Kayo ay Inaanyayahan sa 1989 “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon!
1 Ang pananalitang “maka-diyos na debosyon” ay tumutukoy sa paggalang, pagsamba, at paglilingkod sa Diyos, taglay ang katapatan sa kaniyang pansansinukob na soberanya. Ang pangunahing huwaran ng maka-diyos na debosyon ay si Jesu-Kristo. Siya lamang ang tao na nagpamalas ng maka-diyos na debosyon sa sakdal na paraan sa ilalim ng mga mahihigpit na kalagayan hanggang sa kaniyang kamatayan. (1 Tim. 3:16; Heb. 7:26) Bilang mga tagasunod ni Kristo, kailangang lubusan tayong magsanay upang maipamalas natin ang maka-diyos na debosyon. Ito ay nagpapangyaring makapagtiis sa pagsalangsang kagaya ng ginawa ni Jesus. (2 Tim. 3:12) Ang pagsasanay taglay ang maka-diyos na debosyon bilang ating tunguhin ay “may pangako sa buhay na ito,” na nangangahulugan ng espirituwal na kalusugan, kasiyahan, kaligayahan, at isang layunin sa buhay. Ito rin ay may pangako sa atin sa buhay na “darating.” (1 Tim. 4:7, 8) Kaya, ang gayong pagsasanay ay hindi para sa ating materyal na kapakinabangan. Sa halip, bilang resulta nito, tayo ay masisiyahan sa mga pangunahing pangangailangan habang tayo ay naglilingkod kay Jehova.—1 Tim. 6:6-8.
2 Sa pamamagitan ng pasulong na pagsasanay at pagdidisiplina, tayo’y ginagawa ni Jehova bilang isang naiibang bayan, nagkakaisa sa isang namumukod-tanging organisasyon samantalang nasa gitna ng walang pagpipitagang lahing ito. Ang ating maka-diyos na debosyon ay tunay at malaya mula sa pagkukunwari na inilarawan ni Pablo nang kaniyang banggitin na sa mga huling araw, ang mga tao ay nagtataglay ng anyo ng maka-diyos na debosyon subali’t tinatanggihan ang kapangyarihan nito. (2 Tim. 3:1, 5) Ang atin nawang espiritu ng pagtutulungan ay magpamalas ng maka-diyos na debosyon sa lahat ng panahon, at taglayin natin ang kapangyarihan nito.—1 Cor. 14:40.
3 Nais ba ninyong matutuhan ang mga pamamaraan upang mapatibay ang inyong maka-diyos na debosyon upang makapanatiling tapat kay Jehova sa mahihirap na panahon sa hinaharap? Saganang nakatutulong na payo at pampatibay-loob hinggil dito ang ihaharap sa mga isinaplanong “Maka-Diyos na Debosyon” na mga Pandistritong Kombensiyon sa huling bahagi ng taóng ito. Magkakaroon ng kabuuang 34 na mga kombensiyon sa Pilipinas, na siyang pinakamalaking bilang kailanman. Magplano na ngayon at makibahagi sa ihaharap na maiinam na mga espirituwal na pagkain.
4 DUMATING NANG MAAGA: Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala dahilan sa pagiging maaasahan at nasa panahon. (Luc. 16:10) Ito ay mahalaga kapag dumadalo ng kombensiyon. Dapat tayong dumating nang maaga bawa’t araw at umupo bago magpasimula ang programa. Nangangahulugan ito ng paglalaan ng sapat na panahon upang maiparada ang ating sasakyan, humanap ng angkop na upuan para sa ating pamilya, at kumuha ng mga tiket sa pagkain sa kombensiyon.
5 Ang panahon ng kombensiyon ay isang mabuting pagkakataon upang tamasahin ang mainam na asosasyon. Subali’t kapag ang pagdalaw sa mga kaibigan ay masyadong gabi na ito ay maaaring humadlang sa ating mga pagsisikap na dumating nang nasa oras sa susunod na araw. Maraming kabalisahan ang maaaring idulot kapag nahuhuli anupa’t kakailanganing magmadali sa umaga. Upang maiwasan ito, nasumpungan ng ilang pamilya na kapakipakinabang na magtakda ng isang makatuwirang panahon sa pagpapahinga. Sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa isang eskedyul, malamang na sila’y makapagpahingang mabuti sa gabi at maging handang magpasimula nang maaga sa susunod na araw. Sa pamamagitan nito’y maiiwasan na dumating samantalang may sesyon na, makagambala at maaaring maging sanhi ng pagkayamot ng mga nakaupo na. Ang ating pagiging palaisip sa bagay na ito ay pagpapakita ng ating pagpipitagan at paggalang kay Jehova, at ito’y nagbibigay ng katibayan ng tunay na maka-diyos na debosyon.
