Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Artikulong May Pantanging Interes sa Ating mga Magasin
1 Sa ngayon, isinasagawa ng Samahang Watch Tower na ang mabuting balita ay masumpungan ng mga interesadong tao saan mang dako. Ang Bantayan ay inilalathala sa 103 mga wika na ang aberids na pag-iimprenta ay 13,045,000 at ang Gumising! ngayon ay nasa 54 na wika na ang aberids na pag-iimprenta ay 11,350,000. Pribilehiyo nating gamitin ang mga magasing ito sa paghaharap ng mabuting balita sa “lahat ng uri ng mga tao.”—1 Tim. 2:4.
ITAMPOK ANG MGA ARTIKULONG MAY PANTANGING INTERES
2 Kapag kayo ay nakakuha ng bagong isyu ng magasin, nasisiyahan ba kayong basahin iyon nang lubusan upang malaman kung papaanong tinutulungan tayo ni Jehova na makinabang sa inihandang materyal? (Isa. 48:17) Pagkatapos nito, bakit hindi pagpasiyahan kung aling artikulo ang nanaisin ninyong iharap sa larangan? Marahil ay may makikita kayo na angkop sa ilang tao sa inyong teritoryo. Isang hukom sa Ohio ang gumawa ng sulat ng pasasalamat sa mag-asawang Saksi na nagdala sa kaniya ng isyu ng Gumising! na tumatalakay sa suliranin ng pag-inom at pagmamaneho.
3 Bilang karagdagan sa pag-aalok ng mga magasin sa bahay-bahay, nagpapakita ba kayo ng mga artikulo na magugustuhan ng mga tao sa inyong pinagtatrabahuhan? Dumadalaw ba kayo sa mga lugar ng negosyo upang mag-alok ng mga magasin sa panahon na hindi lubhang abala ang may-ari? Ibinabahagi ba ninyo ang katotohanan sa iba sa mga lansangan hangga’t may pagkakataon kayo? Ginagawa ito nang napakabisa ng maraming mga kapatid na lalake at babae, sa pamamagitan ng paglapit sa mga tao na sa ibang paraan ay hindi masusumpungan. Sa ganitong paraan ay nakagagawa sila ng makabagong pagkakapit sa Kawikaan 1:20.
ISANG MABUTING HALIMBAWA UPANG TULARAN
4 Nang si Jesus ay makipag-usap sa babaeng Samaritana na nagtungo sa balon upang umigib ng tubig, sinabi niya: “Kung napagkilala mo . . . kung sino ang sa iyo’y nagsabi, ‘Painumin mo ako,’ ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig ng buhay.” (Juan 4:7-10) Kung papaanong hindi kilala ng babaeng iyon si Jesus o ang katotohanang taglay niya, maaaring hindi rin tayo kilala ng mga tao sa ngayon o ang kahalagahan ng mensaheng dala natin sa kanila. Si Jesus ay nagsalita sa mga tao sa angkop na pagkakataon at sa lahat ng dako—isang mabuting halimbawa para tularan natin.
5 Gawin nawa nating lahat ang ating makakaya upang ibahagi sa iba ang mainam na espirituwal na pagkaing ito na nasa ating mga magasin! Yaong mga tatanggap nito taglay ang pagpapahalaga ay maaaring maakay sa dakong huli tungo sa “mga bukal ng tubig ng buhay.”—Apoc. 7:17.