Tamasahin “ang Tunay na Buhay”
BINIGYAN ng Diyos na Jehova ang tao ng unawa hinggil sa pagkawalang-hanggan. (Eclesiastes 3:11) Ipinadarama nito sa mga tao na sila’y walang kapangyarihan sa harap ng kamatayan ngunit, kasabay nito, pinupukaw naman sa kanila ang patuloy na pagnanais na mabuhay.
Ang Banal na Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos, ay nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa. (2 Timoteo 3:16) Si Jehova, na siyang sagisag ng pag-ibig, ay hindi gagawa ng tao na may kakayahang makaunawa sa ideya ng pagkawalang-hanggan at pagkatapos ay sesentensiyahan lamang ito na mabuhay ng ilang taon. Talagang hindi makakasuwato ng personalidad ng Diyos kung nilalang tayo para lamang maghirap sa ating kalagayan. Tayo’y hindi nilalang na tulad ng “walang-katuwirang mga hayop na likas na ipinanganak upang hulihin at puksain.”—2 Pedro 2:12.
Sa paglalang kina Adan at Eva na may likas na unawa sa pagkawalang-hanggan, ang Diyos na Jehova ay gumawa ng isang bagay na “napakabuti”; ginawa niya sila na may kakayahang mabuhay magpakailanman. (Genesis 1:31) Ngunit nakalulungkot, mali ang paggamit ng unang mag-asawa sa kanilang malayang kalooban, anupat sumuway sa isang maliwanag na pagbabawal ng Maylalang at naiwala tuloy ang kanilang orihinal na kasakdalan. Bunga nito, sila’y namatay, anupat naisalin ang di-kasakdalan at kamatayan sa kanilang mga inapo.—Genesis 2:17; 3:1-24; Roma 5:12.
Ang Bibliya ay hindi nagpapahiwatig ng hiwaga tungkol sa layunin ng buhay at sa kahulugan ng kamatayan. Sinasabi nito na sa kamatayan “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man” at na ang mga patay “ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5, 10) Sa ibang pananalita, ang patay ay patay. Ang doktrina hinggil sa imortal na kaluluwa ay wala sa Bibliya, kaya naman walang malaking misteryong dapat lutasin hinggil sa kalagayan ng mga patay.—Genesis 3:19; Awit 146:4; Eclesiastes 3:19, 20; Ezekiel 18:4.a
Ang Diyos ay may layunin; hindi niya nilalang ang lupa “sa walang kabuluhan.” Inanyuan niya ito “upang tahanan” ng sakdal na mga tao sa paraisong kalagayan, at hindi binago ng Diyos ang kaniyang layunin. (Isaias 45:18; Malakias 3:6) Upang maisakatuparan ito, isinugo niya ang kaniyang Anak sa lupa. Sa pamamagitan ng pananatiling tapat hanggang kamatayan, inilaan ni Jesu-Kristo ang paraan upang matubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
Malaon nang panahon ang nakalipas, ipinangako ng Diyos na siya’y lalalang ng “mga bagong langit at ng isang bagong lupa.” (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13) Kasangkot dito ang pagpili niya ng isang limitadong grupo ng tapat na mga Kristiyano na mabubuhay sa langit. Kasama ni Jesu-Kristo, sila’y bubuo ng isang sentro ng pamahalaan. Tinutukoy ito ng Bibliya bilang “ang kaharian ng mga langit,” o “kaharian ng Diyos,” na siyang mangangasiwa “sa mga bagay na nasa lupa.” (Mateo 4:17; 12:28; Efeso 1:10; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3) Matapos wakasan ang lahat ng kalikuan sa ating daigdig at dalisayin ito, ipapasok ng Diyos ang isang matuwid na bagong lipunan ng tao, o “bagong lupa.” Kabilang dito ang mga taong iingatan ng Diyos upang makaligtas sa nalalapit na pagkawasak ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:3, 7-14, 21; Apocalipsis 7:9, 13, 14) Sasamahan sila niyaong mga bubuhaying-muli sa pamamagitan ng ipinangakong pagkabuhay-muli. —Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
“Ang Tunay na Buhay” sa Panahong Iyon
Bilang pagtiyak sa kapana-panabik na paglalarawan sa buhay sa hinaharap na Paraisong lupa, ang Diyos ay nagsabi: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Imposible na lubusang maabot ng isip ng tao ang kahanga-hangang mga gawa na isasakatuparan ng Diyos para sa sangkatauhan. Lilikha ang Diyos ng isang pandaigdig na paraiso, na katulad ng Eden. (Lucas 23:43) Gaya sa Eden, sasagana ang magaganda at kasiya-siyang kulay, tunog, at lasa. Mawawala na ang karalitaan at kakapusan ng pagkain, sapagkat tungkol sa panahong iyon ay sinasabi ng Bibliya: “Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4; Awit 72:16) Wala nang magsasabi, “Ako’y may-sakit,” yamang ang karamdaman ay aalisin na magpakailanman. (Isaias 33:24) Oo, lahat ng pinagmumulan ng kirot ay mawawala na, pati na ang malaon nang kaaway ng sangkatauhan, ang kamatayan. (1 Corinto 15:26) Sa isang kamangha-manghang pangitain hinggil sa “bagong lupa,” ang bagong lipunan ng tao sa ilalim ng pamamahala ng Kristo, si apostol Juan ay nakarinig ng tinig na nagsasabi: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Ano pa kaya ang makapagbibigay ng mas malaking kaaliwan at kagalakan kaysa sa katuparan ng pangakong ito ng Diyos?