6 TATLONG ARAW NA KOMBENSIYON: Ang “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon ay tatagal ng tatlong araw. Ang mga impormasyong maingat na pinili na mahalaga sa ating espirituwal na kalusugan ay ihaharap sa bawa’t sesyon. Sari-saring mga paksang may kinalaman sa maka-diyos na debosyon ang ihaharap sa mga pahayag, pagtatanghal, at sa isang makabagong panahong drama.
7 Gawin ninyong kapasiyahan na walang makaligtaang sesyon. Ito ay nangangailangan ng personal na pagsasakripisyo at pagsasaayos ng inyong eskedyul. Nasumpungan ng ilan na kailangang gumawa ng mga pantanging kaayusan sa kanilang mga pinapasukan. Marami ang tumatalikod sa materyal na kapakinabangan makadalo lamang sa lahat ng sesyon. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang mga nananalangin nang taimtim hinggil sa bagay na ito at buong pusong nagsisikap na makarating doon.—Luc. 13:24.
8 MAKINIG NA MABUTI: Sa panahon ng programa ng kombensiyon, huwag hayaang magambala ng mga bagay na nangyayari sa palibot ninyo, kundi ipakong “mabuti” ang pansin sa materyal na tinatalakay sa plataporma. Ang ating maka-diyos na debosyon ay dapat na magpakilos sa atin na sumunod sa kahilingan ni Jehova sa Isaias 55:2: “Pakinggan ninyo akong mabuti.”
9 Bagaman totoo na ang pahayag pangmadla sa hapon ng Linggo ay pangkalahatang inilalathala para sa publiko, ang karamihan sa materyal na ihaharap sa kombensiyon ay inihandang mabuti lalo na para doon sa mga naaalay na kay Jehova. Ang kombensiyon ay tutulong sa atin na mabatid ang ating kasalukuyang mga pangangailangan at tutulong sa atin na makaalinsabay sa sumusulong na organisasyon ni Jehova. Ang hindi pagbibigay ng pansin ay magpapangyaring tayo’y maiwan sa likuran. Dapat nating ibuhos ang pansin sa programa upang lubusang tamuhin ang pakinabang mula sa mayamang espirituwal na pagkain.—1 Ped. 2:2.
10 Sa nakalipas na mga taon, maraming delegado sa kombensiyon ang nagtaglay ng kapakipakinabang na ugali ng pagkuha ng mga nota sa panahon ng programa. Subali’t ang ilan ay minamalas ang pagkuha ng nota nang may pag-aalinlangan, na iniisip na walang tunay na kapakinabangan ito. Kung gayon ang inyong paniniwala, bakit hindi ninyo subuking kumuha ng nota sa panahon ng “Maka-Diyos na Debosyon” na Kombensiyon? Kagaya ng naranasan ng marami, masusumpungan ninyo na ito’y isang mabuting paraan upang mapanatiling nakapako ang inyong atensiyon at ito’y magsasanggalang sa inyo mula sa pangangarap nang gising o pagpapahintulot na gumala-gala ang inyong isip.
11 Ang nota ay hindi dapat mahaba. Kadalasang ang isa o dalawang parirala ay magiging sapat na para sa isang susing punto. Nasumpungan ng mga matatanda na kapakipakinabang na magkaroon ng maayos na nota para sa pagkakaroon ng makabuluhang repaso ng programa ng kombensiyon sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Maaari rin nilang isama ang maraming punto sa kanilang pagtuturo at gawaing pagpapastol pagkatapos ng kombensiyon.
12 Dapat pansinin nating lahat kung papaano tayo nakikinig, sapagka’t ito’y nangangahulugan ng ating kaligayahan at ng atin mismong buhay. Habang dumadalo sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Kombensiyon, dapat nating ingatan sa isipan ang payo ni Jehova sa Kawikaan 8:33-35: “Makinig kayo sa disiplina at kayo’y magpakapantas, at huwag ninyong tatanggihan. Maligaya ang tao na nakikinig sa akin na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan. Sapagka’t ang sinumang nakakasumpong sa akin ay nakakasumpong ng buhay, at magtatamo ng lingap ni Jehova.”
