Ruta ng Magasin—Tulong sa Pagpapasimula ng Pag-aaral sa Bibliya
1. Bakit matagal nang hinihimok ng organisasyon ni Jehova ang mga mamamahayag na magkaroon ng ruta ng magasin?
1 Maraming tao ang ayaw makipag-aral ng Bibliya sa atin, pero nasisiyahan silang magbasa ng ating mga magasin. Kaya naman matagal nang hinihimok ng organisasyon ni Jehova ang mga mamamahayag na magkaroon ng ruta ng magasin. Dahil regular nilang nababasa ang ating mga magasin, kadalasan nang nagkakaroon sila ng pananabik sa Salita ng Diyos. (1 Ped. 2:2) Posibleng may mabasa sila na makaaantig sa kanila na mag-aral ng Bibliya.
2. Paano natin lilinangin ang interes ng mga taong kasama sa ating ruta ng magasin?
2 ‘Diligan’ ang Binhi ng Katotohanan: Sa halip na basta lang iwan ang mga magasin, makipag-usap para mapalagay ang loob niya sa iyo. Makakatulong ito para malaman mo ang kaniyang sitwasyon, interes, at mga paniniwala, sa gayo’y makapagsasalita ka nang may kaunawaan. (Kaw. 16:23) Maghanda sa bawat pagdalaw. Kung posible, bumanggit ng isang punto at teksto mula sa magasin, na parang dinidilig mo ang anumang binhi ng katotohanan sa kaniyang puso. (1 Cor. 3:6) Irekord ang petsa ng bawat pagdalaw, ang iniwang literatura, at ang napag-usapang teksto at paksa.
3. Gaano kadalas natin dapat balikan ang mga ruta natin ng magasin?
3 Gaano Kadalas Babalik? Dapat mong balikan isang beses sa isang buwan ang iyong ruta ng magasin para dalhin ang pinakabagong mga magasin. Pero depende sa iyong kalagayan at sa interes ng may-bahay, puwede kang dumalaw nang mas madalas. Halimbawa, mga isa o dalawang linggo pagkadala mo ng mga magasin, bumalik at sabihin, “Dumaan lang ako para ipakita ang isang punto mula sa magasing iniwan ko.” Tutulong ito para mas manabik siyang basahin ang artikulo. Kung nabasa na niya iyon, tanungin kung ano ang masasabi niya tungkol sa artikulo at pag-usapan iyon sa maikli. O kung nasisiyahan ang may-bahay na magbasa ng ating mga literatura, puwede kang bumalik para ipakita ang tract, brosyur, o aklat na alok sa buwang iyon.
4. Paminsan-minsan, ano ang puwede nating gawin para malaman kung gusto nang mag-aral ng Bibliya ang mga ruta natin ng magasin?
4 Huwag hintayin ang may-bahay na humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Gumawa ng paraan. Kahit tumanggi na siyang makipag-aral ng Bibliya noon, puwede mo pa ring ipakita paminsan-minsan ang “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa Bantayan para malaman kung gusto niyang pag-usapan iyon. Baka makapagpasimula ka ng pag-aaral sa may pintuan. Pero hindi ka man makapagpasimula ng pag-aaral, patuloy na magdala ng mga magasin para malinang ang kaniyang interes.