Pagpapatibay sa Malapit na Ugnayang Pampamilya
1 Dahilan sa marami ang kumukuha ng ating panahon, ang mga magulang ay napapaharap sa isang hamon upang gawing matatag ang pamilya sa tunay na pagsamba. Ang mga Kristiyanong pamilya ay nangangailangan ng mahigpit na buklod upang makatulong sa kasalukuyang mahirap na panahon. (Ecles. 4:9-12; 2 Tim. 3:1-5) Kapag nililinang ang espirituwalidad ang pamilya ay napatitibay.
PAGKAKAROON NG ESPIRITUWAL NA MGA KATANGIAN
2 Ang mga pulong ng kongregasyon at pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay mahahalagang bagay sa lingguhang eskedyul ng pamilya. (Deut. 6:6, 7; Heb. 10:23-25; w86 11/1 pp. 23-5) Gayumpaman, higit pa ang kinakailangan. Ang isang kasiyasiyang ugnayang pampamilya ay nangyayari kapag ang mga magulang ay may tunay na interes sa espirituwal na kapakanan ng mga anak. Sa Israel, ang mga magulang ay may pananagutan para sa edukasyon at pagsasanay ng kanilang mga anak, na tinuturuan sila kapuwa sa salita at halimbawa. Ang programa ukol sa edukasyon ng Israelita ay sumasaklaw sa praktikal na pagsasanay tungo sa pagkamaygulang, pagtuturo ng pagbasa at bihasang pagsulat, at tagubilin upang magkaroon ng mga espirituwal na katangian. Sa pagtuturo sa mga anak, ang pagdiriin ay inilalagay sa pagkatakot kay Jehova, sa Kautusan, paggalang sa mga magulang at matatandang tao, at sa kahalagahan ng pagsunod.
3 Ang mga magulang ngayon ay dapat na magsikap na gamitin ang mahalagang panahon kasama ng kanilang pamilya araw-araw. Ang espirituwal na bagay ay maaaring talakayin sa isang impormal na kalagayan, tulad sa panahon ng pagkain upang patibayin ang kinakailangang espirituwal na mga katangian sa mga anak upang sila’y makaiwas sa patibong ng sanlibutan!—1 Cor. 3:10-15.
TAMASAHIN ANG KAGALAKAN NG PAGLILINGKOD SA LARANGAN
4 Ang kagalakan ay isang emosyon na nagaganyak sa pamamagitan ng pananabik. Kapag ang isang tao ay nakahanda sa paglilingkod sa larangan, wasto siyang makakaasa sa mabubuting resulta. Kaya, ang paghahanda ay siyang susi sa maligayang paglilingkod sa larangan. Ang palagiang pagsasanay ng pamilya kung ano ang sasabihin bago magtungo sa paglilingkod sa larangan ay nagbibigay ng pagtitiwala.—Ihambing ang Tito 3:1b.
5 Sa pamamagitan ng paggawang kasama ng kanilang mga anak sa ministeryo, matutulungan sila ng kanilang mga magulang na magkaroon ng personal na interes sa mga tao gaya ng ipinakita ni Jehova at ni Jesus. Ang ministeryo ay makatutulong din sa atin na magkaroon ng isang malapit na kaugnayan kay Jehova. (w81 11/1 pp. 14-20) Ang ilang pamilya ay nagsasaayos na magsamasama sa buong araw, at nagpaplano ukol sa kasiyasiyang paglilibang pagkatapos ng paglilingkod sa larangan. Ito’y nagpapangyaring magkaroon ng panahon para sa pag-uusap sa isang panatag na kapaligiran anupa’t pinaglalapit nito ang mga magulang at mga anak.
6 Maging determinado na pasulungin ang kinakailangang kakayahan sa pakikipag-usap upang maingatan ang malapit na kaugnayan sa inyong mga anak. Huwag pahintulutan ang anuman na makahadlang sa inyo sa paggamit ng kinakailangang panahon upang mapatibay ang espirituwalidad ng inyong pamilya.—Awit 127:1; Kaw. 24:3.