13 PANALANGIN AT AWIT: Ang isa sa pinakamagandang palamuti ng ating maka-diyos na debosyon ay ang pag-awit ng mga papuri kay Jehovang Diyos. Ang pag-awit ng mga awitin ay regular na bahagi ng tunay na pagka-Kristiyano nang unang siglo. (1 Cor. 14:15) Si Jehova ay nalulugod din kapag ang kaniyang bayan ay lumalapit sa kaniya sa taimtim na panalangin. Ang mga pandistritong kombensiyon ay naglalaan sa atin ng pambihirang pagkakataon upang makaisa ang libu-libo nating mga kapatid sa pagpuri kay Jehova kapuwa sa awit at panalangin. Gayumpaman, ang ilan ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa mahahalagang bahaging ito ng ating pagsamba. Papaano? Sa pamamagitan ng pagdating sa kombensiyon sa panahon o kaya’y pagkatapos ng pambukas na awit at panalangin. Sa katapusan ng programa, ang ilan ay umaalis sa kanilang mga upuan sa panahon ng pag-awit at bago ang panalangin. Bakit? Sa mga ilang pagkakataon maaaring may mabubuting dahilan sa paggawa nito. Gayumpaman, ginagawa ito ng ilan upang mauna lamang sa kanilang sasakyan. Ang iba ay umaalis kaagad sa kanilang upuan upang mauna sa pagpila sa bagong inilabas na literatura o sa pagkain. Dapat na pag-ingatan na dahilan sa personal na kaalwanan, hindi natin pahihintulutan ang saloobing ako-muna o ang di maka-diyos na ugali tulad ng kasakiman at pag-iimbot na makahadlang sa ating espirituwal na pagsulong. Bilang bayan na nagtataglay ng maka-diyos na debosyon, tayo’y nagsisikap na magpakita ng paggalang sa gayong dakilang mga bahagi ng ating pagsamba, samakatuwid baga’y ang ating panalangin at pag-awit kay Jehova.
14 ATING MGA PAGGAWING KRISTIYANO: Sa nagdaang mga taon, ang ating mga Kristiyanong paggawi at pag-aayos sa mga kombensiyon ay nagbigay sa atin ng mabuting reputasyon bilang mga Saksi ni Jehova. Ito’y dahilan sa wasto nating pangmalas sa ating mga kombensiyon bilang espirituwal na kapistahan, at hindi sosyal na pagliliwaliw. Dahilan dito, sinisikap nating magpamalas ng espirituwal na kalagayan ng isipan at kumilos tayo bilang mga ministro.
15 Pansinin ang mainam na karanasang ito na tinamasa ng isang pamilyang Saksi habang kumakain sa isang restauran sa lugar ng kombensiyon nang nakaraang taon. Ang kapatid ay sumulat: “Ang isang lalake at ang kaniyang asawa ay nasa kabilang mesa. Nang makatapos silang kumain, lumapit ang lalake at nagsabing nais niyang papurihan kami dahilan sa aming masinop at malinis na anyo. Sinabi ng aking asawa na dinadaluhan namin ang Kombensiyon ng Watchtower sa dulong sanlinggong ito. Sinabi niyang natitiyak niya iyon. Nakita niya ang marami sa ating mga kapatid na lalake at babae sa palibot ng motel nang siya at ang kaniyang asawa ay tumigil doon, at ang lahat ay nagpamalas ng huwarang paggawi at pananamit. Sinabi niyang sa simbahang pinupuntahan niya, ang mga kabataan ay hindi nananamit o kumikilos kagaya ng ating mga kabataan. Nakita ko kung gaano kahalaga na sanayin ang ating mga anak sa pagkabata pa lamang upang maging mabubuting halimbawa bilang mga Kristiyano sa lahat ng panahon. Ang kredito ay dapat na ibigay sa matitinding payo at patnubay mula sa organisasyon ni Jehova na magpakita ng mainam na halimbawa.”
