Gamitin ang mga Brochure Upang Ibahagi ang Inyong Pag-asa sa Kaharian
1 Habang nasasaksihan natin ang katuparan ng hula ng Bibliya, tayo’y nagagalak sa ating pag-asa sa Kaharian, at tayo’y napakikilos na salitain ang tungkol dito sa sinumang makikinig. (Luc. 6:45; Roma 12:12) Ang paggamit natin ng mga brochure sa ministeryo sa larangan sa Agosto ay isang paraan upang maibahagi natin sa iba ang ating pag-asa sa Kaharian gaya ng ipinag-utos ni Jesus.—Mat. 24:14.
2 Yamang marami tayong mapagpipiliang brochure, alin sa mga ito ang angkop sa mga tao sa ating teritoryo at makapupukaw ng kanilang interes? Upang magamit na mabuti ang mga brochure, kailangang alam natin ang nilalaman ng mga yaon. Ang sumusunod na maikling pagrerepaso ay makatutulong sa atin sa bagay na ito.
3 Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso: Nang si Jesus ay nasa lupa, ang Kaharian ng Diyos ang tema ng kaniyang pangangaral. Ang brochure na ito ay nagpapakita na ang Kaharian ay isang tunay na pamahalaan at ito ang lulutas sa mga suliranin na nagpapahirap sa buhay ngayon.
4 Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!: Nagpapaliwanag ito kung bakit nilikha ng Diyos ang tao at kung papaano natin tatamasahin ang buhay sa lupa magpakailanman. Ang mga ilustrasyon at maikling paliwanag sa brochure na ito ay makakaakit sa mga kabataan at sa mga limitado ang kakayahang bumasa.
5 Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman: Ang brochure na ito ay tumatalakay sa pangalan ng Diyos mula sa maka-Kasulatan at makasaysayang pangmalas, na nagpapakita kung bakit mahalaga para sa mga Kristiyano na malaman ang pangalan at gamitin iyon sa kanilang pagsamba.
6 “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”: Ang brochure na ito ay naglalarawan ng paraiso at nagpapatibay ng pagpapahalaga sa Bibliya at sa ating Maylikha. Pagkatapos talakayin kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang kasamaan, itinutuon nito ang pansin sa tatlong saligang aral ng Bibliya: ang pantubos, ang pagkabuhay-muli, at ang Kaharian. Ang brochure na ito ay may mga tanong din sa ibaba ng mga pahina, upang sa pamamagitan nito ay maging madali para sa atin na maidaos ang pag-aaral sa Bibliya.
7 Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?: Maaaring sabihin ng mga tao na sila’y naniniwala sa Trinidad, pero sila’y nagkakaiba-iba ng paniniwala dito. Sinasagot ng brochure na ito ang mga tanong gaya ng: Ano ang Trinidad? Itinuturo ba ito ng Bibliya? Si Jesus ba ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at bahagi ng isang Trinidad? Ano ang banal na espiritu, at papaano ito kumikilos?
8 Minsang nakapili na tayo ng brochure na gusto nating gamitin, dapat nating repasuhin ang mga artikulo sa huling pahina ng isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Doo’y makikita natin ang mga mungkahi para sa pag-aalok ng ating literatura at pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli sa layuning mapasulong ang interes at mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
9 Sa maraming pagkakataon, maging sa pormal o impormal na pagpapatotoo, isang partikular na brochure lamang ang kailangan natin upang makapagbigay ng isang mainam na patotoo. Ang pagpapala nawa ni Jehova sa ating masigasig na ministeryo ay magbunga upang lalong marami ang makigalak sa atin sa pag-asa sa Kaharian!—Gawa 13:47, 48.