“Paghahasik ng Binhi ng Kaharian” sa mga Ruta ng Magasin
1 Ang Awit 133 sa Umawit ng mga Papuri kay Jehova ay pinamagatang “Paghahasik ng Binhi ng Kaharian.” Ito ay salig sa ilustrasyon ni Jesus na inihahalintulad ang paggawa ng alagad sa paghahasik ng binhi. (Mat. 13:4-8, 19-23) Ang liriko ng awit ay nagsasabi: “Binhing natanim sa lupang mataba/Kailangan mong alagaan.” Paano natin mapasusulong ang pagiging mabisa ng ating ministeryo? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagtatatag at pagpapanatili ng isang ruta ng magasin.
2 Ang ilang tunguhin ay maaaring maabot sa pamamagitan ng ruta ng magasin. (1) Sa regular na mga pagdalaw tuwing ikalawang linggo, mapasusulong ninyo ang palakaibigang kaugnayan sa interesadong tao. (2) Regular ninyong madadalhan ng suplay ang isang iyon ng nagliligtas-buhay na impormasyong taglay ng Ang Bantayan at Gumising! (3) Sa pamamagitan ng inyong pag-uusap, maaaring matulungan ninyo ang taong iyon na magkaroon ng pananabik sa katotohanang nasa Kasulatan, na maaaring humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya.—1 Ped. 2:2.
3 Kung Paano Sisimulan ang Isang Ruta ng Magasin: Kapag may nagpakita ng interes sa mga magasin, ipaliwanag na may kaakit-akit na mga artikulo na lumilitaw sa bawat labas at na kayo’y malulugod na ihatid ang mga ito tuwing ikalawang linggo. Pagkatapos magpaalam, isulat ang pangalan at direksiyon ng tao, ang petsa ng pagdalaw, ang petsa ng mga labas na naipasakamay, ang itinampok na artikulo, at ang mga paksang nagustuhan ng tao.
4 Mapasisimulan ninyo ang ruta kahit sa iilang tao lamang. Pagkatapos ay paramihin iyon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng iba pang napaglagyan ninyo ng mga magasin. Habang dumarami ang inyong ruta, maaari ninyong organisahin ito ayon sa teritoryo upang mas madali ninyong makubrehan ang mga ito. Mag-ingat na mabuti ng rekord kung anong mga labas ang naipasakamay sa bawat pagdalaw at kung kailan. Idagdag sa nota ang tungkol sa inyong pinag-usapan at kung paano patuloy na palalakihin ang interes ng tao sa katotohanan sa susunod na pagdalaw.
5 Ilakip ang mga Negosyante at mga Yaong Propesyonal: Ipinakikita ng karanasan na ang mga may tindahan at iba pang mga propesyonal ay malamang na kumuha ng ating mga magasin sa regular na paraan. Maging ang alkalde ng kaniyang bayan ay naging ruta sa magasin ng isang matanda. Napasimulan ng isang mamamahayag ang isang pag-aaral sa 80-taóng gulang na may-ari ng isang kompanya ng mga materyales para sa konstruksiyon pagkatapos nang walang patlang na pagdadala sa kaniya ng mga magasin sa loob ng sampung taon!
6 Isang sister na payunir ang pumasok sa isang tindahan at nasumpungan ang isang mag-asawa na matabang ang naging pagtanggap sa kaniya. Gayunman, yamang tumanggap sila ng mga magasin, nagpasiya siyang idagdag ang mag-asawa sa kaniyang ruta ng magasin. Sumapit ang panahon na nais ng sister na huminto na sa pagdalaw sa mga ito dahilan sa sila’y talagang hindi palakaibigan at hindi masyadong nagsasalita, kahit na magharap pa siya ng isang punto-de-vistang tanong. Subalit ipinanalangin ng sister ang tungkol dito at sa wakas siya’y nakapagpasakamay sa mag-asawa ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Pagkatapos basahin ito, ang asawang babae ay napabulalas: “Sa wakas, nasumpungan ko ang katotohanan!” Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at nang maglaon ay nabautismuhan ang mag-asawa. Tunay na nagkaroon ng mabuting bunga ang pagtitiyaga ng payunir.
7 Pagsasagawa ng mga Pagdalaw-muli: Kapag kayo ay nakatanggap ng isang bagong magasin, basahin ang bawat artikulo. Humanap ng mga punto na makaaakit sa bawat isa na nasa ruta ninyo. Pagkatapos sa inyong pagbabalik, maaari ninyong sabihin: “Habang binabasa ko ang artikulong ito, kayo ang sumilid sa isip ko at kung paanong ito’y maaaring magustuhan ninyo.” Ang mga mamamahayag, anuman ang kanilang edad, ay maaaring masiyahan sa pagkakaroon ng ruta ng magasin. Kahit na ang isang munting bata ay maaaring magsabi: “Ako’y nagagalak na makita kayong muli. Dumating na ang pinakabagong mga kopya ng inyong Ang Bantayan at Gumising! Sa palagay ko’y magugustuhan ninyo ang artikulong ito na pinamagatang . . .”
8 Antigin ang pananabik sa sumusunod na mga artikulo sa pamamagitan ng pag-akay ng pansin sa kahong pinamagatang “Sa Susunod na Labas.” Kapag ang mga artikulo ay lumilitaw bilang isang serye, ipakita ito at pasiglahin ang mambabasa na huwag kaligtaan ang alinmang bahagi nito. Huwag kalilimutan na sa bawat pagkakataong ihatid ninyo ang mga magasin sa taong nasa ruta ninyo ng magasin, isang pagdalaw-muli ang maaaring ibilang. At higit sa lahat, tandaan na ang ating tunguhin ay ang maisaayos ang mga pagdalaw na ito para maging mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
9 Dalawin Nang Regular ang mga Tao sa Inyong Ruta: Maaari ninyong kubrehan ang inyong ruta ng magasin sa anumang panahong praktikal—sa isang umaga ng simpleng araw, sa pagtatapos ng maghapon, sa bandang pasimula ng gabi, o sa dulong sanlinggo pagkatapos na magbahay-bahay. Kung hindi ninyo makubrehan ang inyong ruta dahilan sa pagkakasakit o pagbabakasyon, hilingin sa isang mamamahayag sa inyong pamilya o sa kongregasyon na ihatid ang mga magasin para sa inyo. Sa ganitong paraan, tiyak na tatanggapin ng mga nasa inyong ruta ang kanilang mga magasin nang nasa panahon.
10 Ang isang paraan upang maihasik ang binhi ng Kaharian ay ang palagiang pagdadala ng Ang Bantayan at Gumising! sa lahat ng nasa inyong ruta ng magasin. Habang sila’y tinuturuan ninyo ng katotohanan sa Kasulatan, maaaring maunawaan nila ang diwa ng salita ng Kaharian at sa dakong huli ay magluwal ng bunga ng Kaharian kasama ninyo.—Mat. 13:8, 23.