16 Nakalulungkot, ang ilang dumadalo sa mga kombensiyon ay nagiging pabaya sa kanilang saloobin, pananamit, at paggawi. Kapag ang ganito ay namamalas maging sa lokal na kongregasyon o sa panahon ng kombensiyon, yaong mga may espirituwal na kuwalipikasyon ay dapat na magbigay ng maibiging payo sa layuning mapagbago ang mga ito. (Gal. 6:1; Efe. 4:11, 12) Ang ating maka-diyos na debosyon ay dapat na magpakilos sa atin na magsikap sa pagtataguyod ng ating mabuting reputasyon at mapanatili ang mataas na mga pamantayan ng paggawi sa lahat ng panahon.
17 Sa mga kombensiyon, ingatan sa isipan na ang ating motibo ay ang maka-diyos na debosyon. Kaya, ang ating isipan ay dapat na maging lubusang malaya mula sa mga materyalistikong pagsisikap sa loob ng tatlong araw. Ingatan natin ang isipan sa espirituwal na mga bagay, hindi sa pagnenegosyo o paraan ng pagkita ng pera. Nais naming muling ipagunita sa lahat na hindi pahihintulutan ang pagtitinda ng mga personal na bagay sa loob ng kombensiyon, at ang mga bagay na galing sa Samahan lamang ang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang departamento ng kombensiyon.
18 Sa ganito ring kadahilanan, ang mga departamento ng pamatid-uhaw ay sasarhan sa panahon ng sesyon sa kombensiyon, kaya kakailanganing kunin na ninyo ang anumang kailangan ninyo sa pagitan ng mga sesyon. Sa ganitong paraan, ang lahat ay makapagpapako ng pansin sa espirituwal na mga paglalaan mula sa plataporma, pati na yaong mga nagtatrabaho sa mga departamento ng pamatid-uhaw.
19 Sa ilang mga kombensiyon, pagkatapos na umalis ang tagapakinig, napakaraming kalat ang naiiwan sa upuan. Maraming piraso ng papel, pambalot ng kendi, bote at iba pang lalagyan, ang naiiwan sa palibot ng mga upuan. Ang mga ito ba’y nagpapamalas ng maka-diyos na debosyon? Ito ba’y pagpapakita ng konsiderasyon sa mga naatasang maglinis paglisan natin? Yamang hindi tayo mag-iiwan ng kalat sa Kingdom Hall, dapat din nating pulutin ang anumang makikitang kalat sa palibot at itapon ang mga ito sa basurahan, o kaya’y dalhin iyon sa bahay upang itapon sa wastong dako kung kinakailangan.
20 PARA SA MGA MAGULANG: Ang mga kabataan at mga tin-edyer ay pantanging inaanyayahan na dumalo sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon. Saganang impormasyon ang ihaharap na makapagpapatibay lalo na sa kanila. Anong inam na makita ang maka-diyos na debosyon ng mga kabataan na natutong lubusang makinig sa lahat ng mga Kristiyanong pagpupulong at interesadong interesado sa programa ng kombensiyon! (Awit 148:12, 13) Subali’t ang kalakihang bahagi nito ay depende sa halimbawa at pangangasiwa ng mga magulang. Maraming mga kabataan ang sinanay na mabuti sa pagkuha ng mga nota. Kung bilang isang magulang ay hindi pa ninyo natuturuan ang inyong mga anak sa pagkuha ng mga nota, bakit hindi gamitin ang nalalabing panahon bago ang inyong kombensiyon na gawin ito? Kahit na ang mga batang maliliit ay maaaring magtala ng mga binanggit na Kasulatan at mga susing salita na kanilang naririnig sa mga tagapagsalita. Ang ilang mga magulang ay nagsasaayos na magrepaso sa programa sa bawa’t araw pag-uwi nila sa tuluyan o habang naglalakbay papauwi sa tahanan.
21 Sabihin pa, likas na hilig ng mga anak na maglaro. Kulang pa sila ng karanasan sa buhay at sila’y wala pa sa pagkamaygulang. Kaya, sila’y kailangang turuan kung kailan dapat na makinig at kung papaano gagawi sa mga pulong. Ito’y humihiling ng mabuting pangangasiwa ng kanilang mga magulang. Ang ilang mga magulang ay naging pabaya sa puntong ito. May panahon na samantalang ang mga magulang ay nagpapakita ng wastong paggalang kay Jehova sa panahon ng pananalangin, ang kanilang mga anak ay naglalaro at nakagagambala sa iba. Dapat malaman ng mga magulang kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak sa panahon ng pananalangin. Ano ang kanilang ginagawa kapag umaalis sa kanilang upuan sa panahon ng programa? Ang mga anak ba’y napababayaan sa panahon o pagkatapos ng programa ng kombensiyon?
