Pakikinabang Mula sa Pagsunod sa Banal na Tagubilin
1 Habang higit nating minamasdan ang kahangalan ng pagsuway ng sangkatauhan, lalo naman nating napapahalagahan ang pagiging masunurin sa banal na tagubilin. Ang pilosopiya ng sanlibutan na gawin-mo-ang-nais-mo ay nagdulot ng pagdurusa sa maraming tagapagtaguyod nito. Gayunman, si Jesu-Kristo ay naglagay ng huwaran para sa mga Kristiyano. Ipinakikita ng Bibliya na siya’y laging masunurin sa kaniyang Ama, at dahilan sa kaniyang tapat na landasin ay tumanggap ng malaking gantimpala.—Juan 8:29; Heb. 5:8; Fil. 2:7-11.
2 Ang “Pakikinabang Mula sa Pagsunod sa Banal na Tagubilin” ay siyang tema ng programa para sa pantanging araw ng asamblea na magpapasimula sa Marso. Ang mga praktikal na mungkahi at napapanahong payo ay ihaharap upang tulungan tayo sa iba’t ibang bahagi ng Kristiyanong pamumuhay. Halimbawa: Papaano tutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lubusang manghawakan sa katotohanan? Papaano mapasusulong ng bawa’t miyembro ng pamilya ang kaniyang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova? Ano ang magagawa ng bawa’t miyembro ng kongregasyon upang makinabang siya at ang buong organisasyon? Ang mga ito ay ilan lamang sa mga bagay na tatalakayin sa bagong programa ng pantanging asamblea.
3 Bibigyan ng pansin ang kahalagahan ng pagsunod sa banal na tagubilin kapag napapaharap sa mga pagsubok ang Kristiyanong pagkamasunurin sa mga pinapasukan at kapag nakikitungo sa matataas na kapangyarihan. Yamang napaliligiran tayo ng tampalasang lipunan, ang mga Kristiyano ay dapat na maging maingat upang mapanatili ang maka-Kasulatang pangmalas sa gayong mga kapangyarihan at iwasan ang di wastong saloobin na laganap sa sanlibutan sa ngayon.
4 May ilang pagbabago na gagawin sa eskedyul ng programa. Sa 1989, ang sumaryo ng Bantayan ay magiging bahagi ng programa kahit na ito ay gaganapin sa Sabado o Linggo. Ito’y nangangahulugan na ang mga kongregasyon na may pantanging asamblea sa Sabado ay hindi mag-eeskedyul ng pag-aaral sa Bantayan o ng pahayag pangmadla sa susunod na araw. Sa halip ang mga matatanda ay makapag-oorganisa ng panggrupong pagpapatotoo nang lubusan.
5 Mga komento ng pagpapahalaga ang narinig may kinalaman sa kapakinabangan ng unang pantanging araw ng asamblea. Marami ang napasigla at napatibay ng kasiyasiyang espirituwal na tagubilin hinggil sa personal na pag-aaral ng Bibliya at impormasyon hinggil sa pagsulong ng organisasyon.
6 Walang alinlangan na ang programa sa araw ng pantanging asamblea para sa 1989 ay makatutulong nang malaki sa atin habang pinagsisikapan nating tularan ang ating Huwaran, si Jesu-Kristo. Huwag ninyong kaliligtaan ang anumang bahagi nito. Nawa ang lahat ay patuloy na makinabang mula sa pagsunod sa banal na tagubilin.—Heb. 10:23-25.