Gawing Higit na Nakapagtuturo ang mga Pulong
1 “Ang isang bagay na nakatawag ng aking pansin ay na ang bata at matanda sa Kingdom Hall ay bumabahagi sa mga pulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga komento at paghanap ng mga kasulatan.” May narinig ba kayong sinuman na nagsabi ng ganito tungkol sa unang pulong na dinaluhan nila? (1 Cor. 14:25b) Ang marami sa atin ay nakarinig na ng gayong mga salita. At kay ligaya natin na dumalo sa mga pulong na iyon at nakabahagi sa pagkokomento!
2 Kapag tayo ay naghahanda nang patiuna, ang ating mga komento ay higit na nagiging makabuluhan, at ang mga pulong ay nagiging higit na nakapagtuturo para sa lahat ng dumadalo. (Heb. 10:24, 25) Dapat na maikintal nito sa ating isipan ang kahalagahan ng mga gawa na kaayon ng pananampalataya.—Sant. 1:25.
KAPAG TAYO AY NASA PLATAPORMA
3 Maraming mga paksa ang sinasaklaw sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang mga kapatid na babae ay tumatanggap ng atas sa mga aklat na Mabuhay Magpakailanman at Nangangatuwiran, na kapuwa natin ginagamit sa ating ministeryo sa larangan. Yaong mga may atas na ito ay maaaring gawing higit na nakapagtuturo ang paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng praktikal na tagpo sa paghaharap ng materyal. Makatutulong ito sa tagapakinig na makita kung papaano ito gagamitin sa ministeryo sa larangan. Ang mga kapatid na lalake na may pahayag sa aklat na Nangangatuwiran ay maaaring magdiin ng mga punto na makatutulong sa mga kapatid kapag nagpapatotoo sa kanilang teritoryo. Ang mga kapatid na gumaganap sa atas ng pagbasa sa Bibliya ay maaaring gawing makabuluhan ang kanilang pambungad at konklusyon sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga punto na may praktikal na kahalagahan.
4 Maaaring tayo ay hilingan na makibahagi sa isang pagtatanghal sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Kung gayon, ang paghahanda ay mahalaga. Dapat nating matutuhan ang wastong paggamit ng mikropono upang ang lahat ay makarinig na mabuti. (Ihambing ang 1 Corinto 14:9.) Huwag kayong tatalikod sa tagapakinig, kundi laging humarap sa kanila. Kaya, kapag nagpapakita sa nilalaman ng publikasyon sa maybahay, makikita ng tagapakinig ang pabalat ng publikasyon. Kapag tayo ay nakaharap sa tagapakinig, higit nila tayong maririnig na mabuti at makikita ang anyo ng ating mukha.
BILANG ISANG TAGAPAKINIG
5 Kaya upang makuha ang pinakamalaking kapakinabangan, dapat na linangin ng lahat ng mga dumadalo ang sining ng pakikinig, na hindi pinahihintulutang maglakbay ang ating kaisipan. (1 Tim. 4:16; Heb. 2:1) Ang pagbulong sa katabi natin ay nakagagambala. Ang hindi kinakailangang pagtungo sa palikuran ay nakakaabala rin sa pagtatamo natin ng pinakamalaking pakinabang mula sa pulong at makagagambala rin sa iba.
6 Kung mayroon tayong maliliit na anak, nanaisin nating umupong malapit sa pasilyo sa may dakong hulihan ng Kingdom Hall upang iilan lamang hangga’t maaari ang kanilang magambala. Kapag maingay, dapat silang ilabas ng mga magulang upang hindi sila makaabala sa pakikinig ng iba pa sa pulong.—Kaw. 22:6, 15.
7 Kapag tayo ay nagsisikap na gawing higit na nakapagtuturo ang mga pulong para sa atin at sa iba pa, matutulungan tayong lahat na sumulong sa espirituwal.—2 Tes. 1:3.