22 Tunay, ang maka-diyos na debosyon ay dapat na magpakilos sa mga magulang na magbigay ng maingat na superbisyon sa kanilang mga anak sa lahat ng panahon sa pagpapalaki sa kanila “sa disiplina at kaisipan ni Jehova.”—Efe. 6:4.
23 ANG INYONG LUBOS NA PAKIKIPAGTULUNGAN AY PINAHAHALAGAHAN: Maraming paghahanda at pagtatrabaho ang isinasagawa upang matiyak na ang sapat na upuan, literatura, pagkain at iba pang paglalaan ay tatamuhin ng lahat ng dumadalo sa kombensiyon. Upang matiyak ang pagiging mabisa ng mga kaayusang ito, inatasan ang bawa’t kongregasyon na dumalo sa isang partikular na kombensiyon. Ang inyong lubusang pakikipagtulungan ay mahalaga upang maiwasan ang pagsisiksikan. Sabihin pa, maaaring may mga kalagayang magpapangyari para sa ilan na dumalo sa isang kombensiyon sa ibang lugar. Gayumpaman, ang karamihan ay dapat na dumalo sa kombensiyon na iniatas sa kanila.—1 Cor. 13:5; Fil. 2:4.
24 Ang inyong lubusang pakikipagtulungan ay hinihiling hinggil sa pagrereserba ng mga upuan. Pakisuyong ingatan sa isipan na ang MGA UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA MGA MIYEMBRO NG PAMILYA AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SARILING SASAKYAN. Pakisuyong huwag magrereserba ng mga upuan para sa iba. May panahon na ang ekstrang mga upuan ay nakareserba pero wala naman talagang pinaglalaanan nito. Ito’y hindi maibigin at nakalilito sa mga attendant at sa iba pa na naghahanap ng mauupuan. Kaayon ng payo ng Bibliya, dapat nating lakipan ang ating maka-diyos na debosyon ng pag-ibig sa kapatid at lubusang pakikipagtulungan sa sinasang-ayunang kaayusan sa pagrereserba ng mga upuan.—2 Ped. 1:5-8.
25 Iminumungkahi na gumamit ng mabuting pagpapasiya kung ano ang dadalhin sa lugar ng kombensiyon. Ang ilan ay nagdadala ng malalaking lalagyan ng pampalamig o iba pang malalaking bagay na hindi magkasiya sa ilalim ng kanilang upuan. Ang mga ito ay inilalagay sa daanan o sa mga upuan mismo. Ito’y pagkakait ng upuan sa iba. Kailangan tayong magpakita ng konsiderasyon sa ganitong mga bagay.
26 Ang paggamit ng video camera at kagamitan sa audio recording ay ipinahihintulot sa lugar ng kombensiyon. Gayumpaman, ang mga gumagamit ng gayong kasangkapan ay dapat na mag-ingat na ito’y hindi makaabala o makagambala sa iba. Ang gayong mga kasangkapan ay hindi dapat ilagay sa mga daan o labasan. Ang mga kagamitang ito ay hindi dapat na ikabit sa public address system o sa mga saksakan ng koryente. Ang malalakas na ilaw ay hindi ipinahihintulot. Ang mga nakagagambala o hindi nagbibigay pansin sa alinman sa giyang ibinigay sa itaas ay dapat na walang pag-aatubiling gumawa ng pagbabago kapag ang bagay na ito ay itinawag-pansin sa kanila. Ang mga attendant at iba pang may pananagutan ay dapat na maging alisto na ituwid ang anumang paglabag sa mga giyang ito, at ang mga gumagamit ng gayong mga kasangkapan ay dapat na makipagtulungan sa kanila.
