Tulungan ang Iba na Pahalagahan ang Espirituwal na mga Bagay
1 Anong laking pampasigla sa puso ang Memoryal! Bawa’t taon ay ipinagugunita sa atin ang kahalagahan ng hain ni Jesus para sa buong sangkatauhan. Ang pantanging pagdiriwang na ito ay naglalaan ng pagkakataon upang tulungan ang mga baguhan na higit pang mapahalagahan ang espirituwal na mga bagay na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Mar. 9:7) Papaano natin matutulungan ang mga dumalo sa Memoryal na palagiang makisama sa kongregasyon?
2 Walang pagsalang ang karamihan sa mga dumalo sa Memoryal ay nakakadama ng isang pagkagutom sa espirituwal na kailangang matugunan. (Mat. 5:3) Ano ang magagawa natin upang mapasigla silang matugunan ang pangangailangang ito?
3 Isang bagay ang sila’y dalawin kaagad hangga’t maaari. Ipakita ang personal na interes at tulungan silang gumawa ng espirituwal na pagsulong. Ang karamihang dumadalo sa Memoryal ay walang personal na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tulungan silang makaunawa na upang makinabang nang lubusan mula sa hain ni Kristo at magkaroon ng pagsang-ayon ni Jehova, kailangan ang isang regular na pag-aaral. Pagsikapan na gumawa ng kaayusan para dito alinsunod sa kanilang kaalwanan.
4 Kung dadalaw kayo sa susunod na linggo pagkaraan ng Memoryal at magsisikap na maisaayos ang isang pag-aaral sa Bibliya, maaari na rin ninyong anyayahan sila na dumalo sa pantanging pahayag sa Abril 2, “Halina, Kayong mga Nauuhaw sa Katotohanan!” Sabihing ipagsasama ninyo sila sa Kingdom Hall.
ANYAYAHAN SILANG MAGPATOTOO
5 Kumusta naman ang mga nakikipag-aral at dumadalo nang palagian? Iminungkahi na ba ninyo na subukan nilang magpatotoo sa mga kaibigan, mga kamag-anak, mga kamanggagawa, at iba pa sa impormal na paraan? Ito’y makatutulong sa kanila na sumulong sa espirituwal. Sila’y makapagpapakita ng pagpapahalaga sa hain ni Jesus at sa mga katotohanan na kanilang natututuhan.
6 Maaring nag-aatubili ang estudiyante sa Bibliya na magsalita sa iba, sa pag-aakalang sila’y hindi makikinig. Tulungang siyang makaunawa na ang bawa’t indibiduwal ay mahalaga sa Diyos, na siyang nakakakita sa puso at nakakaalam kapag ang isa ay handa na tumanggap ng mabuting balita. Ipakita sa kaniya na kalooban ng Diyos “na ang lahat ng uri ng tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4; Gawa 17:26, 27) Kung matutulungan ang inyong estudiyante na mapahalagahan ito, makikita niya kung bakit kailangan niyang magsalita ng katotohanan sa lahat kailanma’t may pagkakataon.—Gal. 6:6.
7 Ang mga kuwalipikado ay dapat na anyayahan na makibahagi sa ministeryo sa larangan sa Abril. (Mat. 9:37, 38; om p. 97-9) Kinalulugdan ng Diyos ang mga may pagnanais na maglingkod sa kaniya kahit na limitado lamang ang kanilang kakayahan. Sa pamamagitan ng pagtupad sa atas na mangaral, tayo ay sumusunod sa payo ni Pablo: “At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang di-na-sana nararapat na awa ng Diyos sa walang kabuluhan.”—2 Cor. 6:1.
8 Hindi natin nalalaman kung gaano pang karami ang magpapahalaga sa pribilehiyo na paglingkuran si Jehova. Subali’t tinitiyak sa atin na sa pamamagitan ng patuloy na pagtulong sa iba na magpahalaga sa espirituwal na mga bagay tayo ay tatanggap ng mga dakilang pagpapala, gaya rin nila.—2 Cor. 6:2.