Mag-alok ng mga Magasin sa Bawa’t Pagkakataon
1 Mahigit sa 100 taon na, Ang Bantayan ay nagtataguyod sa katotohanan ng Kaharian. Ginagamit nito ang Salita ng Diyos bilang isang tabak na naghihiwalay sa mga kamaliang relihiyoso at naglalantad sa mga huwad na turo. Ang magasing Gumising! ay nagtataguyod din sa katotohanan. Para sa mga taong nakahilig sa katuwiran, ito ay maaaring pumukaw ng kanilang interes sa maka-Kasulatang materyal na masusumpungan sa iba pang mga publikasyon ng Samahan. Ano ang maaari nating gawin upang ipasakamay ang mga magasing ito sa higit pang maraming tao?
2 Ang unang hakbangin ay ang alamin ang nilalaman ng mga magasin. Ito ay nangangahulugan ng pagbabasa ng mga ito kapag natanggap ang mga ito at pagkatapos ay ipakipag-usap ang mga artikulo nito sa iba pa sa kongregasyon. Ito ay makatutulong sa atin na maging positibo at masigla sa pag-aalok nito sa iba.
3 Ang susunod na hakbangin ay ang magtakda ng panahon bawa’t linggo sa pag-aalok ng mga magasin sa iba. Gawing bahagi ito ng inyong regular na eskedyul. Kayo ba ay alisto sa iba pang pagkakataon upang mailagay ang mga magasin?
MAGSALITA SA MGA TAO
4 Kapag nasa paglilingkod sa larangan, lapitan ang mga tao habang kayo ay naglalakad sa daan. Makipag-usap sa mga nakaupo sa sasakyan, sa nagtatrabaho sa kanilang looban, o naghihintay ng sasakyan. Ipakita ang isang espesipikong artikulo at isang kapanapanabik na punto. Gumamit ng mga ilustrasyon upang antigin ang kanilang interes. Makipag-usap sa mga tao sa palakaibigan, positibong paraan, at iharap ang tiyak na mga punto na nakita ninyo sa pagbabasa ng mga magasin.
IBA PANG MGA PAGKAKATAON
5 Subukin din ninyo ang mga mungkahing ito sa mga lugar ng negosyo. Samantalahin ang mga pagkakataon kapag ang mga negosyante ay hindi masyadong okupado sa kanilang mga suki. Maraming mga mamamahayag ang nakakasumpong na madaling makapaglagay ng mga magasin sa lugar ng negosyo kaysa sa regular na gawain sa bahay-bahay.
6 Nasubukan na ba ninyong magtatag ng ruta ng magasin? Kapag kayo ay nakapaglagay ng mga magasin, ipabatid sa mga tao na kayo’y nagagalak na magbalik pagkaraan ng ikalawang linggo taglay ang susunod na mga isyu. Nagugustuhan ng marami na personal na irasyon sa kanila ang mga ito.
7 Maaaring hanapin pa ang ibang mga pagkakataon, tulad ng pagpapatotoo sa gabi, pakikipag-usap sa mga kamag-anak, o kung naglalakbay o namimili. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga mungkahing ito, maaari nating matulungan ang marami na maging regular na mambabasa ng ating mga publikasyon sa Bibliya.