Tumitingin sa 1987 Taon ng Paglilingkod
1 Anong inam na taon ukol sa espirituwal na gawain ang tinamasa natin sa 1986! Di na matatagalan at mababasa natin ang kumpletong ulat sa 1987 Yearbook. Subali’t kumusta naman ang mga tunguhing inilagay ninyo para sa sarili? Naabot ba ninyo ang mga iyon? Ang 1986 ba ay isang taon ng espirituwal na pagsulong para sa inyo? Ang isang maikling pagrerepaso ng inyong teokratikong gawain sa nakaraang taon ay makatutulong sa inyo na gumawa ukol sa isang kasiyasiya pang taon ng 1987.—1 Cor. 9:26; om, pahina 116-118.
2 Noong 1986 marami ang nakagawa ng mainam na pagsulong. Ang ilan ay nakapagpasimula ng kanilang unang pag-aaral sa Bibliya. Ang iba ay nakapagbigay ng kanilang unang pahayag ng estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Marahil ay nakabahagi rin kayo sa auxiliary na pagpapayunir sa ilang buwan, o nakapasok bilang isang regular payunir. Subali’t maaaring may ilang tunguhin na hindi ninyo naabot sa 1986 dahilan sa ilang mga kalagayan. Huwag kayong masisiraan ng loob. Ang mga tunguhing iyon ay maaari pa rin ninyong abutin sa 1987 taon ng paglilingkod.
INDIBIDUWAL NA MGA TUNGUHIN
3 Ang tunguhin ng marami ay ang makapag-auxiliary payunir sa loob ng ilang buwan sa isang taon. Ang ilan ay nagpaplanong gawin iyon maging sa regular na paraan bawa’t buwan! Magagawa ba ninyo ito? Kung hindi ninyo ito magagawa, marahil ay maisasaayos ninyo na gawin iyon sa mga pantanging buwan, gaya ng Oktubre, Nobyembre, Marso, Abril, o Mayo. Ang Nobyembre lalo na ay isang mabuting buwan sa taong ito yamang ito ay may limang Sabado at limang Linggo!
4 Ang isa pang tunguhin na maaari ninyong isagawa ay ang mangasiwa ng isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Bagaman ang halos lahat ng payunir ay may pag-aaral sa Bibliya, marami pa rin sa mga mamamahayag sa Pilipinas ang hindi nagtatamasa ng kaligayahang dulot nito. Bakit hindi gawing pangunahing tunguhin ito sa 1987? Nanaisin ninyo na pagsikapang sundin ang maiinam na mungkahi sa ilalim ng “Paghaharap ng Mabuting Balita” sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa mga brochure.
5 Kayo ba’y nakaalinsabay sa lingguhang eskedyul ng pagbasa sa Bibliya noong 1986? Kung hindi, marahil ay mapasusulong ninyo ang bagay na ito sa 1987. Hindi ba kayo nakakadalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o sa iba pang pulong? Marahil ay mababago ninyo ang inyong eskedyul upang madaluhan ang lahat ng pulong sa taong ito. Gayundin, maaari ba ninyong mapasulong ang inyong pakikibahagi sa mga pulong sa pamamagitan ng pagkokomento? Ang pag-abot sa mga tunguhing ito ay magdudulot ng kapakinabangang pang-espirituwal sa inyo.—Awit 1:2.
6 Yaong mga may pamilya ay maaaring magtanong sa sarili: Mayroon ba kaming palagiang pag-aaral sa pamilya? Ang buong sambahayan ba ay samasamang nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan at nakapag-auxiliary payunir bilang isang pamilya? Ang lahat ba ay gumagawa ng pagsulong sa ministeryo at sa mga pulong?
7 Ang Setyembre ay isang angkop na panahon para gumawa ng mga plano ukol sa buong taon ng paglilingkod. Sa pamamagitan ng paglalagay ng mga makatuwirang tunguhin para sa ating sarili bilang indibiduwal at bilang sambahayan, tayo ay makagagawa taglay ang isang layunin na tumitiyak na ang ating “pagsulong ay mahahayag sa lahat ng mga tao.”—1 Tim. 4:15.