Sa paglalarawan sa magiging buhay sa hinaharap, partikular na idiniin ng Bibliya ang mga kalagayan na magbibigay-kasiyahan sa moral at espirituwal na mga adhikain ng tao. Lahat ng matuwid na mga mithiin na hanggang ngayon ay hindi pa rin naabot sa kabila ng pagsisikap ng sangkatauhan ay lubusang makakamtan. (Mateo 6:10) Kabilang dito ang paghahangad ng katarungan, na nananatiling bigo sapagkat ang tao’y madalas na pinahihirapan ng malulupit na maniniil na nangingibabaw sa mahihina. (Eclesiastes 8:9) Makahulang isinulat ng salmista ang magiging kalagayan sa ilalim ng pamamahala ng Kristo: “Sa kaniyang mga araw ay lalago ang pagkamatapat, at sasagana ang kapayapaan.”—Awit 72:7, The New Jerusalem Bible.
Ang pagkakapantay-pantay ay isa pang mithiin na dito’y marami na ang nagsakripisyo. Sa “muling paglalang,” wawakasan na ng Diyos ang diskriminasyon. (Mateo 19:28) Lahat ay magkakaroon ng magkakatulad na dignidad. Hindi ito ang pagkakapantay-pantay na iniuutos ng isang malupit na rehimeng pampamahalaan. Sa kabaligtaran, papawiin na ang pinagmumulan ng diskriminasyon, pati na ang kasakiman at kapalaluan na umaakay sa mga tao upang maghangad na mangibabaw sa iba o magkamal ng pagkarami-raming pag-aari. Humula si Isaias: “Sila ay tiyak na magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at sila ay tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Gayon na lamang ang pagdurusa ng tao dahil sa pagdanak ng dugo kapuwa sa personal at lansakang pagdirigmaan! Nagpatuloy ito mula sa pagpaslang kay Abel hanggang sa mga digmaan sa kasalukuyang panahon. Malaon nang umaasa at naghihintay ang mga tao na maitatag na sana ang kapayapaan, ngunit sa wari’y bigo! Sa isinauling Paraiso, lahat ng tao ay magiging payapa at maamo, “makasusumpong [nga sila] ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Sabi sa Isaias 11:9: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” Dahil sa minanang di-kasakdalan, bukod sa iba pa, imposibleng maunawaan natin ngayon nang lubusan ang saklaw ng mga salitang iyan. Kung paano tayo maipagkakaisa ng sakdal na kaalaman ng Diyos sa kaniya at kung paano iyon magdudulot ng ganap na kagalakan, kailangan pa rin natin itong pag-aralan. Ngunit yamang ipinababatid sa atin ng Kasulatan na si Jehova ay isang Diyos na may kahanga-hangang kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig, makatitiyak tayo na diringgin niya ang lahat ng panalangin na ipahahayag ng mga maninirahan sa “bagong lupa.”
Tiyak “ang Tunay na Buhay”—Sunggaban Ito!
Para sa marami, ang walang-hanggang buhay sa isang pinagbuting daigdig ay isang pangarap o ilusyon lamang. Gayunman, para sa mga tunay na nananampalataya sa pangako ng Bibliya, ang pag-asang ito ay tiyak. Ito’y gaya ng isang angkla para sa kanilang buhay. (Hebreo 6:19) Kung paanong pinananatiling matatag ng angkla ang isang barko at pinipigilan na huwag umuga-uga, ang pag-asa ng walang-hanggang buhay ay nagpapangyari sa mga tao na maging matatag at nagtitiwala at tumutulong sa kanila na maharap ang malulubhang problema sa buhay at mapagtagumpayan pa nga ang mga ito.
