Maghanda Na Ngayon Para sa Lalong Malaking Gawain sa Unahan
1 Sa panahon ng pag-aani, ang mga sumasali dito ay mas abala kaysa karaniwan. At sa panahong apurahan, nagsisikap ang mga tao nang higit sa pangkaraniwan. Tayo ay nabubuhay sa panahon ng pag-aani at sa apurahang panahon. Marami ang kailangang gawin. Handa ba kayong gawin ang lahat ng kinakailangan?—Mat. 9:37, 38; 13:39; Luc. 13:24; 1 Tim. 4:10.
ANG MEMORYAL
2 Ang Memoryal ay pinakamahalagang panahon sa bawa’t taon para sa bayan ni Jehova. Sa taóng ito ay idaraos ang Memoryal sa Martes ng gabi, Abril 10. Gumagawa ba kayo ng kaayusan upang walang makahadlang sa inyo at sa inyong pamilya sa pagdalo? Nagbibigay ba kayo ng paanyaya sa mga kamag-anak at mga kaibigan? Ano naman ang tungkol sa mga interesado sa inyong teritoryo, ang inyong mga estudiyante sa Bibliya, ang mga dating estudiyante sa Bibliya?—Luc. 22:19; Apoc. 22:17.
3 Karaniwan nang isinasaayos ng mga matatanda ang lubusang paglilinis sa Kingdom Hall bago ang Memoryal upang ang lahat ay maisaayos. May kaayusan na ba para sa tagapagsalita sa Memoryal, mga emblema at ang mga magsisilbi nito, gayundin ang mga ekstrang upuan at sapat na mga attendant para sa pantanging okasyong ito?
HIGIT NA PAKIKIBAHAGI SA PAGLILINGKOD SA LARANGAN
4 Ang Memoryal ay nagpapagunita sa atin sa hain ni Jesus para sa ating kapakanan. Kaya ito ay isang napakaangkop na panahon upang isaalang-alang kung papaano pasusulungin ang ating gawain sa ministeryo sa larangan. Ito ay isang paraan upang maipahayag ang ating pagpapahalaga sa di na sana nararapat na kagandahang-loob ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak.
5 Maaari ba kayong makapaglingkod bilang isang auxiliary payunir sa Marso, Abril at Mayo? Sa Marso ay magkakaroon tayo ng kampanya upang ilathala ang mapuwersang mensahe sa aklat na Apocalipsis, at walang alinlangan na nanaisin ng lahat na makibahaging lubos sa gawaing ito. Sa Abril ay mag-aalok tayo ng suskripsiyon ng Bantayan, at mayroon tayong mga pantanging artikulo, gaya ng “Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?” (Abril 1) at “Pandaigdig na Kapayapaan—Ano Talaga ang Magiging Kahulugan Nito?” (Abril 15). Ang Gumising! ay magtatampok ng “May Buhay ba sa Malayong Kalawakan?” (Abril 8) at “Anong mga Pag-asa para sa Mas Mahabang Buhay?” (Abril 22). Taglay ang napakaiinam na materyal na ito tayo ay dapat na mapasiglang gamitin ang limang Sabado sa Marso sa gawain sa magasin at isaayos ang buong buwan sa ministeryo sa Abril!
6 Ang higit na pagsisikap ay kailangan upang higit na makabahagi sa ministeryo sa larangan. Kahit na hindi kayo makapagpayunir, magiging angkop na maglagay ng isang personal na tunguhin sa oras sa Marso, Abril at Mayo. Maaari ba kayong makapagsaayos ng higit na panahon para sa ministeryo sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga personal na gawain at paglilibang? Magsumikap. Hilingin kay Jehova na palakasin at pagpalain kayo. Yaong mga mahina sa pisikal ay makakasumpong na sa tulong ng iba, sila man ay maaaring magkaroon ng karagdagang bahagi sa kampanyang ito.
7 Para sa ating lahat, ang Marso at Abril ay dapat na maging abalang panahon sa paglilingkod kay Jehova. Pagsisikapan ng mga matatanda na maisaayos ang lahat ng bagay. Ang kakailanganing literatura ay dapat na pididuhin nang patiuna. Tiyaking may ekstrang mga magasin, lalo na ang mga isyu ng Abril at Mayo upang magamit. Sa Abril, makabubuting alamin sa Abril 8 kung sino ang hindi pa nakalalabas sa paglilingkod hanggang sa panahong iyon, upang matulungan ang mga ito ng maygulang na mga mamamahayag anupa’t marami hangga’t maaari ang magkaroon ng bahagi sa gawain sa Abril. Isaayos ang teritoryo at mga pagtitipon bago maglingkod, lakip na ang pagpapatotoo sa gabi. Habang tayo’y taimtim na nananalangin ukol sa pagpapala ni Jehova, gamitin nating may katalinuhan ang panahon sa kaniyang kapurihan.