27 ANG ATING MAKA-DIYOS NA DEBOSYON ay mapapaharap sa pagsubok sa malapit na hinaharap. “Sa katunayan, ang lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Kristo Jesus ay magbabata ng pag-uusig.” (2 Tim. 3:12) Anong laking pasasalamat natin kay Jehova dahilan sa espirituwal na mga paglalaan tulad ng “Maka-Diyos na Debosyon” na mga Pandistritong Kombensiyon, na doo’y sinasanay tayo at “tinuturuan upang tumanggi tayo sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanlibutan upang mabuhay tayong may pagpipigil at katuwiran at maka-diyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Pagunita sa Pandistritong Kombensiyon
TULUYAN: Kami ay nagpadala ng isang suplay ng Room Request forms sa bawa’t kongregasyon. Ang mga nangangailangan ng tuluyan ay dapat na punan ang isa sa mga pormang ito at ibigay sa convention coordinator ng inyong kongregasyon. Kaniyang susuriin ito at pipirmahan, at ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyong nasa ibaba.
Disyembre 22-24, 1989
Ilagan, Isabela: c/o Isidro Balmaceda, Baculod, Ilagan, 3300 Isabela.
Vigan, Ilocos Sur: c/o Gerardo Alegre, 110 Bonifacio Street, Vigan, 2700 Ilocos Sur.
Binalonan, Pangasinan: c/o Santiago Partido, Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses, Binalonan, 2436 Pangasinan.
Mangaldan, Pangasinan: c/o Benjamin Caberto, Sr., 97 Salay, Mangaldan, 2432 Pangasinan.
Quezon City (1): P. O. Box 2044, 1099 Manila.
Mabalacat, Pampanga: c/o Generoso D. Canlas, 142 MacArthur Highway, Dau, Mabalacat, 2010 Pampanga.
Lucena City: c/o Emilio Pascua, Employees Subdivision, Gate 1, 4301 Lucena City.
Iriga City: c/o Leonardo de Villa, 38 Waling-waling Street, San Miguel, 4431 Iriga City.
Iloilo City: 65 Escarilla Subdivision, Mandurriao, 5000 Iloilo City.
Cebu City: c/o Parcon’s Machine Shop, Bagumbayan Street, 6000 Cebu City.
Tacloban City: 185 M. H. del Pilar Street, 6500 Tacloban City.
Dumaguete City: c/o Alexander Echon, 110-A Springville, Tubod, 6200 Dumaguete City.
Butuan City: Kingdom Hall, Capitol Avenue, 8600 Butuan City.
Tagum, Davao del Norte: Kingdom Hall, 1036 Rizal Street, Tagum, 8100 Davao del Norte.
Tandag, Surigao del Sur: Kingdom Hall, Dawis, Tandag, 8300 Surigao del Sur.
Oroquieta City: c/o Eustaquio Lumasag, Capitol Site, 7207 Oroquieta City.
Tantangan, South Cotabato: c/o Liberato Supnet, New Cuyapo, Tantangan, 9510 South Cotabato.
Disyembre 29-31, 1989
Tuguegarao, Cagayan: c/o Nolia’s Beauty Parlor, 77 Gonzaga Street, Tuguegarao, 3500 Cagayan.
Bayombong, Nueva Vizcaya: c/o Trinidad V. Bunuan, Market Site, Diversion Road, Bayombong, 3700 Nueva Vizcaya.
Agoo, La Union: c/o Noel Rivera, Bubblebee Burgerland, Agoo, 2504 La Union.
Alaminos, Pangasinan: c/o Bonifacio Rancudo, 20 Don Carlos Garcia Street, Alaminos, 2404 Pangasinan.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, 2300 Tarlac.
Quezon City (2): P. 0. Box 2044, 1099 Manila.
Marikina, Metro Manila: Kingdom Hall 273 Molave Street, Concepcion, 1800 Marikina, Metro Manila.
Balanga, Bataan: c/o Cecilio Fabunan, Lot 3, Cupang, Balanga, 2100 Bataan.
Puerto Princesa City: Kingdom Hall, Malvar Street, 5300 Puerto Princesa City.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, 6100 Bacolod City.
Tagbilaran City: c/o Felix Acma, 44 R. Palma Street, 6300 Tagbilaran City.
Maasin, Southern Leyte: c/o Conrado Balaga, Rosario Village, Asuncion, Maasin, 6600 Southern Leyte.
General Santos City: Kingdom Hall, 8 Siniguelas Street, 9500 General Santos City.
Davao City: Kingdom Hall, Corner Lopez Jaena and F. Torres Streets, 8000 Davao City.
