Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Brochure
1 Anong kagalakan na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian sa mga tao! (Gawa 15:3) Subali’t ang panahon ng pagsasagawa nito ay limitado. May katalinuhan, si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay naglaan ng napakaiinam na mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na maaari nating iwan sa mga taong interesado upang tulungan sila sa espirituwal na paraan.
2 Sa Hulyo at Agosto ay gagamitin natin ang isang bagong Paksang Mapag-uusapan, “Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos,” at ating iaalok ang isa sa mga brochure na tinatalakay sa artikulong ito. Kailangan nating malaman kung papaano mabisang ihaharap ang mga brochure na ito kasuwato ng ating Paksang Mapag-uusapan hinggil sa Kaharian ng Diyos.
ILANG MGA MUNGKAHI
3 Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!: Ang brochure na ito ay lubhang nakakaakit sa mga kabataan at gayundin sa mga limitado ang kakayahang bumasa. Papaano ninyo ihaharap ito? Sa pagtatapos ng inyong pagtalakay hinggil sa Kaharian, maaari ninyong sabihin: “Nais ba ninyong mabuhay sa paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos? [Maghintay ng sagot.] Tingnan ninyo ang magandang ilustrasyon ng paraiso sa brochure na ito. [Bumaling sa larawan 49, at basahin ang mga komento sa itaas ng larawan.] Ang brochure na ito ay tutulong sa inyong matutuhan kung papaano kayo mabubuhay magpakailanman sa lupa kasama ng gayong maliligayang tao. Ito’y inyo na sa abuloy na ₱4.20.”
4 Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso: Ang brochure na ito ay nagtutuon ng pansin sa Kaharian ng Diyos, na siya nating Paksa sa susunod na buwan. Narito ang isang paraan kung papaano ninyo iuugnay ang brochure sa Paksang Mapag-uusapan: “Ang mga pagpapalang ito na ating tinalakay ay dadalhin ng Kaharian ng Diyos, na itinuro ni Jesus na idalangin natin. Tingnan ang pambungad na mga salita sa brochure na ito sa pahina 3. [Basahin ang unang bahagi ng parapo.] Pagkatapos sa pahina 29 inilalarawan sa atin ang mga pagpapala na idudulot ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan. [Ipakita isa-isa ang mga punto.] Gaya ng sinasabi nito sa pahina 30, kailangan nating pag-aralan ang Bibliya upang matuto pa nang higit hinggil sa Kaharian ng Diyos at ang nakapagtuturong brochure na ito ay tutulong sa inyo sa bagay na ito. Ito’y inyo na sa ₱4.20.”
5 Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman: Tunay na ang mga humahanap ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay kailangang makilala si Jehova, ang Diyos ng kaligayahan. Kaya maaari ninyong iharap ang brochure na ito sa ganitong paraan: “Upang tamuhin ang mga pagpapalang ito kailangang higit na makilala ng isa ang Diyos mismo. Ito ang isang dahilan kung bakit namin iniaalok sa mga tao ang nakapagtuturong pantulong na ito sa Bibliya. [Ipakita ang brochure.] Hindi lamang nito ipinaliliwanag kung ano ang pangalan ng Diyos kundi ipinakikita rin nito sa pahina 31 ang kahalagahan ng pagkaalam sa pangalan ng Diyos. [Basahin ang parapo 1.] Ang kopyang ito ay inyo na sa abuloy na ₱4.20.”
6 “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”: Napakahusay ng brochure na ito sa pagbibigay ng pangkalahatang pangmalas sa mga pangako ng Diyos at magagamit din sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kaya, pagkatapos na talakayin ang mga kasulatan sa Paksang Mapag-uusapan, makabubuting sabihin ang tulad nito: “Upang higit na mailarawan ang kamangha-manghang mga kalagayan sa lupa na idudulot ng Kaharian ng Diyos, nais kong ipakita sa inyo ang makulay na brochure na ito. [Ipakita kapuwa ang harapan at likurang takip.] Nais ba ninyong mabuhay sa ganitong kalagayan? [Maghintay ng komento.] Ang brochure na ito ay dinisenyo upang tulungan kayong matutuhan nang higit pa kung papaano kayo at ang inyong pamilya ay makapaghahanda na mabuhay sa paraiso. Ito’y inyo na sa ₱4.20 lamang.”
7 Maaaring makasumpong pa kayo ng iba pang mabibisang paraan sa paghaharap ng mga brochure sa paglilingkod sa Hulyo at Agosto. Maghandang mabuti at pagsikapang makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya kapag may nagpakita ng interes.