“Para sa Akin at sa Aking Sambahayan . . .”
1 “Para sa akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod kay Jehova.” (Jos. 24:14, 15) Ang ganitong determinasyon sa bahagi ni Josue at ng iba pang ulo ng pamilya ay mahalaga upang ang mga pamilyang Israelita ay makapanagumpay laban sa huwad na pagsamba sa lupain ng Canaan. Gayundin sa ngayon, kailangan nating maging matatag sa ating paninindigan para sa tunay na pagsamba upang ang ating pamilya ay makatagal laban sa masamang impluwensiya ng pamamalakad ng mga bagay na nakapalibot sa atin.
2 Pananagutan ng mga ulo sa pamilya na paglaanan ang kanilang sambahayan. (1 Tim. 5:8) Ito ay totoo lalo na sa espirituwal na paraan. Mga ulo ng pamilya, kayo ba ay may programa para sa pagsamba ng pamilya, lakip na ang pagtuturo ng Bibliya, at kayo ba ay nangunguna sa inyong pamilya sa ministeryo sa larangan?
PAG-UUSAP SA BIBLIYA NG PAMILYA
3 Yamang ang mga gawa ng kagandahang-loob ni Jehova ay “bago tuwing umaga,” hindi ba wasto para sa buong pamilya na isaalang-alang ito bawa’t araw? (Panag. 3:22, 23) Ang isang mainam na paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng pagtalakay sa teksto sa bawa’t araw mula sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw.
4 Bilang karagdagan, maraming teokratikong sambahayan ang mayroong regular na panahon para sa pampamilyang pag-aaral. (Deut. 4:9; 6:1, 2) Upang makatulong sa bagay na ito, ang mga publikasyon ng Samahan ay naglalaan ng mga mungkahi na dapat sundin ng bawa’t ulo ng pamilya.—Tingnan ang Bantayan, Nobyembre 1, 1986, p. 24; Giya sa Paaralan, p. 36-8.
PAGLILINGKOD SA LARANGAN NG PAMILYA
5 Yamang ang ministeryo sa larangan ay isang pangunahing bahagi ng ating pagsamba, dapat na makibahaging samasama ang pamilya sa bagay na ito. (Heb. 13:15) Mapauunlad ng mga ulo ng pamilya ang pagkakaisa ng sambahayan at mapatitibay ang espirituwal na kalakasan nito sa pamamagitan ng paglilingkod kasama ng bawa’t miyembro ng sambahayan. (Kaw. 22:6) May mga panahon na nanaisin ng mga magulang na magbigay ng pambungad sa pintuan at pagkatapos ay hayaang basahin ng anak ang isang kasulatan o ipakita ang iniaalok na aklat. Huwag maliitin ang mga anak kung tungkol sa ministeryo! Kadalasa’y natatawagan ng pansin ang mga maybahay ng mga kabataan na nakapagpapahayag nang mabuti ng kanilang sarili sa mga pintuan.—Mat. 21:16.
6 Kayo ba, gaya ni Josue, ay determinado na kayo at ang inyong sambahayan ay may katapatang maglilingkod kay Jehova? Dumalangin ukol sa patnubay ni Jehova habang inyong ikinakapit ang mga mungkahing ibinigay sa itaas. Pagpapalain niya ang inyong determinadong pagsisikap na paglingkuran siya nang may katapatan.