Cagayan de Oro City: c/o Nicolas Reymundo, Jr., 52 Vamenta Blvd., Carmen, 9000 Cagayan de Oro City.
Zamboanga City: Kingdom Hall, 541 San Jose Road, Baliwasan, 7000 Zamboanga City.
Enero 5-7, 1990
Masbate, Masbate:a c/o Yolando Alburo, 56-K Tara Street, Masbate, 5400 Masbate.
BAUTISMO: Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat na nasa kanilang upuan sa itinalagang seksiyon bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Isang mahinhing pambasa at tuwalya ang dapat na dalhin ng bawa’t isa na nagpaplanong magpabautismo. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman ng sesyon ay magbibigay ng maikling tagubilin sa mga kandidato sa bautismo at pagkatapos ay magpapaawit. Sa pagpapasimula ng huling stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo sa lugar na pagbabautismuhan o sa mga sasakyan na magdadala sa kanila doon, habang ang tagapakinig ay patuloy na kakanta hanggang sa katapusan ng awit. Yamang ang bautismo na sagisag ng pag-aalay ng isa ay isang malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova, walang paglalaan para sa tinatawag na kapartner sa bautismo na ang dalawa o higit pang kandidato sa bautismo ay magyayakap o maghahawak ng kamay habang binabautismuhan.
MGA PANTANGING PAGPUPULONG: Isang pulong ang gaganapin kasama ng lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:15 n.u. ng Biyernes, samantalang isang pulong kasama ng mga matatanda ang idaraos sa 11:15 n.u. ng Sabado. Ang lugar para sa mga pulong na ito ay ipatatalastas sa plataporma.
PIONEER IDENTIFICATION: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at naglalakbay na tagapangasiwa ay dapat na magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga payunir na nasa talaan mula pa noong Hulyo 1, 1989 o bago pa ang petsang ito ay maaaring tumanggap ng mga tiket ng kombensiyon na nagkakahalaga ng ₱50.00 kapag iniharap nila ang kanilang ID card sa isa lamang kombensiyon. Maingat ninyong pangalagaan ang card tulad sa pera. Hindi na ito papalitan pa sa kombensiyon. Anumang ipagkakaloob na releases o iba pang literatura sa halaga ng payunir ay makukuha ng mga payunir sa bookroom kapag ipinakita nila ang kanilang ID card.
BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD: Ang tulong ng boluntaryo ay kinakailangan para sa maayos na pagkilos ng isang pandistritong kombensiyon. Kahit na kayo ay makagagawa para sa ilang bahagi lamang ng kombensiyon, ang inyong paglilingkuran ay pinahahalagahan. Kung kayo ay makatutulong, pakisuyong makipagkita sa Volunteer Service Department kapag kayo ay dumating sa kombensiyon. Ang mga anak na wala pang 16 na taóng gulang ay maaari ring makatulong sa ikapagtatagumpay ng kombensiyon, subali’t sila’y hinihilingang magtrabaho kasama ng kanilang magulang o ng iba pang responsableng mga maygulang.
LAPEL CARDS: Pakisuyong isuot ang lapel card na pantanging dinisenyo para sa kombensiyon at habang naglalakbay patungo at paalis sa lugar ng kombensiyon. Kadalasan ito ay nakatutulong sa atin na makapagbigay ng isang mainam na patotoo habang naglalakbay. Ang mga lapel card ay dapat na kunin sa pamamagitan ng kongregasyon, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa mga kombensiyon. Ang lapel card ay 15¢ ang isa at ang lalagyan nitong celluloid ay ₱1.00 ang isa. (Pansinin ng kalihim: Ang lapel card ay dapat na pinidido sa Special Order Blank for Forms. Kung hindi ito naisagawa, ipadala ang pidido sa isang regular S-14 ngayon para dito.)
ISANG BABALA: Saan man kayo dadalo, bantayan ang inyong mga dala-dalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking ito ay nakasusi at huwag kayong mag-iiwan ng mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Gayundin, mag-ingat sa mga magnanakaw at mandurukot na naaakit ng malalaking pagtitipon. Lakip dito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga kung walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon. Pakisuyong mag-ingat.
[Talababa]
a Ito’y isang pagbabago mula sa nakaraang patalastas sa Setyembre ng Ating Ministeryo sa Kaharian.