00 n.h., ang aktuwal na pagpupulong ay sisimulan sa pamamagitan ng isang maikling pagbabasa ng Bibliya, pag-awit, at panalangin. Upang matiyak na laging may nakahandang tagapagsalita, ang mga college ng Rotterdam, Leiden, Amsterdam, at Hilagang Holland ay naghahalinhinan sa paglalaan ng mga tagapagsalita para sa bawat asamblea. Ang Linggo ng umaga ay inirereserba para sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Pagkaraan ng isang pahayag, panalangin, at awit, makikibahagi ang mga lalaki at pagkatapos ay ang mga babae sa tinapay at alak. Marami pang pahayag ang susunod sa Linggo ng gabi, at sa Lunes ng umaga ay magtitipon na ang lahat para sa pangwakas na pahayag. Karamihan sa mga pahayag na ibinibigay sa mga kombensiyong ito, ang sabi ni Van Slee, ay may praktikal na kahalagahan, anupat higit na idiniriin ang pagkakapit kaysa ang pagpapaliwanag.
Ang nayon ng Rijnsburg ay nalulugod na maging punong-abala sa ganitong mga pagtitipon. Isinulat ng isang ika-18-siglong tagamasid na ang pagdagsa ng mga estranghero, na gumugugol nang malaki sa pagkain, ay nagpapasok ng malaking kita sa nayon. Bukod dito, ang mga Collegiant ay nag-aabuloy ng isang halaga sa mga dukha sa Rijnsburg pagkatapos ng bawat kombensiyon. Walang-alinlangan na nakadama ng kawalan ang nayon nang ihinto noong 1787 ang gayong mga pagpupulong. Pagkatapos noon ay unti-unting naglaho ang kilusang Collegiant. Bakit?
Kung Bakit Unti-Unti Silang Naglaho
Sa katapusan ng ika-17 siglo, isang pagtatalo ang bumangon tungkol sa papel ng unawa sa relihiyon. Nadama ng ilang Collegiant na ang unawa ng tao ay dapat mauna kaysa sa bigay-Diyos na kapahayagan, subalit tumutol ang iba. Sa wakas, hinati ng pagtatalo ang buong kilusang Collegiant. Tanging pagkaraang mamatay ang mga pangunahing tagapagtaguyod ng bawat panig sa pagtatalo ay saka muling nagkaisa ang mga Collegiant. Gayunman, pagkatapos ng pagkakabaha-bahaging ito ay “hindi na nagbalik sa dati” ang kilusan, sabi ng istoryador na si Fix.
Ang lumalagong pagpaparaya sa loob ng mga simbahang Protestante noong ika-18 siglo ay naging dahilan din ng pag-unti ng mga Collegiant. Habang ang mga simulain ng mga Collegiant hinggil sa unawa at pagpaparaya ay lalo nang tinanggap ng lipunan sa pangkalahatan, “ang dati’y malamlam na liwanag ng kilusang Collegiant ay naglaho sa maliwanag na bukang-liwayway ng Kaliwanagan.” Sa katapusan ng ika-18 siglo, karamihan sa mga Collegiant ay sumanib sa mga Mennonita at iba pang relihiyosong grupo.
Yamang ang mga Collegiant ay hindi naglayong magkaisa ng pag-iisip sa loob ng kanilang kilusan, halos kasindami ng mga Collegiant ang dami ng iba’t ibang pangmalas. Kinilala nila ito at, kaya naman, hindi nag-angking “nagkakaisa . . . sa iisang takbo ng kaisipan,” gaya ng hinimok ni apostol Pablo na gawin ng mga Kristiyano. (1 Corinto 1:10) Subalit kasabay nito, umasa ang mga Collegiant sa panahon na ang saligang mga paniniwalang Kristiyano, gaya ng pagkakaisa ng kaisipan, ay magkakatotoo.
Kung isasaalang-alang na ang tunay na kaalaman ay hindi pa nanagana noong panahon ng mga Collegiant, nagbigay sila ng isang halimbawang maaaring bigyang-pansin ng maraming relihiyon sa ngayon. (Ihambing ang Daniel 12:4.) Ang pagdiriin nila sa pangangailangang mag-aral ng Bibliya ay kasuwato ng payo ni apostol Pablo: “Tiyakin ninyo ang lahat ng mga bagay.” (1 Tesalonica 5:21) Ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay nagturo kay Jacobus Arminius at sa iba pa na ang ilang matagal nang pinanghahawakang mga relihiyosong doktrina at kaugalian ay hindi pala nakasalig sa Bibliya. Nang matanto nila ito, nagkaroon sila ng tibay ng loob na maging iba sa nakatatag na relihiyon. Ganoon din ba ang gagawin mo?
[Mga talababa]
a Noong 1610, ang mga tumututol ay nagpadala ng isang pormal na remonstrance (isang dokumento na nagsasaad ng mga dahilan ng pagtutol) sa mga tagapamahalang Olandes. Pagkatapos ng aksiyong iyon, tinawag silang mga Remonstrante.
b Dahil sa lokasyong ito, ang mga Collegiant ay tinawag ding mga Rijnsburger.
c Tingnan ang Gumising!, Nobyembre 22, 1988, pahina 19, “Ang mga Sociniano—Bakit Tinanggihan Nila ang Trinidad?”
d Het Nieuwe Testament van onze Heer Jezus Christus, uit het Grieksch vertaald door Reijnier Rooleeuw, M.D. (Ang Bagong Tipan ng Ating Panginoong Jesu-Kristo, isinalin mula sa Griego ni Reijnier Rooleeuw, M.D.)
[Larawan sa pahina 24]
Rembrandt van Rijn
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang nayon ng Warmond kung saan unang nagsimula ang mga Collegiant, at ang Ilog De Vliet kung saan naganap ang pagbabautismo
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Larawan sa likuran: Sa kagandang-loob ng American Bible Society Library, New York