Makatitiyak tayo na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako. Nagbigay pa nga siya ng garantiya sa pamamagitan ng pagbigkas ng isang sumpa, isang di-mababawing pangako. Sumulat si apostol Pablo: “Ang Diyos, nang nilayon niyang ipakita nang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang pagka-di-nababago ng kaniyang payo, ay pumasok taglay ang isang sumpa, upang, sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, tayo . . . ay magkaroon ng masidhing pampatibay-loob na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 6:17, 18) Ang “dalawang bagay na di-mababago” na hindi kailanman mapawawalang-bisa ng Diyos ay ang kaniyang pangako at ang kaniyang sumpa, na siyang pinagbabatayan natin ng ating mga inaasahan.
Ang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos ay naglalaan ng napakalaking kaaliwan at espirituwal na kalakasan. Si Josue, isang lider ng bansang Israel, ay may gayong pananampalataya. Nang magtalumpati si Josue upang mamaalam sa mga Israelita, siya’y matanda na at alam niyang siya’y mamamatay na. Gayunman, nagpamalas siya ng lakas at di-nagmamaliw na katapatan, na bunga ng kaniyang lubusang pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos. Pagkasabi niya na siya’y yayaon na “sa lakad ng buong lupa,” sa landas na umaakay sa buong sangkatauhan patungo sa kamatayan, binanggit ni Josue: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” Oo, tatlong beses na inulit ni Josue na palaging tinutupad ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga pangako. —Josue 23:14.
Ikaw man ay maaaring magkaroon ng gayunding pananampalataya sa pangako ng Diyos tungkol sa isang bagong sanlibutan na malapit nang itatag. Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya, mauunawaan mo kung sino si Jehova at kung bakit siya karapat-dapat sa iyong lubusang pagtitiwala. (Apocalipsis 4:11) Sina Abraham, Sara, Isaac, Jacob, at iba pang tapat noon ay may di-nagmamaliw na pananampalataya, batay sa kanilang lubos na kaalaman hinggil sa tunay na Diyos, si Jehova. Nananatiling matatag ang kanilang pag-asa, sa kabila ng katotohanang “hindi [nila] nakamtan ang katuparan ng mga pangako” noong sila’y nabubuhay pa. Ngunit, “nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na tinanggap ang mga iyon.”—Hebreo 11:13.
Palibhasa’y nauunawaan natin ang mga hula sa Bibliya, nakikita na natin ang nalalapit na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na sa panahong iyon ay lilinisin ang lupa mula sa lahat ng kabalakyutan. (Apocalipsis 16:14, 16) Tulad ng tapat na mga lalaki noon, dapat na buong-tiwala tayong umasa sa mga mangyayari sa hinaharap, na nauudyukan ng pananampalataya gayundin ng pag-ibig sa Diyos at sa “tunay na buhay.” Ang nalalapit na bagong sanlibutan ay naglalaan ng isang matibay na pampasigla para sa mga nananampalataya kay Jehova at para sa mga umiibig sa kaniya. Ang pananampalataya at pag-ibig na iyan ay dapat linangin upang makamit ang pagsang-ayon at proteksiyon ng Diyos sa panahon ng kaniyang dakilang araw, na napakalapit na.—Zefanias 2:3; 2 Tesalonica 1:3; Hebreo 10:37-39.
Kung gayon, mahal mo ba ang buhay? At higit mo bang hinahangad “ang tunay na buhay”—ang buhay bilang isang sinag-ayunang lingkod ng Diyos, na may pag-asa sa isang maligayang kinabukasan, oo, nakatanaw sa walang-hanggang buhay? Kung iyan ang iyong hangarin, sundin ang payo ni apostol Pablo, na sumulat na dapat nating ‘ilagak ang ating pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos.’ Nagpatuloy pa si Pablo: “Maging mayaman sa maiinam na gawa,” na nagpaparangal sa Diyos, upang “makapanghawakan nang mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:17-19.
Kung tatanggapin mo ang alok na pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, maaari mong matamo ang kaalaman na “nagangahulugan ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 17:3) Buong-pagmamahal na nakaulat sa Bibliya ang makaamang paanyayang ito sa lahat: “Anak ko, ang aking kautusan ay huwag mong limutin, at ang aking mga utos ay ingatan nawa ng iyong puso, sapagkat ang kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay madaragdag sa iyo.” —Kawikaan 3:1, 2.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagsusuri hinggil sa paksa, tingnan ang brosyur na Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.