Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Magasin
1 Ang Bantayan at Gumising! ay mahalagang kasangkapan sa paghahayag ng mabuting babta. Dito sa Pilipinas, kulang kulang sa 4 na milyong mga magasin ang naipamahagi sa nakaraang taon. Sa ating kampanya sa suskripsiyon magkakaroon tayo ng maraming pagkakataon na mapasulong ang pamamahagi ng magasin.
SA PAMAMAGITAN NG PAGKAKAROON NG RUTA NG MAGASIN
2 Sa mahigit na 44 taon tayo ay pinasiglang magtatag ng mga ruta ng magasin. Mayroon na ba kayo nito? Isang kapatid na nagkaroon ng ruta ng magasin mula 1955 ay mayroon sa kasalukuyang 50 mga katao na regular na kumukuha ng magasin. Papaano siya nakapagtatag ng gayong ruta? Sa pamamagitan ng paggamit ng tuwirang paglapit. Pagkatapos na makapaglagay ng magasin sa sinuman sa unang pagkakataon, sinasabi niya: “Nais kong magbalik upang ipakita sa inyo ang susunod na isyu kapag lumabas iyon.”
3 Ang isang susi sa pagpapasimula ng isang ruta ng magasin ay ang pagiging regular sa gawain sa magasin. Mahalaga din naman na mag-ingat ng house-to-house records. Kapag kayo ay nakapaglagay ng mga magasin, pasiglahin ang interes ng maybahay sa susunod na mga kopya. Papaano? Ang isang pitong taong gulang na mamamahayag na may 11 indibiduwal sa kaniyang ruta ay gumagamit ng impormasyon sa ilalim ng uluhang: “Sa Susunod na Labas,” gayundin ang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong,” “Buhay ang Salita ng Diyos” o iba pang mga regular na artikulo na pumupukaw ng interes para sa susunod na mga magasin.
4 Sa inyong ruta ng magasin, huwag malasin ang mga maybahay bilang basta mga indibiduwal na regular na kumukuha ng mga magasin. Isaaalang-alang kung papaano ninyo matutulungan sila na magkaroon ng higit pang interes sa Salita ng Diyos. Magbangon ng mga katanungan na maaaring sagutin sa pamamagitan ng pagbabaling ng pansin sa isang partikular na artikulo sa magasin sa ikapagkakaroon ng pagpapahalaga sa materyal. Habang higit ninyong nakikilala ang maybahay, maaaring maging mas palagay siyang makipag-usap sa inyo at ito ay magbibigay daan upang mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Gayumpaman, ang pagtitiyaga ay kailangan. Ang isang kapatid na lalaki ay regular na nagdadala ng magasin sa isang babae sa loob ng dalawang taon. Siya ay humanga sa kaniyang pagkapalagian sa pagbabalik buwan-buwan at bilang resulta, isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa kaniya, sa kaniyang asawang lalaki, sa dalawang anak na babae at apo.—Gal. 6:9.
GAWAIN SA MGA TINDAHAN
5 Ang isa pang bahagi ng gawain sa magasin na nagdudulot ng mabubuting resulta ay ang gawain sa mga tindahan. Gayumpaman, ang unawa ay kailangan. Ang pagiging madali at tuwiran ay mahalaga. Ang mga presentasyon na hindi tatagal nang higit sa 30 hanggang 60 segundo ang siyang pinakaangkop. Ang pagpili sa oras na hindi masyadong abala ay tutulong na matamo ang mabubuting resulta kapag gumagawa sa mga tindahan. Ingatan sa isipan ang kahalagahan ng pagiging bihis, sa gayon ay makapagbibigay ng kagalang-galang na anyo.
6 Ang isang kapatid na babae na matagumpay sa gawain sa mga tindahan ay nagsasabi muna na yamang hindi niya kadalasang natatagpuan ang mga negosyante sa kanilang tahanan, tayo ay dumadalaw sa kanilang pinagtatrabahuhan. Pagkatapos ay tinutukoy niya ang isang artikulo na kaniyang inihaharap at sinasabing siya’y nakatitiyak na magugustuhan nila ang impormasyon hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para din sa kanilang pamilya.
7 Sa napakaabalang daigdig na ito mahalaga na maging masikap sa paghaharap ng mabuting balita saanman tayo nakakasumpong ng mga tao. Para doon sa hindi nagnanais na sumuskribe sa ating magasin, ang pag-aalok ng mga indibiduwal na kopya sa mga tindahan at sa mga ruta ng magasin ay isang mabisang paraan sa pagpapaabot sa kanila ng mabuting balita.